Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

KASAYSAYAN

NG

IGLESIA WATAWAT NG LAHI

 

Sa pasimula, ng lalangin ng tanging Diyos na makapangyarihan sa lahat ang Sanlibutan, ay una munang nilikha Niya ang langit (kalawakan) na kasama ang mga Angeles, Querubines, Serafines, ang pitong planeta, mga bituin sa kalawakan, lupa, tubig, hangin, mga punong kahoy, mga hayop sa kaparangan, mga ibon sa papawirin, mga halaman at mga isda sa karagatan. Ano pa't bago nilikha ng Diyos ang tao ay inihanda ang lahat ng kailangan niya sa paraiso, kaya't ng likhain si Adan at si Eba sa loob ng paraiso ay namalas nila ang kagandahan, na ang lahat ng kailangan nila ay naroroon upang mamuhay sila ng sagana na walang gutom at uhaw at maligaya. Nang makipag-unawaan ang Diyos sa pamamagitan ng tinig ay isang anghel ang isinugo ng Diyos upang makipag-unawaan kay Adan sa pamamagitan ng tinatawag na SCHEMHAMPHORAS. Ito ay isang uri ng pakikipag-unawaan ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng lihim na mga pangungusap upang dumating ang sugo ng Diyos sa mga tao. Ganito rin ang ginamit ni Noe ng siya'y utusan ng Diyos na gumawa ng arko upang paglulanan ng kanyang buong pamilya at mga mag-a-mag-asawang mga hayop bago gunawin ang mundo sa pamamagitan ng tubig, at ganito rin ang ginamit ni Moises at ng Haring Solomon ng sila'y makipag-ugnayan sa Diyos. Ganito ring uri ang ginamit ni Lot ng makipag-ugnayan siya sa sugo ng Diyos ng maligtas siya bago gunawin ang tatlong bayan ng Sodom, Gomora at Nineve sa pamamagitan ng apoy.

Bago dumating sa ating bansa ang mga kastila ay may isang uri na tayo ng pananampalataya na ang Banal na Tinig ang siyang sinusunod ng ating mga ninuno. Nang dumating si Fernando Magallanes sa pulo ng Mactan at mapatay ni Lapu-lapu sa isang pakikipaglaban ay ipinagpatuloy rin ng mga kastila ang pananakop sa ating bansa na pinamunuan nina Legazpi at Urdaneta. Sinakop ang ating malayang Kapuluan sa pamamagitan ng krus at espada. Diyan na itinuro sa atin ng mga kastila at mga prayle ang pananampalataya ng Iglesia Catolica Apostolica Romana. Ang mga kastila ang siyang naglagay ng pamagat na Pilipinas sa ating malayang Kapuluan sapagkat ng panahong iyon, ang Haring Felipe ang siyang hari sa Espanya kaya't ibinatay sa kanyang pangalan ang pamagat na Pilipinas na siyang kinagisnan nating taguri sa ating bansa.

Nang taong 1914, sa pulo ng Masbate, ang WATAWAT NG LAHI ay itinatag ng mga bayani, ayon sa ulat ng ating Matandang kinikilalang Magulang sa Sinalhan, Sta. Rosa, Laguna. Ang Simulaing ito ay ipinagpatuloy sa Pulong Ginto o Lecheria ng taong 1936. Ang naglagay ng pamagat na Lecheria sa burol na ito ay ang mga prayle sapagkat ang burol na ito ay ginawang paligawan ng mga baka at mga kambing ng mga prayle at dito nila ginagatasan kung umaga ang kanilang mga baka at kambing na siyang iniinom ng mga prayle na nakatira sa asyenda sa tabi ng simbahan sa bayan ng Calamba.

Si GAUDIOSO PARABUAC na sumilang sa nayon ng Lingga, Calamba, Laguna ang siyang pinagkalooban ng Diyos upang matawagan ang mga sugo ng Diyos pagkatapos na siya ay makapagsakrepisyo sa Bundok ng Makiling sa loob ng anim na buwan.

Ang Tinig na dumarating sa pamamagitan ng panawagan ni Ginoong Severino de Ang ang siyang nag-utos kina Mateo Alcuran at Abogado Alfredo Benedicto ng sila ay nasa isang bahay sa Galas na malapit sa Maynila na sila ay inutusan na magsadya sa Burol ng Lecheria, Calamba, Laguna upang hanapin ang dalawang tao na dili iba't sina Jovito Salgado at Gaudioso Parabuac. Sila ay pinagtagpo roon ng ika-24 ng Disyembre, 1936. Ang pangako sa kanila ng Banal na Tinig ay pagkakalooban sila ng aginaldo. Sapagkat sila noong mga panahong iyon ay naghahanap ng mga kayamanang natatago sa ilalim ng lupa, ang buong akala nila ay kayamanan ang ipagkakaloob sa kanila ng Banal na Tinig subali't hindi kayamanan ang ipinagkaloob sa kanila kundi mga ginintuang aral. Ang sabi sa kanila ng Banal na Tinig ay huwag nasain nila ang kayamanang nabubulok at tinatanga, kung hindi, ang hanapin nila ay yaong kayamanang para sa kabilang buhay upang sila ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Sa tuwing araw ng Sabado ng hapon, sila ay pinangangaralan ng Banal na Tinig sa Burol ng Lecheria sa dakong silangan sa isang bahay na maliit na pawid sa tabi ng isang malaking puno ng sampalok. Nakasama nila roon sina Hukom Cirilo Lavadia na taga Sariaya, Quezon; si Abogado Lorenzo Chacon na taga Surigao, Mindanao; at abogado Alfredo Benedicto. Naragdagan ang mga taong nakikinig ng mga ginintuang aral ng Banal na Tinig at napabilang sina Buenaventura Lazian, Lazaro Ocampo, ang naging konsehal ng bayan ng Calamba; Rosendo Salgado, Tomasa Banay-banay, Felipe Velasquez, Juan Canicosa, Julio Parabuac at mga iba pa. Nang makaraan ang isang taon ay nagpaalam ang Banal na Tinig at itinagubilin sa kanila na ang Dakilang Bayani na Martir sa Bagumbayan ang siyang magiging PATNUBAY nila.

Patuloy ang lakad ng panahon at naragdagan ang mga nakikinig ng mga pangaral ng Banal na Tinig ng mga yumaong mga bayani sa pamamatnugot ng Dakilang Bayaning si Gat Dr. Jose Rizal. Napasama na rin sina Regina Habilagon, Rufino Habilagon, Paulina Magnaye, Eufrisina Magnaye, Josefina Ocampo, Julia San Pedro, Mercedes San Pedro. Ang Banal na Tinig ang nagsabing magtatayo ng isang SIMULAIN at pamamagatang SAMAHAN NG WATAWAT NG LAHI. Ang unang naging pangulo ng Samahan ay si Gaudioso Parabuac. Ang naging ina ng Samahan ay si Gng. Tomasa Banay-banay at ang naging bituin ng Samahan ay si Bb. Josefina Ocampo. Nang buwan ng Agosto, 1941 ay napasama sa Samahan sina Jacinta Amido, Agapito Samson at Jose Baricanosa Sr. Patuloy ang unti-unting pagdami ng mga kasapi at sa isang pangangaral ng Banal na Tinig ay sinabi na ang Iglesia ay tatlong beses na dadami at uunti, subali't sa ikatlong pagdami ay magpapatuloy na hanggang abutin nito ang libu-libong magiging kasapi. Sinabi nila na, "Kayo ay magkakaroon ng mabibigat na mga pagsubok at ang marurupok sa inyo ay manlulupaypay hanggang sila ay kusang umalis sa Simulain, datapwa't magpakatibay kayo sapagkat ayon sa sabi ng Panginoon - 'ang manatili sa piling Ko at sumunod sa Aking mga banal na utos ay maliligtas at magkakamit ng buhay na walang hanggan.'

Nang buwan ng Oktubre, 1941 ay inutusan ang mga tao ng Banal na Tinig na gumawa ng "air raid shelter" na parang kuweba sa Burol ng Lecheria sa dakong silangan na malapit sa dakong itaas ng puno ng sampalok sa tabi ng kubo sapagkat noon ay malapit ng pumasok sa Pilipinas ang mga Hapon. Sa tuwing alas-dos ng hapon kung araw ng Sabado, ang mga tao ay nagtitipon doon sa loob ng kuweba upang makinig ng kanilang mga ginintuang aral. Sa isang pagtitipon doon ay sinabi ng Banal na Tinig na kailangang maglagay ng ibang pangulo sapagkat hindi maaaring magkaroon ng dalawang tungkulin ang tagapag-ugnay o invoker kaya't iminungkahi sa Banal na Tinig na dili iba't ang mga MAHAL NA MAGULANG na siyang kinikilala sa ngayon, na si Eliseo Hidalgo na bayaw ni Gaudioso Parabuac ang siyang maging pangulo. Iminungkahi naman ni Lazaro Ocampo si Rosendo Salgado upang maging pangulo at iminungkahi naman ni Agapito Samson si Jovito Salgado upang siyang maging pangulo. Sa mga ito ay si Eliseo Hidalgo ang siyang napiling maging pangulo ng Samahan.

Bago dumating ang mga sundalong Hapones sa bayan ng Calamba, ng buwan ng Enero, 1942, sa isang pagpupulong sa loob ng kuweba ay sinabi ng Banal na Tinig na magkakaroon ng mga mahihigpit na pagsubok at siyang magiging sanhi ng pandadalang ng mga kasapi sapagkat sang-ayon sa Banal na Tinig, ang mga pangunahin ay makakamayan (uusigin ng mga Hapon) nguni't sinuman sa kanila ay hindi papatayin. Noon ay nasasakop na tayo ng bansang Hapon. Ang nasabing kuweba'y sinalakay ng mga sundalong Hapones ng ika-19 ng Hunyo, 1942 sa kaarawan ng pagsilang ng Dakilang Bayani kaya't noon ang kuweba ay nagagayakan ng mga dahon ng niyog at iba't ibang uri ng mga bulaklak. Ayon sa suplong ng mga tao ng pumasok na ang mga sundalong Hapon dito sa bayan ng Calamba, ay sa kuweba diumano itinago ang ilang mga baril ng pulis kaya't pinagbintangan ang Samahan na nagpupulong ng laban sa bansang Hapon. Dinala sa garison sina Gaudioso Parabuac, Alfredo Benedicto, Jovito Salgado, Lazaro Ocampo at Eliseo Hidalgo. Sila ay nangaparusahan sa loob ng garison. Nang panahong iyon, ang alkalde na siyang nakaupo ay si Felipe Belarmino na kung kaya gayon na lamang ang galit sa mga taong hinuli ay sapagkat ang kanyang asawa na si Tomasa Banay-banay ay siyang pinaka-Ina ng Samahan, at ang buong akala niya ay pinagsasamantalahan ang kanyang maybahay ng ilang mga taong pangunahin ng Samahan. Ang katotohanan ay hindi totoo ang kanyang mga paratang at mga ibinibintang sapagkat ang dahilan ng pagsama ng kanyang asawa dito sa Samahan ay sapagkat siya ay may tinataglay na karamdaman na hindi mapagaling ng mga doktor at mga albularyo kaya't ng siya ay magsangguni ukol sa kanyang tinataglay na karamdaman ay hinatulan siya ng kagamutan hanggang sa siya ay tuluyan ng gumaling at tuluyan na ring sumama sa Samahan.

Nang mayroon ng 12 araw na nakukulong sa loob ng garison sina Gaudioso Parabuac, Jovito Salgado, Lazaro Ocampo, Alfredo Benedicto at Eliseo Hidalgo ay ipinatawag ang ilang kasapi ng Samahan ng kapitan ng garison na si Captain A. Muray upang masaksihan nila kung ano ang kahihinatnan ng huling imbestigasyon sa limang taong akusado na nabibingit na sa kamatayan sapagkat ang bintang ay totoong mabigat sa pagdidiin na rin ng alkalde na diumano, sila ay mga subersibo at laban sa pamahalaan ng mga Hapon. Nang mga bandang alas-otso ng gabi ay may mga 15 ang naroroon na sa loob ng garison. Sa isang lamesa na ang haba ay apat na metro at ang lapad ay isang metro ay doon sila pinahanay at pinatayo sa bandang silangan ng lamesa. Kapagkuwan ay sumigaw ang kapitan sa sundalo at hatid ng walong sundalong Hapon na naka-fixed bayonet ang limang detenido. Silang lima ay pinaupo sa bangko na nasa tabi ng lamesa at kapagkuwan ay dumating naman ang alkalde na si Felipe Belarmino na kasama ng isang tinyenteng Hapon. Si Kapitan Muray ay naupo sa bandang kanluran ng lamesa at ang alkalde naman ay sa gawing kaliwa naupo. Ang tinyente naman ay sa dulong silangan ng lamesa nakaupo. Ang mga akusado ay doon naman nakaupo sa bandang kanan na nakaharap sa silangan at ito ay sina Gaudioso Parabuac, Alfredo Benedicto at Jovito Salgado. Sa gawing kaliwa naman ay naroon sina Lazaro Ocampo at Eliseo Hidalgo. Isa-isang tinanong ang mga dumalong kasapi at ang mga naging kasagutan ay halos iisa, datapwa't ang alkalde ay mahigpit na pinabubulaanan ang mga naging pahayag. Ang kanyang pinipilit na palabasin ay sadyang ang Samahan ay masama at laban sa pamahalaang Hapon at ang mga akusado ay pawang mga gerilya at ang dapat ay pagpapatayin sa may likod ng garison. Halos ang sinasalita ng alkalde ay pawang maruruming salitang kastila at tagalog na kanyang pinaghahalu-halo. Ganito humigit-kumulang ang naging usapan:

L. Ocampo: Tiyo Ipe, pati ba naman ako ay ipapapatay ninyo?

Alkalde: Bueno, puwera ka.

J. Salgado: Ako po naman Tiyo Ipe.

Alkalde: Puwera ka rin.

A. Benedicto at E. Hidalgo: Kami po?

Alkalde: Kayo mang dalawa ay puwera na rin, at ang kailangan lamang na barilin ay itong isang ito (sabay turo kay G. Parabuac) sapagkat iyan ang siyang puno ng mga gerilya at maraming kilala iyan na mga gerilya at maraming tao ang niloloko niyan.

Halos sa pagkakita ng mga kasapi ay hindi na makapagsalita man lamang ang Kapitan at tinyente at panay na ang alkalde na lamang ang nagsasalita. Hindi nakatiis ang tinyente at binulas ang alkalde at sinabing tumigil na ito sa kasasalita. Hindi man lamang kinakitaan ng munti mang pagkabalisa o pagkatakot ang kapatid na siyang pinipilit na ipapatay.

Nang mayroon ng mga 20 minuto na nagpupulong ay binalingan ang mga kasaping nakatayo sa bandang silangan ng lamesa at tinanong kung totoong lahat ang sinasabi ng alkalde na diumano'y nagtatag ang mga naroroong kasapi ng isang Samahan na laban sa mga Hapon. Ang tugon ng lahat ay walang katotohanan ang kanilang ibinibintang. Kapagkuwan ay sinabi na itigil na ang pagpasok sa kuweba at tulungan ang Japanese Imperial Army. Pagkatapos nito ay tinanong naman ng Kapitan si Gaudioso Parabuac at tinuran naman nito na sila ay walang ginagawang masama maliban sa sila ay nananalangin sa loob ng kuweba. Kapagkuwan ay nakita na lamang na si Gaudioso Parabuac ay pinigilan sa balikat ni Kapitan Muray at pinatindig ito sa tabi niya at sinabing ito ay kailangang magbigay ng isang paliwanag sa mga kasaping naroroon at sabihing itigil na ang pagpasok sa loob ng kuweba. Nagsimulang magpaliwanag ang kapatid na ito na sa wari ay hindi man lamang kinakapitan ng nerbiyos at ni hindi man lamang gumagaralgal ang tinig bagama't deklaradong siya na lamang ang ipinapapatay ng alkalde. Nagpatuloy ang kanyang mga tinalakay na paliwanag at ito ay ang kadakilaan ng mga bayani lalo at higit si Dr. Jose Rizal at gayon na rin ang pagbanggit niya na dapat magkaroon ng mabuting pag-uugnayan at pag-uunawaan ang mga maliliit na bansa sa dulong silangan. Nang mayroon ng mga 20 minuto ang kanyang pagsasalita ay tinapos na niya ito subali't ng siya ay uupo na lamang ay muli siyang pinatindig ng Kapitan at muli siyang hiningian ng isa pang paliwanag. Nagsimula naman muling nagpaliwanag ang ating kapatid at ang kanyang tinalakay ay ang pagkakapantay-pantay ng mga tao bagaman at iba-iba ang ating mga kulay. Tinalakay rin niya ang pangaral na tayo ay hahatulan sang-ayon sa ating mga gawa at marami pang ibang bagay. Nang matapos ang mga 15 minuto ay tumigil na siya sa pagpapaliwanag at siya ay naupo na. Sinabi ng Kapitan na sa kinabukasan, ang apat ay maaari ng makauwi maliban na lamang sa ating kapatid na si Gaudioso Parabuac na dapat na maiwan. Kaya't ng matapos ng makapagsalita ang Kapitan ay pinauwi na ang mga tao at hindi na natuloy ang pagpatay.

Kinabukasan ay pinalaya na nila sina Jovito Salgado, Alfredo Benedicto, Lazaro Ocampo at Eliseo Hidalgo at ang tanging naiwan sa loob ng garison ay ang kapatid na Gaudioso Parabuac. Lumipas pa ang 2 araw at nakalabas na rin ang kapatid na Parabuac at siya ay kinumusta ng mga kapatid. Pinagkaisahan na isangguni sa mga Magulang kung ano ang kanilang magiging kapasyahan sapagkat ang mga tao ay pinatitigil na ng mga Hapon na magtipon-tipon sa kuweba at ang sinabi ay kailangan naming ipagpatuloy at hindi kami dapat na matakot. Bagaman at ang mga kapatid natin na nakulong sa garison ay labis na pinahirapan, naganap ang sinabi ng mga Mahal na Magulang na wala isa mang mapapatay sa mga pangunahin palibhasa'y ito ang kanilang sinabi na mahigpit na pagsubok, at dahil una sa Diyos at pangalawa sa ating mga kinikilalang mga Mahal na Magulang o ang Banal na Tinig na sa kanila ay sumusubaybay, ang mga pangunahin ay pawang nangaligtas.

Nang buwan ng Oktubre, ika-16 at taong 1942, ay inutusan ang mga kasapi ng Banal na Tinig sa Bundok ng Makiling na magsakrepisyo o magpakasakit ng sampung araw. Ang sumusunod ay ang mga kasapi na inutusan: Gaudioso Parabuac, Jovito Salgado, Mercedes San Pedro, Mateo Alcuran, Julia San Pedro, Regina Habilagon, Lazaro Ocampo, Paulina Magnaye, Jose Baricanosa Sr., Eufresina Magnaye, Rosendo Salgado, Alfredo Benedicto, Alfonso San Pedro, Eleuterio San Pedro, Wenceslao Gillaco, Jacinta Amido at Hermogenes Librada. Nag-uumpisa ang sakrepisyo mula alas-nuwebe ng gabi at natatapos hanggang alas-dos ng madaling araw sa baybayin ng isang ilat. Doon ay nakaluhod sila sa ibabaw ng malalaking bato at may mga panalanging binibigkas sa wikang Latin na bigay ng mga Banal na Tinig. Ito ang tinatawag na sakrepisyo para sa mga pangitain. Ang mga pangitain sa sakrepisyong ito ang siyang pinagbabatayan ng Banal na Tinig sa mga tungkuling siyang dapat na magampanan ng mga kasapi. Nang matapos ang pagsasakrepisyo sa loob ng sampung araw ay pinauwi na ang mga kasapi ng Banal na Tinig. Nagpulong sa bahay ni Alfredo Benedicto sa may Burol ng Lecheria. Sinabi ng Banal na Tinig na sila ang maglalagay ng mga bagong pamunuan ng Samahan ayon sa mga pangitain ng bawa't kasapi. KUNG SINO ANG KANILANG HIRANGIN AY SIYA ANG KIKILALANING PUNO NG SAMAHAN. Tinawag ng Banal na Tinig sa loob ng silid ang mga sumusunod na pangalan: Rosendo Salgado, Jovito Salgado at Jose Baricanosa Sr. Doon sa nasabing silid ay nakaharap nila ng personal ang Banal na Tinig na walang iba kung hindi ang patnugot na siyang nag-abot ng simulaing ito. Siya ang tinatawag na kagalang-galang na GURO o ang Dakilang Bayani na si Dr. JOSE RIZAL. Siya ay buhay na may buto at laman at hindi siya espirito lamang. Siya ang naglagay ng pamagat na SAMAHAN NG WATAWAT NG LAHI na mayroong gintong simulain (kaisipan o aral ni Dr. J.P. Rizal): Maka-Diyos - Ibigin ang Diyos na makapangyarihan sa lahat. Maka-Tao - Ibigin ang kapwa paris ng pag-ibig sa sarili. Maka-Bayan - Ibigin ang bayang tinubuan. Magkaisa, magdamayan, magtangkilikan at magmahalang parang tunay na magkakapatid at magmamagulang. Siya ang laging nangangaral at nagbibigay ng mga utos kung ano ang dapat isagawa ng mga kasapi. Si Rosendo Salgado ang siyang naging Pangalawang Pangulo at si Jovito Salgado naman ang inilagay na kalihim ng Samahan batay sa mga pangitain na nakita ng bawa't isa sa kanilang pagsasakrepisyo. Hindi naman nalaunan at si Eliseo Hidalgo ay pinatay ng mga gerilya sa Malabon, Rizal dahil na rin sa kanyang mga pagkukulang sa kanyang sinumpaan sa Iglesia na hindi na siya nanuparan.

Noong ika-20 ng Marso, 1943 ay napasama sa Samahan sina Felicidad Ocdamia na siyang naging Ingat-yaman, Trinidad Banatin, Pilar Banatin, Manuel Banatin, Juan Ocdamia, Pacencia Ocdamia, Ursula Ocdamia, Maxima Salgado, Felisa Ustaris, Guillermo Ocdamia, Nestorio Banatin, Jovencio Ocdamia, Abogado Francisco Hernandez na noo'y kasalukuyang Agrarian Commissioner sa Tarlac, Tarlac; Melencio Tejada, Lorenzo Ybuan, Angel Patiga, Ora Parabuac, Juac Ercia, David Ercia at Wenceslao Gecale. Ang mga pangalang nabanggit sa itaas nito ay inutusan rin ng Banal na Tinig na magsakrepisyo ng tatlong araw sa loob ng kuweba hinggil sa mga pangitain.

Sa isang pagpupulong sa bahay ni Alfredo Benedicto ng ika-16 ng Setyembre, 1943 ng mga bandang ika-walo ng gabi ay binigyan ang mga kasapi ng Banal na Tinig ng isang sorpresa. Sinabi ng Banal na Tinig na maghanda ng 24 na plato sa loob ng kuwarto sa ibabaw ng lamesa sa bahay ni Alfredo Benedicto. Pagkatapos na maihanda ang mga plato ay pinalabas sila sa kuwarto at pagkaraan ng mga 15 minuto ay pinapasok muli sa loob ng kuwarto at ng kanilang tanglawan ng ilaw ay nakitang ang bawa't plato ay may lamang pagkain. Ito ay ang pansit na may kasamang manok, itlog at mga tinapay na mamon na sinlalaki ng platito na nangababalot pa ng mga palara. Nang panahong iyon ay kasalukuyang naghihirap tayo sa harina dahil sa sinamsam ng mga Hapones ang mga harina dito sa ating bansa. Sinabi ng Banal na Tinig na ang pagkaing iyon na nasa mga plato ay para sa mga tao kaya't kinain ng 24 na mga kasapi. Matapos silang makakain ay marami pa ang mga natirang mga mamong tinapay kaya't ang mga lumabis na mga tinapay ay dinala nila sa kani-kanilang mga sariling tahanan upang ipasalubong sa kanilang mga anak. Nang makaraan ang isang linggo, araw ng Sabado ng gabi, ang mga kasapi naman ang naghanda ng mga pagkain at ang Banal na Tinig naman ang inanyayahan at ang mga tao naman ay kanilang pinagbigyan. Ang mga inihanda noon ay mga piniritong manok at tinapay na galapong.

Noong buwan ng Mayo, 1944 ay minarapat na iparehistro sa Bureau of Trade and Commerce ang Samahan at sa halip na gawing Samahan ay pinamagatan itong IGLESIA WATAWAT NG LAHI sa utos ng Banal na Tinig sapagkat noong mga panahong iyon ay pinag-uusig ng mga Hapones ang anumang uri ng samahan maliban sa KALIBAPI. Ang mga gumawa ng corporation papers o mga papeles ng Iglesia ay sina Francisco Hernandez at Alfredo Benedicto. Ang mga bumubuo ng Lupong Tagapagpaganap o Junta Directiva ay ang mga sumusunod na pangalan: Pangulo - Jose Baricanosa Sr., Pangalawang Pangulo - Rosendo Salgado, Kalihim - Jovito Salgado, Ingat-yaman - Felisa Ocdamia, Kagawad - Alfredo Benedicto, Gaudioso Parabuac, Eleuterio San Pedro, Lorenzo Ybuan at Trinidad Banatin. Nang taon ding iyon ay napasapi sina Primo Aragones, Vicente Malaiba, Moises Gaa at Anastacio Mira. Sila ay mga taga pulo ng Talim, Binangonan, Rizal. Nang taon ding iyon ay nagkaroon ng mga balangay sa Sinalhan, Sta. Rosa, Laguna at Bigaa, Cabuyao, Laguna.

Nang buwan ng Disyembre, 1944, ng malapit ng dumating na muli ang mga sundalong Amerikano na pinamunuan ni Heneral Douglas MacArthur, ay sinabi ng Banal na Tinig na magsialis ang lahat ng kasapi sa baryo ng Lingga, Aplaya, San Juan at kabayanan ng Calamba sapagkat may darating na pinakamahigpit na panganib. Ang mga tao ay pinagsabihan na kung gusto nilang mangaligtas ay sa Burol ng Lecheria dapat tumigil o dili kaya ay tumawid sa Isla de Talim. Marami din ang sumunod sa Banal na Tinig at may mangilan-ngilan din ang hindi nagsisunod. Nang ang maraming mga kasapi ay natitipon na sa Burol ng Lecheria na mayroon ng isang buwan at wala pang nagaganap na anuman, at sapagkat malakas noon ang buy and sell ay mayroong mga kasapi na nagsabing gusto na nilang bumalik sa kani-kanilang mga lugar subali't sila ay pinagsabihan ng Banal na Tinig na kung gusto nilang mangaligtas ay hindi dapat na sila ay mainip nguni't kung talagang ang iba ay nagpipilit ay wala na silang magagawa pa. May isang linggo pa lamang ang lumilipas matapos na mag-uwian ang mga nainip na mga kasapi ay siya ng pangunguha ng mga hapones ng mga lalake dito sa bayan ng Calamba at ang mga ito ay dinala sa baryo ng Real dito rin sa Calamba, pagkatapos ay iipunin sila sa isang bahay at pagsapit ng gabi ay ipapanaog na dala-dalawa ang mga lalake at kapagkuwa'y sasaksakin ng bayoneta hanggang sa mamatay. Ito ang paliwanag ng isang kapatid na nadala na sa bahay na nabanggit subali't sa awa ng Maykapal ay mapalad na nakatanan at nakaligtas. Ito ay si Tomas Lantacon. Ang mga sumunod sa tagubilin ng Banal na Tinig ay nangaligtas at ang hindi sumunod sa tagubilin na pawang nangainip ay nangasawi. Kabilang sa mga nasawi ay sina Rufino Habilagon, David Ercia, Lorenzo Ybuan, Lorenzo Habilagon, Rufo Habilagon, Alberto Herbosa, Juan Ocdamia, Jovencio Ocdamia, Juan Ercia, Anacleto Habaņa at Dominador Alarcon. Ang mga pangalang ito ng mga kasapi ay siyang napabilang sa mga humigit-kumulang na mga isang libong lalake na pinatay ng mga sundalong hapones noong ika-12 ng Pebrero, 1945 sa baryo ng Real noong panahon ng liberation.

Noong Mayo 28, 1945, panahon ng liberation, ay napasama sa Iglesia sina Sotero Macairog, Crispin Penid, Pascual Tallada, Zacarias Palad, Dominga Ercia, Simprosa Retusto at iba pang kasapi. Sila ay inutusan din ng Banal na Tinig na magsakrepisyo sa loob ng kuweba hinggil sa mga pangitain at gayundin sa iba't ibang uri ng sakrepisyo. Sapagkat ang naging kalihim na si Jovito Salgado ay hindi na nanunuparan sa kanyang tungkuling pagka-kalihim ay si Sotero Macairog ang siyang ipinalit na kalihim sapagkat siya na ang nagsikap na tumupad sa tungkuling pagka-kalihim ng Iglesia.

Noong Abril, 1946 ay inutusan ng Banal na Tinig na magsakrepisyo sa Bundok ng Susong Dalaga sa pulo ng Talim, Binangonan, Rizal ng pitong araw ang mga sumusunod: Gaudioso Parabuac, Mateo Alcuran, Eleuterio San Pedro, Crispin Penid, Sotero Macairog, Jovito Salgado, Rosendo Salgado, Blas Naraga, Sixta Malabo, Felisa Ustaris, Felisa Ocdamia, Dominga Ercia, Simprosa Retusto, Maxima Salgado at Jose Baricanosa Sr. Sa pagsasakrepisyo doon ay nagkaroon ng magandang pangitain si Sotero Macairot na sa pagitan ng ala-una at alas-dos ng madaling araw ay may nakita siyang isang papel na manipis na parang sutla na parang bandera Filipina na iniabot sa kanya ng Kapangyarihan at may nasusulat na ganito: LIWANAG SA 1989. Ito ay makahulugan na dapat na maunawaan ng lahat ng mga kasapi sapagkat bago magliwanag ay dilim muna at sa pagdidilim na iyan ay maraming mga kasapi ang manlalagas bago dumating ang tunay na liwanag. Kaya't ang bawa't kasapi ay dapat na magpakatibay sa kanyang sinumpaan sa Diyos sa ilalim ng Simulaing ito ng Dakilang Bayani upang magkaroon ng kaligtasan at buhay na walang hanggan at mapasama sa bagong daigdig na paghaharian ng Panginoon. Sa taong ito inumpisahan ang pagpapalaganap sa Simulain at katulong sina Gaudioso Parabuac, Mateo Alcuran, Crispin Penid, Sotero Macairog, Felisa Ocdamia, Felisa Ustaris at iba pang mga kasapi.

Noong Hulyo 4, 1946, ng tayo ay bigyan ng Kalayaan ng bansang Amerika ay naghandog ang Iglesia ng isang karosa sa pagdiriwang na ginawa sa bayan ng Calamba, at ang Iglesia ay nagkamit ng gantimpala na kaloob ng alkalde ng Calamba dahil sa madiwang paglalarawan ng ating ginawang karosa. Noon namang ika-19 ng Hunyo, 1947, sa kaarawan ng pagsilang ng Dakilang Bayani ay naghandog ang Iglesia ng tatlong karosa at dalawang banda ng musiko sa parada na ginawa sa bayan ng Calamba. Ito ang kauna-unahang pagdiriwang na isinagawa ng Iglesia na dinaluhan ng ibang mga kasapi na nagbuhat pa sa mga malalayong balangay.

Noong ika-17 ng Marso, 1948, sa isang pagpupulong na ginanap sa Kalamyas, Calamba, Laguna, sa bahay na nasa gitna ng bukid ay sinabi ng Kagalang-galang na Guro na dapat ng maglagay ng bagong pangalawang Pangulo sapagkat ang pangalawang Pangulo na si Rosendo Salgado ay hindi na nanunuparan sa kanyang tungkulin. Minarapat na ilagay bilang kahalili niya si Crispin Penid. Ito ay sinabi ng Banal na Tinig, pinagtibay ng kapulungan at sinang-ayunan ng lahat ng mga kasapi na nagsidalo sa nasabing pulong. Hindi naman nalaunan at namatay si Rosendo Salgado sa sakit sa bato pagkatapos na siya ay maoperahan sa Ospital ng Sto. Tomas. Sa taong ito ay natatag ang balangay sa Sampaloc, Manila na pinanguluhan ni Sotero Garcia at gayundin sa balangay sa Bicol. Ang Buraguis sa Legazpi City ang unang balangay na naitatag sa lalawigan ng Albay na pinanguluhan ni Panfilo Dugan. Sa del Rosario, Lupe Viejo, Camarines Sur ay natatag din ang unang balangay na pinanguluhan ni Marcelo Imperial. Sa pagsisikap at pagpapalaganap ni Agapito Samson ay natatag din sa taong ito ang unang balangay sa Tarlac sa baryo ng Sierra sakop ng bayan ng La Paz. Nagkaroon din ng balangay sa Balanoy at Lara, La Paz, Tarlac.

Noong taong 1948 napasama sa Samahan ang dalawang tao na galing sa Iglesia Universal na tubong San Antonio, Los Baņos, Laguna. Sila ay sina Salustiano Basco at Luis Fabregar na pinayagang umanib sa ilalim ng Iglesia Watawat ng Lahi matapos na ang dalawang ito ay maghain ng kanilang paglilingkod bilang mga pari. Noon ding taong iyon nagkaroon ang Iglesia ng kauna-unahang kapilya na naitayo sa baryo ng Lingga, Calamba, Laguna. Ito ang panimula ng pagkakaroon ng mga pari sa loob ng Iglesia bagama't dapat tantuin ng lahat na ang mga pari pati na ang kanilang mga ritwal at katuruang ipinasok ay hindi bahagi ng mga katuruan ng Iglesia at kailanman ay hindi magiging bahagi sapagkat si Dr. Jose Rizal na siyang Patnubay ng Iglesia, sa kanyang buong panahong inilagi sa ibabaw ng lupa ay nagbuhos ng kanyang kaisipan at panulat sa paglaban sa kaliit-liitang katuruan ng mga pari.

Noong Abril 17, 1948 ay inumpisahang utusan na magsakrepisyo sa iba't ibang mga bayan ang mga sumusunod na mga kasapi: Gaudioso Parabuac, Mateo Alcuran, Ponciana Laplana, Carmen Herbosa, Crispin Penid, Felisa Ocdamia, Felisa Ybuan, Felisa Ustaris, Regina Habilagon at Epifania Almira. Sila ay pinapunta ng Banal na Tinig sa Antipolo; Montalban; Calapan, Mindoro; Bataan; Zambales; Baguio at Naga, Camarines Sur. Itong sakrepisyong ito ay tumagal ng hanggang 1950. Sila ay paroo't parito sa mga nasabing bayan at pagkatapos ay pababalikin sa bayan ng Calamba ng mga isang linggo upang makapamahinga at makapiling ang kani-kanilang mga mahal sa buhay. Pagkatapos nito ay muli silang pababalikin sa mga nabanggit na bayan lalo na sa Calapan, Mindoro na tumagal ng mga dalawang taon halos.

Sa isa namang pagsasakrepisyo nila sa isang ilang na lugar sa Orani, Bataan ay hinarana sila ng dalawang kapangyarihan isang hatinggabi at narinig nila ang isang tumutugtog ng flauta at mayroon namang umaawit ng isang awit na pambayan. Ito ay nangyari sa isang ilog sa Bataan sa lugar na pinaglabanan ng mga sundalong hapones at ng Philippine Army. Sa isang paliligo roon nina Gaudioso Parabuac, Mateo Alcuran at Crispin Penid ay nakakuha sila ng isang balde na lalagyan ng gaas at ito ay may lamang kuwartang pilak na sinamsam ng mga sundalong Hapon sa mga sibilyan o mga mamamayan. Nang kanilang bubuhatin na lamang ang nasabing balde upang dalhin sa bahay na kanilang tinutuluyan ay dumating ang Banal na Tinig at sinabi sa kanilang iwanan ang nasabing balde sapagkat hindi iyon ang kanilang sinadya doon kung hindi ang pagsasakrepisyo. Kaya ng sila ay makaahon na sa ilog at makauwi na sa kanilang tinutuluyang bahay ay pinagalitan sila ng Banal na Tinig at binigyan sila ng mga mabubuting pangaral. Dapat lamang na malaman ng mga giliw na bumabasa na ang bawa't inuutusan sa mga pagsasakrepisyo sa mga iba't ibang bayan ay gumugugol na kusa para sa kanilang sariling mga pangangailangan.

Nang sila naman ay nasa Montalban, Rizal, isang umaga pagkatapos ng kanilang agahan, ang tatlo ring ito na sina Gaudioso Parabuac, Crispin Penid at Mateo Alcuran ay tumawid sa isang maluwang na ilog ng Montalban at sila ay pupunta sa kabilang pampang ng ilog sapagkat ang tatlo ay mayroong natanaw na kuweba. Kaya't ang ginawa nila ay gumawa sila ng isang munting balsa upang kanilang mapaglagyan ng kanilang mga damit ng ang mga ito'y hindi mabasa, at silang tatlo ay maglalangoy habang itinutulak nila ang balsa patungo sa kabilang pampang ng ilog. Palibhasa at sila ay nagsisimula pa lamang tumawid, at sa dahilang kalakasan pa nila at hindi pa sila nahihirapan ay nakarating din sila sa kabilang pampang ng ilog kahit na malakas ang agos ng tubig. Nang sila ay makaahon na at malapit na sila sa pinto ng kuweba ay dumating na ang Banal na Tinig at pinagsabihan sila na hindi dapat silang tumuloy sa loob ng kuweba sapagkat mayroong mga bomba na inilagay ang mga sundalong Hapones noong panahon ng liberation at sa oras na matapakan ng kanilang mga paa ay maaaring pumutok at sumabog ang mga nasabing bomba. Kaya sila ay hindi nagpatuloy ng pagpasok sa nasabing kuweba at sila ay bumalik na sa balsa na nasa pampang ng ilog. Muli na naman silang tumawid patungo sa kabilang pampang na kanilang pinanggalingan kaya't hinubad na naman nila ang kanilang mga damit at muli na naman nilang ipinatong sa ibabaw ng balsa at silang tatlo ay muling naglangoy na tulak nila ang balsa. Nang sila ay nasa gitna na ng ilog at dahil sa lakas ng agos ng tubig ay unti-unti silang natangay ng agos at hindi na sila makalangoy sapagkat namimitig na ang kanilang mga paa at kamay. Anupa't sila ay patuloy na tinangay ng matuling agos hanggang sa sila ay sumapit na sa puntong malapit na sa pinakadulo ng ilog at dito ay mayroong isang talon na totoong malalim. Nang sila ay halos mahuhulog na lamang sa talon ay tila waring mayroong bumatak sa kanilang balsa pasalunga sa agos at sa kabila ng kanilang labis na pagtataka ay parang isinaksak ang balsa sa pampang. Mayroong mga kalahating oras ang nakalipas bago sila nakahuma sapagkat sa bilis ng takbo ng mga pangyayari ay hindi na nila inaasahang makaliligtas pa sila sa isang tiyak na kamatayan sapagkat kung sila ay bumagsak ay tiyak na magkakadurog-durog sila gayong ang babagsakan nila ay mga batong naglalakihan. Nang sila ay makapagpahinga na ay nagbihis na silang tatlo at pagkatapos ay umuwi na sila sa kubong kanilang tinutuluyan. Pagdating nila sa kubo ay dumating na muli ang Banal na Tinig na siya palang nagtulak sa balsa upang sila ay maligtas sa isang tiyak na kamatayan.

Isang tanghali naman ng ang isang kapatid nilang babae na kasama nila sa Montalban sa baryo ng Wawa, sa isang malaking kubo na ang atip at dingding ay mga kugon, ay nagkataong namamalantsa ng ilan nilang mga damit, at sa hindi sinasadyang pangyayari ay naitapon nito ang mga bagang ginamit sa pamamalantsa sa isang lugar na mayroong nakabuntong mga plastic bomb na ginagamit na pamparikit ng apoy ng may-ari ng kubo. Dahil dito ay nagsiklab na tunay at hindi na maapula ang paglaki ng apoy. Sa labis nilang pagtataka ay mayroong lumapit na isang ibon na kasing laki ng mayang bubungan at kapagkuwa'y umikot ng tatlong beses sa kubong nagdiringas, at ang apoy ay dagling namatay kaya ang kanilang ginawa ay pinag-aalis na lamang nila ang mga nangatirang baga, at ang kubo ay hindi naman gaanong nasilab. Dito napagkilala ng mga kasapi na sila ay totoong sinusubaybayan ng Banal na Tinig upang sila ay hindi mangapahamak habang sila ay inuutusan.

Noong ika-19 ng Hunyo, 1949, ng isagawa ang paglalagay ng unang bato sa bahay ni Gat Dr. Jose Rizal sa bayan ng Calamba ay isinagawa ang malaking parada at naghandog ang Iglesia ng sampung karosa at anim na banda ng musiko. Nagdala ang bawa't isang kasapi na sumama sa parada ng banderang papel na may nakasulat na IGLESIA WATAWAT NG LAHI. Humigit-kumulang sa limang libong kasapi ang sumama sa parada at sila ay nagbuhat pa sa iba't ibang mga balangay. Ang parada ay humigit-kumulang naman sa isang kilometro ang haba. Ang naging panauhing pandangal ay ang namatay ng Pangulo ng ating bansa na si Elpidio Quirino. Dumalo rin ang naging kinatawan sa pangalawang pampurok ng Laguna na si Estanislao Fernandez na ngayon ay kasalukuyang senador. Nang taong iyon ay naragdagan ang mga balangay na natatag sa lalawigan ng Tarlac, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Isabela, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay at Sorsogon.

Nang ika-19 ng Hunyo ng taong 1950 ay isinagawa ang inagurasyon o pasinaya sa bahay ni Gat Dr. Jose Rizal. Ang Iglesia ay muling naghandog ng sampung karosa at anim na banda ng musiko at ang dumalong mga kasapi ay humigit-kumulang sa walong libo. Ang panauhing pandangal ay si Pangulong Elpidio Quirino at ang naging Ambassador na si Myron Cowen kasama ang kanyang maybahay.

Ang tunay na nagtatag ng Simulaing ito ayon sa Banal na Tinig ay walang iba kung hindi ang kapatid nating si GAUDIOSO PARABUAC. Ang Simulain ay iniabot sa kanya ng ating Dakilang Bayani na si Dr. JOSE RIZAL na siya ring nagbigay ng taguring WATAWAT NG LAHI sa ating Simulain. Ang ating Bayani ay hindi pa tumatanggap ng kamatayan ayon sa paliwanag ng Banal na Tinig. Si Dr. Jose Rizal ay hindi ang siyang binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896 kung hindi siya ay lumikha ng isang kawangis niya na siyang humalili sa kanya at itong kawangis niyang ito ang siyang binaril sa Bagumbayan. Ang kapangyarihang lumangkap kay Dr. Rizal ang siyang sanhi kung bakit siya ay nakalilikha ng tao kung kanyang nanaisin. Sa kanya ay walang nalilingid at walang maililihim at ito ay nasaksihan na ng mga kasapi at napatunayan na ng maraming beses.

Bago tanggapin ang isang kasapi ay dumadaan siya sa isang mahigpit na pagsusuri at pagkatapos ay kailangang manumpa sa Pangalan ng Diyos na itataguyod niya ang GINTONG SIMULAIN habang siya ay nabubuhay. Kaya kinakailangan na ang lahat ng nanumpa sa Pangalan ng Diyos sa ilalim ng Iglesia ay magtataguyod sa Simulaing ito ng Dakilang Bayani at dapat na magpakatibay upang huwag maigupo ng mga daya at hibo ng mga manunukso sapagkat ang sabi ng Panginoon ay ganito: "Huwag mong gagamitin ang Banal na Pangalan ng Diyos sa panunumpa kung hindi mo maitataguyod at mapahahalagahan ang iyong panunumpa sapagkat ito'y malaking pagkakasala ng sinuman kung pawawalan niya ng halaga at hindi niya tutuparin ang ginawa niyang panunumpa sa Diyos na makapangyarihan sa lahat."

At dito nagtatapos ang isang maikling kasaysayan ng pinakamamahal nating IGLESIA WATAWAT NG LAHI.