Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

Bukas na Liham

para sa Anghel kong Asul,

              Marahil hindi mo inaasahan ang sulat kong ito. Mangangamusta lang sana sa isang kaibigang matagal ko na ring hindi nakakausap at nakakasama. Marami tayong napag-usapan, napagkuwentuhan at napagtawanan. Hindi ko malilimuatan ang lahat ng iyon—ang mga panukso, pag-aasaran, pagtatalo at ang ‘pambabara’ natin sa isa’t isa. Masyadong masaya kung iisipin, pero di ko lubusang maisip na titigil lang pala ito ng basta-basta.

            Ngayon ko naramdaman ang pagkalungkot sapagkat natapos na ang lahat. Hindi man lamang pumasok sa isipan kong magiging ganito ito. Minsan nasabi ko, sana hindi na lang natapos. Sana hindi na rin nagsimula. Bakit hindi aliquant ang isang pagkakataong puno ng saya. Noong una ay maayos ang lahat ngunit kumalaunan, wari’y hindi ko na maipaliwanag. Naghintay lang ako sa wala. Bigla akong natigilan sa mga reaksyon mo, para bang gusto nang lumabas ang mga luha kong matagal nang hindi dumadaloy sa aking mga pisngi. Hindi dapat ito mangyari. Ayokong pumayag sa nararamdaman ko. Hindi ito totoo! Hindi maaari!

            Hindi ko naisip na sa’yo ko ulit mararanansan ito, alam kong mali kaya dapat pigilan. Ayoko mang isipin na higit pa sa kaibigan ang turing ko sa’yo. Lalong hindi ako makapaniwala na mahuhulog ako sa iyo, mahuhulog at walang sasalo. Alam kong hindi mo nararamdaman ang nadarama ko. Hindi rin kita pinipilit. Ayoko na ring ipagpatuloy ang pag-ibig na tio na isa sa pinakamagandang bagay na naranasan ko dahil wala rin naming papupuntahan ang damdamin ko para sa iyo.

            Ngayong nagtapos na ang klase at tiyak na miminsan na lang tayong magkikita siguradong maaalala kita. Kahit wala ka mang naibigay na material na alaala, sapat na ang kasiyahan na dulot mo sa akin. Mahihirapan yata akong kalimuatn ka, hayaan ko na lang siguro na ipaubaya sa panahon itong damdamin ko. Hindi man tayo magkabarkada o tipo ng magkaibigan na palagiang nakakasama, pakiramdam ko kilalang-kilala na kita at lubos na ang kagalakan ko magkita lang tayong dalawa.

            Sawsabiahin ko lang sa iyo na kahit na anong mangyari nandito pa rin ako bilang kaibigan, karamay at magmimistulang anghel kung nanaisin mo. Baka hindi lang talaga tayo para sa isa’t isa. Ngunit kung dumating man ang panahon na ikaw naman ang mahulog sa akin huwag kang mag-alala, di ko ipagdadamot ang pagmamahal na minsan sa iyo ay nadama. Hihintayin ko lang iyon…sana.

IV-Wisdom

<<Back    Next>>     Home   Literary Collections