Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

KASAYSAYAN NG MGA TUNAY NA PANGYAYARI

SA BUHAY AT KATAUHAN

NI

GAUDIOSO PARABUAC

PAUNANG SALITA SA LAHAT

Ang bawa't taong isinilang ay may kani-kanyang tungkuling dapat niyang gampanan sa kapatagang lupang ito na siya nating ginagalawan. Ang iba'y nagtatamasa ng mga kaginhawahan, aliw at kasaganaan sa buhay sa pagsisikap nilang sila'y guminhawa. Ang iba naman ay naghihikahos at nananatili sa kahirapan. Kaya't sa lipunan ng mga pamayanan ay kaydami ng mga naaapi at nagsisiluha at may mangilan-ngilan ding umaani at humahalakhak sa kanilang tinatamasang pananagumpay sa kasaganaan, sa mabuti man o sa masamang kapamaraanan. Datapwa't sumpain ang mga taong nagsisipagsamantala sa kahinaan ng nakararaming mga mahihirap sa pamamagitan ng panlilinlang upang magsipagkamit lamang ng kasaganaan at mariwasang pamumuhay.

Kaya't minarapat ng inyong maliit na lingkod na kahit na bahagya ay maipamahagi ang bunga na siyang magdudulot sa mga taong nagsisipaghangad ng kaliwanagan at nagnanais makalasap ng mga aral sa paghanap ng matuwid na landas ng isang magandang kinabukasan.

Hindi hinangad ng sumulat nito ang siya ay matanghal, kung hindi, ang maipamahagi ang liwanag na kanyang natagpuan upang magsilbing tanglaw sa mga isipang nadirimlan, ng sa gayon ay maikalat ang liwanag ng katotohanan na siyang magbibigay-daan upang ang pananalig sa Poong Maykapal at ang pag-ibig ay manatili magpasawalang hanggan.

-------o0o-------

Ako ay isinilang sa Baryo ng Lingga, Calamba, Laguna noong Oktubre 28, 1911. Ang aking kinagisnang mga magulang ay nasa angkan ng liping mahihirap. Ang aking ama ay si Julio Parabuac at ang akin namang ina ay si Monica Gochonco. Ang aking lola ay si Josefa Elasigue na ina ng aming ama at ang amin namang lolo ay si Zacarias Parabuac na siyang ama ng aming ama. Ang ina naman ng aming ina ay si Saturnina dela Cruz at ang amin namang lolo sa aming ina ay si Juan Gochonco na isang mistisong Intsik. Ang hanapbuhay ng aming ama na aking kinagisnan ay isang manggagawa sa lupain ng isang propritaryong nagngangalang Juan Baricanosa na nakatira rin sa Baryo ng Lingga. Ang kanyang lupain ay nasa Baryo ng Pansol na sakop ng Bayan ng Calamba na ang nakatanim ay pawang tubo. Sa pagiging kasama sa nasabing lupain nanggagaling ang aming ikinabubuhay.

Kami ay tatlong magkakapatid. Ako ang panganay at ang sumunod sa akin ay si Cresencio, at ang pangatlo ay si Sarah. Sa pang-apat na pagdadalang-tao ng aming ina ay doon na nagsimula ang kanyang karamdaman hanggang sa mauwi ito sa pagkaagas o pagkalaglag ng sanggol sa sinapupunan ng aming ina. Sa ganitong kalagayan ng aming ina ay minabuting ipasok siya sa pagamutan kaya pinagsikapan ng aming ama at ng maawaing propritaryo na dalhin ang aming ina sa Philippine General Hospital sa Maynila. Siya ay isinakay sa bapor sapagkat noong panahong iyon ay wala pang mga sasakyan na nagyayaon paroo't parito na kagaya ng tren, trak at mga awto. Ang aking edad noon ay 5 taon at 3 buwan, ang sumunod naman sa akin na si Cresencio ay 4 na taon at 1 buwan, at ang amin namang bunso ay 1 taon at 3 buwan ng bawian ng buhay ang aming ina. Siya ay namatay sa nasabing ospital na pinagdalhan ng aking ama at ng maawaing propritaryo, at ang bangkay ay hindi na namin nakuha sapagkat hindi nakayang bayaran ng aking ama ang hinihinging halaga ng ospital kaya't pumanaw ang aking ina na hindi man lamang namin nasilayang magkakapatid.

Ang nuno naming si Juan ay hindi na namin inabot o kinagisnan sapagkat ang aming lola Saturnina ay maagang nabalo at ang aming kinagisnang lolo ay si Julian dela Cruz na ikalawang asawa ng aming lola Saturnina. Kaya ng ako ay edad pa lamang isang taon, ang nag-aruga na sa akin ay ang aking lolo Julian. Patuloy ang paglakad ng mga araw hanggang ang aming lola Saturnina ay binawina na rin ng buhay ng Poong Maykapal. Nang mamatay ang aming lola ay bumukod na kaming maglolo at humiwalay na kami sa aking ama at dalawang kapatid at nagtayo na lamang kami ng isang maliit na kubo sa isang lugar na malapit sa baybayin ng Laguna de Bay. Namuhay kaming magnuno na magkasama, at ang aming tanging ikinabuhay ay ang pamamalakaya at pangingisda sa dagat.

Nang ako ay sumapit na sa gulang na limang taon ay sinikap ko ang makapag-aral sa paaralang tagalog na ang mga pinag-aaralan ay galing din sa mga prayle, at ang mga ito ay ang cartilla, caton, catisismo, pagsulat, pagkukuwenta ng mga numero at iba pa. Ang aking naging maestro ay si Manuel Banatin na nakatira sa Baryo Palingon at doon kami nagsipag-aral, at kami ay humigit-kumulang sa mga 40 bata. Sa unang taon ng aking pag-aaral ay natapos ko ang pagbasa, pagsulat at pagkukuwenta. Nang ako ay tumuntong na sa edad na 6 na taon ay pinilit kong ako ay makapag-aral sa paaralang Inggles. Sapagkat ako naman ay marunong ng sumulat at bumasa sa wikang Tagalog at magkuwenta ng mga numero ay umasa akong madali ko ng matututunan ang wikang Inggles at iba pang ituturo subali't ako ay hindi tinanggap sapagkat ang edad ko pa lamang ay 6 na taon at hindi ko pa maabot ang aking tainga ng aking kanang kamay. Nang husto na akong 7 taon ay nagsimula na akong pumasok sa paaralang elementarya ng Baryo Aplaya. Nang matapos ko ang tatlong taon sa nasabing paaralan ay kinailangan ko ng lumipat sa paaralan sa Bayan ng Kalamba upang doon ko tapusin ang huling tatlong taon ng elementarya. Natapos ko ang 6 na taon ng pag-aaral subali't hindi na ako nakapagpatuloy dala ng aming labis na kahirapan kaya't ako ay napatigil ng taong 1923.

Mula noong ako ay mapatigil na sa aking pag-aaral ay sinikap ko na lamang na makatulong sa paghahanapbuhay sa aking lolo Julian sa pamamagitan ng pamamalakaya sa dagat. Noong mga panahong iyon ay wala pang mga sasakyan na pinaglululanan ng mga kalakal na nagbubuhat o nanggagaling sa Calamba maliban na lamang sa kasko na ang humihila ay isang "Lancha Remarque" na isang bapor na maliit na ang ginagamit na panggatong upang umusad ay karbon. Ang kasko na pinaglululanan ng mga kalakal ay may laki ng 3 paraw. Ang haba nito ay 15 metro at ang luwang naman ay 4 at ½ metro. Ang mga ikinakargang produkto dito ay ang gaya ng sumusunod: saging, upo, talong, ampalaya, patola, kalabasa, kamote, kamatis, sintunes, kalamansi at iba pang uri ng mga gulay. Kung minsan naman ay naglululan din ito ng mga baka, kalabaw, baboy, manok, kambing at tupa. Itong mga kalakal na ito ang nagmumula dito sa bayan ng Calamba na dinadala o iniluluwas sa Maynila tuwing araw ng Biyernes. Matapos na ang mga ito ay maidiskarga sa Maynia, ang kasko ay bumabalik tuwing araw ng Huwebes at ang dala namang mga kargamento ay kagaya ng harina, gaas, paldo ng mga papel, paldo ng mga damit, mga de lata at iba pa.

Namasukan kaming maglolo sa ganitong uri ng hanapbuhay at may kasama kaming dalawa pang katulong namin sa gawaing ito. Kung araw ng Huwebes ay sinasalubong namin ang kasko at kami ay napalalaot sa dagat na lulan naman kami ng paraw na ginagamitan namin ng tiking kawayan upang aming mailapit sa kasko sapagkat hindi maaaring sumadsad sa tabi sanhi sa bigat ng isinasakay na mga kargada. Ang aming paraw ay iniaagapay namin sa kasko at pagkatapos naming maitali ang lubid na pamigil ay saka naman namin didiskargahin ang mga kargadang nasa loob ng kasko upang ang mga ito naman ay aming mailapit sa pampang na kung saan may mga naghihintay namang mga kariton na siyang pagsasakyan ng mga kalakal. Kung araw naman ng Biyernes, ang mga kalakal naman na buhat sa Calamba ang aming inililipat sa kasko na dadalhin naman sa Maynila. Pinagtiisan naming maglolo ang ganitong uri ng hanapbuhay na totoong napakahirap subali't ang kaunti naming kinikitang halaga ay lubos ng nakapagpapasaya sa amin. Sa pagsisikap kong lalo pang makatulong sa aking lolo ay pumapasok pa akong pahinante sa mga trak na nagsisipagkarga ng mga graba, buhangin at boulder na dinadala sa mga ginagawang karsada.

Anupa't ng dumating ang panahon na marami na ang mga karsadang nayari at hanggang sa nagkaroon na pati ng railroad na tinatakbuhan ng mga tren at dumami na rin ang mga sasakyang nagyayaot dito hanggang sa lunsod ng Maynila, ay tumigil na kaming maglolo sa pagiging pahinante ng kasko. Nang sumapit na ako sa edad na 17 taon ay humiwalay na ako sa aking lolo Julian at naghanap na muli ako ng ibang mapapasukang trabaho at ako naman ay nakakita agad sa pamamagitan ng ilang mga kaibigan. Ako ay ipinagsama nila sa Maynila kung saan ako ay napasok bilang isang kutsero sapagkat noong panahong iyon, ang ginagamit sa mga lansangan ay ang mga kalisin na hinihila ng mga kabayo. Bukod sa rito ay ginagamit na rin ang trambia noong panahong iyon. Sa aking pangungutsero ay nalaman ko ang mga hirap at kapanganiban ng trabahong ito. Sa munting pagkakamali ay may katumbas na multa; sa maling parada, kapag may sugat ang kabayo o kahit na mapagbintangan ka lamang ay hindi ka bibigyan ng katwiran ng mga awtoridad o mga sekreta at pagdaka ay papatawan ka ng multa. Kung ikaw naman ay walang maimulta o kaya ay ayaw kang tubusin ng may-ari ng kalisin at kabayo ay tiyak na sa kulungan ang bagsak mo at bibilang ka ng mga araw ayon sa ibibigay nilang panahon sa iyo bago ka palayain. Kaya ang trabahong ito ay iniwanan ko na at minasarap ko ng muling magbalik sa dagat sa pamamagitan ng pangingisda sapagkat wala ako ditong panginoon kung hindi ang aking sarili.

Lumipas ang tatlong taon at ako ay napauwi sa baryo Anos, Los Baños, Laguna sapagkat ang aking ale na si Anastacia Parabuac na kapatid ng aming ama ay may bahay doon. Sa bahay na ito tumira ang ina ng aking ama at dito rin napatira ang aking kapatid na si Sarah sapagkat ng mamatay ang aming ina ay nag-asawang muli ang aming ama at siya ay napaiwan na sa Aplaya na kung saan pumisan sa kanya ang kanyang napangasawa. Nang taong 1928 ay pinalad naman ako na magkaroon ng trabaho sa Meralco sa baryo ng Butucan sakop ng bayan ng Luisiana kung saan kasalukuyang may hinuhukay na malaking dam para sa kuryente ng Meralco. Pagkatapos ay nadestino naman ako sa Pagsanjan, Laguna na siyang naging katapusang hintuan ng tren papuntang silangan. Doon ibinababa ang lahat ng mga materyales na inililipat naman sa mga trak na malalaki na siyang magdadala sa Butucan kung saan ginagawa nga ang isang malaking dam. Nakasama ako sa mga nagkakarga at nagdidiskarga ng mga materyales, at makalipas ang mga dalawang taon ay nagbawas na ng mga tauhan at isa ako sa mga nabawas.

Nang taong 1931 ay may nag-alok sa akin upang mag-alaga ng niyugan sa may baryo Matikiw na ang may-ari naman ng nasabing lupa ay sa Pagsanjan nakatira. Diumano ay nangangailangan ng isa pang tao na makakasama ng isang matandang nakatao na doon, at ayon pa rin sa mga naghimatong sa akin, ang matandang nakatao roon ay pinagsasadya ng ilang mga tao sapagkat maraming nalalaman ito tungkol sa mga kalihimang pang-espiritwal. Ito ang nagbunsod sa akin upang tanggapin ang trabaho at ako ay nagpasama upang makasapit ako sa may-ari ng lupa, at sa tulong ng nagsama sa akin ay natanggap naman ako, at kami ay nagkasundo. Kinabukasan, Enero 15, 1931, ay tinawag ng may-ari ng lupa ang kanyang katiwala upang ako ay samahang ihatid sa baryo Matikiw na sakop ng bayan ng Hala-Hala. Kaya't noon din, ako ay sinamahan papuntang Sta. Cruz at doon kami sumakay sa isang lantsang papuntang baryo Matikiw. Kami ay nagdala ng rasyong mga de lata at bigas. Nang kami ay makarating na sa baybay-dagat ng Matikiw ay tila baga ako ay nalungkot sapagkat kung wariin ko, ang lugar ay totoong napakalayo sa kabihasnan. Ang nakita kong bahay ay nag-iisa at kung wariin ko ay may layo itong mga isang kilometro sa kabayanan. Gayunman ay hindi ako nagpahalata sa katiwala. Pagbaba namin sa lantsa ay tinungo na namin ang isang maliit na bahay na nagsosolo sa lugar na iyon. Nang kami ay dumating at makapanhik sa bahay ay sinalubong kami ng isang matandang lalake na tila baga may tinataglay na karamdaman sa kanyang katawan. Hayap ang kanyang mukha, pandak at payat, at siya ay ipinakilala sa akin ng aking kasamang katiwala na siya kong makakasama sa pag-aalaga ng nasabing niyugan na ang lawak ayon sa katiwala ay 5 ektarya lahat ang aming pangangasiwaan. Ang pangalan ng matanda ay SIMPROSO MERCADO at ayon na rin sa kanya, siya ay taga Biñan, Laguna, at kung kaya siya naroroon ay sapagkat kinuha siya ng isang kamag-anak na naninirahan sa Pagsanjan na nagrekomenda naman sa kanya sa isang maykaya sa buhay upang siyang mag-alaga sa nasabing niyugan. Ito naman ay kanyang tinanggap kung kaya siya ngayon ay naroroon. Sa akin namang pagtatanong kung siya ay matagal na roon, ang sagot niya ay mayroon na siyang mahigit na apat na taon sa lugar na iyon. Sinabi rin niya na siya ay walang asawa at anak. Matapos ang pagpapakilalanan ay nagsabi ang katiwala na siya ay babalik na sa Pagsanjan at kung anuman ang aming mga kailangan ay magbilin na lamang kami sa isang Mang Tasyo na pinsan naman ng nasabing katiwala at ito ay nakatira sa may libis ng nayon. Ito ay tumatawid at nagdadala ng mga niyog at iba pang kalakal sa palengke ng Pagsanjan tuwing araw ng Huwebes kung kaya sa kanya na lamang namin sasabihin kung anuman ang aming kakailanganin upang ng sa kanyang pagbabalik ay madala naman niya ang aming kailangan. Sinabi ng katiwala na siya naman ay laging tumatawid tuwing katapusan ng bawa't buwan at siyang magdadala ng aming rasyon. Pagkasabi nito ay nagpaalam na siya sa amin at sumakay na siya sa lantsa patungong Sta. Cruz.

Nang makaalis na ang katiwala na siyang naghatid sa akin ay nag-usap na kami ng matandang aking dinatnan at ako ay nagtanong na muli sa kanya. Aking itinanong kung bakit wala siyang kapitbahay sa lugaring iyon at kung hindi ba siya nalulungkot gayong wala naman siyang kasama sa nasabing lugar. Sinabi ni Ka Proso na hindi na siya malulungkot sapagkat ako ay dumating na at siya ay magkakaroon na ng kasama at makakatulong sa nasabing lugar. Sang-ayon sa kanya, ang lugar na aming kinalalagyan ay siyang pinakadulo ng baryo Matikiw at ang layo namin sa kanayunan ay humigit sa isang kilometro at iilan lamang ang mga bahay na doon ay nakatayo. Itinanong ko sa kanya kung papaano siya namimili kung ang kanyang rasyon ay nauubos na kagaya ng sabon, asukal, kape, gas at posporo at iba pang mga kailangan. Sinagot niya ako na bagaman at siya ay napupuna kong maputla at may tinataglay na karamdaman sa kanyang katawan at hindi na niya kayang maglakad ng malayo, siya ay nakikisuyo at nakikibili na lamang sa kanyang mga kakilala at mga kaibigan kung ang mga ito ay nagdadaan sa kanyang kubo. Itinanong ko rin ang aking napupunang tila karamdaman ng matanda at sinabi niya sa akin na ang karamdaman niyang ito'y may katagalan na at ito ay sapol pa ng kanyang pagbibinata, at sang-ayon pa sa kanya, ito diumano ay wala ng lunas. Ito anya ay mahirap na ipaliwanag sapagkat maaari kong hindi paniwalaan sapagkat ayon sa kanya, ang sakit na ito ay hindi sakit na materyal, kung hindi, isang sakit na pang-espiritwal. Ito ay nagsimula noong kanyang kabataan kung kailan naging mahilig siya sa mga karunungan na pang-espiritwal kung saan siya ay lumulunok ng tinatawag na pang-patamak sa katawan, at ito ay mga papel na may mga orasyon o kaya ay iba't ibang katas na may kinalaman sa pagpapatibay ng katawan. Noon, diumano, siya ay lubhang naging mahiligin sa pagkakaroon ng tinatawag na mga anting-anting katulad ng mga karunungang hindi tinatablan ng bala o itak, sa taga-bulag, sa La Compaña na maaari siyang makapaglakbay sa kalawakan na walang ginagamit na sasakyan at iba pang mga bagay. Siya ay naging interesado sa mga bagay na ito at ito ang naging sanhi ng kanyang karamdaman. Ito anya ay hindi paniniwalaan ng sinumang walang kabatiran at walang hilig sa mga karunungang nabanggit. Ang naging tuwirang sanhi ng kanyang sakit ay ang paglunok niya ng patamak sa katawan na pang habampanahon habang siya ay nabubuhay na di gaya ng ibang pang-patamak na tumatagal lamang ng araw, buwan o kaya ay taon. Nawika pa niya at nabanggit ang aking hindi boluntad na pagkakapunta sa lugaring iyon upang mag-alaga ng niyugan kung hindi upang aking makita at makausap ang matanda sapagkat ayon sa isang nakasama ko sa pagtatrabaho sa Meralco, ang matanda ngang ito ay nagpamalas ng ilang kababalaghan isang araw ng Biyernes Santo ng kanilang pagsadyaing limang magkakasama ang nasabing matanda. Ito diumano ang gumanyak sa akin upang magsadya sa naturang lugarin. Sa labis na pagtataka'y naitanong ko sa matanda kung papaano niya nalaman at nahulaan ang mga bagay-bagay na nasa aking kaisipan lamang. Nasabi kong marahil ay baka nasabi ng katiwalang naghatid sa akin ang aking layunin o baka may ibang nakapagsabi sa matanda bago pa kami dumating. Ito ay pinabulaanan ng matanda at sinabi pa nitong ni minsan ay hindi sila nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap ng sarilinan ng katiwala magmula ng kami ay dumating hanggang sa ito nga ay makapagpaalam na. Nawika nito na siya anya ay natutuwa at hindi na siya mamamanglaw at mayroon na siyang makakatulong at makakausap sa mga oras ng kanyang pamamahinga at ito naman ay aking sinang-ayunan. Ang nasabi ko na lamang ay naniniwala na ako subali't sa isip ko ay naandoon pa rin ang labis na pagtataka.

Madaling lumipas ang mga araw na kinakitaan ng aming paglilinis na dalawa sa lupang sakop ng nasabing niyugan. Tinatabas namin ang nagtataasang mga damo at nililinis ang lugar upang hindi magsukal ang niyugan. Dahilan sa nababatid ko na si Ka Proso ay may katandaan na at mahina na ay minabuti kong ako na lamang ang siyang gagawa sa niyugan at siya na lamang ang matira sa bahay upang siya na lamang gumawa at magluto ng aming pagkain, at kung ako naman ay wala ng gagawin sa niyugan ay ako na rin ang siyang gagawa ng mga gawaing bahay sapagkat tunay namang nakikita kong may kahinaan na ang matanda.

Isang araw ng Linggo na halos madaling araw pa lamang ay ginising na ako ng matanda, bagama't ng mga sandaling iyon ay totoong nasa kasarapan pa ang aking tulog dahil sa pagod ko sa pagtatrabaho ng nagdaang araw. Itinanong ko kung ano ang kanyang ipag-uutos subali't sinabi lamang niya sa akin na siya ay hindi makatulog dahil sa kaalinsanganan ng panahon. Sapagkat aniko ay wala naman palang ipag-uutos ang matanda ay pumikit akong muli subali't muli niya akong ginising at aniya ay kumuha ako ng bigas sa aming lalagyan at magsaing ako ng isang salop at hulihin ko ang dalawang dumalaga naming manok na nasa kulungan. Nagpakulo muna ako ng tubig sa aming kalan upang may mainom kaming kape at pagkatapos nito ay pinatay ko na ang dalawang manok, at si Ka Proso na ang gumawa nito at nagluto. Sinabi ko sa kanya na sa itinigil ko sa lugar na iyon ng isang buwan at 18 araw ay noon lamang siya naghanda ng ganoon karaming pagkain, kaya itinanong ko sa kanya kung ano ang dahilan ng gayong paghahanda sa labis kong pagtataka. Noon ay Abril 18, 1931. Sinabi niya na ang mga pangyayari ay isa niyang panata at kung kaya siya ay naandoon sa liblib na lugar na iyon ay sapagkat siya ay may isang mahalagang sakrepisyong ginagampanan at ito nga ay aking masasaksihan. Sang-ayon sa kanya, kaya kami ay naghahanda ay sapagkat mayroon siyang mga panauhin na darating, at ang mga ito ay hindi mga pangkaraniwang tao, kung hindi, mga engkanto. Itinanong ko sa matanda kung papaano niya nakilala at naging mga kaibigan ang mga engkantadong ito. Sinabi niya na ang mga ito ay matagal na niyang mga kakilala sapul pa noong siya ay gumanap ng pagsasakrepisyo sa bundok ng Makiling na umabot sa mahigit na 6 na buwang pagtitiyaga hanggang sa dumating na nga ang kanyang pagtatagumpay, at ang mga engkanto ay kaniya nang naging mga kaibigan.

Matapos ang aking pagtatanong ay nagsaing na ako ng isang salop na bigas, nagluto ako ng kape na aming ininom pagkatapos, at pinatay ko na ang dalawang manok na ng matapos kong malinis ay si Ka Proso na ang nagpatuloy ng pagluluto nito. Ito ay kanyang ipinirito sa langis ng niyog na sa pakiwari ko ay hindi naman nagtagal at naluto kapagkuwan ang mga manok at gayundin naman ay naluto na rin ang aking isinalang na sinaing. Noon ay ganap ng ikapito halos ng umaga. Kapagkuwan ay inutusan ako ni Ka Proso na kumuha ng dalawang dahon ng saging na siya naming pag-aahinan ng aming inilutong kanin at piniritong manok. Tabi sa rito ay ganito humigit-kumulang ang aming mga kasangkapan sa aming maliit na kubo. Limang pinggang losa, 3 mangkok na aluminyo, 2 platito, 5 kutsara, isang kalderong naglalaman ng isang salop na bigas, 1 kaldero na naglalaman ng tatlong gatang na bigas. Ito ang aming laging pinagsasaingang dalawa. Ang aming pinaglulutuan ng ulam ay ang kaserolang aluminyo. Mayroon pa ring isang kawaling bakal na kaigihan ng laki, 3 sandok na bao, isang galong lalagyan ng inumin, 4 na baso at ang aming pinakalamesa ay iyong tinatawag na dulang na kung ikaw ay kakain ay wala kang gagamiting silya kung hindi ikaw ay mauupo sa lapag. Ang aming ginagamit na panggatong ay palapa ng niyog, kahoy at bunot ng niyog na tuyo.

Matapos kong mailatag sa sahig ang dalawang palapa ng saging, ito ay pinunasan ko ng malinis na trapo at pagkatapos ay sinandok na ni Ka Proso ang kanin na nasa loob ng kaldero at ikinalat na sa ibabaw ng dahon, at ng kanyang maikalat na ay kinuha naman niya ang kanyang ipiniritong manok, at pinagpira-piraso na ginawang 7 hanay sa tabi ng nakahaing kanin. Hindi ko maubos maisip kung ano nga ang gagawin nitong si Ka Proso na kung wariin ko'y tila baga magagahol sa panahon ang kanyang ginagawang paghahanda sa darating niyang mga panauhin samantalang wala naman akong nalalaman na kausap na mga taong magsisidating at siya naman ay hindi umaalis ng bahay, kaya nasabi ko sa aking sarili na baka ito ay nasisiraan na ng bait. Sinabi niya kapagkuwan na malapit na silang dumating kaya ang naisagot ko ay kung sino ang sinasabi niyang "sila." Sumagot siya na nag-utos sa aking umupo na lamang ako sa isang sulok ng bahay at manood na lamang at magmasid kung ano ang magaganap na mga pangyayaring gusto kong malaman.

Ang operasyon na ginawa ni Ka Proso ay ganito. Tumindig siya sa maliit naming balkonahe makalabas ng pinto ng aming bahay at humarap siya sa kanluran na tila baga mayroong inuusal na mga pangungusap o orasyon. Pagkaraan ng may isang minuto ay nag-krus at kapagkuwan naman ay humarap sa ilaya, sa ibaba at sa silangan na kasing tagal din ng kanyang pasimula na lagi ng may inuusal kung wariin ko. Pagkatapos nito ay tinawag niya ako at sinabi sa akin na tumingin ako sa may burol at dumadating na ang kanyang mga panauhin. Ang ginawa ko ay tumindig ako mula sa aking pagkakaupo at akin ngang tiningnan kung totoo ang sinasabi ni Ka Proso. Nang aking pagmasdang mabuti ang ibabaw ng burol na malapit sa aming bahay ay mayroon ngang dumarating na mga babae. Tinanong ko si Ka Proso kung ang mga ito nga ang sinasabi niyang mga bisita niya, at ito ay tinugon naman niya ng oo. Gayon na lamang ang aking pagtataka ng sila ay malapit na sa aming maliit na dampa ay pitong naggagandahang babae ang aking namalas. Ang kanilang mga suot na damit ay pulos na puting lahat at sa pagkatigil ko ng kaunting panahon sa mga lugaring iyon lalo na sa kanayunan ay wala pa akong nakikitang gayong mga kabigha-bighaning mga mukha na habang tinititigan mo ay lalong gumaganda. Matapos makapanhik sa bahay ay isa-isang humalik ng kamay ang mga babae kay Ka Proso at ang kanilang mga salita at usapan ay parang mga ibon na alangan namang Latin o Bornay at hindi naman kastila sapagkat kung wikang kastila ay maaari kong maintindihan kahit na bahagya. Pagkaraan ng ilang mga sandali ng kanilang usapan ay itinuro ni Ka Proso ang nakahaing pagkain sa lapag na nasa ibabaw ng mga dahon ng saging, at sila naman ay isa-isang naupo ng pasalagmak sa sahig, at si Ka Proso naman ay nakita kong nakatayo sa malapit sa kanila at tila baga may inuusal na panalangin, at ng makalipas ang mga 2 minuto ay saka pa lamang nag-umpisang nagsikain ang pitong dalagang panauhin ni Ka Proso. Habang sila ay nagsisikain, ako naman ay nagmamasid sa kanilang mga kilos datapwa't ang aking napuna sa kanila habang sila ay kumakain ay tungo ang kanilang mga ulo at wala silang imikan na tuloy-tuloy ang kanilang pagsubo ng kanin at ng piniritong manok. Makaraan ang mga 5 minuto ay sabay-sabay din silang nagsihinto sa pagsubo at iyong isa sa kanila na sa tingin ko ay may edad na sa kanilang pito ay nagsalita at pagkatapos ay lumapit si Ka Proso at muli na namang nanalangin, at pagkalipas ng mga 3 minuto ay saka pa lamang sila nagsitindig na sabay-sabay at muli na naman silang nag-usapan na tila baga silang lahat ay sa akin nakatingin at tila baga itinatanong nila sa matanda kung sino ako at bakit ako naandoon. Si Ka Proso ay tumingin sa akin at sinabi niya sa mga dalaga ang tungkol sa akin at kung bakit ako ay naandoon.

Pagkatapos na sila ay makakain at makapamahinga ng ilang sandali ay niyaya na ni Ka Proso sa loob ng aming bahay ang pitong dalaga at doon sila nagsipag-usapan. Makatapos silang makapasok na lahat sa loob ng bahay ay dali-dali ko namang iniligpit ang mga dahong kanilang pinagkainan at tinipon ko sa isang lalagyan ang kanin at ulam na hindi nila naubos. Nang humigit-kumulang sa 2 oras na silang nagsisipag-usapan, ang pinakamatanda sa kanilang magkakasama ay tumindig at sinabi kay Ka Proso na sila ay magsisipag-paalam na, at ang bawa't isa sa kanila ay nakita kong ginawaran ng bendisyon ng matanda bago sila nagsipanaog ng bahay. Kapapanaog pa lamang nilang pito ng bahay at hindi pa lubhang nakalalayo ay akin ng sinundan ng tanaw at takbo sa kasabikan kong malaman kung saan nga sila magsisipunta. Nang ako ay medyo malapit na sa kanila at taon namang sila ay nasa ibabaw ng isang burol na hindi naman lubhang kataasan, na kung ito ay tawagin ay paltok. Nang sila ay malapit ko ng abutan sapagkat ang agwat ko na lamang sa kanila ay humigit-kumulang sa 20 metro ay siya naman nilang paglusong sa burol, at sa malabis kong pagtataka ay unti-unti silang nawawala sa aking paningin, at ng ako ay makarating na sa ibabaw ng burol ay wala na akong nakita isa man sa kanila. Iginala ko ang aking paningin subali't hawang-hawan ang kapaligiran ng burol at wala naman silang maaaring mapagkanlungan o kaya ay mapagdaanan kaya ang ginawa ko na lamang ay nagbalik na ako sa aming bahay at makatapos kong makapagpahinga ay saka na lamang ako nagtanong kay Ka Proso ng ilang katanungan. Itinanong ko kung sino ang mga naging panauhin ni Ka Proso at kung saan sila nagmula. Sinabi niyang maaaring hindi ako maniwala sa kanya subali't sinabi niya na nasaksihan ko naman siguro ang lahat ng nasa bahay pa lamang ang mga babae at maging ng sinundan ko ang mga iyon ay hindi rin niya ako sinaway ng sa gayon ay ako na mismo ang makasaksi kung sila nga ay mga pangkaraniwang tao lamang o hindi. Sa ganito ay namangha ako kay Ka Proso sapagkat tila baga nababasa niya ang mga nasa isipan ko. Sinabi niya sa akin na kilos pa lamang ng isang tao ay kanya ng nalalaman ang nasa isip nito kaya alam niya kung ito ay maaaring mapagkatiwalaan o hindi. Itinanong ko kung sa papaanong pamamaraan at nalalaman niya ang iniisip ng isang tao. Inutusan niya akong sumunod sa kanya at ako naman ay sumunod sa matanda, at ng kami ay nasa loob na ng bahay ay pumasok siya sandali sa aming kapirasong silid, at ng siya ay lumabas ay may bitbit na siyang isang maliit na tampipi at kapagkuwan ay kanyang binuksan sa harapan ko ang nasabing tampipi at may kinuhang isang maliit na librito sa loob. Ang nasabing librito ay malaki ng kaunti sa posporong marka Banga, at ng ito ay aking pagmasdan, kulay dahon ng kahoy na berde ang pabalat nito at ang mga pahina nito sa wari ko ay kulay oro o ginto. Nang hawak na niya ito ay ipinagparangalan niya ito sa akin at sinabi niyang ito ang tinatawag na libritong LA COMPAÑA na sa tuwing araw lamang na may titik "R" saka pa lamang ito nagkakaletra. Itinanong ko kung saan ito nanggaling at kung ito ay ibinigay ng kanyang mga panauhin. Sinabi niyang mahabang salaysayin kung ito ay kanyang ikukuwento sa akin at kung kaya nga siya nagkaroon nito ay sa dahilang ito ay kanyang pinagsakrepisyuhan ng mahigit na isang taon. Sinabi niya na kung nais kong magkaroon din ng ganoong librito ay kailangan kong sundin ang kanyang mga ituturo subali't noong panahong iyon ay hindi pa nararapat. Naputol doon ang aming pag-uusap tungkol sa librito at muli niyang inilagay ang libritong ipinakita sa akin sa loob ng kanyang tampipi at ito ay kanya ng itinabi sa dating taguan. Muli ko namang itinanong ang tungkol sa aming mga naging panauhin. Sinabi ni Ka Proso na sila ay hindi mga tagarito, na sila nga ay mga engkantada at ang mga ito ay kanyang mga kaibigan, at ang turing ng mga ito kay Ka Proso ay kanila itong pinakamatandang kapatid. Itinanong ko sa matanda kung siya ay isa ring engkantado subali't ang isinagot niya sa akin ay hindi at ang huling nasabi niya sa akin ay siya nga raw ay itinuturing ng mga dalaga na parang isang tunay na magulang sa materyal at espiritwal. Ang aming pag-uusap ay naputol sapagkat may tatlong taong dumating na nanggaling pa sa nayon ng Matikiw at ito ay mga kaibigan ng matanda at diumano ay may kailangan sa matanda.

Dumaan pa ang maraming araw ng pagsasama naming dalawa hanggang sumapit ang ika-8 ng Abril, 1932. Ito ay araw ng Biyernes Santo. Bago pa lamang nagbubukang-liwayway ay may mga tao ng nagdatingan at kanilang hinahanap ang matanda. Nang ako ay pumasok sa bahay upang sabihing may mga taong naghahanap ay nakita kong nakaluhod si Ka Proso at kasalukuyang nananalangin kaya't lumabas muli ako ng bahay at sinabi kong maghintay na lamang muna sila sa may balkonahe. Matapos ang kanyang panalangin ay lumabas na ang matanda at inistima naman niya ang limang nagsidating na mga panauhin at sila ay nangagkumustahan. Humigit-kumulang na ang oras ay ika-9 ng umaga ay may dumating na naman na 8 tao na magkakasama din at ang pakay nila ay ang matanda. Ano pa't sa araw ng Biyernes Santo na iyon ay may 19 na tao ang nagsidating at ang kanilang sadya nga ay ang matanda. Marami pa akong nasaksihang mga tao na nanggaling pa sa iba't ibang lugar at kung minsan, kapag totoong marami sila at hindi sila nagkakasya sa aming bahay ay nananaog ang matanda at sila ay tinatawag upang mag-ipon-ipon sa may dakong silangan ng aming bahay na doon ay may isang malaking puno ng sampalok. Dito kami namamahinga kung kami ay naiinitan o naaalinsanganan o kung pagod na kami sa pagtatabas ng mga sukal sa loob ng niyugan. Sa palibot ng puno ng sampalok ay may nakapaligid na kawayang sahig na ginagawa naming pahingahan lalo na at kung tanghalilng maalinsangan. Sa isang pagkakatipon-tipon ng mga tao sa nasabing lugar ay napansin ko na ang bawa't isang tao ay may pangangailangan sa matanda at may mga hinihinging iba't ibang kagamitan na gagamitin nilang sangkap sa kani-kanilang mga katawan katulad ng mga orasyon, gamit upang maligtas sa bala, patalim, bagyo, lindol, mga gayuma, pananggalang sa mga disgrasya at iba pa. Kapagkuwan ay inilabas na ng bawa't isa ang dala nilang mga agimat, anting-anting, tsaleko, medalya, panyolito na may nakasulat na iba't ibang pigura na nakalarawan at nakasulat gayundin ang mga mutya sa sampalok, sintones, sa bigas, matamis at iba pa, at saka mga baging na katulad ng Malindatong pula, puti, bulik at itim; Malindatong may krus ang pinaka-ubod, Baras ni Pilato, kahoy na Sinukuan at iba pang mga kagamitang kanilang dala-dala. Ang mga ito ay kanilang ipinakitang lahat sa matanda upang siya ay tanungin kung saan nauukol ang bawa't isa, kung aprubado o hindi, kung tunay o imitasyon, kung may bisa o wala at kung papaano ang mga paggamit. Matapos na maipakitang lahat at maiprisinta na sa matanda ang kani-kanilang mga taglay na kagamitan at maipaliwanag naman sa kanila ang mga kaukulang gamit ng mga ito pati na ang pagkaalam kung tunay nga o hindi ang kanilang mga dala-dala ay nagpaalaala ang matanda sa lahat ng mga naroroon. Sinabi ng matanda na siya ay lubos na nasisiyahan at siya ay nadalaw ng kanyang mga panauhin. Binanggit ni Ka Proso ang kahulugan ng araw ng Biyernes Santo na iyon gayundin ang pagbanggit sa kapaniwalaan kay Kristo na nabayubay sa krus sa pagtubos sa salang orihinal na minana natin kay Adan at kay Eba at sa pamamagitan ni Kristo na isinugo ng Ama upang magkatawang-tao at makisalamuha dito sa sanlibutang ating ginagalawan. Ayon pa rin sa kanya, ang mga karunungang pang-espiritwal at pang-materyal ay pawang kamangmangan sa Diyos ayon sa Banal na Kasulatan nguni't kung ito naman ay gagamitin sa pagtulong sa iyong kapwa at sa paggawa ng pawang kabutihan, maging pang-espiritwal o pang-materyal, lalo na at wala kang masamang hangarin, pagsasamantala o pag-iimbot sa iyong kapwa, ang mga ito ay karapat-dapat maalaman ng may mabubuting puso. Ayon pa rin sa kanya ay hindi pinag-uusapan kung mabubuti o masasamang espirito, kung hindi, ang puno at dulo ng mga kapangyarihang pinagsama-sama at pinag-ugnay-ugnay upang siyang lumikha ng mga kababalaghang mabubuo at magaganap. Ito humigit-kumulang ang kanyang mga sinabi at ipinaliwanag sa mga taong nagsadya sa kanya noong Biyernes Santong iyon. Ako naman ng mga sandaling iyon ay hindi kalayuan sa kanila kung kaya at napakinggan ko lahat ang kanilang pinag-usapan at nakita ding lahat ang kanilang mga dala-dalang mga agimat at mayroon pa silang sinubok na mga agimat kung talagang papakinabangan o hindi. Pagkatapos nito ay may mga papel silang iniabot sa matanda at pagkatapos ay nakita kong nagsimula ng magsulat si Ka Proso. Nang dumating ang ika-12 ng tanghali ay tumigil na ng pagsulat ang matanda at sapagkat ang lahat naman ng naandoong mga tao ay may kani-kanyang mga dalang pagkain ay nagsikain na muna sila at pati naman kami ay hindi na pinagluto at nakisalo na lamang kaming dalawa sa kanila. Makatapos naming kumain ay nagpahinga sumandali si Ka Proso at kapagkuwa'y kinuha muli niya ang lapis at papel at nagsimula na namang nagsulat hanggang dumating ang ika-tatlo at kalahati ng hapon. Matapos niyang ibigay ang mga panalangin, orasyon at iba pang mga gamit ay isa-isa ng nagpaalam ang aming mga panauhin, ang iba ay sumakay sa mga bangkang de motor at ang iba naman ay nagsipaglakad na lamang sa baybay-dagat.

Lumipas na muli ang mga araw hanggang sa sumapit na naman ang isang paghahanda ng matanda na katulad ng siya ay magkaroon ng mga panauhing pitong dalaga na ayon sa kanya ay mga engkantada, at kung papaano ang naganap sa mga unang bisita niya ay gayundin ang nangyari. Ang pagkakaiba lamang ay ang mga ito'y pawang mga lalake naman, at ayon sa matanda, ang mga ito'y pawang mga engkanto. Sila ay mapuputi, matatangos ang mga ilong at parang mga Amerikano ang kulay ng balat. Ang kanilang usapan ay katulad din ng sa mga babae na parang sa ibon at wala akong maintindihan kahit na ano. Sila ay kumain din at makatapos makapagpahinga ay binindisyunan din ng matanda at kapagkuwa'y nagsipagpaalam na. Sinundan ko rin ang mga lalakeng ito at kung saan nawala ang pitong dalaga ay doon din sa tapat na iyon nawala ang pitong lalakeng ito, at ako ay naniwala na pihong ang pitong ito ay pawang mga engkanto din.

Noong Mayo 24, 1933, hatinggabi noon at totoong may kadiliman ang gabi at umaambon-ambon pa ay ginising ako ni Ka Proso at ng siya ay aking mapagmasdan ay napagwari kong siya ay putlang-putla at tila nanginginig at dumadaing. Batid ko na si Ka Proso ay may tinataglay na karamdaman na kung tawagin ay almoranas at nakikita kong mayroong parang bitukang nakalawit sa kanyang pang-upo. Dahil dito, siya ay kalimitang walang salawal at nakatapi lamang maliban na lamang kung mayroon kaming mga bisita. Dahil sa sakit niyang ito ay mayroon siyang amoy na totoong masangsang na halos ay amoy-bangkay nguni't ako ay hindi nagkaroon sa kanya ng pandidiri sapagkat siya ay halos itinuring ko ng magulang, at gayon ako sa kanya hindi dahil mayroon akong hinihintay na mapagkalooban ng tinataglay niyang mga karunungan, kung hindi, dahil ito ay bukal sa aking kalooban ang pagtulong sa aking kapwa lalo na doon sa mga nangangailangan ng aking tulong. Ano pa nga ba't sa paputol-putol na pagsasalita at pagbabalais dahil sa tinataglay niyang karamdaman ay sinagilahan na rin ako ng pagkatakot lalo na at nalalaman ko na kami ay walang kapitbahay na mahihingian ko sana ng tulong. Iminulat niya ang kanyang mga mata, ikinaway ang kanyang mga kamay at ako ay pinalapit niya sa kanyang paanan at sa salitang paputol-putol nga ay pinapupunta niya ako sa nayon upang manghiram ng krusipiho na may Kristong nakapako. Lalo na akong sinagilahan ng takot sapagkat ang aking dadaanan papunta sa kanayunan ay kulang-kulang sa dalawang kilometro na panay kasukalan, at hindi na baga bale kung araw subali't noon ay gabing sakdal dilim dahil walang buwan. Wala naman akong madadalang kahit na ano sapagkat ang tanging ilaw lamang namin sa bahay na iyon ay dalawang gaserang ilawang gaas na hindi ko naman maaaring gamitin dahil kapag ganoong malakas-lakas na ang ihip ng hangin ay madaling mamamatay ang sindi nito. Hindi ko malaman ang aking gagawin kaya ipinamanhik ko sa matanda na kung maaari naman sana ay sa pag-uumaga ko na lamang pupuntahan ang nayong sinabi. Dahil sa aking tila pag-aatubili ay tinanong ako ng matanda kung ako ay natatakot, at bagaman at sinagot ko siya ng hindi ay winika niyang nalalaman niya na ako nga ay totoong natatakot kaya pinalapit niya ako sa kanya at hininging iabot ko sa kanya ang aking kanang kamay. Ito naman ay aking iniabot at may isinuot siya hanggang sa aking pupulsuhan na isang tila lastiko na sa tingin ko ay kulay balat ng tao at ito ay malambot. Nang ito ay maisuot na sa aking kanang kamay ay tila nagbago ang aking pakiramdam na tila baga nag-init ang aking buong katawan katulad ng kung ang isang tao ay nakainom ng alak. Itinagubilin niya sa akin na alisin ko ang nasabing bagay pag ako ay dumating na sa aking patutunguhan. Ito nga ay sa bahay ng isang nagngangalang Ka Onyang (Antonia Reyes) kung saan naandoroon ang nasabing krusipiho at dito nga sa babaeng ito ako manghihiram sa pangakong isasauli din namin kinabukasan ng hapon. Muling inulit sa akin ni Ka Proso ang kanyang tagubilin tungkol sa isinuot niya sa aking kamay na ayon sa kanya, sa aking pagpanaog at pagtuntong ng lupa ay manaka-naka ko na lamang ididilat ang aking mga mata upang maalaman ko na lamang kung wasto ang aking dinaraanan. Pagkatapos na mawika sa aking lahat-lahat ito ay nagpaalam na ako at nanaog na ako. Pagsayad ng aking mga paa sa lupa ay pumikit na ako at gayon na lamang ang aking pagtataka sapagkat sa wari ko ay hindi nakasayad ang aking mga paa sa lupa at ang hangin ay totoong napakalakas ang dapyo sa aking katawan at mukha. Ilang sandali lamang at narating ko na ang baryo Matikiw at tinungo ko na ang bahay na sinabi sa akin na dapat kong puntahan. Pagdating ko sa tapat ng bahay, ako ay nagpa-tao-po at komo kalaliman na ng gabi ay matagal din bago nagising ang may-ari ng bahay. Nang ito ay magising, ako ay kanyang sinino at itinanong kung ano ang aking kailangan sa gayong dis-oras ng gabi. Ako ay nagpakilala at sinabi kong ako ay kasama ni Ka Proso na nakatira sa may dakong hulo ng Hala-Hala. Dahil dito, ako ay kanyang pinapanhik at itinanong pagdaka kung bakit ako ay inutusan ni Ka Proso. Sinabi ko kay Ka Onyang ang malubhang kalalagayan ni Ka Proso at ang kagustuhan nitong mahiram ang krusipiho. Ipinagkatiwala naman ng matandang babae sa akin ang aking sadya at pagkatapos nito, ako ay nagpaalam na sa kanya. Pagtuntong ko ng lupa ay muli kong isinuot ang parang lastikong balat na bigay sa akin ni Ka Proso at ganoon na naman ang aking naramdaman hanggang sa sapitin ko na ang lugar namin. Hinubad ko na ang nakasuot sa akin bago ako umakyat ng aming bahay at lumapit ako sa matandang nakahiga at iniabot ko sa kanya ang gamit na ipinahiram niya sa akin pati na ang ipinahiram niya sa aking krusipiho. Sinabi niya na mabuti at ako ay pinahiram at kapagkuwan ay pinabuksan niya ang kanyang tampipi at ipinakuha ang libritong katisismo na ginagamit naman ng mga nagsisipag-aral sa paaralang tagalog ng mga katoliko. Iniabot ko ito sa matanda na agad naman niyang binuklat at pagkatapos ay pinalapit niya ako at itinuro sa akin ang isang pahina kung saan ipinabasa niya ang dasal na PAGSISISI habang siya naman ay sumusunod ng dasal sa akin. Ganito ang dasal: "Panginoon kong Hesukristo, Diyos na totoo at tao namang totoo, gumawa at sumakop sa amin, pinagsisisihan kong masakit sa tanang loob ko ang lahat ng ipinagkasala ko sa Iyo. Ikaw po lamang Diyos ko, Panginoon ko at Ama ko, ang iniibig ko ng lalo sa lahat, kaya magtatanda na ako ng matibay na matibay sa loob ko na hindi na ako muli-muling magkakasala sa Iyo at nagtitika naman akong nangungumpisal sa lahat kong mga kasalanan at susundin ko ang mga parusang ibibigay sa akin at umaasa rin naman akong patatawarin Mo rin alang-alang sa Pasyon mong dinadalita ang pagkamatay Mo sa krus dahil sa awa Mo sa amin. Amen Hesus." Itong dasal na ito ng pagsisisi ay tatlong beses kong inulit-ulit at ang matanda naman ay sumunod sa akin at pagkatapos ay pinatigil na niya ako at niyayang matulog upang kahit na malapit ng mag-umaga ay maka-idlip naman kami kahit na kaunti man lamang. Hindi naman nagluwat at narinig ko ang bahaw na boses ng matanda at ako ay kanya ng ginising upang kami ay makapag-agahan na sa dahilang siya ay nakapagluto na ng aming kakainin. Sa ibabaw ng aming dulang ay nakalagay na ang 2 tasang kape, 2 platong sinangag na kanin, piniritong itlog at tuyo. Habang kami ay kumakaing dalawa ay itinanong ko sa aking sarili kung ano kaya ang ginagawa nitong matandang ito sa akin; ako kaya ay kanyang sinusubok na papaano sapagkat kagabi lamang ay parang hindi na siya uumagahin at sa wari ko pa nga ay naghihingalo na ito, subali't ngayon naman ay tila malakas pa sa akin at siya pa nga ang nagluto ng aming pagkain. Hindi ko madalumat kung ano ang hiwagang nagaganap na ito. Pagkatapos naming mag-agahang dalawa ay nagsimula na siyang magkuwento at naitanong muna niya kung ako baga raw ay natakot ng nakaraang gabi kung kailan nga ako ay kanyang pinahiram ng krusipiho sa may nayon. Nasabi ko na ako nga ay inalihan ng kaunting takot at pagkatapos nito ay itinanong ko naman sa kanya ang tungkol sa ibinigay niya sa aking parang lastiko na isinuot niya sa aking kanang kamay na ng maisuot ko nga ay parang may nagtutulak sa akin at sa pakiwari ko ay hindi man lamang sumasayad sa lupa ang aking mga paa. Sumagot ang matanda na walang dahilan kung bakit hindi niya sasabihin sa akin kung ano ang bagay na iyon. Iyon daw ang tinatawag na LA COMPAÑANG LAKAD na kung gagamitin ng isang tao ay makapaglalakbay siya sa tuling humigit-kumulang sa 40 milya bawa't oras at kahit na anong layo ang kanyang pupuntahan ay hindi siya maiinip at makararating kaagad.

Lumipas ang maraming araw at isang gabing kabilugan ang buwan ay kinausap ako ng matanda at ang sabi ay mayroon siyang pupuntahang malayong lugar na kakailanganing siya ay magtawid-dagat. Sinabi niya na siya ay kailangang makarating doon sa ganap na ika-walo at kalahati ng gabi at sa dahilang noon ay halos ikapito at kalahati na ng gabi, samakatwid ay mayroon na lamang siyang isang oras para maglakbay. Dahil dito ay itinanong ko sa matanda kung papaano niya magagawang makarating sa sinasabi nitong malayong lugar gayong iisang oras na lamang ang nalalabi. Itinanong ko na rin ang dahilan ng kanyang pagpunta roon at ito ay sinagot niya na diumano ay mayroon siyang dadaluhang konperensiya kung saan mayroon silang pinag-uusapan tuwing sumasapit ang kaarawan ng pagkakatatag ng kanilang samahan at ito ay ginaganap nila tuwing ikatlong taon. Hinggil naman sa kung papaano siya makararating sa kanyang pupuntahan ay sinabi niyang ako raw ay manood na lamang sa kanyang gagawin at talasan kong mabuti ang aking mga mata at pakiramdam. Sumandaling pumasok ang matanda sa aming munting silid at may kinuhang kung anong mga bagay sa kanyang tampipi at pagkatapos ay nagpaalam at nanaog na ng aming bahay. Sa isang lugar na hindi naman kalayuan sa aming bahay at sa pakiwari ko ay mga 8 metro ang layo sa bintanang aking dinurungawan ay kitang-kita ko ang lahat ng ginawa ng matanda sapagkat noon nga ay kabilugan ng buwan at tunay na maliwanag. Kapagkuwan ay may nakita akong dinukot ang matanda sa kanyang bulsa na sa tingin ko ay isang panyong ang lapad ay humigit-kumulang sa kalahating metro at kanya itong iniladlad at inilatag sa lupa at kapagkuwa'y may dinukot na muli sa kanyang bulsa na sa wari ko ay isang librito na hindi naman lubhang kaliitan, at pagkatapos ay lumuhod sa gitna ng panyong inilatag na paharap sa silangan. Ang hawak niyang librito ay unti-unti niyang binuksan at sa aking masid ay parang simbilis ng isang sinindihang kuwitis na pumailanlang sa kalawakan ang matanda at tuluyan ng naglaho sa aking pananaw. Ako ay nanaog at tumingala sa kalawakan subali't wala akong nakita ni anumana at inisip ko na baka ito ang sinasabi ng matanda na LA COMPAÑA na kapag ginamit mo ay maaari kang makapaglakbay sa kalawakan at makararating ka saan mo man naisin na magpunta. Sa gayong pagdidili-dili ko sa aking nasaksihang kababalaghan ay pumanhik na ako ng bahay upang magpahinga na sana at matulog subali't hindi man lamang ako dinalaw ng antok at lagi kong naiisip ang mga naganap na pangyayari na hindi naman malutas ng aking isipan. Ipinasya ko na huwag ng matulog at hihintayin ko na lamang ang kanyang pagbabalik, at ako ay pumirmi na lamang sa tabi ng aming bintana upang maalaman ko ang kanyang pagdating. Nang mayroon na sigurong tatlong minuto bago sumapit ang hatinggabi ay biglang-biglang mayroong bumulusok at lumagpak na isang maputing bagay na lulan nga itong matanda. Kapagkuwa'y tiniklop na niya ang librito at sinamsam na niya ang panyong nakalatag at pumanhik na sa aming bahay. Aking napuna na siya ay mayroong dala na nakabilot na papel sa kanyang kanang kamay. Ang nasabing papel ay kulay puti. Ako ay tinanong ng matanda kung bakit hindi pa ako natutulog at nasabi kong dahil sa kaalinsanganan ng panahon. Tumugon ang matanda at sinabing ang tunay na dahilan ng hindi ko pagtulog ay upang mapatunayan ko at masaksihan ang kaganapan ng mga pangyayari. Sapagkat tunay ang sinabi ng matanda, ako ay hindi na nagkaila at naitanong ko na lamang kung saan nanggaling ang matanda at kung ano ang kanyang dala-dalang papel. Una niyang ipinaliwanag na ang papel na kanyang dala ay isang diploma o katibayan na ipinagkaloob sa kanya bilang isang miyembro na may magandang panunuparan sa kanilang samahan. Iniabot sa akin ng matanda ang papel at ipinabasa sa akin ang nakasulat subali't ito ay sa wikang kastila kung kaya hindi ko naintindihan ang nakasulat. Ipinaliwanag niya na ito nga ay nagpapatibay na ang matanda ay isang kasapi na mayroong mabuting panunuparan sa kanilang samahan. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagpapaliwanag at sinabi niya na siya ay isang miyembro ng isang samahan ng mga heswita at sila ay nagtitipon-tipon sa Ateneo de Manila at ang kanya ngang ginamit ay ang LA COMPAÑA.

Anupa't sa kaunting panahon ng aming pagsasama ni Ka Proso ay marami pang iba't ibang mga kababalaghan ang kanyang ipinakita sa akin na kung isusulat ko ay totoong hahaba ang kasaysayan. Katulad ng ipinakita niya ang kakaibang lakas ng buhatin niya ang isang bangkang lunday na nasa tabi ng dagat at ito ay kanyang binuhat na mag-isa gayong ito ay hindi kayang buhatin ng 5 tao. Minsan naman ay ipinakita niya ang isang pangyayari habang kami ay nagtatabas ng mga damo sa loob ng niyugan kung saan kami ay inabot ng matinding uhaw ay tinapik niya ng tatlong beses ang isang puno ng niyog at ito ay tumungo at kami ay kumuha ng tigalawang mura ng niyog upang aming mainom ang sabaw at makain ang laman. Naandiyan ang minsan niyang pagbitin sa sinulid na numero 20 at ito ay hindi nalagot sa kabila ng kanyang bigat. Naandiyan din ang di-mapaniniwalaang pagtagal niya sa ilalim ng tubig sa loob ng isang oras na walang ginagamit na anumang bagay upang siya ay makahinga sa ilalim. Anupa nga at marami pang mga bagay ang aking nasaksihan sa piling ng matandang ito.

Nang dumating na ang Mayo 25, 1934, sa kaunting panahong ipinagsama namin ng matandang Simproso Mercado, ay dumating kami sa punto ng aming paghihiwalay sapagkat ayon sa matanda ay kailangan na niyang lisanin ang aming lugar na pinagsamahan upang pumunta naman sa isang lugar na siya lamang ang nakababatid. Bagaman at hindi niya ipinagtapat sa akin kung saan siya pupunta ay mayroon siyang iniwang salita sa akin na huwag daw akong mag-alala at kaming dalawa ay muli pa ring magkikita. At sapagkat ako na lamang ikako ang maiiwan ay mas mamabutihin ko na rin na umalis sa lugaring iyon. Ito naman ay ipinabahala sa akin ng matanda at sinabi niya na bago kami tuluyang magkahiwalay ay tutuparin niya ang mga ipinangako niya sa akin na mga bagay na ipagkakaloob niya sa akin na aking gagamitin sa aking gagawing pagsasakrepisyo. Ang mga ito ay mga pamamaraan, mga panalangin, pantawag, debosyon, operasyon at iba pang bagay na aking gagamitin. Kapagkuwan ay mayroon siyang dinukot sa kanyang tampipi na isang libro na salin na sa sulat-kamay at itinuro na niya sa akin ang lahat ng mga pamamaraan na dapat kong maisagawa sa oras ng pagganap ko ng nasabing sakrepisyo. Subali't hindi ko naman mawatasan ang mga nakasulat sapagkat ang mga ito ay nakasulat sa kastila at latin at sa wari ko pa nga ay salitang Bornay, at dahil dito ay tinagalog ni Ka Proso ang bawa't ibig sabihin ng mga pangungusap na itinuro niya sa akin. Sinabi niya sa akin kung alin ang invocacion o pantawag, alin ang pang-obliga, alin ang pagpapasalamat at alin ang pagpapasuko upang sundin ang anumang aking kailangan. Ang lahat ng itinuro niya ay aking tinandaang lahat.

Dumating ang araw na kailangan ng umalis si Ka Proso subali't kami muna ay kumuha ng sa aming dalawa ay papalit at ito naman ay pinayagan ng may-ari ng niyugan. Noon ay isang araw ng Biyernes ng siya ay ihatid ng isang bangkang de motor sa bayan ng Sta. Cruz upang magpunta sa may-ari ng niyugan, at tuluyan ng nagpaalam. Makaraan naman ng dalawang araw ay ako naman ang umalis at nagpaalam na rin ako sa may-ari. Ako ay tumuloy sa baryo Anos, Los Baños, Laguna sapagkat dito nakatira ang aking kapatid na babae, ang aking ale at ang aking lola at ako ay nakipisan na sa kanila. Sapagkat noon ay wala akong trabaho at sapagkat ako ay nakaharap nga sa aking gagawing pagsasakrepisyo ay pinakiusapan ko ang aking ale at lola na ako ay mangangahoy sa Bundok ng Makiling upang kahit na sa ganito man lamang paraan ay makatulong ako sa kanila. Sa ganitong sitwasyon ako ay nagsimulang gumanap ng aking pagsasakrepisyo sa Bundok ng Makiling.

Nagsimula ako ng pagsasakrepisyo sa Bundok ng Makiling noong Hunyo 19, 1934 na sa tuwing umaga ay maaga akong nagluluto ng pagkaing aming pang-almusal at ako ay nauuna na sa kanilang mag-agahan at pagkatapos kong makakain ay saka naman ako magbabalot ng aking pagkain sa kapirasong dahon ng saging at pagkatapos kong maihanda ang lahat ng aking kailangan sa gaganapin kong pagsasakrepisyo, ako naman ay magpapaalam na sa aking ale at kapatid at ako ay lalakad na. Ang aking nilalakad magmula sa amin hanggang sa pinaggaganapan ko ng aking ginagampanang sakrepisyo ay humigit-kumulang sa anim na kilometro. Umaalis ako sa amin ng mga ikapito ng umaga at dumarating naman ako sa lugar ng Makiling ng mga alas-onse ng tanghali. Pagdating ko ay maghihintay na lamang ako ng oras na siyang instruksiyon sa aking pagganap at ito ay eksaktong ika-12 ng tanghali hanggang ika-12 at kalahati. Pagkatapos kong magampanan na ang aking ginagawang sakrepisyo ay saka pa lamang ako kumakain ng tanghalian. Doon ko naranasan na ako ay abutin ng malakas na ulan, malakas na hangin, hanggang ako ay magkaroon ng karamdaman sa aking katawan nguni't hindi rin ako tumitigil ng pag-ahon sa bundok sa paniniwala kong ako ay hindi mabibigo at ako ay magtatagumpay sa ginagawa kong ito na pagsasakrepisyo sapagkat ang tangi kong layunin ay lagi ng nasa aking isip. Ito ay ang kahit na sa aking maliit na paraan ay makatulong ako sa mga taong nangangailangang makaunawa ng katotohanan upang sila ay makaahon sa lusak ng pagkakasala. Nasa ko rin na makapagturo kung ano ang tuwid na landas sa pagpapanibago ng buhay gayundin ang maituro ang tamang pagkilala sa Makapangyarihang Bathala upang sundin ang Kanyang mga dakila at banal na kautusan.

Noong Disyembre 23, 1934 ay unti-unti ng nawawalan ako ng pag-asa sa ginagampanan kong pagsasakrepisyo sapagkat malapit ng matapos ang 6 na buwan ay wala man lamang akong mabanaag sa ginagampanan kong pagsasakrepisyo. Gayunpaman ay pinilit kong huwag mawalan ng pag-asa sapagkat nagdudumiin sa aking isipan ang sinabi ng matandang si Ka Proso na kailangan kong pagtiyagaan ang aking gagawin at hindi ako dapat na manghinawa. Sa isipan ko'y hindi ko malimot ang kanyang naging salawikaing, "Ang sikap at tiyaga ay batis ng ligaya at tuwa." Ito ang laging pumapasok sa aking kalooban at kahit na ako ay nalulungkot at nananamlay sapagkat ako ay sinasagian ng mga guni-guni upang huwag ko ng ipagpatuloy ang aking ginagampanang sakrepisyo sapagkat ako anya ay tiyak na mabibigo ay inilagay ko sa aking isipan at kalooban na ipagpapatuloy ko ito hanggang mahustong 6 na buwan at kung walang dumating sa sinabi ng matanda na espirito o engkanto na makikipag-usap sa akin ay hihinto na akong tuluyan at hindi ko na ipagpapatuloy ang aking ginagampanang pagsasakrepisyo.

Katapusang araw noon na siyang kahustuhang araw ng ika-anim na buwan ng ginagawa kong sakrepisyo at noon ay mga limang minuto na lamang bago sumapit ang ika-12 ng tanghali ay inilatag ko na ang lagi kong dala-dalang PERGAMINO VIRGEN, at ito ay balat ng tupa na hindi pa nagagalaw ng kanyang kapwa tupa. Ang lapad nito ay ikatlong bahagi ng isang metro at ang ayos nito ay pabilog at may CIRCULO sa gitna nito at may mga lihim na mga pangalan na nakalagay sa palibot ng nasabing circulo. Ito ang siya kong inilalatag sa isang malapad na bato at pagkatapos ay tumutuntong ako sa gitna nito at doon ko naman bibigkasin ang mga panalangin, mga invocacion at iba pa. Nang eksakto ng alas dose ay tumayo na ako sa gitna ng circulo cabalistico at sinimulan ko ng inusal ang mga panalangin at pagkatapos ay isinunod ko na ang mga invocaciones. Sa aking pagkakatindig na paharap sa silangan ay noon lamang ako nakadama ng pangingilabot na gumapang sa aking buong katawan na hindi ko naman malaman ang sanhi at ang buhok ko sa ulo at ang aking mga balahibo ay nangagsitindigan na para bagang may mga mangyayari na kung anong bagay sa oras na iyon. Tinatagan ko ang aking sarili at isinaisip ko na anuman ang mangyari ay hindi ako pababayaan ng Poong Maykapal sapagkat ang hangarin ko ay kabutihan at hindi ang pangsarili kong kapakanan kung hindi ang kapakanan ng aking kapwa kung sakali nga at ako ay pagkakaloobang magtagumpay. Pakiwari ko ay para akong inaangat sa aking pagkakatayo sa tinutuntungan kong pergamino virgen. Sa dakong silangan ay may natanaw ako na tila balumbon ng maputing ulap, kasabay ang paghihip ng malakas na hangin na tila siyang nagtataboy sa ulap na puting-puti papalapit sa aking kinatatayuan. Anupa't ng sa tantiya ay humigit-kumulang na lamang sa 15 metro ang layo sa aking kinatatayuan ng nasabing ulap, sa aking pagkakatitig ay tila nagkakaroon ng pormang tao at ito ay palapit ng palapit sa akin. Ang gustong manatili sa kalooban ko ay takot datapwa't pinanatili ko ang aking sarili sa kaisipang kung anuman ang aking sapitin o kung anuman ang magaganap ay ilalaan ko na ang aking sarili sa Diyos. Bukod sa rito ay inisip ko rin na baka ito na nga ang malaon ko ng hinihintay na siya kong pinag-uukulan ng panalangin at mga panawagan upang aking makausap. Naghari din sa akin ang takot at pangamba kung kaya gusto ko ng umalis sa aking kinatatayuan subali't sa mahinahon at malagong na tinig ay nagsalita ang ngayon ay ganap ng isang tao na kani-kanina lamang ay para lamang isang balumbon ng ulap. Sinabi niya na hindi ako dapat matakot sapagkat siya na nga ang aking kailangan at nabanggit rin niya na nababatid daw niya ang aking ginagampanang pagsasakrepisyo. Sa kabila nito ay hindi pa rin nawawala ang aking kaba na baka ito ay masamang espirito o engkanto kaya't meron akong inusal na pangungusap na panlaban sa mga masasamang espirito datapwa't patuloy pa rin ang kanyang paglapit sa akin hanggang sa kami ay tuluyan ng magpangharap. Hindi halos ako makapaniwala sa aking nasaksihan sapagkat ang aking nakaharap ay puting-puti ang suot na tila baga katulad ng suot ng mga apostoles ng Panginoong Hesukristo. Ang kanyang buhok at balbas ay mahaba at pawang puting-puti rin na parang niyebe. Kapagkuwan ay sinabi nito na alam niya na ako ay anim na buwan ng gumaganap ng pagsasakrepisyo sa lugaring iyon at sapagkat ako aniya ay nakapagtiis na magsikap hanggang dumating ang araw at oras na iyon ay huwag daw akong matakot at ako ay sumama sa kanya. Tinuran niya na siya daw ay tao ring kagaya natin dangan nga lamang at iba ang kanyang uri kaysa atin. Kaya't ang ginawa ko ay dali-dali kong sinamsam ang mga gamit na ginamit ko at akin ng pinagtitiklop at inilagay ko ng lahat sa aking dala-dalang bag at lakas-loob na akong sumama sa matanda at itinalaga ko na lamang ang aking sarili sa anumang mangyayari. Ako nga ay sumunod sa matanda subali't ang aking kalooban ay hintakot pa rin at tila ako ay atubili pa rin subali't sa wakas ay ipinasya ko na ring sumama at anuman ang mangyari ay tatanggapin ko. Hindi naman kalayuan sa pinagdarausan ko ng pagsasakrepisyo ay nakarating kami sa isang ilat na babahagya ang tubig at ang dumidinding dito ay kabatuhan. Kapagkuwan ay tumigil ang matanda at hinarap niya ang dumidinding na kabatuhan at tila baga siya ay may inusal sa kanyang sarili at pagkatapos ay dumipa na para bagang may inuutusan na hindi ko naman nakikita. Nang walang anu-ano ay biglang umingit ang dumidinding na bato at ito ay unti-unting nabuksan na parang isang pinto. Gayon na lamang ang aking pagkabigla ng ito ay tuluyan ng mabuksan sapagkat ito pala ay bunganga ng isang kuweba na napakaganda at sa bukana pa lamang nito ay may mga batong nagtulo, at ng silipin ko ang pinakaloob ay para bagang may nagkikislapan. Pinasunod ako ng matanda sa kanya at ako ay pinagsabihan niya na anuman ang aking makita at mapansin ay huwag ko anyang babatiin at anuman ang aking nasa isip ay isaloob ko na lamang kung gusto kong makalabas sa nasabing kuweba. Sa sinabing ito ng matanda ay kinilabutan ako na tila baga ang kalooban ko ay parang nahintakutan. Gayunman ay tinatagan ko na ang aking kalooban sa anumang mangyayari. Pumasok na kami sa loob ng kuweba at nagpatuloy kaming dalawa sa paglakad at anumang bagay ang napansin ko na lubhang nakasisiya sa akin ay akin na lamang sinasarili sapagkat tinandaan kong mabuti ang habilin sa akin ng matanda. Ang malabis kong ipinagtaka ay kung bakit maliwanag sa loob ng kuweba samantalang wala namang ilaw kaming dala at maging ang aming dinadaanan ay wala namang nangakalagay na anumang ilaw upang siyang magbigay ng liwanag. Inisip ko na baka naman sa itaas nanggagaling ang liwanag subali't matay ko mang isipin ay walang pagdaraanan ang liwanag sapagkat ang paligid ay pawang palanas na pila-pila at batong matitigas pati na ang pinakakisame ng kuweba. Sa ganitong pagdidili-dili ko ay nagsalita ang matanda at sinabing huwag kong pagtakhan ang aking nasaksihan sapagkat ang lahat ng iyon ay kaganapan lamang ng mga kababalaghan at ang mga ito ay nagmula sa mga banal na pinagpala ng Poong Maykapal. Ako ay nagtaka sapagkat alam ng matanda ang nasasa-isip ko. Nagpatuloy kami ng paglalakad hanggang sapitin namin ang isang lugar na matay ko mang isipin ay hindi kapani-paniwala sapagkat dito ay mayroong isang lamesa na humigit-kumuang sa 4 na metro ang haba at isa't kalahating metro naman ang lapad at sa tingin ko ay yari ito sa marmol at sa magkabilang dulo nito ay may nakaupong tig-isang tao. Sa lamesa ring ito ay may nakaupong tatlong tao kung kaya ang mga nakaupo sa nasabing lamesa ay limang tao lahat. Ang nasa gitna ng tatlong tao ay kilalang-kilala ko at maging ang mga kaagapay niya ay pawang kilala ko rin subali't sa aking pagkaalam, silang lahat ay pawang mga matagal ng patay. Kapagkuwan ay nagsalita ang kasama kong matanda at sinabi na ako ay kanyang dinala sa kanila sapagkat ako anya ay may kailangan. Ako ay tinanong ng nasa gitna kung ano ang kailangan ko sa kanila at siya ay tinugon ko naman na nais kong makipag-ugnayan sa mga engkanto kung ako ay pahihintulutan nila. Sumagot muli ang nasa gitna at sinabing ang hinihingi ko ay masyadong mabigat at hindi nila maaaring matugunan ang aking mithing laging makipag-ugnayan sa kanila. Nagsalita naman ang nasa kanan at tinanong niya kung ilan na ang aking edad at kung ano ang aking mithiin at gustong-gusto kong makipag-ugnayan sa kanila. Sinabi ko na ako ay 23 taong gulang at kaya ko nais makipag-ugnayan sa kanila ay upang ako ay makatulong sa mga taong naliligaw ng landas sa paggawa ng kabutihan, at pawang nangabubuyo sa paggawa ng kasamaan sa kanilang kapwa nilalang, sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila upang hanapin ang daan at makiisa sa isang maka-Diyos na pagsasamahan na siyang pag-asa ng ating bansa sa araw ng bukas. Nagsalita naman ang nasa kaliwa at sinabi niya na maganda ang aking hinihiling nguni't ang kailangan anya ay pag-aralan ko munang mabuti ang aking hinihiling sapagkat sa pagpapabuti ng isang masama ay nariyan ang pagtitiis ng madlang kahirapan, ng pag-alipusta, ng pagkutya, ng paglait at kasama na rin ang pagharap sa sari-saring tukso. Nagsalita muli ang nasa gitna at sinabi niyang ako ay humayo na at kanilang pag-aaralan kung ako nga ang siyang karapat-dapat na pagkatiwalaan nila upang kanilang maging tagapag-ugnay sa kanilang hindi natapos na mga gawain na katulad ng nasasaad sa kanyang isinulat na HULING HABILIN.

Kapagkuwan ay tinawag ang matanda na siyang naghatid sa akin at narinig ko na lamang ang pangalang MANOLO at sa wari ay ito na nga ang pangalan ng matanda. Ipinahahatid ako sa isang lugar sa loob din ng kuwebang iyon at anila ay pagkalooban ako ng kaunting kabuhayan bilang gantimpala sa aking ginawang pagsasakrepisyo. Sumagot ng "Si, Señor" ang matanda at kapagkuwan ay nangag-usapan ang limang nasa lamesa sa wikang kastila at bagaman at ako ay nakakaintindi ng mangilan-ngilang salitang kastila ay hindi ko naman mawatasan ang kanilang pag-uusap at sa wari ko ay kanila itong sinadya upang talagang hindi ko maintindihan ang kanilang pag-uusap. Nang matapos ang kanilang pag-uusap na hindi naman katagalan ay tinawag na muli ang pangalan ng matandang aking kasama at sinabing kami ay lumakad na at may sinabing "hasta la vista," na hindi ko naman alam kung ano ang ibig sabihin sa wikang tagalog. Ako ay kinalabit ng matanda sa aking braso at kami ay nagpaalam na at kami naman ay lumakad ng muli. Ako ay dinala ng matanda sa isang lugar na ang aking napagmasdan ay lubhang hindi kapani-paniwala, at muli ay pinagsabihan ako ng matanda na kung anuman ang aking nasasaksihan ay isaloob ko na lamang. Siya ay may itinuro sa akin at kanyang sinabi na iyon daw ay kabuhayan na maaari kong makuha at maiuwi sa amin upang makatulong sa aming pagdaralita. Subali't sinabi ko na hindi ko kailangan ang mga bagay na nauubos at nawawala sapagkat ang kailangan ko ay ang magkaroon ng karapatang makipag-ugnayan sa kanila sa tuwi-tuwina kung kanilang mamarapatin. Sinagot ako ng matanda at aniya'y panahon lamang ang tanging makapagpapasya sa aking kailangan, sa kapahintulutan ng tadhana sa kapulungang pinagkaisa ng mga taong di-pangkaraniwan. Kaya't ang pagtitiis at pagpapakasakit diumano ay nasa akin at kung talaga anyang kapalaran ko ay makakamit ko ito subali't lubhang mapanganib ang aking haharapin sapagkat ang magtuwid sa mga maling haka, gawa at isip ng mga taong magiging mahigpit kong kalaban ay hindi gawang biro. Sinabi kong ang lahat ay sa Diyos ko tanging ipinababahala, na sa tulong ng mga engkantong aking nakadaupang palad ay makaaakay kahit pa nga iilan ng mga taong nangaliligaw ng landas tungo sa landas ng pagpapanibagong-buhay upang makapaglingkod, una sa Diyos at pangalawa ay sa bayan. Muli siyang nagwika na saka na kami muling mag-uusap at sinabing kung hindi ko matatanggap ang ipinagkakaloob nila sa aking kaunting kabuhayan ay lalong hindi diumano nila maipagkakaloob sa akin ang aking hinihiling, kung kaya, ang nasabing kaloob ay ipinabubuhat sa akin sapagkat malaking tulong diumano ang maidudulot nito sa amin. Ako ikako ay nagpapasalamat sa kanilang magandang kalooban subali't sinabi kong ang pinakamahalaga sa akin ay ang pang-espiritwal at hindi ang pangmateryal na kaloob. Nagpatuloy ang matanda at sinabing yamang hindi rin niya ako mapilit ay sumunod ako sa kanya at kami ay lalabas na sa lugaring iyon. Nang kami ay papalabas na ay muli na namang idinipa ng matanda ang kanyang mga kamay at lumairit na muli ang bato na akala mo ito ay pintong nabuksan at kaming dalawa ay tuluyan ng lumabas. Humarap na muli ang matanda sa pintong nabuksan, may inusal na muli ang matanda at ang pinto ng kuweba ay muling sumara ng unti-unti. Ang malabis kong ipinagtaka ay ng lapitan ko ang sumarang pinto sapagkat wala man lamang gatla akong nakita samantalang kitang-kita ko ng maghugpong ang pintong bato. Sinabi sa akin ng matanda na sa nakalipas na mahabang panahon ay ako pa lamang ang nagkaroon ng kapalaran na makapasok sa kuweba at makita't makausap sila, kung kaya, hiniling niya na dapat ko anyang ipaglihim ang mga bagay na aking nasaksihan sapagkat hindi pa napapanahon na mabunyag ang mga ito. Idinugtong pa niya na kung ang mga nakita ko ay akin ding ipagtatapat sa iba ay hindi rin naman ako paniniwalaan at ako ay pagtatawanan lamang sapagkat sasabihing ito ay mga haka-haka ko lamang maliban na lamang kung ang mga bagay ay magkakaroon na ng kapasyahan at ng kaganapan. Bilang panghuli ay sinabi niya na kung magkaroon na ng kapasyahan at maipagkaloob sa akin ang aking hinihiling ay hayaan kong ang lahat ng mangyayari ay ipaubaya sa mga taong susubaybay sa akin upang siyang magpatotoo at maging saksi sa hiwagang iyon. Ako ay sumagot at sinabi ko na ako naman ay umaasa sa Diyos at ikalawa ay sa kanilang mahalagang subaybay sa akin lalo na sa kanilang magiging tulong para sa aking ikapagtatagumpay. Matapos kong masabi ito ay inabot ng matanda ang aking kamay at sinabi niyang ako ay kanyang tutulungan. Pagkatapos, ako ay kanyang tinagubilinan na huwag anya akong mawawalan ng pag-asa sapagkat ang bawa't tao ika ay nilikha ng Diyos upang gampanan ang kani-kanyang mga tungkulin dito sa ibabaw ng lupang ating kinalalagyan. Pagkawika niya nito ay bigla na lamang siyang naglaho na parang bula. Gayon na lamang ang aking labis na kasiyahan na bagaman at ang aking malabis na mithiin ay hindi ko pa natanggap at napagtagumpayan ay inilagay ko sa aking isip ang kasabihan na ang tao habang nabubuhay ay hindi dapat na mawalan ng pag-asa at kung ano ang dalahin ng iyong kalooban at taimtim ang iyong pananalig ay ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang iyong hinihiling. Ako ay umuwi na sa amin na taglay ang malabis na kasiyahan.

Noon ay ika-25 ng Disyembre, 1934. Dalawang araw pa lamang ang nakalilipas buhat ng ako ay manggaling sa lugar na aking pinagdarausan ng pagsasakrepisyo at noon ay mga ika-10 na ng gabi ay mayroon akong naulinigan na tumatawag sa aking pangalan. Aking inulinig na mabuti kung sino ang tumatawag sa akin, at ng aking mapagsino ang tinig ay sumagot ako at tuloy nakiramdam kung talagang siya na nga ang tumatawag sa akin. Sa ikaapat na tawag sa aking pangalan ay sumilip ako sa siwang ng aming bintanilya at nakita ko ang matanda na nakasuot ng puti at ako ay tuloy-tuloy ng lumabas ng aming bahay at lumapit sa kanya. Matapos kong magbigay-galang ay tinanong ko ang matanda kung papaano nalaman ang aming lugar gayon na rin kung ano ang kanyang sadya. Sinabi niya na ang sadya ng kanyang ipinaroon ay sanhi sa aming napag-usapan, upang maalaman ko naman kung ang aking hinihiling ay ipagkakatiwala sa akin o hindi. Sinabi niya na sila diumano ay nagkaroon ng pagpupulong upang malaman kung ako ay karapat-dapat pagkatiwalaan na pagbigyan ng karapatan na sila ay makaugnayan, at kaya siya nagsadya sa aming lugar ay upang ipaisip sa aking mabuti kung makakaya kong isabalikat ang mabigat kong kahilingan na kailangan ko anyang tuparin at isagawa kahit na mangahulugan ito ng pagtitiis sa mga pagkutya at inggit hanggang humantong sa sandali na maagaw sa akin ng iba ang binhing aking ipupunla at hanggang ako ay pag-usigin sakaling ito ay dumami at lumaganap na. Binanggit pa rin na marami sa aking itatanim ang hindi ko pakikinabangan sapagkat anya, sila ang mga damong magiging mapanira sa ihahasik kong mabuting punla. Idinugtong pang kung sakaling ang aking hinihiling ay palaring mapasaakin, ito ay hindi parang kanin na aking mailuluwa sakaling ako ay mapaso. Bilang pangwakas ay sinabi niya na nasa panahon ika ang dampot at nasa panlalagas ang pulot at ang sarili ko ikang bangko ay huwag ako ang bubuhat at ipaubaya sa iba ang pag-angat. Tinanong ko ang ibig sabihin ng huli niyang tinurang parang talinhaga subali't sinagot niya ako na ako na ika ang siyang umisip sapagkat nakasalalay dito diumano ang magiging kaganapan ng aking tagumpay o kabiguan sa mga salawikaing kanyang tinuran. Idinugtong pa niyang huwag akong mawawalan ng pag-asa, at pagkatapos niyang makapagpaalam ay nawala na naman siyang bigla sa aking paningin. Sa simula'y hindi ko madalumat ang nais na ipakihulugan ng matanda sa kanyang mga tinuran subali't matapos kong mapag-aralang mabuti ay naunawaan ko rin ito at nabigyan ng katugunan ang tunay na mga kahulugan. Mag-aalas dos na ng umaga ay hindi pa ako dinadalaw ng antok dahil marahil sa ginawa kong pag-iisip, gayunman, ako ay naidlip sumandali, subali't ng mag-aalas kuwatro na ng umaga ay nagising na rin ako. Sa aking labis na pagtataka ay mayroon akong nakita sa aking kanang kamay na tila isang posporo subali't ng ako ay magsindi ng ilaw ay napag-alaman kong ito pala ay isang librito na kasing laki ng posporo. Hindi madalumat ng aking isip kung papaano at sino ang naglagay ng libritong iyon sa aking kamay subali't hindi nalaunan at mayroon akong narinig na tinig na nagsabing dahil noon ay kaarawan ng Pasko, ang libritong nabanggit ay ipinagkakaloob nila sa akin at iyon diumano ang katugunan nila sa aking ginampanang pagsasakrepisyo at sa aking mabuting hangarin. Itinagubilin pa rin sa akin ng tinig na huwag ko anyang gagamitin ito sa paggawa ng anumang kasamaan o sa pang-aapi ng aking kapwa sapagkat kung ako ay magkakamali ay kanilang babawiin sa akin ang nasabing librito. Pagkasabi nito ay nawala na ang tinig at gayon na lamang ang malabis kong kasiyahan hanggang sumagi sa aking isipan na ang pagtatagumpay kong ito ay utang ko sa matandang nakasama ko sa baryo Matikiw na dili iba at si Ka Proso na kung hindi dahil sa kanyang ipinagkaloob na pamamaraan ay hindi ko kailanman makakamit ang aking tagumpay. Disyembre 25, 1934 - dito sa petsang ito nagsimula ang aking pakikipag-ugnayan sa ating mga kinikilalang mga MANGANGARAL.

Nang taong 1936, ako ay umuwi na sa baryo Lingga, Calamba, Laguna; at doon na ako nakatagpo ng hanapbuhay. Noon namang Mayo 19, 1936 ay nakilala ko ang isang maykaya sa buhay na anak nina Basilio Salgado at Romana Espirito na dili iba't si Jovito Salgado. Sila ang may-ari ng Burol ng Lecheria na ang sukat at lawak ay humigit-kumulang sa 12 ektarya. Ako ay nakilala ni Jovito Salgado sa pamamagitan din ng ilan kong mga kaibigan at kami naman pala ni Jovito ay hindi rin nagkakalayo sapagkat ang isa naming kamag-anak na si Dominga Parabuac ay ina ng naging asawa ni Rosendo Salgado na kapatid naman ni Jovito. Inamuki ako ni Jovito na sumama sa kanya upang kaming dalawa ay magtanim ng mga halaman sa kanilang lupa dito nga sa Lecheria, at sa kanya namang mabuting pakiusap ay napasang-ayon ako sapagkat noon naman ay mayroon din akong hilig sa pagtatanim ng mga halaman.

Hunyo 18, 1936 ng magsimula ang pangangaral ng mga Banal na Tinig sa mga tao, At sa tuwing sila ay dumarating ay nagsasalita sila ng mga pawang kabutihan tungo sa ikapagiging banal ng isang tao upang siya ay magkamit ng buhay na walang hanggan sa buhay na ito at maging doon sa kabilang buhay.......