FPJ for President? Ano ka hilo??

 

Noong ako ay nasa elementarya pa lang, isa ako sa masugid na taga subaybay ng mga pelikula ni FPJ. Kung di ako nagkakamali, tuwing sabado yata yun sa channel 7. Hindi ko talaga pinapalampas ang bawat palabas kahit madalas ay replay na lang naman! At kahit nung nasa kolehiyo na ako, basta't may bago syang pelikula, di ko iyon pinapalampas. Sa madaling salita, isa akong FPJ fan!

At ng lumabas sa mga balita ang di umano'y balak na pagtakbo ni FPJ bilang pangulo ng Pilipinas, lihim akong napapangiti. At lalong naging madalas ang aking lihim na mga ngiti dahil halos araw-araw na lang ay laman sya ng balita. Na gusto siya ng masa; na hindi sigurado kung tatakbo nga; na suportado sya ni Erap at kung anu-ano pa. Naisip ko, minsan kailangan natin ng mga ganitong balita upang pansamantala'y mapawi ang mga lungkot natin. Kahit paano ay nagawa akong panginitiin ng balitang ito. Nangingiti ako dahil sa aking isip ay naglalaro ang katanungang: Ano na ba nangyayari sa Pilipinas kong mahal?!

Sabi ko sa aking sarili: Subukan mong tumakbo bilang pangulo ng bansa at ng masaksihan mo ang pag iwan sayo ng isang dakila mong tagahanga sa pelikula! Subukan mong tumakbo at ewan ko na lang kung manood pa ako ng mga pelikula mo! Subukan mong tumakbo at para mo na ring winalanghiya ang Pilipinas kong mahal! Kaya doon sa mga nagsusulsol upang siya'y tumakbo, maawa naman kayo! Ano ba kayo? Hilo?

July 14, 2003

.

---------------------------------------------------------------------------------

[home][About Me][Photo Gallery][Analysis & Opinion]

[Links][What's New][Miscellaneous Stuff][Contact Me]

Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!