Wasak ang tiyan ng Quezon Ave. Wakwak ang bituka niya, hinuhukay ng makina, nakatambak sa sidewalk, inaalikabok ang kirot. No hurt feelings, matagal ko na namang napatawad ang trapik. Dahil araw-araw habang stranded sa kalsada, inuunahan na ko ng isip ko. Kung taksi, nasa Philcoa na ako. Kung kotse, nasa UP na ako. Kung motorsiklo. Kung helicopter. Yate. Rocketship. Pero ano bang kalsa-kalsada. Ano bang trapik-trapik. E, hindi ko naman kailangang magpunta sa eskuwela araw-araw.
Ako na ang pinaka-gagong tao sa mata ng mga magulang ko ngayon. Ang tingin sa akin ngayon ng Nanay ko, kriminal. Puro kahihiyan na lang daw ang inaakyat ko sa pamilya. Ngayon pa, sabi niya, ngayon ka pa magloloko. Pero sa totoo lang, naiintindihan ko siya un’ng araw na nabasag lahat ng mga pigurin sa bahay.
E may dalawa pa akong kapatid sa elementarya. Habang naguguluhan pa sila sa katuturan ng Millenium Curriculum, umabot sa halos 400 orivate schools ang pinayagan ng CHED na magtaas ng matrikula ngayong taon. Walumpu’t lima pa sa mga paaralang ito, dito sa kinalalagyan naming NCR. Walang konsultasyong nangyayari, at kadalasa’y sa resibo na lang nagkakaalaman. Hindi rin naman napupunta kela Mr. Solis ng Home Economics o Mrs. Rigodon na nangangalaga sa records, ang 70% ng itinaas ng matrikula. Wala pang kuryente sa 2nd floor, nagkakadengue ang mga bata, samantalang itinatakdang 20% naman ang dapat mapunta sa pagpapasaayos at pagpapaganda ng mga pasilidad. Malamang, higit pa sa itinakdang 10% na para sa return of invesments o dagdag-kita ang napupunta sa bulsa ng may-ari ng mga paaralan. Bukod pa rito ‘yung kung anu-anong bayarin at fees na wala namang kongkretong kinahihinatnan.
Nagyon ko pa ba patatagalin ang paggapang ng mga magulang ko ng pang-tuition, samantalang dito sa Up tulad ng iba pang state colleges and universities sa bansa, patuloy ang pagtaas ng matrikula. Ayon kay Gloria, dapat daw kumita ng pera ang mga pamantasang ito – at unti-unti at sistematiko nga niyang inaalis ang responsibilidad ng pamahalaan na magbigay ng de-kalidad na edukasyon sa lahat. Ngayong taon, halos kalahati ang kakulangan ng UP sa budget. Sa halagang P7.2B na kailangan para suportahan ang 11 kampus pati operasyon ng PGH, P4.6 lang ang inilaan dito. At maabutan pa ‘ata ako ng bwukanamshet na NSTP.
Gago nga siguro ako, dahil habang nagkakaloko-loko ang pag-aaral ko, niloloko-loko rin ng pamahalaang Arroyo ang kinabukasan ng kabataan. Pero sa hirarkiya ng mga gago – ang pamahalaang mas pinahahalagahan ang militar na yumuyurak rin naman sa karapatang pantao ng mga dapat ipinagtatanggol, at mas prayoridad ang pambayad-utang panlabas sa halip na serbisyong panlipunan at kapakanan ng mamamayan – yun na ang kagagu-gaguhan.
|