Kulang ba ang baon mo?
Ilang buwan na ang nakalipas nang mangako ng dagdag sa sahod ang gobyerno. Kahapon lang nagusap-usap na ang mga kinauukulan tungkol dito at inaasahang hindi matatapos ang linggong ito, lalabas na ang bagong wage order na magbibigay katuparan sa pangakong ito. Pero magtataka ka siguro o di kaya’y mainis dahil imbes na magpasalamat at nakuha pang magrali ng mga manggagawa para higit pang taasan ang dagdag. Siguro, iniisip mo ring ganid ang mga ito dahil binigay na nga ng gobyerno at mga employer ang kanilang mga kamay, ang gusto pa ng mga manggagawa ay ang kanilang mga braso. Bago ang lahat, maupo ka muna’t isipin ang mga nangyayari sa ating bansa sa ngayon. Hindi ba’t mahigit labing-siyam na ulit nagtaas ang presyo ng langis? At kailan lamang ay sinabi na ng secretary ng Department of Trade and Industry na napipinto na ang pagtataas rin ng presyo ng mga pangunahing bilihin. At sa Lunes nga, tataas na ng piso ang pamasahe. Nang magbukas ang semestre, matatandaang tumaas din ng ilang porsyento ang matrikula natin. Ang mga pangyayaring ito ay patunay lang sa kung gaano kahalaga ang dagdag na sahod para sa mga manggagawa. Ang mahalaga pa rito, ay ang usaping kung sapat nga ba ang ibinigay na dagdag. Ngayon, baka naman iniisip mo kung ano ang kinalaman mo bilang isang estudyante sa usapin ng mga manggagawa. Hindi ba’t apektado ka at ang pamilya mong umaasa sa kinikita ng nanay, tatay, kuya, ate o tiyahin mo? Siyempre, dahil dito, maliit ang baon mo dahil gapatak ang pasok ng pera sa isang pamilyang napakaraming gastos na pagkalaki-laki. Bukod pa sa baon mo (at ng iyong mga kapatid, siguro), hindi pa rin mababago ang araw-araw na isda-gulay na putahe sa inyo, hindi n’yo pa rin makukuhang manood ng sine kahit isang beses kada linggo, o ‘di kaya’y makapamili ng mga bagong damit. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng puspusang "sikap at tiyaga" ng mga manggagawang tulad ng mga bumubuhay sa atin, lugmok pa rin tayo sa kahirapan. Nakakagalit ang sistemang daantaon nang umiiral sa ating lipunan dahil hindi natutupad ang pangakong maginhawa at makataong buhay para sa lahat. Pero hindi sapat na malungkot lamang at magalit. Ang kailangan ay kumilos tayo. Hindi totoong wala magagawa tayong mga estudyante sa kalagayan nating ito. Mag-aral tayo at magsuri sa mga nangyayari sa ating lipunan, tayong may mahabang oras para gawin ang mga ito. Matapos mapag-aralan ay ituro natin ito sa mga magulang, mga kamag-aral, mga kaibigan at iba pa, nang sa gayon ay maging sila ay makita ang pangangailangang baguhin ang sistemang ito sa isang sistemang makatao at magsisilbi para sa ating mga interes. Isa pa’y maki-isa tayo sa mga pagkilos ng mga manggagawa, lalo na para sa iginigiit nilang P 75.50 dagdag na sahod sa ating Kongreso. Gaya ng walis ting-ting, ‘pag mas marami tayo, hindi tayo mababali. At higit sa lahat, ‘wag mong ikahiya ang uring pinagmulan at ang uring patutunguhan: ang uring manggagawa.