Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

 

BUHAY Botante....

ni: Hazel Arellano

 

Ika-14 ng Mayo taong ito – Naitakda at magaganap ang isang napakahalaga pangyayari na kung saan masasaksihan ng sambayanang Pilipino ang mga kandidatong mailuluklok, maglilingkod sa bayan at higit sa lahat tutulong sa muling pagbangon ng bansa sa pagkakasadlak nito sa kahirapan... Ito ay ang HALALAN o ELEKSYON ‘07.

            Ngunit kahit na palapit ng palapit na ang pagdating ng araw na ito ay nananatili pa rin at lalong dumarami ang mga tanong, kuro-kuro, at pag-aagamagam ng taong bayan lalong lalo na ng mga bagong botante ukol sa mga bagay-bagay sa nalalapit na eleksyon  -- sino ang karapat-dapat sa posisyon, paano makakasiguro sa kandidatong iboboto, paano pipiliin ang kandidato at marami pang iba.

             At atin lamang masasagot ang mga katanungang ito kung tayo magsisimulang alamin at payabungin ang ating kaisipan tungkol sa mga taong kumakandidato ngayong eleksyon.

 Ano nga ba?

             Unahin nating gawin ang pagsasaliksik sa kandidatong napupusuan ihalal sa posisyon at isama mo na rin ang kandidatong hindi mo gusto dahil dito mo makikita kung ano ang mga nagawa nila sa kapwa at pati na rin ang mga naibahagi nila sa bayan.

             Saliksikin rin ang mga nais nilang baguhin, idagdag, ibahagi, ang plata porma, kasama na rin ang kanya-kanya nilang mga pangako – libreng edukasyon, maraming trabaho, payapang buhay --- sa madaling salita ay MAGANDANG BUHAY para sa LAHAT!

             Dito inyong mapagtatanto ang mga intensyon ng bawat kandidato at maaring maging isa sa iyong mga batayan ng pagpili sa karapat-dapat bagamat di ito sapat dahil kinakailangan mo pangmapayabong ang kaban ng iyong kaalaman at wag lamang basta-basta magpapadala at mapaniwala ng mga nakikita o nababasa... MAGSALIKSIK PA!

             Suriin mabuti kung kapanipaniwala ang mga impormasyon na nakuha pati na ang kalidad ng mga ito dahil kung hindi mabuting umulit sa simula dahil baka sa pusali pa mapunta ang boto mo.

             Bigyan mo ng pansin ang kapakanan mo at ng bayan – na sa pagpili mo ng kandidato ay di lang basta porma, mahusay na jingle, at campaign ads na nakakapukaw ng atensyon ang pagtuunan ng pansin kundi sana pati na rin ang ibubuga nila sa pagsabak nila sa politika at kanilang intensyon sa bayan.

             Wag ka sana masilaw sa “pakitang tao” na ginagawa nila ngayong eleksyon dahil baka ito lamang ay isang balat-kayo at isang maskara lamang ang hinaharap niya sa iyo.

            

KAYA KILALANIN MO

 

 ANG IBOBOTO MO!