Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!
SA PAGNANASANG MALASIN ANG KANYANG SULIRANIN SA ILALIM NG PANINGIN NG KANYANG KURO AT PAG-IBIG SA SARILI

(Pinagkunan: Si Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Setyembre 1, 1892)

"...ipinalalagay kong hindi gaanong kapuna-puna ang magmalas sa kanyang mga suliranin sa ilalim ng paningin ng kanyang sariling kuro at ng pag-ibig sa sarili, palibhasa'y may dahilan kung bakit ang mga iyo'y ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Sapagka't kung ating gagawin ang gayon sa kabila ng paningin ng iba, bukod sa mahirap itong gawin at ang paningi'y napakaraming kasing dami ng mga tao, ay hindi natin malalaman kung alin ang pipiliin - at sa pagpili'y gagamitin din natin ang sariling kuro - maliban na lamang kung gagawa tayo ng walang katapusang pagpili, bagay na ang ibubunga'y ang pagiging pantas ng isa't isa sa atin sa bahay ng iba, sila ang uugit sa ating ginagawa at tayo naman ang uugit sa kanilang gawain hanggang sa ang lahat ay maging isang tunay na kaguluhan at di- pagkakaunawaan, matangi na lamang kung dahil sa gayon ay itakwil natin ang sariling kuro at ang pag-ibig sa sarili, bagay na sa abang palagay ko ay isang paghamak sa Diyos at pagpapawalang-halaga sa Kanyang lalong makabuluhang biyaya. Sinasabi ko ito, sapagka't inaakala kong sa pagbibigay ng Diyos sa bawa't isa ng kurong tinataglay ay nagbigay ng lalong nararapat sa kanya, at hindi Niya ibig na ang may maikling pagkukuro ay umisip ng gaya ng may mahaba o ang may mahaba ay umisip ng gaya ng may maikli; katulad din naman ng pangyayaring ang isang tao'y hindi nararapat tumunaw ng pagkain sa pamamagitan ng sikmura ng kapitbahay, kundi, kaparis ng mga mabubuting makina, iba't iba at naaangkop sa kagamitang pinag-uukulan niya, ang bawa't isa'y nararapat makagamit ng gayon o ganitong dami ng uling sa kanyang kaldera, makatakbo ng kung ilang milya at magkaroon ng kung gaanong tulin, at nalalaman ng Diyos kung bakit Niya ginawa ang gayon. Sa ganang akin, ang kuro ay kaparis ng isang ilawang ibinibigay ng isang ama sa bawa't isa sa kanyang mga anak bago magsipaglakbay sa mabalakid at lubak-lubak na daan. Ang magdaraan sa mga singkul- singkol na bato at mga bangin ay hindi binibigyan ng isang ilawang langis, upang ito'y huwag maligwak; kung sasalunga sa mga bagyo at malakas na sigwa, ang ilawan ay nilalagyan ng makapal na kristal; kung may gas na nag-aalab ay nilalagyan ng "tela metalica" na katulad ng sa mga minero; kung ang magdadala'y may sakit sa matang silaw sa liwanag o "fotofobia" ay binibigyan ng may kristal na abuhin; nguni't kung may pilak ang mata o "catarata" ay binibigyan ng ilawang elektrika, lalung-lalo na kung babagtas sa mga madilim na daan; kahabag-habag ang dahil sa isang kaululan o sumpong ng ulo ay magpalit ng ilawan sa kanyang paglakad! Bawa't isa'y nararapat magsikap na pag-ingatan at papagbutihin ang kanyang ilawan; hindi nararapat kainggitan ni waling-halaga ang sinuman, at di dahil dito'y hindi sasamantalahing pakinabangan ang sinag ng iba o ang mga palatandaan at mga paunawang naiwan ng mga nauna sa kanya."

"Hinggil sa pag-ibig sa sarili, buong katapatang sinasabi ko sa inyo na matagal ng panahong hiningi ko sa Diyos na bawiin sa akin iyan, nguni't Siya, na lalong nakakatalos ng nararapat sa atin, ay nagpapanatili sa akin ng pag-ibig sa sarili: nauunawa ko ngayong lubos na ang isang tao'y hindi nararapat na mawalan ng damdaming ito, bagaman hindi nararapat magpakalabis. Sa ganang akin, ang pag-ibig sa sarili ay siyang pinakadakilang kabutihang inihiyas ng Diyos sa tao upang siya'y maging ganap at maging wagas, at ng mailigtas sa maraming kagagawang hindi karapat-dapat, gaya ng dagtang nagpapataas sa punong-kahoy sa paghanap ng araw, ng lakas na nagtataboy sa singaw, na nararapat alalayan ng kuro. Sa ganang akin, ang tao ay siyang pinakadakila sa mga nilalang, lubos, ganap at walang kulang sang-ayon sa hinihingi ng kanyang kalikasan at hindi mababawasan sa mga sangkap na bumubuo sa kanya, maging sa kalooban at maging sa katawan ng hindi mababago ang kanyang anyo at mapagiging imbi."

SA PAGTANGGAP NG MGA PAYO NG IBANG TAO

(Pinagkunan: Si Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Setyembre1, 1892)

"...sa tuwi-tuwina'y tatanggapin ko ng buong pasasalamat ang inyong mga payo, maging tagapagligtas man o hindi, palibhasa'y pinasasalamatan kong lagi ang ibinibigay ng taos sa puso; nasa aking sariling pasya, pagkatapos, ang sundin ko o hindi ang mga payong iyon, sapagka't sa bagay na ito'y may sariling sagutin tayo sa ating ginagawa, datapwa't ang pagkilala ng utang na loob ay naiiwan tuwina sa kaibuturan ng puso."

SA PAGKAKAROON NG DIWA NG KATOTOHANAN

(Pinagkunan: Si Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Setyembre 1, 1892)

"Marahil, sa ganang marami, ang aking diwa'y katulad ng langit (ipagpatawad ninyo sa akin ang pagpaparis) para sa mga tagapagmasid. Ang langit ay nagdidilim, sa langit ay may sigwa, ang wika nila, nguni't ang totoo'y iyon din, ang kapaligiran natin ang siyang nagdidilim at siyang ipinagkakasigwa. Sa layong ilang kilometro sa dakong itaas ay naghahari ang ganap na katahimikan."

SA REAKSIYON NG MGA MASASAMA SA GINAGAWANG PAGHAHAYO NG KABUTIHAN AT KATOTOHANAN

(Pinagkunan: Si Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Setyembre 1, 1892)

"Ibig kong malinis ang kaparangan ng aking bayan, bakit natin ipagtatakang sumutsot ang mga ahas kung sila'y nabubulabog sa kanilang lungga, ang mga batong-buhay ay tumilapon at ako'y madaganan? Masama ba ang aking ginagawa? Maaaring ako'y nagkakamali, nguni't kung ako'y namamali ay hindi dahil sa pag-iimbot ni sa malabis na pagtingin sa sarili..."

SA KALAGAYAN NG ISANG TAONG MAY ISIPANG MAY PAGKA-MALAYA NGUNI'T WALANG KALAYAAN

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Nobyembre 11, 1892)

"Kung walang kalayaan, ang isang isipang may pagka-malaya ay ipalalagay na mapanghamon, at kung isa namang magiliw ay ituturing na pagpapakahamak o isang paghibo, at ako'y hindi maaaring maging mapanghamon, ni hamak, ni mapanghibo. Upang ang politika'y masuri ng buong kaliwanagan at magbunga ng sukat asahan ay kinakailangan, sa ganang palagay ko, na magkaroon ng malawak na makikilusan ang kalayaan."

SA MGA TAONG MADALING MANIWALA SA SABI-SABI AT NI AYAW MUNANG MAGSURI

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Nobyembre 11, 1892)

"Kapag nakakakita ang isang taong karaniwan ng isang bagay na kanyang ipinagtataka, at kung walang tiyaga ni lamig ng kalooban upang magsuri, ay karaka-rakang nagpapalagay na iyo'y buhat sa mga sanhing lalong pinagkakaabalahan ng kanyang isip! Kung mabuti ay buhat sa mga diwang kaibigan, at kung masama ay sa mga kaaway. Nang panahon ng edad media, lahat ng masama ay gawa ng diyablo, at lahat ng mabuti ay gawa ng Diyos o ng Kanyang mga santo..."

SA HANTUNGAN NG KALIGAYAHAN NG ISANG TAO

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Nobyembre 11, 1892)

"Ang buhay ay napakaikli, at ang lalong maligaya ay puno ng kapaitan, na sa katotohana'y walang halagang ipagpakasakit ang isang pananalig sa isang kaputol na pilak na bilog o may hugis na parang krus. At saka ang lahat ay sang-ayon sa kalooban ng isang tao: mayroong humahanap ng kaligayahan sa kayamanan at sa karangalan; ang iba'y humahanap sa pamamagitan ng pag-api at pag-inis sa kapwa; ang iba naman ay sa pagpapaniwala sa iba ng hindi nila pinaniniwalaan o sa paniniwala sa hindi pinaniniwalaan ng iba; at ang iba pa ay nagkakasya na lamang sa pagpapahalaga sa sarili, sa pag-uutos sa sarili, atbp."

SA PAGTUTUMPAK NG KATWIRAN SA MGA KAMALIAN

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Nobyembre 11, 1892)

"Sa mga suliraning panlipunan, pangkagandahang-asal at pampulitika ay nadirimlan pa rin tayo (tinutukoy ko ang aking sarili) na madalas na ipinagkakamali natin ang katotohanan sa ating sariling kapakanan, kung di man sinisikangan natin ang katotohanang iyan upang papagsalitain ang sarili nating damdamin. Sang-ayon din ako na ang ating pagkukuro ay madalas na nadaraya, ang ating pagmamatuwid ay nagkakamali, nguni't ang inyong kamahalaan ay hindi naman tatanggi na ang katwiran lamang ang marunong magtumpak ng kanyang kamalian, at siya lamang (ang katwiran) ang marunong magbangon sa tuwi-tuwinang madarapa, na sapilitang mangyayari sa hinaba-haba ng kanyang paglalakbay sa ibabaw ng lupa. Sa lalong malalaking kabaliwan ng sangkatauhan ay hindi nakuhang patayin ang ilawang iyan na kaloob ng Diyos; kung minsa'y umaandap ang kanyang ilaw at ang tao'y nagkakamali ng landas, nguni't ang gayong kalagaya'y lumilipas, ang ilaw ay lalong lumiliwanag, lalong lumalakas pagkatapos, at sa kanyang mga sinag ay napagkikilala ang mga pagkakamaling nagawa ng nakaraan at ipinatatanaw ang mga banging kahuhulugan sa hinaharap."

SA PAG-AANGKIN AT PAG-AARAL NG KATOTOHANAN

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan, Nobyembre 11, 1892)

"Datapwa't sino ang sa wastong pagkukuro ay matatawag na tagapagsabog ng nasabing liwanag? Lahat ng relihiyon ay nagsasabing nag-aangkin ng katotohanan; hindi lamang ang mga relihiyon; bawa't tao, ang lalo mang hangal, ang lalong tulingag ay nagpapalagay na sila'y nasa matuwid. Sa pagkakita ko sa napakaraming paniniwala at napakaraming pananalig; sa pagkarinig sa paghamak ng bawa't mapagsampalataya sa pananalig ng iba; at ang mga kahanga-hanga, mga kababalaghan, mga patotoong ipinakikilala ng bawa't relihiyon hinggil sa kanilang pagka-Diyos o kaya'y pagkagawang-Diyos; sa pagkakita ko sa mga taong matatalino, mararangal, palaaral, na sumilang sa ilalim ng isa lamang langit, sa isa lamang kapisanan, magkakaisa ng kaugalian, magkakaisang hangad na maging ganap na mabuti at makaligtas at nagsisimpan ng magkakaibang pananampalataya sa relihiyon, ay sumasaalaala ko ang isang paghahambing na minamarapat kong sipiin dito upang mapag-unawa ng inyong kamahalan kung ano ang aking isipan. Sa pag-aaral ng katotohanan ay ipinalalagay kong ang mga tao ay walang pinag-ibhan sa mga nag-aaral ng dibuho na sumisipi ng isang estatwa at nangakaupo sa paligid nito: ang iba'y nasa malapit at ang iba'y nasa malayo, ang iba pa'y nasa dakong mataas at may nasa dakong mababa sa paanan ng estatwa, alalaon baga'y nakikita nila ito sa iba't ibang ayos at hugis, at habang pinagbubuti ang kanilang paggawa ay lalong napaghahalata ang pagkakaiba-iba ng yari ng bawa't isa. Ang mga sumisipi ng tuwiran sa sinisipi ay siyang katulad ng mga palaisip na naiiba sa isa't isa, sanhi sa nagsisimula sa iba't ibang simulain at siyang nagtatatag ng sariling pamamaraan o aral. Marami sa kanila ang dahil sa kalayuan ng kinalalagyan, sa hindi pagkakakitang mabuti, sa kawalan ng kasanayan, sa katamaran o sa iba pang dahilang katulad nito ay nangasisiyahan na sa pagsipi sa sipi ng nasa lalong minamabuti nila o sa ipinalalagay na lalong mabuti sa lahat. Sa mga tagasiping ito'y nauukol ang mga kakampi, ang mga masisipag na mapagsampalataya sa isang kaisipan. Ang iba pang lalong mga tamad, at di makapangahas na gumawa ng kahi't isang guhit o takot na makagawa ng isang kabulastugan, ay bumibili ng isang siping yari na, kung minsa'y isang yari sa potograpiya o isang yari sa litograpiya, at sila'y nangasisiyahan na't nagmamalaki pa; sa mga ito naman nauukol ang mga sunud-sunurang mapagsampalataya, mga taong naniniwala sa lahat huwag na lamang mag-isip. Ngayon, sino ang hahatol sa mga dibuho ng iba, na ang gagawing saligan ay ang kanyang sariling gawa? Kinakailangang siya'y lumipat sa kinalalagyan ng kanyang hahatulan at gawin ang paghatol buhat sa kinadoroonan ng iba. Hindi lamang ito, kundi kailangang ang kanyang mata'y itingin buhat sa taas at sa layong kinadoroonan ng mga mata ng hahatulan; dapat magkaroon ng kilos ng mga matang katulad ng sa hahatulan, magkatulad na kalagayan ng sangkap na ginagamit sa pagtingin at magkaparis ding pagkakilala sa sining."

"At huwag sabihin sa akin ng inyong kamahalan na ang katotohanan ay magkakaisa ng ayos kung tatanawin buhat sa lahat ng dako; ito'y nauukol lamang sa Diyos na sumasalahat ng pook. Para sa atin ay ang katotohanang pangmatematika lamang ang napakikilala sa iisang kaparaanan, katulad ng mga anyong palapad (planas) nguni't ang mga katotohanang pang- relihiyon, pang-kagandahang-asal at pampulitika ay mga anyo at hugis na may kahabaan at kalaliman, mga katotohanang masalimuot, at ang mga ito'y nararapat pag-aralan ng baha- bahagi, ng kaisipan ng tao."

SA KAKAPUSAN NG PANG-UNAWA AT ISIP NG TAO

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Sa gayon, kung pagbabatayan ang simulain na ang ating pang-unawa ay hindi ganap at may hanggahan, at ang kaganapan ng ating kaisipan ay alinsunod sa laki ng ating pinag- aralan; mahihinuha ng ang pagkaunawang humigit-kumulang ay malinaw at maliwanag na matatamo natin tungkol sa ating Lumikha, ay nababatay sa maliit o malaking kamangmangan o kakapusang kinaroroonan ng kapangyarihan ng ating isip."

SA PAGLALAKBAY

(Pinagkunan: Ang Mga Paglalakbay)

"Sino ang hindi nakapaglakbay? Sino ang hindi nawiwili sa mga paglalakbay sa ang mga ito'y siyang pangarap ng kabataan sa unang pagkaalam niya ng kahalagahan ng buhay, sa ang mga paglalakbay ay isang aklat para sa mga may sapat na gulang, kapag ang paglulunggati ng karununga'y siyang kinaaabalahan ng diwa, at sa wakas, ang mga paglalakbay ay siyang huling pahimakas ng matatanda kapag nagpapaalam sa daigdig upang tumahak sa lalong pinakamahiwagang landas?"

"Ang paglalakbay ay isang humaling ng kamusmusan, isang simbuyo ng kabataan, isang pangangailangan ng mga tao at isang malungkot na tula ng katandaan."

"Anong pagbabago ang hindi nagagawa sa kaisipan ng isang dayo lamang na umaalis sa kanyang lupang tinubuan, at naglilibot sa iba't ibang bayan? Maliit na ibong dati rati'y walang ibang nakikita maliban sa tuyong damong kawad-kawaran ng kanyang pugad, at ngayo'y nanonood ng mga tanawin, malalawak na dagat, mga talon ng tubig, mga ilog, mga bulubundukin at mga kagubatan at lahat ng maaaring makapagbigay-sigla sa isang mapangaraping gunam-gunam. Naitutuwid ang kanyang mga pasya't kaisipan; napaparam ang maraming pagkabagabag; napagsusuri sa malapit ang noong una'y hinatulan ng hindi man lamang nakikita; nasusumpungan ang mga bagong bagay-bagay na pumupukaw ng mga bagong pagkukuro; kinamamanghaan ang tao dahil sa kadakilaan nito, gaya ng ito'y bulag sa pagkamakanyahin ay nahahalinhan ng pandaigdig at pangmagkakapatid na pagpapahalaga sa lahat ng ibang tao sa daigdig, at nawawakasan ang kanyang pagiging alingawngaw lamang ng mga kuro-kuro ng iba upang magpahayag ng mga sariling palagay, ng mga pasyang napukaw ng mga tuwira't sariling kaalaman. Ang pakikisalamuha sa mga tao, ang kahinahunan at matinong pagkukuro sa lahat ng gawain, ang malalim na pagmumuni, isang kaalamang nagbuhat sa karanasan tungkol sa lahat ng mga sining at agham, na kung hindi man malalim at ganap, ay wala namang pagkapawi at tiyak - naito ang mga pakinabang na maaaring matamo sa paglalakbay ng isang diwang mapagmatyag at palaaral."

SA KAMATAYAN

(Pinagkunan: Mga Bagay-bagay Sa Madrid)

"Sa pagtalima sa kautusang itong sumasaklaw sa lahat, ang sangkatauha'y nauuwi sa wala at namamatay, hindi lamang upang maibigay sa bawa't isa ang nauukol sa kanya kundi upang mabigyan din naman ng buhay ang mga bagong nilikha."

SA MAKASARILING KAISIPAN NG ISANG PILIPINO

(Pinagkunan: Pagdidili-dili Ng Isang Pilipino)

"Kapag napapanood ko ang kasalukuyang labanan ng mga korporasyon ng mga prayle at ng mga tanyag na mamamayan ng aking bansa; kapag nababasa ko ang maraming kathang inilathala ng magkabilang panig sa pagtatanggol ng kani-kanilang mga kaisipa't mga simulain, manaka-naka'y sumasagi sa aking isip na itanong sa aking sarili kung ako, bilang anak ng aking bansa, ay hindi nararapat lumahok at magpahayag na kakampi ng isa sa dalawang panig, sa dahilang hindi ako nararapat magwalang-bahala sa anumang bagay na nauukol sa aking Inang-bayan, o kung, sa udyok ng higit na kahinahunan at sa higit na pagkakilala, ang nararapat kong gawin ay manatiling walang kinikilingan, manood at sumubaybay sa labanan upang mamalas kung aling pangkat ang nananalo at ng sa gayo'y makapagpahayag agad na ako'y kakampi nito, upang sa ganitong paraa'y mapitas na madali ang bunga ng tagumpay."

"Ang buhay ko'y naging isang walang-patid na pag-aalinlangan at isang walang tantang pag-uurong-sulong. Alin kayang panig ang kakampihan ko?"

"Siyasatin natin ng buong ingat ang suliranin, at makikita natin pagkatapos."

"Anu-anong mga kalamangan ang idinudulot ng pagpapahayag na kalaban ng mga prayle?"

"Sa katotohana'y wala! Gaano man ang gawin kong pagsusuri sa bagay na ito'y lalo't lalo kong nasusumpungan na ang pagiging kalaban ng mga prayle'y isang kahangalan at kakulangan ng bait. Iyang pakikipagbaka upang ang bansa'y umunlad...ang bansa'y uunlad kung maaari, at kung hindi naman ay hindi. Isa pa, ano ang kabuluhan sa akin kung ang susunod na salin ng lahi'y magtamasa ng lalong marami o lalong kakaunting kalayaan kaysa akin, magkaroon ng lalong mabuti o lalong masamang pinag-aralan, magkaroon ng katarungan para sa lahat o hindi magkaroon...Ang mahalaga para sa akin ay ito: na ako, ang aking unang bilang, ay huwag mahirapan; ang sulirani'y ang kasalukuyan. Lalo pang mahalaga ang isang ibong nasa kamay kaysa sandaang lumilipad, anang salawikain. Ang mabuting pagkakawang-gawa ay nagsisimula sa sarili, ang saad ng ikalawa. Sa bagay na ito'y may dalawang salawikaing kumakatig sa akin at walang nalalaban kahit na kalahating salawikain man lamang. Ang totoo'y kung ang isang tao'y lalaban sa mga korporasyon ng mga prayle, siya'y sasapanganib na humantong sa piitan, mabilanggo o matapon sa isang pulo. Aba! Hindi gaanong masama ito, palibhasa'y ibig kong makapaglakbay, makilala ang mga pulo, bagay na hindi maaaring gawin ng bubuti pa sa paroon bilang isang tapon. Hindi na mangangailangan ng mga pasaporte at makapaparoon ng walang kapanga-panganib. Pumasok sa bilangguan! Aba! Lahat ng tao'y tumutungo sa bilangguan; sa ganito'y magkakabahay ng walang bayad, sapagka't kung ako, ay hindi ako magbabayad. Ang pagkakatapon at ang bilangguan, samakatwid, ay hindi dapat alagatain, datapwa't kung ako'y...kung wakasan ang aking bilang isa, kung kasangkapanin nila ang isang pagbabangon at ako'y siyang paratangang may kagagawan niyon, magtatag ng isang hukumang pandigma laban sa akin at ako'y ipadala sa kabilang buhay? Hm! Ito'y isang mabigat na sagwil sa pagiging kalaban ng mga prayle. Ano ang kabuluhan sa akin kung ang mga prayle'y ayaw ng pagkakatuto ng bayan? Mayroon silang pinanghahawakang matwid. Ako'y sumasang-ayon sa kanila. Sapol sa pagkabata'y naging mahirap na sa akin ang pagpasok sa paaralan at lalo pang mahirap makalabas sa dahilang ako'y paminsan-minsang kinukulong ng guro. Ipailalim ang bagay na ito sa botohan at makikitang ang lahat ng bata'y boboto sa mga prayle, at hihingin nilang alisin ang lahat ng uri ng pagtuturo. Na ang mga prayle'y tumututol sa pagtuturo ng wikang kastila...at ano ang kabuluhan niyan? Sa anong bagay kakailanganin natin ang pagkatuto ng wikang kastila, gayong mayroon naman tayo ng mayamang wikang Tagalog, ng Bisaya, ng Ilokano, at iba pa? Para sa anong bagay kakailanganin natin ang wikang kastila? Upang matutuhan ba ang mga batas, mabatid ang ating mga karapatan, at matagpuan pagkatapos na ang pinaiiral ay ibang mga batas at mga bagay na totoong naiiba? Ano ang mahihita natin sa pagkaalam ng wikang kastila? Maaari tayong makipag-unawaan sa Diyos sa pamamagitan ng alinmang wika...kung naging wikang Latin sana, ay manapa: sinasabi ng kura na lalong madaling dinggin ng Diyos ang mga dasal sa Latin, ang mga kura ay nabubuhay sa kasaganaaan, at tayong mga Tagalog ay nasa salat na kalagayan. Nguni't ang wikang kastila? Upang maunawaan ba ang mga paghamak ng mga guwardiya sibil? Para sa bagay na iya'y hindi na kinakailangang matuto ng wikang kastila: sapat ng malaman, maunawaan ang wika ng mga pangungulata, at magkaroon ng isang katawang nakakaramdam kahit bahagya. At ano ang mahihita natin, sa ipinagbabawal ang pagsagot, at yamang maaaring isakdal ang isang tao dahil sa paglabag sa maykapangyarihan at sa dahilang ang mga guwardiya sibil din ang hahatol, ay hindi sasala ang bilangguan...Ang katotohana'y ako rin ang nagnanasang makapaglakbay at makadalaw sa mga pulo, kahit na nakatali ng abot-siko. Tungkol nga sa hindi pagtuturo ng wikang kastila ay kasang-ayon ako ng mga prayle."

"Tungkol sa sinasabi nilang ang mga prayle ay nabubuhay ng gayon at ganito, na sila'y maraming babae, mga kaagulo, na hindi nila pinakukundanganan kahit na mga babaeng may-asawa, mga babaeng balo, ni mga dalaga, at iba pa, ako'y kung maaaring magkaroon ng dalawa, tatlo o apat na babae ay bakit hindi magkakaroon? Ang mga babae'y siyang may sala. Isa pa'y may mabuting katangian ang kura, hindi niya pinababayaang mamatay sa gutom ang kanyang mga babae, gaya ng ginagawa ng maraming lalake, bagkos tinutustusan sila, pinararamtan ng maayos, tinatangkilik ang mga kamag-anak nila at nag-iiwan ng saganang pamana sa kanilang mga anak na babae o mga pamangking babae. At kung may kasalanan man sa pagiging babae ng kura, ay madaling makakalagan ito ng kasalanan at hindi pa parurusahan ng mabibigat. Sa tapatang sabi, kung ako'y naging isang babae at kailangan kong magpakasama ay makikipag-agulo na muna ako sa isang kura sa dahilang sa gayo'y magiging kaagulo ako ng isang mala-Hesukristo, o ng isang kahalili ng Diyos sa lupa. Sa bagay na ito'y inaakala kong ang pagkainggit ay siyang dahilan kung bakit ang mga prayle'y inaalimura ng kanilang mga kaaway."

"Sinasabing kinakamkam ng mga prayle ang lahat ng mga asyenda, ang lahat ng salapi ng bayan...iya'y ginagawa rin ng mga Intsik; sa daigdig, ang sinumang maaaring magpayaman ay nagpapayaman, at sa palagay ko, ang isang prayle, kung dahil lamang sa kanyang pagka- prayle, ay hindi nahuhubdan ng kanyang pagkatao. Bakit hindi pag-usigin, kung gayon, ang mga Intsik at ang mga mangangalakal? At saka, sino ang nakakaalam? Marahil ay kinukuha nila ang ating salapi upang tayo'y papaghirapin at ng sa ganito'y madali tayong makaakyat sa langit. Ang pagsusumakit nilang ito'y dapat pa nga nating pasalamatan. Siya'y pinararatangan ding nagbibili ng mahal ng mga kalmen, mga sintas, mga kandila, mga kuwintas at iba pa. Ito'y isang pagpaparatang upang magparatang lamang. Bumili ang ibig bumili at ang ayaw ay huwag. Bawa't mangangalakal ay nagtatakda ng halagang ibig niya sa kanyang mga paninda. Nagtitinda ang Intsik ng tinapa, sa halagang dalawa sangkuwalta, kung minsan, at kung minsan nama'y tatlo sa dalawang kuwalta. Bakit ang pinapayagan natin sa isang Intsik na nangangalakal ng tinapa ay hindi natin mapayagan sa isang kurang mangangalakal ng mga kalmen? Ang kura ba'y kulang ng pagkatao sa Intsik? Kaya't sinasabi kong iya'y bunga lamang ng kasamaang-loob. Ipagsigawa't ipamarali nilang ang prayle, dahil sa kanyang salapi't kapangyarihan ay siyang nag-uutos sa pamahalaan, ano ang kabuluhan niyan sa akin? Ano ang kabuluhan sa akin sakali mang si gayon o si ganito ang nag-uutos kung pagkakalupit-lupit ay kailangan din akong sumunod? Sapagka't kung hindi ang kura ang nag-utos, ay mag-uutos naman ang sinumang kabo ng mga karabinero at ang lahat ay iyon din. Sa maikling salita, wala akong nakikitang anumang katwiran upang maging kalaban ng mga kurang prayle."

"Tingnan natin ngayon kung may mga kalamangan ang pagiging kakampi ng mga prayle laban sa mga Pilipinong liberal."

"Sinasabi ng mga prayle na ang mga ito'y pawang ateo, hindi naniniwalang may Diyos...aywan ko kung totoo iyon, iisa lamang ang nakikilala ko na nagngangalang Mateo, datapwa't hindi kailangan iyon. Sinasabi nila na ang lahat ng mga yao'y mahuhulog sa impiyerno. Sa tapatang sabi, kahit na hindi tayo nararapat humatol ng masama sa kaninuman, nguni't ang kahalili ng Diyos sa lupa ay hindi nasasaklaw ng pagbabawal na iyan. Siya ang lalong nakakaalam ng higit sa iba kung saan tayo tutungo pagkatapos ng kamatayan, at kung ito'y hindi niya nalalaman ay sinasabi kong walang sinumang maaaring makaalam na lalo. Ipinatatapon ng mga prayle ang marami sa kanilang mga kagalit; sa bagay na ito'y hindi ako maaari ni nararapat tumutol; nagkaroon ako ng isang usapin at ito'y ipinanalo ko sa dahilang ang aking kausap ay nagkataong kalaban ng prayle at natungo siya sa tapunan ng ako'y nawawalan na ng pag-asang manalo at wala na akong salaping maipanunuhol sa mga kinauukulang pinuno, ni wala ng kabayong maihahandog sa hukom at sa gobernador. Ang Diyos ay maawain! Nagharap ng isang sumbong na pampamahalaan laban kay Kapitan Juan, na may isang anak na dalagang napakaganda, na pinagbawalan niyang paroon sa kumbento upang humalik ng kamay ng kura: magaling! Iya'y pag-aalinlangan sa kabanalan ng pari, at totoong karapat-dapat sa pagpapatapon. Bukod dito'y ano ang gagawin niya sa kanyang anak na babae? Bakit ito'y aalagaan niya ng buong pag-iingat kung sa wakas ay hindi naman siya magmomongha? At kahit na magmongha, hindi ba may bulung-bulungang kumakalat na ang mga mongha sa Santa Clara at ang mga prayleng pransiskano'y nagkakaunawaang mabuti? Ano ang masama sa gayon? Hindi ba't ang mga mongha'y mga kaisang-dibdib ni Hesukristo? Hindi ba't ang mga prayle'y mga kahalili ni Hesukristo? Sa ano't magkakaroon ng napakaraming babae para sa kanya lamang na mag-isa? Wala, talagang wala; ang mga prayle'y may matwid sa lahat ng bagay at ako'y magpapahayag ng pagkampi sa mga prayle laban sa aking mga kababayan. Ang mga Pilipinong liberal ay mga kaaway ng mga kastila, ganyan ang sinasabi ng mga prayle, at ayokong maging kaaway ng mga kastila. Ang katunayang sila'y gayon nga ay...sapagka't gayon ang sinasabi ng mga prayle."

"Datapwa't kung manalo ang mga liberal? At kung dahil sa pagkahapo, sa pag-uusig at kawalang pag-asa, dahil sa napakaraming pagpapabilanggo at pagpapatapon, ay ipakipag- sapalaran nila isang araw ang lahat para sa lahat, gawin dito ang gaya ng ginawa sa espanya, pugutan ng ulo ang kanilang mga kaaway at pagpapatayin ang mga ito bilang paghihiganti sa napakaraming gawaing tinatawag nilang marahas at makahayop, sa napakaraming pagpapabilanggo, pagpapatapon at pagbitay na ginawa sa udyok nila? At kung mangyari ang lahat ng ito'y magtagumpay sila? Kung gayo'y maaari nilang paabutin sa akin ang kanilang paghihiganti...e! e! Bulay-bulayin nating mabuti kung ito'y maaaring mangyari."

"Maaari bang mangyari sa Pilipinas ang paglipol sa mga prayle? Maaari bang mangyari rito ang isang pamumuksang katulad ng nangyari sa buong espanya noong may animnapung taon na ngayon, ayon sa sabi-sabi? Hindi; ang Pilipino'y hindi sumasalakay kailanman sa isang hindi nasasandatahan, sa isang hindi nagsasanggalang sa sarili. Ito'y nakikita natin sa mga batang nag-aaway; ang nakakalaki'y nagwawaksi ng kanyang kalamangan at nilalabanan ang lalong maliit sa paggamit ng isang kamay lamang; hindi sumasalakay hanggang hindi nakahanda ang kaaway. Hindi; ang Indiyo'y maaaring maging ungas, hangal, panatiko't lahat na ng manais, nguni't lagi ng magsisimpan ng ugaling pagkamaginoo, at kailangang maging lubha, lubhang tinampalasan, kailangang maging nasa sukdulan ng kawalang pag-asa upang makagawa ng pagpatay at paglipol na kahambing niyaon. Datapwa't kung gawin nila sa mga prayle ang ginawa ng mga ito sa mga erehe sa kaarawan ni San Bartolome sa Pransiya? Sinasabi sa mga kasaysayan na sinamantala ng mga katoliko ang gabi habang nagkakatipon ang mga erehe sa Paris, at ang mga ito'y pinagpupugutan ng ulo at pinagpapatay...Kung ang mga Pilipinong kalaban ng mga prayle, sa pangambang baka gawin sa kanila ang ginawa ng mga ito sa Pransiya, ay gumaya sa aral at sila'y magpauna? Banal na Diyos! Kung sa dakilang pakikitunggaling ito ng buhay, sa pagkamalas na lahat sila'y para-parang nasa sa panganib, hindi lamang sa buhay, kundi sa kanilang pag-aari at sa kalayaan, ay ipakikipagsapalaran nila ang lahat para sa lahat at mabuyo hanggang sa mga pagmamalabis, dahil sa pangingilabot na nililikha ng mga kasalukuyang pangyayari. Kapahamakan ng mga kapahamakan! Ano kung magkagayon ang mangyayari sa akin kung ako'y magpahayag ngayong kakampi ng mga prayle? Ang lalong mabuti ay huwag magpasya. Habang hindi pinaglulubag ng pamahalaan ang mga kagalitan, ay masamang makilahok sa mga suliraning ito. Nararapat kayang ipatapon o ipabitay ang mga Pilipinong liberal upang mapuksa ang binhi...nguni't ang mga anak nila, ang kamag-anak, mga kaibigan...ang budhi ng buong bansa? Hindi ba lalo pang maraming kalaban ng mga prayle ngayon kaysa noong '72? Bawa't Pilipinong ipinabilanggo o ipinatapon ay nagmumulat ng mata ng sandaan at nakakaakit ng gayon ding karami para sa kanyang pangkatin. Kung maaari sanang bitayin ang lahat ng Pilipino, at matira kami ng mga prayle upang mapagtamasahan ang bansa, ito ang lalo sanang mabuti, nguni't...kung magkagayon, ako'y siyang magiging alipin nilang lahat at ako'y mapipilitang gumawa para sa kanila, at ang kalagayan ko'y lalo pang magiging masama. Ano, kung gayon, ang nararapat gawin? Ano ang ginagawa ng pamahalaan? Ang pagka-liberal ay isang halamang hindi namamatay kailanman, anang sinumpang si Rizal...tahasang mananatili akong walang kinikilingan: ang kabaita'y nasa kalagitnaan."

"Oo, ako'y walang kakampihan. Ano ang mahihita ko kung magwagi ang kasamaang- asal o ang kabaitan kung ako'y mapapabilang sa mga talunan? Ang sulirani'y manalo, at ang pananalong lalong tiyak ay ang pananalong natamo na. Mag-antabay hanggang mahinog ang mga unang bunga at pumitas ng mga ito. Magmatyag kung aling pangkatin ang magtatagumpay at kapag umaawit na sila ay kakampi ako sa kanila, aawit din ako ng lalong malakas kaysa isa, lalait ako sa mga talunan, magkukukumpas, magtatalumpati upang ang iba'y maniwala sa lagablab at katapatan ng aking mga pananalig. Ito ang tunay na karunungan! Papatay ang mga ungas at ang mga kihote upang magtagumpay ang kanilang mithiin; ang ibig ko'y magpatayan sila upang magtagumpay ang sa akin. Ang kanilang mithi ay ang katarungan, ang pagkaka- pantay-pantay, ang kalayaan! Ang aking mithi'y mabuhay sa kapayapaa't kasaganaan! Alin ang lalong maganda at lalong pakikinabangan, ang kalayaan ng palimbagan, halimbawa, o ang isang relyenadong kapon? Alin ang lalong dakila, ang pagkakapantay-pantay ng mga karapatan o ilang sisidlang puno ng kuwaltang mamiso? Pagkakapantay sa pagkakapantay ay pinili ko ang pagkakapantay ng mga kuwaltang maaaring isalansan at itago. Na manalo ang mga prayle, manalo ang mga liberal, ang suliranin ay makipag-unawaan, pagkatapos, sa kung sino man ang nanalo. Ano ang kabuluhan sa akin ng Inang-bayan, ng karangalan ng tao, ng pagsulong, ng kagitingan? Ang lahat ng iya'y walang halaga kapag wala ni isang kuwalta!"

SA MGA KABABAYANG DALAGA SA MALOLOS

Handog

"Sa isang bayang inaalipin, ang lalong napipinsala ay ang mga babae, sapagka't dahil sa kanilang likas na kahinaan ay gaya rin sila ng mga lalake; kapwa nakasingkaw sa KARO NG PANGINOON, sa halip na maluklok sana sa dambana ng pamimitagan upang tumanggap ng lahat ng paghanga at pagmamahal, gaya ng isang pihikan at masamyong bulaklak."

"Ito, marahil, ang dahilan kung bakit ang mga babaing Pilipina ay mukhang hapis at sa wari'y di-makatunghay sa kapwa nila babaing anak ng isang bayang malaya, at ang diwa ay hubog sa isang pananampalatayang malaya at di-mapag-imbot."

"Subali't ganap ang pag-asa kong kapag ang babaing Pilipina'y naging katulong na ng lalake, sa halip na maging isang mabigat na pataw, ay sapilitang matatapos na itong napakapait at alipustang buhay-alipin; sapagka't sa sinapupunan ng ina iniwi at hinuhubog ang mga mamamayan."

"Dahil nga dito kung kaya ang munting pinagpagalang ito'y inihahandog ko sa mga babae ng aking lahi."

"Giliw na bumabasa; pagmuni-muniin mong maigi at sa wari'y nalalarawan sa munting aklat na ito ang iyong sarili at ang mga minamahal mo sa buhay."

"Sa lahat ng bayan, ang Pilipinas lamang ang siyang tumanggap at tumatanggap pa ng lalong pinakamalaking parusa at kaapihan sa kamay ng prayle, nguni't walang bayang nagmamahal sa mga prayle na gaya ng Pilipinas. Bakit kaya?"

"Ang Inggles, ang Pranses, ang kastila, ang Amerikano, ang Italyano, ang Ruso, ang Intsik, ang Hapon, at pati na mga Moro at Igorot ay minamagaling na nila ang mamatay kaysa lumapit sa mga paring HINDI NILA KALAHI; samantalang tayo namang mga Pilipino ay masarap pa sa atin ang mamatay kaysa lumapit sa mga paring kalahi natin. Bakit kaya?"

"Pinili ni Hesukristo ang kanyang labindalawang apostoles sa mga kababayan din niya at hindi kumuha ni isa mang dayuhan. Bakit kaya?"

---o0o---

"Nang aking sulatin ang NOLI ME TANGERE, itinanong kong laon kung ang pusuang dalaga'y karaniwan kaya diyan sa ating bayan. Matay ko mang sinaliksik yaring ala- ala; matay ko mang pinag-isa-isa ang lahat ng dalagang nakilala sapul pagkabata ay mangisa- ngisa lamang ang sumaging larawang aking ninanasa. Tunay at labis ang matamis na loob, ang magandang ugali, ang binibining anyo, ang mahinhing asal; nguni't ang lahat ng ito'y laging nahahaluan ng lubos na pagsuyo at pagsunod sa balang sabi o hiling ng nagngangalang amang-kaluluwa (tila baga ang kaluluwa'y may iba pang ama sa Diyos), dala ng malabis na kabaitan, kababaan ng loob o kamangmangan kaya: anaki'y mga lantang halaman, sibol at laki sa dilim: mamulaklak ma'y walang bango, magbunga ma'y walang katas."

"Nguni at ngayong dumating ang balitang nangyari sa inyong bayang Malolos, napagkilala kong ako'y namali, at ang tuwa ko'y labis. Di sukat akong sisihin, di ko kilala ang Malolos ni ang mga dalaga, liban na sa isang Emilia, at ito pa'y sa ngalan lamang."

"Ngayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ng ikagagaling ng bayan; ngayong nagpakita kayo ng mabuting halimbawa sa kapwa dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahango sa pagkalugami, sumisigla ang aming pag-asa, inaaglahi ang sakuna, sapagka't kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sa pagtatagumpay. Ang babaing Tagalog ay di na payuko at luhod, buhay na ang pag-asa sa panahong sasapit, wala na ang inang katulong sa pagbulag sa anak, na palalakihin sa alipusta at pag-ayop. Di na unang karunungan ang pagtungo ng ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ngisi sa pagmura, masayang pang-aliw ang mababang luha. Napagkilala din ninyo na ang utos ng Diyos ay iba sa utos ng pari, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuwintas, libaging kalmen, kundi ang mabuting asal, malinis na loob at matuwid na isip. Napagkilala rin ninyo na di-kabaitan ang pagkamasunurin sa anumang pita at hiling ng nagdidiyus-diyusan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuwid, sapagka't ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ng likong pag-uutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Di masasabi ng puno o pari na sila lamang ang mananagot ng maling utos; binigyan ng Diyos ang bawa't isa ng sariling isip at sariling loob, upan ding mapagkilala ang liko at tapat; paraparang inianak ng walang tanikala, kundi malaya, at sa loob at kaluluwa'y walang makakasupil, bakit kaya ipaaalipin mo sa iba ang marangal at malayang pag-iisip? Duwag at mali ang akala na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag- isip-isip at magnilay-nilay. Ang kamangmanga'y kamangmangan, at di kabaita't puri. Di hiling ng Diyos, puno ng karunungan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag; ang hiyas ng isip, na ipinalamuti sa atin, paningningin at gamitin. Halimbawa baga, ang isang amang nagbigay sa bawa't isang anak ng kani-kanyang tanglaw sa paglalakad sa dilim. Paningasin nila ang liwanag ng ilaw, alagaang kusa, at huwag patayin, dala ng pag-asa sa ilaw ng iba, kundi magtulung-tulong, mag-sanggunian, sa paghanap ng daan. Ulol na di hamak at masisisi ang madapa sa pagsunod sa ilaw ng iba, at masasabi ng Ama: "bakit kita binigyan ng sarili mong ilaw?" Nguni't di lubhang masisisi ang madapa sa sariling tanglaw, sapagka't marahil ang ilaw ay madilim o kaya'y totoong masama ang daan."

"Ugaling panagot ng mga ibig mang-ulol, ay: "palalo ang katiwala sa sariling bait," sa akala ko ay lalong palalo ang ibig sumupil sa bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palalo ang nagdidiyus-diyusan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng Diyos: at sakdal kapalaluan o kataksilan ang walang gawa kundi magbintang sa Diyos ng balang bukambibig, at maglapat sa kanya ng bala niyang nasa, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Diyos. Di dapat naman tayong umasa sa sarili lamang; kundi magtanong, makinig sa iba, at saka gawin ang inaakalang lalong matuwid; ang abito o sutana'y walang naidaragdag sa dunong ng tao: magsapin-sapin man ang abito ng huli sa bundok, ay bulubundukin din, at walang nadaraya kundi ang mangmang at mahinang loob. Nang ito'y lalong maranasan, ay bumili kayo ng isang abito sa San Francisco at isuot ninyo sa isang kalabaw. Kapalaran na kung pagkapag-abito ay hindi magtamad. Lisanin ko ito at dalhin ang salita sa iba."

"Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumunga'y dapat ang babae'y magtipon ng yamang maipapamana sa lalaking anak. Ano kaya ang magiging supling ng babaing walang kabanalan kundi ang magbubulong ng dasal, walang karunungan kundi awit, nobena at milagrong pang-ulol sa tao, walang libangang iba sa paghingi o magkumpisal kaya ng malimit ng muli't muling kasalanan? Ano ang magiging anak kundi sakristan, bataan ng kura, o magsasabong? Gawa ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwala ng kanilang puso, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang anak ay mapakagaling. Ang kagulanga'y bunga ng pagkabata, at ang pagkabata'y nasa kandungan ng iba. Ang inang walang maituro kundi ang lumuhod at humalik ng kamay, huwag mag-antay ng anak na iba sa dungo o alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak, daluro o pagatpat o panggatong lamang; at kung sakali't may batang may pusong pangahas, ang kapangahasa'y tago at gagamitin sa sama, paris ng silaw na kabag-kabag na di makapakita kundi pagtatakip- silim. Karaniwang panagot, ang una'y kabanalan at pagsinta sa Diyos. Nguni at ano ang kabanalang itinuro sa atin? Magdasal at lumuhod ng matagal, humalik ng kamay sa pari, ubusin ang salapi sa simbahan at paniwalaan ang balang masumpungang sabihin sa atin. Tabil ng bibig, lipak ng tuhod, kiskis ng ilong. Bagay na limos sa simbahang sangkalan ang Diyos, may bagay baga sa mundong di ari at likha ng Maykapal? Ano ang inyong sasabihin sa isang alilang maglimos sa kanyang panginoon ng isang basahang hiram sa nasabing mayaman? Sino ang taong di palalo at ulol, na maglilimos sa Diyos at mag-aakalang ang salanta niyang kaya ay makakabihis sa Lumikha ng lahat ng bagay? Pagpalain ang maglimos sa kapwa, tumulong sa may hirap, magpakain sa gutom; nguni at mapulaan at sumpain ang bingi sa taghoy ng mahirap, at walang binubusog kundi ang sandat, at inuubos ang salapi sa mga "frontal" na pilak, limos sa simbahan o sa prayleng lumalangoy sa yaman, sa misa de grasyang may tugtugan at paputok, samantalang ang salaping ito'y pinipiga sa buto ng mahirap at iniaalay sa panginoon ng maibili ng tanikalang panggapos, maibayad ng berdugong panghampas. O kabulagan at kaiklian ng isip!"

"Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuwid, anuman ang mangyari. "Gawa at hindi salita ang hiling ko sa inyo," ani Kristo ; "hindi anak ni Ama ang nagsasabing ulit-ulit ng "Ama ko, Ama ko," kundi ang nabubuhay alinsunod sa hiling ng aking Ama." Ang kabanala'y wala sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Kristo'y di-kilala sa halikang kamay. Si Kristo'y di humalik sa mga Pariseo, hindi nagpahalik kailan pa man; hindi niya pinataba ang mayayaman at palalong eskribas; wala siyang binanggit na kalmen, walang pinapagkuwintas, hiningan ng pamisa, at di napabayad sa kanyang pananalangin. Di napaupa si San Juan sa ilog ng Jordan, gayundin si Kristo sa kanyang pangangaral. Bakit ngayon, ang mga pari'y walang bigong kilos na di may hinging upa? At gutom pa halos; nagbibili ng mga kalmen, kuwintas, korea at iba't iba pang pandaya ng salapi, pampasama sa kaluluwa; sapagka't kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupa, kuwintasin mo man ang lahat ng kahoy sa bundok, ibilibid mo man sa iyong baywang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat ng ito'y pagkapaguran mang pagkurus-kurusin at pagbulung-bulungan ng lahat ng pari sa sandaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di-mapapalinis ang maruming loob, di-mapapatawad ang walang pagsisisi. Gayun din, sa kasakiman sa salapi'y maraming ipinagbawal, na matutubos kapag ikaw ay nagbayad, alin na nga sa di pagkain ng karne, pag-aasawa sa pinsan, kumpare at iba pa, na ipinapahintulot kapag ikaw ay sumuhol. Bakit, nabibili baga ang Diyos at nasisilaw sa salaping paris nga ng mga pari? Ang magnanakaw na tumubos ng "bula de composicion," ay makakaasa ng tahimik, na siya'y pinatawad: samakatwid ay ibig ng Diyos na makikain ng nakaw? Totoo bagang hirap na ang Maykapal, na nakikigaya na sa mga "guarda," karabineros o "guardia civil?" Kung ito ang Diyos na sinasamba ng prayle, ay tumatalikod ako sa ganyang diyos."

"Maghunus-dili nga tayo, at imulat natin ang mata, lalung-lalo na kayong mga babae, sapagka't kayo ang nagbubukas ng loob ng tao. Isipin, na ang mabuting ina ay iba sa inang nilalang ng prayle; dapat palakhin ang anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Diyos, Diyos na di-nasusuhulan, Diyos na di-masakim sa salapi, Diyos na Ama ng lahat, na walang kinikilingan, Diyos na di-tumataba sa dugo ng mahirap, na di-nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nambubulag ng matalinong isip. Gisingin at ihanda ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na akala; pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong kilos, pag-ibig sa kapwa, at pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituro sa anak. At dahil sa ang buhay ay puno ng pighati't sakuna, patibayin ang loob sa ano mang hirap, patapangin ang puso sa ano mang panganib. Huwag mag-antay ang bayan ng puri at ginhawa samantalang lugami at mangmang ang babaing magpapalaki ng anak. Walang maiinom sa labo at mapait na bukal; walang matamis na bunga sa punlang maasim."

"Malaki ngang di-bahagya ang katungkulang gaganapin ng babae, sa pagkabihis ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat ng ito'y di-hihigit sa lakas at loob ng babaing Tagalog. Talastas ng lahat ang kapangyarihan at galing ng babae sa Pilipinas, kaya nga kanilang binulag, ginapos, at iniyuko ang loob, panatag sila't habang ang ina'y alipin ay maaalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugami ng Asia; ang babae sa Asia'y mangmang at alipin. Makapangyarihan ang Europa at Amerika, dahil sa doon, ang babae'y maaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob."

"Alam na kapos kayong totoo ng mga librong sukat pag-aralan; talastas na walang isinisilid araw-araw sa inyong pag-iisip kundi ang sadyang pambulag sa inyong bukal na liwanag; tanto ang lahat ng ito, kaya pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na sumisilang sa kapwa ninyo babae dito sa Europa; kung hindi kayamutan itong ilang sabi, at pagdamutang basahin, marahil, makapal man ang ulap na nakakukubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ng masanting na sikat ng araw, at sisikat kahit banaag man lamang. Di kami manlulumo kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Diyos sa pagpawi ng ulap, palibhasa'y siya ang Diyos ng katotohanan, at isasauli sa dati ang dilag ng babaing Tagalog, na walang kakulangan kundi isang maayang sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito ang nasang lagi sa panimdim, na napapanaginip, ang karangalan ng babaing kabiyak ng puso, at karamay sa tuwa o hirap ng buhay: kung dalaga, ay sintahin ng binata, di lamang dahilan sa ganda o tamis ng asal, kundi naman sa tibay ng puso, taas ng loob, na makabuhay baga at makapanghinapang sa mahina o naruruwagang lalake, o makapukaw kaya ng maririlag na pag-iisip; pag isang dalaga bagang sukat ipagmalaki ng bayan, pagpitaganan ng iba, sapagka't karaniwang sabi ng mga kastila at pari na nanggagaling diyan ang karupukan at kamangmangan ng babaing Tagalog, na tila baga ang mali ng ilan ay mali na ng lahat, at anaki'y sa ibang lupa ay wala ng babaing marupok ang loob, at kung sa bagay, maraming maisusurot sa mata ng ibang babae ang babaing Tagalog. Gayun ma'y dala marahil ng kagaanan ng labi o galaw ng dila, ang mga kastila at pari pagbalik sa espanya'y walang unang ipinamamalabad, ipinalilimbag, at ipinagsisigawan halos, sabay ang halakhak, alipusta at tawa, kundi ang babaing si gayon ay gayon, gayon sa kumbento, gayon sa kastilang pinatuloy, at iba't iba pang nakapagngangalit; sa tuwing maiisip, na ang karamihan ng mali ay gawa ng kamusmusan, labis na kabaitan, kababaan ng loob o kabulagan kayang kalalangan din nila. May isang kastilang ngayo'y mataas na tao na, pinakai't pinatuloy natin sa habang panahong siya'y lumigoy-ligoy sa Pilipinas. Pagdating sa espanya, ipinalimbag agad, na siya raw ay nanuluyang minsan sa Kapampangan, kumai't natulog, at ang maginoong babaing nagpatuloy ay gumayo't gumayon sa kanya: ito ang iginanti sa napakatamis na loob ng babae. Gayon din ang unang pahili ng pari sa nadalaw na kastila, ay ang kanyang mga masunuring dalagang tagahalik ng kamay, at iba pang kahalo ang ngiti at makahulugang kindat. Sa librong ipinalimbag ni dn. sinibaldo de mas, at sa iba pang sinulat ng mga pari, ay nalalathala ang mga kasalanang ikinumpisal ng babae na di inililihim ng mga pari sa mga dumadalaw na kastila, at kung magkaminsan pa'y dinaragdagan ng mga kayabangan at karumihang hindi mapapaniwalaan. Di ko maulit dito ang mga di-ikinahiyang sinabi ng isang prayle kay mas na di nito mapaniwalaan. Sa tuwing maririnig o mababasa ang mga bagay na ito'y itinatanong namin kung Santa Maria kaya bagang lahat ang babaing kastila, at makasalanan na kaya baga ang lahat ng babaing Tagalog; nguni kung sakali't magsusumbatan at maglalatlatan ng puri'y marahil...Datapwa't lisanin ko ang bagay na ito sapagka't di ako paring "confesor" o manunuluyang kastila, na makakapanira ng puri ng iba. Itabi ko ito at ituloy sambitin ang katungkulan ng babae."

"Sa mga bayang gumagalang sa babaing para ng Pilipinas, dapat nilang kilanlin ang tunay na lagay upang magampanan ang sa kanila'y iniaasa. Ugaling dati'y kapag nanliligaw ang nag-aaral na binata ay ipinanganganyayang lahat, dunong, puri't salapi, na tila baga ang dalaga'y walang naisasabog kundi ang kasamaan. Ang katapang-tapanga'y kapag napakasal ay nagiging duwag, ang duwag na datihan ay nagwawalang-hiya, na tila walang inaantay kundi ang mag-asawa, para maipahayag ang sariling karuwagan. Ang anak ay walang pantakip sa hina ng loob kundi ang alaala sa ina; at dahilan dito, nalunok ng apdo, nagtitiis ng tampal, nasunod sa lalong hunghang na utos, at tumutulong sa kataksilan ng iba sapagka't kung walang natakbo'y walang manghahagad, kung walang isdang munti'y walang isdang malaki. Bakit kaya baga di humiling ang dalaga sa iibigin ng isang marangal at mapuring ngalan, isang pusong lalaking makapag-aampon sa kahinaan ng babae, isang marangal na loob na di papayag magkaanak ng alipin? Pukawin sa loob ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam, at huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso. Kung maging asawa na, ay dapat tumulong sa lahat ng hirap, palakasin ang loob ng lalake, humati sa panganib, aliwin ang dusa, at aglahiin ang hinagpis, at alalahaning lagi na walang hirap na di mababata ng bayaning puso, at walang papait pang pamana sa pamanang kaalipustaan at kaalipinan. Mulatin ang mata ng anak sa pag-iingat at pagmamahal sa puri, pag-ibig sa kapwa, sa tinubuang-lupa, at sa pagtupad ng ukol. Ulit-uliting matamisin ang mapuring kamatayan sa alipustang buhay. Ang mga babae sa Esparta'y sukat kunang uliran at dito'y ilalagda ko ang ilang halimbawa:

"Nang iniaabot ng isang ina ang kalasag sa papasa-hukbong anak, ay ito lamang ang sinabi: "ibalik mo o ibalik ka," ito nga, umuwi kang nanalo o namatay ka, sapagka't ugaling iwaksi ang kalasag ng talong natakbo o iniuwi kaya ang bangkay sa ibabaw ng kalasag. Nabalitaan ng ina na namatay sa laban ang kanyang anak, at ang hukbo ay natalo. Hindi umimik kundi nagpasalamat, dahil at ang kanyang anak ay naligtas sa pula; nguni't ang anak ay bumalik na buhay; nagluksa ang ina ng siya'y makita. Sa isang sumasalubong na ina sa mga umuwing galing sa laban, ay ibinalita ng isa na namatay daw sa pagbabaka ang tatlo niyang anak. "Hindi iyan ang tanong ko," ang sagot ng ina, "kundi, nanalo ba o natalo tayo?" "Nanalo," ang sagot ng bayani. "Kung ganoo'y magpasalamat tayo sa Diyos," ang wika, at napasa-simbahan."

"Minsa'y nagtago sa simbahan ang isang napatalong hari nila sa takot sa galit ng bayan; pinagkaisahang kulungin siya roon at patayin sa gutom. Nang papaderan ang pinto'y ang ina ang unang naghakot ng bato. Ang mga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kaya nga't iginalang ng buong Gresya ang babaing Esparta. "Sa lahat ng babae," ang pula ng isa, "ay kayo lamang na taga-Esparta ang nakapangyayari sa lalake." "Mangyari pa," ang sagot ng taga-Esparta, "sa lahat ng babae ay kami lamang ang nag-aanak ng lalake." Ang tao, ang wika ng mga taga-Esparta, ay hindi inianak para mabuhay sa sarili, kundi para sa kanyang bayan. Habang nananatili ang ganitong mga isipan at ganitong mga babae, ay walang kaaway na nakatuntong ng lupang Esparta, at walang babaing taga-Esparta na nakatanaw ng hukbo ng kaaway."

"Di ko inaasahang paniwalaan ako, alang-alang lamang sa aking sabi: maraming taong di-matingin sa katwiran at ito'y siyang tunay, kundi sa abito, sa puti ng buhok, o kakulangan ng ngipin. Nguni't kung ang katandaa'y iginagalang sa pinagdaanang hirap, ang pinagdaanan kong buhay na inihain sa ikagagaling ng bayan, ay makapagbibigay sa akin ng katandaan kahit na maikli. Malayo ako sa pagpapasampalataya, pagdidiyus-diyusan, paghalili kaya sa Diyos, paghahangad na paniwalaa't pakinggang pikit-mata, yuko ang ulo at halukipkip ang kamay; nguni't ang hiling ko'y mag-isip, magmulay-mulay ang lahat, usigin at salain kung sakali sa ngalan ng katwiran itong pinaninindigang mga sabi:

"Una. Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa karuwagan at kapabayaan ng iba."

"Ikalawa. Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kakulangan ng pagmamahal sa sarili at nasa kalabisan ng pagkasilaw sa umaalipusta."

"Ikatlo. Ang kamangmanga'y kaalipinan, sapagka't kung ano ang isip ay ganoon din ang tao: taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa tali."

"Ikaapat. Ang ibig magtago ng sarili, ay dapat tumulong sa iba upang magtago ng kanila, sapagka't kung pababayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman: ang isa-isang tingting ay madaling baliin, nguni't mahirap ang isang bigkis na walis."

"Ikalima. Kung ang babaing Tagalog ay di-magbabago, ay hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagka't kung hindi'y ipagkakanulong walang malay ang asawa, anak, bayan at lahat."

"Ikaanim. Ang tao'y inianak na paris-paris, hubad at walang tali. Di nilalang ng Diyos upang maalipin, di binigyan ng isip para pabulag, at di hiniyasan ng katwiran upang maulol ng iba. Hindi kapalaluan ang di-pagsamba sa kapwa-tao, ang pagpapaliwanag ng isip at ang paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo'y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang nais papanaigin ay ang kanyang ibig sa matuwid at katampatan."

"Ikapito. Liningin ninyong magaling kung ano ang relihiyong itinuturo sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Diyos o ang pangaral ni Kristo na panlunas sa hirap ng mahirap, pang-aliw sa dusa ng nagdurusa. Alalahanin ninyo ang lahat ng sa inyo'y itinuturo, ang pinatutunguhan ng lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, nobena, kuwintas, kalmen, larawan, milagro, kandila, korea at iba't iba pang iginigiit, inihihiyaw at isinusurot araw-araw sa inyong loob, tainga at mata, at hanapin ninyo ang puno at dulo, at saka iparis ninyo ang relihiyong iyan sa malinis na relihiyon ni Kristo; at tingnan ninyo kung hindi ang inyong pagka-Kristiyano ay paris ng inaalagaang gatasang hayop, o paris ng pinatatabang baboy kaya, na di pinatataba alang-alang sa pagmamahal sa kanya, kundi maipagbili ng lalong mahal upang lalong masalapian."

"Magbulay-bulay tayo, malasin ang ating kalagayan, at tayo'y mag-isip-isip kung itong ilang buhaghag na sabi'y makakatulong sa ibinigay sa inyong bait, upang maituloy ang nasimulan ninyong paglakad."

"Tubo ko'y dakila sa puhunang pagod" at mamatamisin ang anumang mangyari, ugaling upa sa sino mang mangahas sa ating bayang magsabi ng tunay. Matupad nawa ang inyong nasang matuto at harinangang sa halamanan ng karununga'y huwag makapitas ng bungang bubot, kundi ang kikitli'y piliin, pag-isipin muna, lasapin bago lunukin, sapagka't sa balat ng lupa, lahat ay haluan, at di-bihirang magtanim ang kaaway ng damong pansira, kasama sa binhi sa gitna ng linang."

"Ito ang matinding nasa ng inyong kababayang si Jose Rizal."

SA PAGTANGIS AT PAGTAWA

(Pinagkunan: Pagtangis At Pagtawa)

"Hindi ko pinanghihinayangan ang aking kamusmusan, ni ang aking kabataan, na ayon sa sabi-sabi, ay batbat ng mga ginintuang pangarap. Hindi ako naghihinagpis dahil sa aking Inang-bayan, kahanga-hangang halamanan ng mga sirena sa Silanganan. Musmos at nagbibinata ng ako'y nasa kanyang sinapupunan, at gayunman, ang kanyang araw ay hindi ko nasilayan kundi sa pagitan ng mga patak ng aking luha, at ang kanyang simoy ay hindi ko nalanghap ng walang kalakip na buntong-hininga."

"May isang taong inihalintulad ang kanyang kamusmusan sa isang tangkay na hitik ng mga rosas at mga buko; ako man naman ay inihalintulad ko rin ang aking kamusmusan sa isang tangkay, nguni't sa isang tangkay na hitik ng mga tinik. At gayunma'y nagtitira ako sa aking Inang-bayan, sa aking pamamahay at sa sinapupunan ng aking angkan."

"Bahagya ko pa lamang nakikilala ang aking pagkatao ay tinuruan na ako ng mga guro. Marami sa kanila ang nagturo sa akin ng lahat ng kanilang nalalaman. Ang kanilang karunungan ay napapaloob sa ilang magagarang aral na gaya nitong mga sumusunod: Ang titik ay pumapasok sa isip sa pamamagitan ng dugo; ang sinumang hindi gumamit ng pamalo ay napopoot sa kanyang anak; ang mga sanggol ay ipinapanganak na masasama, at iba pa."

"Sa lakas ng palo ay pinilit kaming magsaulo ng mga aklat na nasusulat sa isang wikang hindi namin nawawatasan. Sa wika ring ito tinuruan kami ng mga dasal at kahit na kami'y patay na halos sa antok ay pinipilit pa rin kaming magdasal ng mahahabang oras sa harapan ng mga larawang nangayayamot sa pagkakita sa aming luhaang mukha."

"Pagkatapos ay nag-aral kami sa kolehiyo. Madalas na ang propesor, kapag nakalimot sa kanyang pagpapaliwanag, ay tumutukoy hinggil sa aming lahi at sa aming bansa, at kami naman, na nagsisipanginig sa harap ng kanyang kapangyarihan, sa aming karuwaga'y iniipit na lamang ang aming luha at kami'y hindi umiimik."

"Sa Pamantasan, pagkatapos, bagama't ang mga propesor na rin ay hindi nangagkakawatasan, ay lalo kong nabatid ang daigdig na aking kinalalagyan. Ito ay isang daigdig na nagkakaloob ng mga tanging karapatan para sa ilan, at nagtatakda naman ng mga tuntunin at pagbabawal para sa iba, at ang pagtatangi-tanging ito'y tiyak na hindi nababatay sa kakayahan."

"Sa pamamagitan ng lakas na sinisimpan sa sarili at sa udyok ng pagkauhaw sa buhay, ay kinakailangang kaladkarin ng isang tao ang kanyang sarili sa isang makipot na bilangguan, kung makatanaw siya ng isang parang na tiwangwang, ng isang malawak na kapaligiran doon sa malayo, kung makarinig siya ng pagaspas ng mga pakpak ng mga ibong lumilipad doon sa itaas, kung makaramdam siyang tumitibok ang kanyang puso at siya'y nag- aakalang may karapatang mag-iwi ng mga nakakalugod na mithiin."

"Sa ilalim ng isang sagisag ay lumahok ako sa isang timpalak pampanitikan. Sa kasawiang-palad ay nanalo ako. Narinig kong umalingawngaw ang masigabo at masiglang palakpakan. Datapwa't ng maalis ang aming sagisag at malantad ang tunay na pangalan, ang palakpakan ay napalitan ng katamlayan, ng pag-aglahi at ng paglait; at ang talunan ay siyang ipinagdiwang at pinarangalan!"

"Sa paniniwalang ako'y sinawi ng isang walang habag na katampalasanan, at sa pananalig sa katarungan ay humingi ako nito. Bilang katugunan ay pinagbantaan pa ako... datapwa't sa pagkakataong ito'y hindi ginantimpalaan ang maysala at hindi rin naman siya itinaas sa tungkulin!"

"Kaya nga, hindi ko pinanghihinayangan ang aking kamusmusan, ni ang aking pagbibinata."

"Minamahal ko ang aking bayang-tinubuan, gayon ma'y nilisan siya. Sa daigdig ay walang nakaugnay sa akin maliban sa ilang tao at isang tahanan, at gayon ma'y nilisan ko silang lahat ng walang kapaapaalam. Iniingatan ng simoy ng hangin sa aking Inang-bayan ang tubig na bumabalong sa kanyang mga bukal. Sa mga dahon ng kanyang mga kawayan, mga palmera, at mga punong-kahoy at itinitik ko ang aking mga hinaing at mga alaala. Hinahandugan niya ako ng isang matamis na kamatayan at gayon man, malayo sa tanang minamahal ko, nangingibang lupain at tumitira sa piling ng mga taong walang pagtingin sa akin at hindi ko nakikilala, ay hindi ko siya tinatangisan at ikinasisindak ko pa nga ang kanyang mga unat na bisig na inihahandog sa akin. Tuyo ang aking mga mata, at ako'y tumatawa."

"Ako'y tumatawa lamang kapag nagugunita ko ang kanyang mga kaabaan, kapag nauulinigan ko ang mga daing ng aking mga kapatid, kapag nakikita ko ang madilim na ulap na bumabalot sa kanyang langit! Ako'y tumatawa lamang kapag nakikita kong itinuturing na hayop ang aking bayan at nililinlang sa pamamagitan ng matatayog na haka at ng nakakalitong mga pangungusap, kapag naririnig kong inihihingi ng kalayaan at matuwid ang ilan, nguni't mga sagabal at pagpapatayung-tayong naman para sa aking mga kababayan; mga makataong batas, pagkakapatiran at mga karapatan para sa mga yaon, datapwa't mga kataliwasan naman para sa aking mga kababayan."

"Sa halip na ako'y magngitngit, sa halip na ako'y mapoot, ay itinataas ko sa langit ang aking tingin at ako'y nananalangin."

"Pakapurihin ka nawa, O Diyos ng mga taong malalaya, Diyos ni Clemente VII, ni Torquemada, ng Ingglatera, ng Rusya, ni Bismarck, at ng mga pahayagang La Epoca at La Union! O Diyos ni Krup, ikaw ay kaibigan ng mga nag-aari ng maraming kanyon, baril, torpedo, at salapi. Ikaw ay lagi ng tumutulong sa lalong malakas, upang huwag mo siyang makagalit at binibigyan mo ng matuwid yaong mga may kukong matutulis. Ikaw ang lumikha sa leon, sa tigre, sa sora, at kay sagasta, na siyang nagpapabuwis sa walong angaw na nilikha at tumatangging magkaroon ang mga ito ng kinatawan sa cortes, na batasan ng espanya."

"Pinasasalamatan kita dahil sa napakaraming mabubuting bagay na iyong nilikha, dahil sa kabutihang tanging ipinagkaloob mo lamang sa akin. Pinasasalamatan kita, sapagka't niloloob mo ang napakaraming kapahamakan upang ako'y patawanin. Pinasasalamatan din kita dahil sa paglikha mo ng naglalakiha't napakaraming mga bituin upang ang lupa'y makatanaw ng maliliit na tanglaw kapag hindi maulap ang langit, at upang ang mga kawal namin ay magkaroon ng maikakabit sa kanilang mga manggas, pagkatapos na patayin nila ang aming mga kapatid!"

"Ikaw, na nakakaalam ng lahat ng bagay-bagay, ikaw, na pinatutulong mo sa iba ang iyong mga lindol, bagyo, at balang upang kami'y papaghirapin, ipahintulot mong iukol ko sa iyo ang aking mga daing. Ikaw, na nagwika na upang makapasok sa kaharian ng langit ay kinakailangang maging dukha. Ikaw, na nangakong hindi mo ipagkakait ang iyong pagtingin sa mga taong nauuhaw sa katarungan, ingatan mo, sa ikabubuti namin, si sagasta at ang taong mga konserbador."

"Ingatan mo rin, sa ikabubuti namin, yaong mga nagkakait sa amin ng kodigo penal; ingatan mo yaong kalahat-lahatang mga prayle na kasapi sa apat na korporasyon, at yaong lahat, na sa panahong darating ay paroroon sa aming bayan, ang mga guwardiya sibil, ang mga karabinero, at ang mga kawani. At sa ibabaw ng lahat ay huwag mo rin namang lilimuting ipadala sa amin tuwing kalahating buwan ang lahat ng pinakamasama at kalabisan na sa espanya, gaya ng mga ungas, ng mga hindi na maitutuwid pa ng landas, ng mga mapagbalatkayo, ng mga tamad, mga hangal at mga dayukdok; magbukas ka ng isang tanggapn para sa kanilang lahat. Patungan mo ng buwis kahit na anumang bagay, maglagay ka sa bawa't panulukan ng tagasuri at dalawampung tiktik; ipagbawal mo sa amin ang bumasa, sumulat at magsalita. Bulagin mo kami, bingihin, at pipihin; at bigyan mo kami ng lakas upang makapalakpak at makagawa lamang."

"At kung sakaling hindi mo pa inaakalang kami'y napakamaralita at napaka-uhaw sa katarungan, upang mapasalangit, ay gawin mo na kamaing lahat na ministro ng hari o mga pangulo ng Sanggunian upang kaming lahat ay minsanan ng maparusahan magpakailanman. Siya Nawa!"

SA KALAMANGANG NABABATAY SA LAKAS AT SA KALAMANGANG NABABATAY SA KAGANDAHANG-ASAL

(Pinagkunan: Manangan Tayo Sa Katarungan)

"Ang kalamangang nababatay sa lakas ay walang halaga kung ipaparis sa kalamangang nababatay sa kagandahang-asal; itong huli'y iginagalang at sinusukuan, hindi lamang ng tao kundi ng lahat ng hayop. Ang mga bansang nananakop, lalo na yaong walang mga hukbo at sasakyang pandigma na makapagbabantay sa bawa't punong-kahoy o makapag- papatigil sa salpok ng mga alon, ay nararapat magwagayway, higit sa lahat, ng kahigtang ito ng kagandahang-asal sa harap ng mga bayang nasasakupan, at kung hindi ganito ang gagawin ay matitiyak nating nalalapit na ang kanilang wakas. At walang anumang bagay na lalong nakapagpapasuko sa tao na gaya ng diwa ng katarungang tiwasay, walang poot ni galit, gaya rin naman ng kawalang-matuwid upang pasulakin ng poot ang iyong kalooban. Nagpapatiwakal ang isang pamahalaan at sinisiraan niya ng puri ang kanyang sarili, kapag sa pangangayupapa niya sa panandaliang takot na naaaninag niya sa mga pagkakalisyang ito, ay pinasasakitan niya ang mga kulang-palad, at ipinipikit ang kanyang mga mata sa ginawa ng mga nakapangyayari."

SA PAGSISI SA DIYABLO SA LAHAT NG BAGAY NA HINDI MAUNAWAAN

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Pinagmalabisan ang salitang katamaran, sa pagpapakahulugan dito na parang kauntian ng pag-ibig sa paggawa, kakulangan ng sipag, at iba pa: ang paglibak ay tumakip sa pagmamalabis. Sa karaniwang paksang ito ay nangyari yaong nangyari sa ilang gamot na lumulunas sa maraming sakit at sa mga gamot na niyari ng mga matatabil, na sa pagpupumilit na iyukol sa kanila ang mga bisang hindi inaangkin ay ipinalagay tuloy na walang kabuluhan. Noong edad media, at kahit na sa maraming bayang katoliko ngayon, ay ibinubuhat sa diyablo ang lahat ng bagay na hindi maunawaan ng bayang mapamahiin o ayaw ipagtapat ang kasamaan ng mga tao; sa Pilipinas, ay ibinubuhat sa katamaran ang mga sariling kakulangan o kakulangan ng iba, ang mga kahangalan ng ilan at ang kasalanan ng iba. At katulad noong edad media na pinag-uusig ang sinumang magtangkang humanap ng paliwanag sa mga bagay- bagay maliban sa lakas na nagbubuhat sa impiyerno, sa Pilipinas ay lalong masama ang nangyayari sa humahanap ng pinagmumulan ng kaguluhan ng labas sa mga kapaniwalaang tinatanggap."

SA PAGGAWA DAHIL SA ISANG LAYUNIN

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Ang tao'y gumagawa dahil sa isang layon; alisin ninyo ang layon, at ang kahihinatnan niya'y ang hindi pagkilos. Ang pinakamasipag na tao sa daigdig ay hahalukipkip buhat sa sandaling mapagkilala niyang isang kahangalan ang pagsisikap, na ang kanyang paggawa ay siyang magiging sanhi ng kanyang kasamaan, at dahil dito'y magiging pakay siya ng mga panliligalig sa loob at ng kasakiman ng tulisang-dagat sa labas. Ang mga kaisipang ito'y parang hindi sumurot kailanman sa isip ng mga nangagsisisigaw laban sa katamaran ng mga Pilipino."

SA PAG-AALIS NG KARANGALAN SA ISANG TAO

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Alisan nga ninyo ng karangalan ang tao, at hindi lamang inalisan ninyo siya ng lakas ng kalooban, kundi ginawa rin ninyo siyang walang kabuluhan maging sa mga taong ibig gumamit sa kanya. Bawa't bagay sa ibabaw ng lupa ay may panundot na nagpapakilos, may kani-kanyang kaparaanan; ang sa tao'y ang pagpapahalaga sa sarili; alisan ninyo siya nito, at siya'y matutulad sa isang bangkay; at ang humahanap ng pagkilos ng isang bangkay ay walang matatagpuan kundi mga uod."

SA HINDI PAG-AANGKIN NG MAGKAPAREHONG KAKAYAHAN AT LAKAS

(Pinagkunan: Ang Mga Paglalaban Sa Mga Araw Natin)

"Tayong mga tao'y hindi nag-aangkin ng magkakaisang kakayahan ni magkaparis na lakas; nguni't kasang-ayon ng inyong ama at ng kanyang mga anak na ito'y hindi nagbibigay matuwid sa di-pagkakapantay ng mga karapatan. Ang kaibahan ng lakas at ng kakayahan, tandaan ninyong mabuti, ay nauukol sa pagkakaiba-iba ng mga gawaing hindi maaaring di natin isagawa, upang matamo ang libu-libong layunin ng ating buhay."

SA PAGTATAMO NG KARUNUNGAN

(Pinagkunan: Mga Ala-ala - Noli me Tangere)

"Huwag mong lilimutin na kahi't ang karunungan ay ukol sa tao, ay wala namang nagtatamo noon kundi ang mga may puso lamang."

SA PANANAGUTAN NG BAWA'T ISA SA KANYANG GINAWA

(Pinagkunan: Ang Baliw O Ang Pilosopong Si Tasyo - Noli me Tangere)

"Tanggapin ng bawa't isa ang gantimpala o kaparusahang ukol sa kanyang ginawa, nguni't hindi dahil sa ginawa ng iba."

SA KARALITAAN

(Pinagkunan: Si Sisa - Noli me Tangere)

"Ang karalitaan ay nag-aaboy sa pagkakasala!"

SAMGA KATANGIANG DAPAT TAGLAYIN NG ISANG GURO

(Pinagkunan: Mga Kapalarang Sinapit Ng Isang Guro - Noli me Tangere)

"Upang dinggin ang isang guro, upang ang kanyang kapangyarihan ay huwag pag- alinlanganan, ay nangangailangan ng karangalan, mabuting pangalan, malaking kabaitan, kaunting kalayaan..."

SA PAGGAWA NG ISANG GAWAIN

(Pinagkunan: Mga Kapalarang Sinapit Ng Isang Guro - Noli me Tangere)

"Ang gawain, kapag ginagawa ng laban sa sariling kalooban at ikinahihiya ay isang pasakit..."

SA KAMALIAN NG PAGGAMIT NG PAMALO SA MGA NAG-AARAL

(Pinagkunan: Mga Kapalarang Sinapit Ng Isang Guro - Noli me Tangere)

"Ang pamamalo, sa halimbawa, na mula't mula pa'y siyang sagisag ng mga paaralan, at inakala kong siyang lalong mabuting paraan upang ang bata'y matuto - inugali sa atin ang maniwala sa gayon - ay namalas ko, pagkatapos, na bukod sa malayong makatulong sa ikatututo ng bata ay nakakasira pa ng lubha dito. Naniniwala ako na hindi mangyayaring makapag-munimuni kung kaharap ang palmeta o ang mga disciplina; ang pagkatakot at pagkasindak ay nakakalito sa lalong malamig na loob, bukod sa ang pag-iisip ng bata dahil sa lubhang matulin ay siyang lalong maramdamin. At sa dahilang upang matala sa utak ang mga bagay-bagay ay kailangan ang paghahari ng katiwasayan, sa loob at sa labas, magtaglay ng kaliwanagan ng pag-iisip, katiwasayan ng katawan at ng pagkukuro, at mabuting kalooban, ay inakala kong ang nararapat gawing unang-una ay ang papagtaglayin ang bata ng katiwalaan, pananalig at pagpapahalaga sa sarili. Nakilala ko rin na ang pagpapakita ng pamamalo sa araw-araw ay pumapatay sa damdaming pagkahabag ng puso, at pumapawi sa lagablab ng karangalan, na panimbangan ng mundo, at sabay sa pagkapawing iyo'y napapawi rin naman ang kahihiyan na mahirap ng mapabalik. Namatyagan ko rin na kapag ang isa'y napapalo, ang iba'y nagdaramdam ng katuwaan kapag ang ilan ay napapalo rin, at nangingiti ng buong kasiyahang-loob pag naririnig ang iyak ng iba; at ang pumapalo, kahit na mabigat ang loob kung sumunod sa unang araw, ay nasasanay na pagkatapos at nalulugod na sa kanyang kasakit-sakit na tungkulin. Nakapangilabot sa akin ang nakaraang panahon at tinangka kong maging isang kaibigan ng bata, na magtuturo sa kanya ng mga kahanga-hangang lihim at hindi ang munting aklat na itim na puno ng luha ng kabataan; ginawa kong ang paaralan ay maging isang pook na liwaliwan ng pag-iisip at hindi isang pook ng pahirap. Unti-unti ko ng inalis ang pamamalo, iniuwi ko sa bahay ang disciplina at pinalitan ko ng pagpapataasan at pagpapahalaga sa kani-kanilang sarili. Kapag hindi natutuhan ang isang lisyon, ay ipinalalagay kong sa kakulangan ng pagsusumakit, at hindi sa di-kasapatan; ipinakilala ko sa kanilang sila'y may higit na pagkaabot kaysa sadyang kaya nga nila, at ang paniniwala sa bagay na ito na pinagsumikapan nilang mapatunayan, ay siyang pumipilit sa kanilang mag-aral, gaya rin namang ang katiwalaan ay siyang nag-aaboy sa kagitingan. Nang una'y waring hindi magagawa ang pagbabago ng paraan; marami ang hindi na nag-aral; nguni't ipinatuloy ko't aking napuna na unti-unting nagbabangon ang mga kalooban, lalong maraming bata ang dumadalo ng lalong madalas; at ang isang mapuring minsan sa harap ng lahat ay nag-iibayo ng pag-aaral sa kinabukasan."

SA PAGKAKAROON NG IBANG PAGHAHAKA

(Pinagkunan: Sa Bahay Ng Pilosopo - Noli me Tangere)

"Inaakalang baliw ng mga tao ang hindi kagaya nila sa paghahaka..."

SA KATUMPAKAN NG MAY KATALINUHANG PAGYUKO

(Pinagkunan: Sa Bahay Ng Pilosopo - Noli me Tangere)

"Bakit hindi natin gayahin ang ginagawa niyang munting sangang iyan na maraming bulaklak at buko? - ang sabi ng pilosopo na itinuro ang isang magandang punong rosal. - Humihihip ang hangin, siya'y ipinapagaspas, at siya'y yumuyukong wari'y ikinakanlong ang kanyang mahalagang dala. - Kung ang sanga'y magpapakatigas, ay mababakli, isasabog ng hangin ang mga bulaklak at masasawi ang mga buko. Pagkaraan ng hangin ay muling tumutuwid ang mga sanga, na nagmamalaking dala rin ang kanyang kayamanan, sino ang makakasurot sa kanya, sa pagyuko, dahil sa kailangan ang gayon? Tingnan ninyo ang malaking kupang na iyon, na mahinay na iginagalaw ang kanyang mataas na sangang pinagpupugaran ng lawin. Kinuha ko siyang maliit pa sa gubat, ilang buwan kong tinukuran ng kawayan ang kanyang maliit na puno. Kung dinala ko ritong malaki na at malusog ay matitiyak ng hindi marahil mabubuhay at inihapay sana siya ng hangin bago makakapit na mabuti sa lupa ang kanyang mga ugat, bago makalaganap na mabuti sa paligid at mabigyan siya ng sapat na dagtang kailangan ng kanyang laki at taas. Gayon ang mangyayari sa inyo, punong inilipat buhat sa Europa sa lupaing ito na mabato, kung hindi hahanap ng sandigan at kayo'y magpapakaliit. Masama ang inyong kalagayan, kayo'y nag-iisa't mataas: ang lupa ay umuuga, ang langit ay nagbabala ng sigwa at nakita ng ang mga itaas ng puno ng inyong kaanak ay laging umaakit ng kidlat. Hindi katapangan, kundi kapangahasan, ang makilabang mag-isa sa lahat ng sa ngayo'y umiiral; walang nakapipintas sa piloto na kumakanlong sa isang daungan sa unang bayo ng sigwa. Ang pagyuko, kung dumaraan ang punglo, ay hindi karuwagan; ang masama'y ang harapin siya upang lumagpak at huwag ng muling makabangon."

SA MALING PAGGAYA SA IBA

(Pinagkunan: Ang Bispiras Ng Pista - Noli me Tangere)

"...nguni't gaya ng nangyayari kahit kailan ibig nating huwaran ang mga bantog na tao, ay wala tayong napaparisan kundi ang pinakamaliit nilang bagay, kung hindi pa mangyaring ang kanilang mga kasiraan ang siya nating mahuwaran, sapagka't wala tayong kaya kundi iyon lamang; ang marami sa mga humahangang ito ay nangakakapuna kung paano ang paglalagay ng corbata ng ating bagong-tao, ang iba'y ang ayos ng leeg ng baro at hindi kakaunti ang nakapuna kung ilan ang butones ng kanyang americana at tsaleko."

SA DI-PAGKAKASUNDO

(Pinagkunan: Malayang Pagkukuro - Noli me Tangere)

"Lahat po tayo'y may kalaban, mula sa pinakamaliit na kulisap hanggang sa tao, maging ang lalong salat o maging ang lalong mayaman at makapangyarihan! Ang di- pagkakasundo ay siyang batas ng kabuhayan!"

SA PANINIWALA SA PAGKAKATAON

(Pinagkunan: Malayang Pagkukuro - Noli me Tangere)

"Ang paniniwala sa pagkakataon ay kaisa rin ng paniniwala sa kababalaghan: ang mga bagay na iyan ay kapwa nagsasabing hindi batid ng Diyos ang mangyayari sa kinabukasan. Ano ang pagkakataon? Isang pangyayaring hindi inaakala. Ano ang kababalaghan? Isang pagsalungat, isang pagkasira ng mga lakad ng kalikasan. Ang hindi inakala at ang pagsalungat sa Diwang nagpapagalaw sa Sansinukob ay katimbang ng dalawang malaking kasiraan."

SA PAGHATOL SA KAPWA

(Pinagkunan: Malayang Pagkukuro - Noli me Tangere)

"Dapat magkaroon, kailangan, tumpak na ang tao'y manaka-nakang humatol sa kanyang kapwa!"

"Oo nga, upang gumawa ng mabuti, hindi ng masama, upang mag-ayos at magpagaling, hindi upang pumugnaw, sapagka't kung malisya ang kanilang pasya, ay wala silang lakas upang magamot ang kanilang kasamaang nagawa."

SA PAGIGING MAKASARILI

(Pinagkunan: Mga Usap-usapan - Noli me Tangere)

"Ay, ang init ng dugo. Waring hindi pa ninyo batid kung saang bayan tayo naroroon; hindi ninyo kilala ang ating mga kababayan. Ang mga prayle ay mayayaman at nagkakasama- sama at tayo'y watak-watak at maralita. Siya nga! Tangkain ninyong ipagtanggol siya at makikita ninyo kung di kayo mapag-isa sa kagipitan."

"Tunay - ang bulalas ni Don Filipo na may kapaitan ang loob, - iyan ang mangyayari samantalang ganyan ang paghahaka, samantalang ang pagkatakot at ang pagtitimpi ay magkaisa ng kahulugan. Pinahahalagahan pa ang isang kasamaang nangyayari sa sandali, kaysa kabutihang sadyang kailangan; agad-agad na susungaw ang katakutan at hindi ang pagtitiwala, ng bawa't isa'y walang iniisip kundi ang sarili, walang nakaalaala sa iba, kaya't mahina tayong lahat!"

SA MALABIS NA PAGLINGAP SA SARILI

(Pinagkunan: Mga Usap-usapan - Noli me Tangere)

"...ang tunay na karuwagan ay nagsisimula sa malabis na paglingap sa sarili at nagtatapos sa kahiya-hiya!"

SA KAMALIAN NG PAGGAMOT SA BUNGA SA HALIP NG SA SANHI

(Pinagkunan: Ang Tinig Ng Mga Pinag-uusig - Noli me Tangere)

"Masamang manggagamot po, ginoo, iyong walang hinahanap kundi ang lunasan at gamutin ang mga dinaramdam, at hindi sinisiyasat ang pinanggagalingan ng sakit, o kaya'y kilala man ito ay natatakot na bakahin."

SA DI-PAGGAMIT NG SAMA UPANG GAMUTIN ANG ISANG SAMA

(Pinagkunan: Ang Angkan Ni Elias - Noli me Tangere)

"...ang isang masamang bagay ay hindi nagagamot ng lalong maraming kasamaan, at sa ating kasawian ay tayong lahat ang maysala."

SA PAG-UUKOL NG BUHAY SA ISANG MABUTING LAYON

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Ano na lamang ang mga sakit ng katawan kung itutulad sa sakit ng damdamin - ang tanong - ano na lamang ang kamatayan ng isang tao sa kamatayan ng isang kalipunan? Balang araw marahil ay magiging isa kayong bantog na manggagamot kung pababayaang makapanggamot na mapayapa; nguni't lalo pang dakila iyong makapagbigay-buhay sa lugaming bayang ito. Kayo, ano ang ginagawa ninyo ukol sa bayang ito na kinakitaan ng unang liwanag, nagbibigay-buhay sa inyo at nagdudulot sa inyo ng ikatututo? Hindi ba ninyo alam na walang kabuluhan ang buhay na hindi iniukol sa isang malaking layon? Iya'y isang munting batong natapon sa kaparangan na hindi kasama sa pagkabuo ng isang bahay."

SA PANANALIG SA KARUNUNGAN

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Ang karunungan ay siyang walang paglipas, lalong kagalingan ng sangkatauhan, lalong ukol sa sansinukob - ang sagot ng binata sa isang sigabo ng kalooban - Sa loob ng ilang daang taon, pag ang sangkatauhan ay matalino na't nahango sa kinalalagyan sa ngayon, pag wala na ang mga lipi, pag ang lahat ng bayan ay pawang malalaya na, pag wala ng alipin at umaalipin, sakop na bayan at nakakasakop, pag ang naghahari ay isang kapangyarihan lamang at ang tao'y naging mamamayan ng sanlupalop, ay walang malalabi kundi ang pananalig sa karunungan, ang salitang pag-ibig sa bayan, ay magkakaroon ng kahulugang baliw na pananalig, at ang sa panahong iyan ay magbunyag ng kanyang taglay na pag-ibig sa bayan, marahil ay kukulungin na waring isang mapanganib na maysakit, isang manggugulo sa pagkakasundo ng lahat."

SA KINAKAILANGAN MUNANG MAGANAP BAGO DUMATING ANG PAGKAKASUNDO NG LAHAT

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Oo, oo - ang wikang iniiling ang ulo - datapwa't upang sumapit ang gayong kalagayan ay kailangang huwag magkaroon ng mga bayang manggagahis, ni mga bayang napapaalipin; kailangang ang tao'y maging malaya saan man pumaroon, matutuhang gumalang sa karapatan ng iba, ang kanyang sariling pagkatao, at upang mangyari ito'y kailangan munang magsabog ng maraming dugo, ang pagtutunggali'y kailangan. Upang daigin ang matandang pananalig, na sumisiil sa mga budhi, ay kinailangang ang marami ay matupok sa apoy, at ng sa pangingilabot ng budhi ng bayan ay maihayag na malaya ang budhi ng bawa't isang tao. Kailangan din naman na ang lahat ay tumugon sa katanungang sa araw-araw ay ginagawa ng bayan na inilalahad sa kanila ang kamay na nakatanikala. Ang pag-ibig sa bayan ay magiging pagkakasala sa mga bayan lamang na manlulupig, sapagka't ang pagnanakaw naman ay lalagyan ng isang mainam na pangalan; nguni't kahi't maging wastung-wasto na ang sangkatauhan ay magiging isang kabanalan din ang pag-ibig sa tinubuan sa mga bayang sakop, sapagka't sa lahat ng sandali'y may kahulugang pag-ibig sa katwiran, pag-ibig sa kalayaan, pag-ibig sa karangalan. Iwaksi, samakatwid, ang mga pangarap na di-mangyayari, ang mga guni-guning nababagay lamang sa mga mahinang loob. Ang kalakhan ng isang tao'y hindi ang magpauna sa kanyang kapanahunan, bagay na hindi naman mangyayari, kundi ang hulaan ang kanyang mga adhika, tugunan ang kanyang mga pangangailangan at turuan siyang magpatuloy sa lakad. Ang mga henyo na inaakala ng karamihan, na nagpauna sa kanilang kapanahunan, ay namamalas lamang sa gayon, sapagka't tinatanaw silang mula sa malayo ng mga sumusuri, o inaakalang daan-daang taon ang buntot na nilalakaran ng mga nahuhuli."

SA DI PAGIGING PALAGING TAMA NG PAGPAPAUMANHIN

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Iwasang tiisin ng iba ang inyong tiniis, upang sa susunod ay maiwasang magkaroon pa ng mga anak na pinatay at mga inang itinaboy sa pagkabaliw. Ang pagpapaumanhin ay hindi laging kabaitan, iya'y kasamaan pag nag-uudyok sa paniniil; walang mang-aalipin doon sa walang napaaalipin. Ay, ang tao'y sadyang may kasamaan, na kailanma'y nagpapakalabis pag nakatagpo ng umaalinsunod. Gaya ninyo'y ganyan din ang paghahaka ko, at alam ninyo kung ano ang aking sinapit. Binabantayan kayo gabi't araw ng mga may pakana ng inyong kasawian; naghihinalang kayo ay nag-aantay ng isang sadyang panahon; inaakalang isang mahigpit na hangad na makaganti ang inyong pagpupunyaging matuto, ang inyong hilig sa pag-aaral, sampu ng inyong pananahimik...Sa araw na magagawang kayo'y pawiin ay papawiin kayo, na gaya ng ginawa sa akin, at hindi kayo papayagang lumaki, sapagka't kayo'y kinatatakutan at kinamumuhian."

SA KATUTUBONG UGALI NG TAO NA MAMUHI SA INAPI NIYA

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Katutubo sa tao ang mamuhi roon sa inapi niya, ang sabi ni Tacito na pinatibayan ang quos laeserunt et oderunt ni Seneca. Kung ibig ninyong masukatan ang mga ginagawang pang-aapi o kabutihan ng isang bayan sa kapwa ay wala kayong ibang dapat gawin kundi tingnan na lamang kung kinamumuhian o minamahal. At sa ganyan ay naliwanagan na kung bakit ang ilang yumaman dito, mula sa mga matataas na katungkulang ginanap, ay pawang pag-alimura at pag-alipusta ang ipinatutungkol sa kanilang pinahirapan, pagbalik sa espanya."

SA PAG-ALAALA NATIN SA IBANG TAO

(Pinagkunan: Si Ginoong Pasta - El Filibusterismo)

"Kailan pa man ay kabilin-bilinan sa akin ng aking amain - ang sagot ni Isagani - na alalahanin ko ang iba, gaya ng pag-alaala ko sa sarili...hindi ako naparito ng dahil sa akin, naparito ako sa ngalan ng mga nasa kalagayang lalo pang aba."

SA DI PAG-AYON SA KANINUMAN SA DALAWANG PANGKAT NA MAGKALABAN

(Pinagkunan: Isang Bangkay - El Filibusterismo)

"Sa mga sandaling mapanganib, ang hindi pag-ayon sa kanino man ay isang paglagay sa kamuhian ng dalawang pangkat na magkalaban."

SA TAONG SINASABI NG MALAKAS ANG KANYANG INIISIP

(Pinagkunan: Ang Prayle At Ang Pilipino - El Filibusterismo)

"Baliw ang taong sa hangad lamang masiyahan ang sarili'y sasabihin ng malakas ang kanyang iniisip at hahanda sa pagtitiis ng mga pag-uusig."

SA MGA AMANG DUWAG

(Pinagkunan: Ang Huling Matwid - El Filibusterismo)

"Ang mga amang duwag ay walang iaanak kundi mga alipin at walang kabuluhan ang maggiba kung magtatayo uli na ang gagamitin ay mga bulok na sangkap!"

SA MASONERIYA

(Pinagkunan: Ang Masoneriya)

Agham, Kabaitan at Paggawa

Kagalang-galang na guro't minamahal kong mga kapatid:

"Nang tayo'y nasa labas pa, ay tumawag tayo sa mga pinto ng Templo upang makatanggap at maturuan ng mga hiwaga ng Masoneriya; taglay ang pusong tumitibok at ang damdaming sumisilakbo sa buong pagkatao natin sa harap ng di-nakikilala ay narinig natin ang tatlong salitang nagpapatiwasay sa ating pandinig, at ipinagdiriinang inuulit-ulit: Agham, Kabaitan at Paggawa."

"Ang makababalaghang salitang ito na ang mapanghalinang pangako noong unang panaho'y ikinapaglakbay sa mga maalong dagat nina Pitagoras at Herodoto na lulan ng marupok na sasakyan upang ihanap ng kalutasan ang mga salitang yaon sa nag-aagaw-dilim na makaparing Tebas: ang makapangyarihang Trinidad na ito na kapag nakababa sa lupa'y magagawang isang paraiso at karapat-dapat na tahanan ng mga diyoses; ang tatlong salitang ito, agham, kabaitan at paggawa o kaya'y ang pagpapaging diyos ng pang-unawa, ang pagpapaging diyos ng damdamin at ang pagpapaging diyos ng kasipagan, ay siyang magiging paksa ng kasalukuyang panayam upang pag-aralan sa sinapupunan, at sang-ayon sa pagpapakahulugan ng makabagong masoneriya."

"Agham, ang inyong wiwikain marahil, anong agham ang nararapat sa templo ng Masoneriya? Ang Agham ay maaaring napakupkop sa kanya noong mga panahong namamayani ang kabuktutan upang makapagbangon ng mga dakilang bantayog na maka- arkitektura ng mga daantaong nakaraan, gaya ng pagpapakupkop ng panitikan sa mga tahimik at payapang klaustro ng mga monasteryo, nguni't ngayon, ang agham ay malaya, iniaalok sa balana, at hindi na siya hahanapin sa mga lingguhang pagtitipon ng mga lohiya, kundi sa mga Pamantasan, sa mga pinagpupulungan ng mga Maka-agham at sa mga tanggapan ng mga Pantas!"

"Sumasang-ayon ako, minamahal kong mga kapatid: ang agham ay malaya, gaya ng liwanag na sa kanya'y nagbibigay ng lakas. Ang Masoneriya ay siyang naging sisiwa niya, ang nag-iwi sa kanya na parang isang banal na apoy, samantalang humahaginit ang sigwa, at ng makapanumbalik na ang katahimika'y ibinigay siya sa daigdig upang ito'y maliwanagan ng kanyang mga sinag. Ano kaya ang naging kapalaran ng agham kung ito'y hindi binalot ng mga hiwaga ng mga paring ehipsiyo at ng mga matatandang pantas? Kung baga sa binhing kapupunit pa lamang halos ng balok, ay ipinaubaya na sa pangngangalit ng mga elemento, namatay na sana siya sa mga kamay ng kamangmangan at ng kapabayaan. Sa pagpapailalim ng masoneriya sa mahihigpit na pagsubok sa mga baguhan sa agham - palibhasa'y Masoneriya rin ang mga hiwaga ni Isis, Eleusis, ng dakilang Ina, at iba pa - ay ibig niyang matiyak sa pamamagitan ng paraang iyon, na ang lupang paglalagakan ng binhi'y makapagpapatubo sa kanya, na ang makakatanggap ng liwanag ay makapagtatangkakal sa kanya laban sa lahat ng malakas na hampas ng alon."

"Pagkatapos, isang relihiyong nagpapanggap na tanging nag-aangkin ng katotohanan ay nagnasang gumapos at sumiil sa agham, na nagtuturo ng ibang mga katotohanan, at nagtatakda ng pamimihag. Sino ang nagligtas sa agham? Sino pa kundi ang Masoneriya sa pagpapahayag nito ng Kalayaan ng katwiran ng tao at sa pagsisikap na ito'y kilalanin."

"Oo nga. Ang Agham ay malaya na, nguni't ang diwa niya'y nabubuhay sa templo gaya ng pagkabuhay sa gitna ng mga guho ng Roma ng diwa ng kanyang mga bayani kahit na pagkatapos ng pagkakapahayag ng kanyang mga pantas na batas. At sa ganitong pagpapakahuluga'y hinilingan natin ng tulong dito ang ngalan ng agham, at ang Masoneriya'y muling makikipagbaka dahil sa kanya kapag siya'y napapasa-panganib, gaya ng pakikipagbaka upang buksan sa kanya ng Pilipinas ang mga napipinid niyang tanawin."

"Tungkol sa salitang Paggawa, huwag kayong ngumiti sa paggunita sa ating ginagawa sa mga lingguhang pagtitipon, na ang pinakamatagal ay tatlong oras. Tunay nga na sa daigdig ng mga hindi nakakaunawa sa Masoneriya'y dumaragundong ang mga makinang nagpapayanig ng kanilang mga bisig na bakal, at nanghahalukay ng hangin sa pamamagitan ng kanilang mga makapangyarihang gulong at ng mga magkakambal na gulong na magkalihis ang kalagitnaan; tunay nga na sa malalaking pagawaa'y gumagawang parang masipag na pukyutan ang batang lalake, ang binata, ang dalaga, ang asawa, ang matanda, ang tao sa pagyari ng libu-libong bagay na kinakailangan sa buhay; tunay nga na ang paggawa'y nagpapayanig sa daigdig sa lahat ng kaliit-liitang bahagi't mga butas nito, buhat sa pusod ng lupang kinukunan ng magmimina ng uling na batong makalilibong higit na pakikinabangan kaysa pinaka- mahalagang diyamante, hanggang sa mataas na taluktok ng mga bundok na nababalot ng yelo, na inaakyat ng treng humihinga ng apoy at humihila ng kaisipan ng tao; tunay nga at sadyang tunay na ang ating kasipaga'y walang anuman kung ihahambing sa maninisid sa kailaliman ng dagat; sa manunuklas na pumapasok sa mahihiwagang lupalop, sa inhinyero, na sa di- kasiyahan sa malalayang landas ng malalawak na karagata'y pumuputol sa mga lupalop, nagbubukas ng mga kanal at naglalakbay sa papawirin sa paghanap ng mga bagong daraanan. Totoo ang lahat ng ito, datapwa't huwag nating limutin na kung napapanood ngayon ang mga kahanga-hangang pangyayaring ito, iya'y utang sa pagkamalaya ng masoneriya at sa mabuting pagkakabaha-bahagi ng mga manggagawa na itinatag buhat pa ng malaong panahon ng mga ehipsiyong mason. Kapag nakikita natin ang binatang malusog at masipag sa piling ng kanyang inang matanda't uugod-ugod, isagunita nating yao'y dinala ng kanyang ina sa sinapupunan nito, inalagaan ng siya'y musmos pa, at pinasuso ng gatas ng kanyang dibdib."

"Ang talyer ng Masoneriya noong unang panaho'y tunay na isang pagawaan. Doon pinagtatalunan ang balangkas ng mga gawang kahit na ngayo'y hinahangaan ng daigdig, gaya ng templo sa Bulak, ng katedral sa Estrasburgo, sa Kolonya at iba pa. Sa sinapupunan ng mga talyer ng Masoneriya sa Santa Wehma ay napakupkop ang kalayaan ng tao upang makipagbaka laban sa mga kastilyong "feudal" ng ang "feudalismo" ay umiiral sa Alemanya, at sa mga talyer din ng Masoneriya gumawa sa araw at gabi ang diwa ng tao upang igiba ang kalagim-lagim na Bastilya, ibagsak ang isang maharlikang luklukan, pagpantay-pantayin ang mga tao, at papurihan ang dakilang gawa ng Nazareno. At bakit? Ang manggagawa bang tumitibag sa tibagan ng bato upang ito'y kasangkapanin sa pagtatayo ng mga pader ng isang palasyong tahanan ng kapalaluan at ng kaligayahan o ng mga pader ng isang bilangguang yungib ng kawalang pag-asa at ng mga pananaghoy, ang mason bang ito ng matandang panahon ay gumagawa ng higit kaysa makabagong masong naghahasa ng isip at nagpapalakas upang magwasak ng lahat ng nakakasirang di pagkakapantay-pantay at upang maipagtayo ang taong natubos ng maningning na tahanang marahil ay natigmak ng dugo ng mga naghahari- harian?"

"Hindi, minamahal kong mga kapatid: ang masong makabago'y gumagawa't kailangang gumawa pa: na ang mga mason sa mga malalayang bayan ay nagsisikap sa pagpapalaki ng pangangalakal at sa pagkakawanggawa, mabuti nga. Datapwa't hindi sila nararapat magpahinga habang ang lupa'y nagpapakain at bumubuhay ng isang naghahari- harian; habang inuulit ng gabi sa kanyang mga alingawngaw ang mga taghoy ng inaapi; habang may mga alipin, habang may mga nang-aapi! Ang gawaing ito'y siyang pinakadakila, marahil, sa lahat ng mga gawaing sadyang isinabalikat ng Masoneriya at siyang tanging karapat-dapat sa kanyang ngalang pandaigdig."

"Ngayo'y lumipat tayo sa pag-aaral ng Kabaitang kinusa kong ilaan para sa huli, sa dahilang ito ang inaakala kong paksang pinakamahalaga ng Masoneriya."

"Kabaitan! Kabaitan! Ikaw ay hindi iba kundi isang ngalan lamang, ani Katon, ng may labinsiyam na daantaon na, at marahil, marami sa inyo ang nagsasabi uli ng pangungusap na yaon kapag narinig ninyo ang kakaibang salitang ito. Ibinulalas ni Schiller: "Kailan matatapos na dinggin ko ang pagbanggit sa iyo, o kabaitan? Sa araw na hindi ka gaanong papurihan, ay sasapiling ka ng mga tao."

"Anong kabaitan ang isinasagawa natin sa loob ng bulwagang ito? Kaipala'y napipigilan namin ang inyong budhi sa kailaliman ng inyong puso, gaya ng sa mga templo, kayo'y malungkot na ngumingiti at parang nabigo sa tunog ng ngalang ito. Marahil ay may matuwid kayo, nguni't bago tayo magpatuloy, ay tingnan natin kung ano ang pagkaunawa natin sa salitang kabaitan, kung bakit naglalaman ito ng isang kaisipang nasa bibig ng lahat, nguni't hindi pinagkakaisahan ng lahat ng mga bayan."

"Ang kabaita'y nakikita ng Intsik sa paggalang sa mga matatanda, sa pagsamba sa mga ninuno at sa pagsasagawa ng mga kawalang-katapusang pananalangin at pagpaparangal; ang taga-India, ay sa di-pagkilos ng katawan at sa paninimbang, at inaaring banal yaong nakapapanatiling walang galaw sa isang sadyang kalagayan sa loob ng maraming buwan. Natatagpuan ng taga-Persia ang kabaitan sa kalinisan ng pamumuhay, at dahil dito'y naging sagisag nila ang apoy na dumadalisay. Ang kabaitan ng Hudyo'y binubuo ng pagkatakot kay Heoba, ng pagtupad sa mga kautusang nauukol sa mga bagay na nadarama na sinasaysay ng "Deuteronomio," at ng paghihintay ng pagdating ng Mesias upang makapag-ari ng sandaigdigan. Ang kabaitan ng Griyego'y nababatay sa estoisismo, sa karunungang magtiis ng lahat ng kasamaan na angkin ang ganap na katiwasayan ng loob; dahil dito'y iniaalay ng taga-Esparta sa harap ng kabaitan ang kanyang mga damdaming lalong mahal, ang kanyang kasiglahang lalong katutubo sa paniniwalang yao'y mabangis at walang habag; samantalang ang Budista nama'y nagsasanay ng kabaitan sa katamisan ng pag-uugali at sa pag-ibig sa kapwa. Sa kabilang-dako, hinahanap ng Roma ang kabaitan sa katiningan ng loob, sa damdaming makalalake, kaya ito'y tinatawag nilang virtus na sa ating wika'y "pagkalalake," para sa Roma'y mabait ang nag-iingat ng kanyang pagkalalake, ang marunong magpakasakit sa mga malalaking panganib, ang marunong magpakamatay alang-alang sa batas, alang-alang sa ngalan at sa kaluwalhatian ng Roma. Dumating ang Kristiyanismo, gumulo sa maraming paniniwala, at sa simula'y sa ano nababatay ang mga kabaitang Kristiyano? Ang relihiyong Kristiyano, tagapagmana, at kabuuan at ubod ng lahat ng mga relihiyon, ay nagsabog ng banaag sa kanyang mga kabaitan ng tanang kabaitan ng lahat, ng iba, at nagpabanal sa pagpapakumbaba ng loob, sa kawalang tigatig (estoisismo), sa kalinisan, at nagdagdag sa mga ito, bilang tunay na taga-silangan, ng pagkakawanggawa, kabaitang itinaas, pagkatapos, ng Mahometismo sa isang di-matingkalang kadakilaan."

"Pagkatapos pa ay nabago ang mga aral, nawala ang pananampalataya, ang diwang makarelihiyon ay naging diwa ng pagkakapangkat-pangkat sa pananampalataya, yaong mga nangangaral ng pagkakapantay-pantay at pagpapakarukha ay naghangad na maging panginoo't mayaman, at sa gayo'y ang kabaita'y ipinagkamali sa di-pagpaparaya sa isip ng iba at sa bulag na pananampalataya, at sa anyong lalong hindi nakapoot, ay nag-angkin ng anyong kalaban ng kalikasan. Naging kabaitan ang sapilitang di pag-aasawa, gayong sinabi ng Diyos na kayo'y magpakarami; naging kabaitan ang pangririmarim sa kagandahan, ang pagkapoot sa pag-ibig, gayong ang buong kalikasa'y maganda, gayong buhat sa buwan hanggang sa bulaklak, ang buong nilikha'y nangangaral ng pag-ibig; naging kabaitan ang pangingilin sa pagkain at sa lamang-kati gayong kinakailangan ng taong gumamit at makapag-ibayo ng kanyang lakas upang magamit sa paglilingkod sa kanyang kapwa; naging kabaitan ang paghampas sa sarili at ang pagpapakaaba, gayong ang ahas ay tumitira sa putik at ang Diyos ay kataasan, at sa wakas, naging kabaitan ang kamangmangan na rin, gayong ang karununga'y isang katangian ng Diyos, gayong ang pang-unawa ay isang biyaya, at gayong ang tao'y natutubos lamang sa pamamagitan ng malalalim na pag-aaral."

"Mga daantaong makahayop, minamahal kong mga kapatid, yaong ang mga singaw na nagbubuhat sa mga klaustro'y gumusot ng gayon na lamang sa pang-unawa ng tao. Datapwa't maaaring lalo pang bumaba at ang pagkahulog ng pangangatwira'y maging lalo pang masahol at lalo pang malalim, at sa gayo'y tinawag na kabaitan ang sumusunod: ang pagkapoot sa mga taong hindi nagtataglay ng kaisang pananampalataya, ang pagpatay at pagsunog sa mga ito: ang pagbigkas ng sunud-sunod na kahangalan at marahil ay sunud-sunod na panlalait sa harap ng mga larawang pinapaging banal at ginawang diyos. Tinawag na kabaitan ang pagtatakwil sa mga hinuha ng agham at ng karanasan; kabaitan ang pananampalataya sa kabalighuan, ang pagbibigay sa Papa upang matustusan ang pagmamarangya nito, ng salaping itinatangging ibigay sa isang bata upang pasilayin ang kanyang isip; kabaitan ang kabaliwan, ang pagkasira ng bait, ang katawa-tawa, at pati ng mga bisyo na rin kapag ang mga ito'y nabibigyan ng balabal ng relihiyon."

"Sa pagkahulog sa banging ito ng pagkukuro ng tao at sa pagkagulat sa kanyang pagkakalagpak, ay ibinabaling ang tingin sa nakaraan at ipinagbubuntung-hininga ang kabaitan ng mga panahon ng kabayanihan."

"Ano ka ba, O kabaitan? Ikaw ba'y isang pangalang walang kabuluhan, ikaw ba'y lakas ng kaloobang lumalaban sa mga katutubong damdamin? Ikaw ba'y isang salitang nilikha ng isang masamang makaakin, upang kung masilaw ang mga mapaniwalain sa harap ng ningning ng iyong kaluwalhatian, ay mapaglagablab ang mga damdamin ng kagandahang- loob, at ng pagkatapos ay mapagsamantalahan sila? Ikaw ba'y nilikha ng mga maykapangyarihan upang hiratihin ang mga naaapi sa pagtutungo ng kanilang ulo o ikaw ang tinatawagan ng mga sawimpalad upang maipamukha mo sa mga mang-aapi ang kanilang kasalanan? Ikaw ba'y isang pagtutol o isang daya lamang? Ikaw ba ang kagitingang nagtitipon ng mga bayan-bayan sa malalaking angkan, o ikaw ang pagmamakasarili na nag- uudyok sa taong bakahin ang ibang tao?"

"Kung tatanggapin natin ang simulain ng karaniwang tao na nagpapalagay na kabaitan ang damdaming kung isasagawa'y makakabuti sa iba, nguni't makakasama sa gumagawa, sa espanya'y magiging kabaitan ang hindi pagiging kawani o hindi pagiging mananalumpati kundi ang pagiging isang nagpapautang na matiisi't mapagbata; sa Tsina, gaya ng sa ibang panig ng daigdig, ang kabaitan ay ang pagpayag na dayain ng lahat; sa Pransiya'y ang pagbibigay at hindi pagtanggap kailan man ng mga pabuya."

"Sa harap ng gayon karaming pagkakasalungatan ng mga pala-palagay ng tao, ang budhi'y nangangailangan ng isang panuntunan."

"Sa kabaita'y nararapat maunawaan ang matamang pagtupad sa tungkulin, gaya rin naman sa bisyo, ang matamang paglabag sa tungkulin; at sa ganitong pagpapakahulugan, ang salitang kabaita'y napapasok na lubos sa talyer ng masoneriya at maaari pang sabihing siyang layon ng Masoneriya, at siyang tangi niyang buhay."

"Sa kabaita'y itinuturing natin ang matiyagang pagtupad sa tungkulin. Sa katuturang ito'y dapat liwanagin ang salitang "tungkulin." Ano ang tungkulin ng tao sa makabagong panahon?"

"Ang simulaing "gumawa ka ng mabuti" ay malabo; ang "huwag mong gawin sa iba ang hindi mo ibig gawin sa iyo" ay kulang, dahil sa maraming bagay ang nararapat nating gawin sa iba na hindi natin ibig gawin sa atin! Ang paglilimos, halimbawa, ay isa. Ang simulaing "ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili" ay napakaganda, nguni't hindi maisasagawa; iya'y makadiyos, datapwa't hindi makatao; walang taong maaaring makaramdam ng magkaisang damdamin pagkakita niya sa sinumang kapwa-tao."

"Ang tungkulin ng taong makabago, sa aking palagay, ay gumawa para sa katubusan ng sangkatauhan, sapagka't kapag ang tao'y dumadakila ay uunti ang sawimpalad at darami ang mapapalad sa loob ng ating kalagayan. Hindi matutubos ang sangkatauhan habang may mga taong pinagsasamantalahan, habang may mga lahing inaapi, habang may mga isipang pinuputol at mga matang binubulag, upang ang sa iba'y makapamuhay na parang mga sultan at sila lamang ang malugod sa pagmamalas sa kagandahan. Ang sangkatauha'y hindi matutubos habang ang katwiran ay hindi malaya; habang ang pananampalataya'y nagnanasang makapanaig sa mga pangyayari, habang ang mga humaling ay batas, at habang may mga bansang lumulupig sa iba. Upang matamo ng sangkatauhan ang matayog na kapalarang pinag- aakayan sa kanya ng Diyos, ay kinakailangang mawala sa kanyang sinapupunan ang pag aalit- alitan at paghahari-harian, na siya'y huwag puksain ng mga salot, at huwag umalingawngaw sa kanyang paglakad ang mga himutok at mga tungayaw. Kinakailangang ang kanyang mapagwaging paglakad ay dumaan sa saliw ng mga awit ng kaluwalhatia't kalayaan, nagniningning ang mukha't tiwasay ang isip."

"Sa gayo'y ipinangangaral at isinasagawa ng Masoneriya ang banal na simulain ng kalayaan, pagkakapantay-pantay at pagkakapatiran ng mga tao, at sa mga iyan nababatay ang mga kabaitang mason, mga tanging kabaitang ang kaganapa'y maglalayo sa piling ng mga tao ng mga digmaa't pagmamalabis at magdudulot ng kahariang pinangarap ng lahat ng mga dakilang tagapagbago. Sa ganitong pakahulugan, sa ngayo't ngayo'y walang ibang templo ang kabaitan maliban sa templo ng Masoneriya, na pinagbubuhatan ng ilang kislap na tumatanglaw sa maraming palaisip na tagalabas; sa ganitong pakahulugan, ang kabaita'y hindi na nagiging isang katangiang baog, bihira, laban sa kalikasan, mabangis o masambahin; ang kabaita'y nagiging maganda, pampabihasa, pandaigdig, sapagka't may gaganda pa ba sa kalayaan, pagkakapantay-pantay at pagkakapatiran ng mga tao? Umiinog ang yuta-yutang daigdig sa kapayapaa't kalayaan sa pagbagtas sa mga karagatan ng kalawakang walang katapusan, at sa kanilang makadiyos na pagtakbo'y umaawit ng isang dalit ng pag-ibig sa lumikha sa kanila; ang mga limbas ay bumabagtas sa kanilang maharlikang paglipad sa himpapawid at sila'y nagmamatyagan at nagpipitaganan; ang mga ilang ay nagsisikap na bawa't hayop na naninirahan sa kanila'y huwag magsilaan at mag-apihan; ang mga punong- kahoy ay nagtataas sa araw ng kanilang maharlikang yabong at nagbubulong at naglalagak sa hanging palay-palay ng awit ng pasasalamat dahil sa liwanag na bumubuhay at bumibihis ng mga kulay sa kanila; ang mga bulaklak ay nagsusungaw ng kanilang sariwang ulo't pumupuno sa hangin ng kanilang mga halimuyak at mga ngiti; ang buhay, ang kaligayahan, ang pag-ibig, ang kalayaan, ay sumisilang sa lahat ng dako, kahit na buhat sa kamatayan at maging sa yagit na rin; ang tao lamang ang kaaway ng tao, naghahari-harian sa kanyang kapwa, umaapi sa lahat, naghahatid ng kanyang poot at nagsasalin ng mga sakit sa mga hayop na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan at nagagalak sa pagkaapi ng kanyang mga kapatid; ang pagtangis ay siyang nagbababala ng kanyang buhay, ang mga kasaliwaang-palad at mga pakikibaka ay siyang tumitina sa paligoy-ligoy na landas na hinawi ng kanyang pagkabuhay sa pamamagitan ng mga luha, dugo, at apdo; ang mga bisyo, ang mga sakit at mga simbuyo'y nagbubunga ng kanyang kamatayang karaniwan ng nangyayari sa gitna ng panghihilakbot at mga pagtitiis, gaya ng mga manlulupig na naiinggit, umaangal at lumuluha ng mga luhang apoy, sa kapalaran ng mga taga-bukid; ang tao, ang hari ng mga nilikha, ay naiinggit, kaakibat din ng pagluha, sa kapalaran ng mga kulisap, sa kapalaran ng paruparo na palipat-lipat sa gitna ng mga bulaklak ay sumisipsip ng nektar, isinisilang na kasabay ng bukang-liwayway at namamatay na kasabay ng araw, ng hindi nakakakita, sa kabutihang-palad niya, ng malungkot na karimlan ng gabi!"

SA MABUTING NASA AT MAGANDANG LOOB

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Madrid; Enero 29, 1883)

"Karaniwa'y di lahat ng mabuting nasa at magandang loob ay nagbubunga ng matamis."

SA KALUWALHATING DULOT NG PAGKAMADALDAL AT MGA PAKANA

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Disyembre, 1884)

"...sa pagkakamalas na ang isang tao'y nakakaakyat sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkamadaldal at mga pakana, sa pagkakaanib sa ganito o gayong lapian, ang lahat ng mga ito'y pawang nakakatulong sa pagkaunsiyami ng maraming napakamaligayang mga kakayahan; napakarami ang mga binatang walang pagsalang magtatagumpay sakaling maging iba ang mga kaparaanan. Ang lalong isinasakit ng loob ko ay marami tayong mga kababayan, na sapagka't nalason na ng ganitong kapaligiran, ay umaanib sa mga samahang tinututulan ng kanilang budhi; hinahanap nila ang kaluwalhatian kahit ito'y paggugulan ng salapi at pagkaaglahi, at hindi alang-alang sa sariling karapatan nila kundi sa pamamagitan ng mga piging at mga pakana; hindi nila iniisip na ang gayong uri ng kaluwalhatian ay isang ningas-kugon na walang ibang kinahihinatnan kundi abong nakarurungis at nawawalan ng kabuluhan pagkatapos."

SA PAGIGING KARAPAT-DAPAT NG BUDHI UPANG MAGPASYA

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Madrid; Enero, 1885)

"Mahirap mabuhay ng walang anumang sama ng loob sa buhay; datapwa't ang kapahamakan ay hindi nangangahulugan ng kawalang puri, at masaya kong tatanggapin ang kapahamakan kung ito'y makapagtataboy ng kaimbihan at pagiging hamak. Habang tayo'y nagiging karapat-dapat sa pagpapahalaga ng mga taong nakakakilala sa atin, habang ang budhi nati'y isang kaibigan sa ating mga pagninilay-nilay, ano ang kabuluhan ng ibang bagay? Tayo'y ipinanganak sa gitna ng isang lipunang ang buhay na pampulitiko ay napakakakatwa na walang nalalabing pag-asa sa atin kundi ang mangayupapa o mamatay: kung alin sa mga ito ang nararapat piliin, ang budhi'y siyang nararapat magpasya. Kaya magsimpan tayo ng pagtitiwala sa Diyos at sa katapatan ng ating mga balak; kung ang pagkakaroon ng isang nasa at ang pagkakanasa ng kabutihan ay nagdadala ng kapahamakan bilang ganti, ay ano ang ating magagawa? Ang pinakamahalagang pamanang maiiwan ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang katwiran sa mga hatol, kagandahang-loob sa mga karapatan at ang pagkamasigasig sa gitna ng kahirapan; ang pinakadakilang karangalang maigaganti ng isang anak sa kanyang mga magulang ay ang karangalan at ang mabuting ngalan: na ang mga gawa ng anak ay hindi kailanman makapagpapanginig sa galit o sa kahihiyan sa kanyang mga magulang, at Diyos ang magkakaloob ng iba pa: ang mga kalungkutan at mga kahirapan ay natatapos na kasabay ng buhay at ng tao; ang gunita ay minamana ng kaanak na nagpapala o sumusumpa sa yumao."

SA TUNGKULIN NG ISANG PILIPINO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Cedaceros, 11 Gral., Madrid; Oktubre 1, 1885)

"Kung gayo'y ano ba ang inyong tungkulin?" ang tanong nila sa akin, at ang tugon ko naman ay "umibig sa aming bayang tinubuan, at ang aming budhi'y nag-uutos na gawin namin ang lahat ng nasasaklaw ng tungkuling ito."

SA PAGPAPAKABAIT

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Pasyalang Arago 65, Paris; Enero 1, 1886)

"Magpakabait alang-alang sa pag-ibig sa kabutihan at sa karangalan."

SA ILANG PAYO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Hongkong; Pebrero 16, 1888)

l. "Huwag kang gumawa ng anumang bagay na hindi mo masasabi o maipagtatapat sa ating mga magulang."

2. "Pagka nakagawa ka ng isang kakulangan, huwag ang pagdadahilan ang iyong isipin, kundi ang pagwawasto niyon upang huwag ng magawa uli."

3. "Isipin mong lagi na ang daigdig ay malaki at ang ating kapalaran ay pabagu-bago at taksil. Tayo'y kagaya ng lahat ng ibang tao, kagaya ng mahihirap at kagaya ng mga mayayaman; lahat ay pantay-pantay at napapailalim sa mga magkakaisang kasawian. Kaya nararapat na gawin natin tuwi-tuwina ang mabuti at sundin ang ating budhi, na hindi natin nararapat katunggaliin at hindi naman maiwawaksi, sapagka't iyon ang tanging makakaaliw sa ating mga kapighatian at sa lahat ng kalagayan ng ating buhay, at iba pa."

SA DAPAT GAWIN NG ISANG BABAING NAKIKIPAG-NOBYO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Philippe de Champagne, Bruselas; Hunyo 6, 1890)

"Ikinasiya kong totoo ang pagkakaalam na ang hinaharap mo'y ang pagtuturo sa dahilang nababatid kong ang tungkulin mo ay siyang pipilit sa iyong lalong magpakaganap ng higit at higit, at ikaw ay magsusumakit na maging isang huwaran ng mga kabaitang-asal at kapuri-puring katangian, sapagka't ang babaing karapat-dapat magturo ay kinakailangang maging lalong mabuti kaysa mga taong nangangailangan ng liwanag na ibinibigay niya."

"Sa kasawiang-palad ay nalaman ko pagkatapos na dahil sa iyo'y nagulo ang kapayapaan ng pamilya natin, kapayapaang lubhang ligalig na. Totoo ngang ako'y nakagawa sa ating pamilya ng malaking kapinsalaan, datapwa't kahit gayon ay nalalabi sa atin ang kasiyahan man lamang na gunitain na ang dahilan ay hindi sukat ikahiya, hindi nakakaaba kaninuman, manapa'y ikinararangal at ikinasasaalang-alang natin kahit sa mata ng atin na ring mga kaaway. Ang lumagpak ng taas ang ulo at tahimik ang noo'y hindi nararapat na ipalagay na paglagpak, kundi pagwawagi. Ang nakakalungkot ay ang lumagpak ng may bahid ng pagkasira ng puri. Bukod sa rito, ako'y maaaring maging kung ano man ang sinasabi ng mga kaaway ko, datapwa't kailanma'y hindi sila makapagpapamukha sa akin ng isang paratang na makapagpapamula sa hiya, o makapagpapatungo ng noo ko, at umaasa akong ang Diyos ay magiging sapat na mahabagin upang ako'y pigilin niya sa paggawa ng isa sa mga kapintasang itong ikinahihiya ng buong mag-aanak. Ngayon nga, kung hinihingi ko para sa aking sarili ang magandang kapalarang ito ay sapagka't hindi ko ninanais na dagdagan kahit bahagyang-bahagya ang mga sama ng loob natin ngayon at ng panahong nagdaan, at ito rin ang hinihiling ko sa iyo, kay Trining at kay Panggoy. Ilagay ninyong lagi sa harap ng mga mata ang karangalan at ang mabuting ngalan ng lahat; huwag kayong gumawa ng ano mang bagay na hindi ninyo masasabi at mauulit sabihin sa harap ng madla na taas ang ulo at nasisiyahan ang puso. Sakaling kayo'y may kasintahan, sa halip ng mga lihim na tipanan at pagniniig na walang ibinubunga kundi pababain ang halaga ng isang babae sa mga mata ng isang lalake, pakitunguhan ninyo sila ng marangal at karapat-dapat; at maging marangal at karapat-dapat naman sila at ipakilala nilang sila'y lalake at hindi parang magnanakaw o mapagsamantalang nagkukubli't nagtatago. Nararapat ninyong waling-halaga ang isang lalaking natatakot; pahalagahan ninyo ng lalong malaki ang inyong sarili, at kalingain ninyong higit ang inyong puri; sa gayo'y lalo kayong pahahalagahan at mamahalin nila."

"Tungkol sa akin ay masasabi ko sa inyo (at huwag ninyong akalaing nais kong maging huwaran ninyo) na sa mga pangingibig ko'y lagi na akong humarap ng may karangalan, sa dahilang ako na rin ang mag-aakalang ako'y hamak kung mag-asal ako ng iba. Winalang-halaga ko't ipinalagay na di karapat-dapat sa akin ang sinumang dalagang namalas kong nagtatago at tumatakas sa gitna ng dilim."

"Mapilit kong itinatagubilin sa inyong isaalang-alang ang mga uban ng ating mga magulang; sila'y matatandang-matatanda na at kautangan nating hasikan ng kaluwalhatian ang mga araw ng kanilang katandaan. May pagkamakanyahin ang pagmamahal ng mga magulang, totoo nga, datapwa't iyo'y isang pagkamakanyahing supling ng malabis na pagmamahal. Ayaw ng mga magulang na makitang sawimpalad ang kanilang mga anak. Ako'y isang lalake, at noong ako'y umuwi diyan, ay lalong matanda ako, may lalong malaking karanasan, lalong malaking bait kaysa iyo, at higit sa lahat, ay may mga pangako akong nararapaat tupdin. Nalalaman mong mabuti, gaya ng nalalaman ninyong lahat, na ako'y nararapat pumaroon at maaari akong pumaroon sa Pangasinan, sapagka't may isang tungkulin akong dapat isakatuparan doon, at iyo'y isa sa lalong dakilang hangarin ko noong maraming taong nagdaan. Gayunman, bagaman ang nasang iyo'y inaruga ko ng napakahabang panahon at hanggang ngayo'y inaaruga ko pa, ay sukat na ang pagkatutol ng ating ama upang ipagpakasakit ko ang lahat ng aking damdamin. Binalak kong pumaroon sa Bakolor, sila'y tumanggi at ako'y napahinuhod at sumunod. At gayunman, kahit na sila'y sinuway ko noon, ang pagkasuway ko'y hindi naman pagbubuhatan ng kahit kaliit-liitang kasiraang-puri. Tinularan ni Leonor ang ginawa ko: kahit na ninanasa niyang pumaroon sa Maynila at maaari naman siyang makaparoong kasama ng kanyang ama na susundo sa kanyang mga pamangking lalake, ang isang pagtutol lamang ng ama niya'y sapat na upang siya'y huwag magpumilit. At tapatan kong sinasabi na sakaling nagpumilit siya at iyo'y napag-alaman ko, ay tiyak na ako'y hindi makikipagkita sa kanya."

"Ikaw ay hindi na isang batang babae, kayo'y hindi na mga batang babae, ni hindi naman kayo mga mangmang: salamat sa ating mga magulang, may pinag-aralan at pagkakatuto kayo. Kinakausap ko kayo bilang mga kapatid kong babae, at inuulit ko sa inyo: isaalang-alang ninyo ang katandaan ng mga magulang natin, ang inyong karangalan at ang karangalan nating lahat. Marami kayong mga pamangking babae; bigyan ninyo sila ng magandang halimbawa at maging karapat-dapat kayo sa inyo na ring sarili."

SA BUHAY BILANG ISANG PAKIKIBAKA

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Dapitan; Disyembre 20, 1893)

"...ang buhay ay isang bagay na napakabigat, at yaon lamang mga taong may pang- unawa at puso ang nakapapamuhay ng mabuti. Ang mabuhay ay pakikisama sa mga tao at ang pakikisama sa mga tao ay pakikibaka. Datapwa't ang pakikibakang ito ay hindi isang pakikibakang maka-hayop at tungkol sa mga bagay na nadarama, hindi pakikibaka, sa kanila lamang: ito'y isang pakikibaka sa kanila, sa sarili mo na rin, sa mga mapusok na simbuyo nila, sa mga mapusok na simbuyo ng sarili sa mga kamalian, at sa mga pinagkakaabalahan. Ito'y isang pakikibakang walang katapusan, na may ngiti sa mga labi, may luha sa puso. Sa larangang ito ng pakikibaka, ang tao ay walang sandatang bubuti pa kaysa pang-unawa niya, wala siyang ibang lakas liban sa kanyang puso. Kung gayo'y patalasin, papaging-ganap, at ihasa ang pang-unawa at papagtibayin at turuan ang puso."

SA PANANAW NI DR. RIZAL SA PAGHIHIMAGSIK

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Hinebra; Hunyo 19, 1887)

"Tinitiyak ko sa inyong wala akong kanais-nais na makilahok sa mga paghihimagsik, na inaakala kong napakaaga sa panahon at napakamapangahas. Datapwa't kung kami'y pipilitin ng pamahalaan na gawin ang gayon, alalaon baga'y kung wala ng nalalabi sa aming iba pang pag-asa kundi hanapin ang aming pagkapariwara sa pakikidigma, kapag lalong minamarapat ng mga Pilipino ang mamatay kaysa magpatuloy sa lalong pagtitiis, sa gayo'y makikisama na rin ako sa mga mararahas na kaparaanan. Nasa kamay ng espanya ang pagpili ng kapayapaan o ng kapariwaraan, sapagka't isang pangyayaring hindi mapag-aalinlanganan, at nalalaman ng lahat, na kami'y mapagtiis, labis na mapagbata at matahimik, "maamo," "dugong patay," at iba pa. Nguni't natatapos ang lahat sa buhay na ito; walang ano mang bagay na walang hanggan sa daigdig at ito'y maikakapit din sa aming pagtitiis."

SA KAWALANG-HIYAAN NG MGA KASTILA

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 37 Chalcot Crescent, Primrose Hill, N.W., Londres; Hunyo 23, 1888)

"Sa buong senado ay walang nakaapuhap, ni isang kataga, ng pagpapawalang-sala sa mga Pilipino, ng anumang pagkahabag. Binabayaran namin ang mga buwis, ibinububo namin ang aming dugo sa ikaluluwalhati ng espanya, binabata namin ang lahat ng kanyang kamangmangan, at kapag nangahas kaming maghayag ng aming mga nasa, ay humihingi sila ng "isang parusang kakila-kilabot para sa amin." At hindi naman kami mga alipin at ang pamahalaan ay siyang nagnanais ng pagpapahayag na ito ng mga Pilipino, at sa katunaya'y siya pang nag-udyok! Wala akong kaalam-alam sa bagay na iyan, at napag-alaman ko lamang ang kaimbihang ito sa pamamagitan ng mga pahayagan sa Hongkong. Kahit kami'y mga mangmang at taong-gubat, ay lalo pa kaming marangal kaysa senado, sa pamahalaan at sa lahat na ng mga kastila, pagsama-samahin man sila."

SA PAGGISING NI DR. RIZAL SA KANYANG MGA KABABAYAN

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 38 Philippe de Champagne, Bruselas; Pebrero 2, 1890)

"Sinabi ko sa kanyang ninanais kong gisingin ang aking mga kababayan sa kanilang mahimbing na pagkakagupiling at ang nagtatangkang manggising ay hindi gumagamit ng mararahan at mahihinang kalatog kundi ng mga putok, hagupit at iba pa. "Hindi ka ba natatakot sa kahihinatnan ng iyong kapangahasan?" ani Padre Sanchez. "Padre," ang tugon ko, "kayo'y isang misyonero; kung kayo ba'y naparoroon sa inyong misyon ay natatakot ba kayo sa kahihinatnan ng pagtupad ninyo sa tungkulin?" - "Ba, iyan ay ibang-iba," anya. - "Walang-walang pagkakaiba," ang salo ko, "ang tungkulin ninyo ay binyagan ang hindi nananalig; datapwa't ang sa akin ay gawing karapat-dapat ang tao."

SA PAGIGING POSITIBO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Dapitan; Disyembre 19, 1893)

"Ako'y lubhang mahilig sa kasawian, palibhasa'y taga-Silangan ako, at inaakala kong sa kasalukuyang kasamaa'y maaaring makaani ng maraming kabutihan sa hinaharap: ang bulaklak ay sumisibol sa kabulukan ng pataba. Sa aking kasalukuyang kapahamakan ay makakakuha ako balang araw ng kabutihan: naniniwala akong nasa akin ang binhi."

SA HINIHINGI SA BAWA'T PILIPINO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 37 Chalcot Crescent, Primrose Hill, N.W., Londres; Hunyo 27, 1888)

"Ang lalong mahalagang dapat hingiin sa mga Pilipinong kapanahon natin ay hindi ang maging "literato," kundi ang maging mabuting tao, mabuting mamamayang tumutulong sa pamamagitan ng kanyang ulo, ng kanyang puso, at kung sakali ay ng kanyang mga bisig, sa ikauunlad ng bayan. Sa pamamagitan ng ulo at ng puso ay maaari at dapat tayong magsikap na lagi, sa pamamagitan ng mga bisig ay pagdating naman ng sandali."

"Ako'y hindi isang walang-kamatayan o hindi tinatalaban, at ang magiging malaking kaligayahan ko'y ang mapangulimlim sana ako ng isang pulutong ng ating mga kababayan sa oras ng aking kamatayan. Na kung ang isa'y papatayin o bibitayin ay mapalitan sana ng dalawampu o tatlumpu kaya, upang mangagsisi sa pagpapabitay at pagpatay. Marami ang ayaw sumunog sa langgam sapagka't lalo raw darami. Bakit hindi tayo maging langgam?"

SA MGA KABATAANG PILIPINO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Londres; Disyembre 31, 1888)

"Itingala ang malinis na noo mo,

Kabataang Pilipino,

Sa araw na ito!

Igilas mong kumikinang,

Ang magarang katayuan,

Magandang pag-asa nitong aking bayan!"

SA MGA SAMAHANG BAGONG SUMISIBOL

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Londres; Enero 26, 1889)

"Sa mga samahang bagong sumisibol, ay dapat maghari ang diwa ng pagpaparayaan, kung ang dahil din lamang ay maliliit na bagay na hindi makakaano sa ubod ng suliranin; sa mga pagtatalo'y dapat makapangyari ang hilig sa pagkakasundo, bago ang hilig sa pagsalungat. Hindi dapat magdamdam ang sinumang matalo; kung ang isang palagay ay hindi matanggap, ang nagmungkahi, sa halip na mawalan ng pag-asa at tumalilis, ay dapat maghintay ng ibang pagkakataon upang sa kanya'y maigawad ang talagang katarungan. Ang katauhan ng isa ay dapat mawala sa harap ng ikabubuti ng Samahan. At upang ang maselang na pag-ibig sa sarili ng Pilipino, na tangi sa rito'y matinginin sa sarili ng di man alumana, ay lumabas na hindi gaanong nasugatan sa mga pagtatalo at maiwasan ang pagkakaroon ng mga hindi nasisiyahan, ang mabuti'y sa lahat ng mga mungkahi at palagay, panukala at iba pa ay idagdag tuwina ang pamamaraang pangkatapusan: ganyan ang aming palagay, kung ang ibang mga kasapi ay walang anumang sukat itutol; ito o ibang kaparaanang inaakala ninyong lalong nararapat. Nakakita na ako ng maraming pagtatalong buhat lamang sa PAG-IBIG SA SARILI. Ito ay tangi pa sa ang mga kapasyahan ng nakakarami, pagkaraan ng sapat na pagtatalo, ay banal at hindi mapasusubalian."

"Maraming karangalan at maraming kabutihang-loob ang kinakailangan. Ang sinuman ay hindi dapat maghintay ng gantimpala at mga karangalan dahil sa kanyang mga gagawin: ang tumutupad sa kanyang tungkulin na ang tinitingna'y ang matatamong ganti, ang kadalasa'y walang nahihita kundi pagkabigo, sapagka't halos walang nagpapalagay na siya'y may sapat ng kabayaran. At upang huwag magkaroon ng mga hindi nasisiyahan o hindi nagagantihan ng sapat, ang mabuti'y gawin ng bawa't isa ang kanyang tungkulin, dahil lamang sa ang gayo'y kanyang tungkulin; at higit sa rito'y dapat niyang hintayin pagkatapos na igawad sa kanya ang katarungan, sapagka't sa mga bayang hindi mabuti, ang kawalang-matuwid ay siyang pinaka- gantimpala sa tumutupad ng kanyang tungkulin."

"Pagtitipid, pagtitipid, pagtitipid."

"Katiningang-loob at katarungan para sa lahat."

SA PAGPAPAKITA NG TAPANG SA HARAP NG PANGANIB AT KAMATAYAN

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 18 Rue de Cochechouart, Paris; Abril 18, 1889)

"Kung walang 1872, ngayon sana'y walang Plaridel, ni Jaena, ni Sancianco, ni wala rin ngayon ng matatapang at mapagbigay-loob na pulutong ng mga Pilipino sa Europa; kung walang 1872, si Rizal sana'y naging heswita na ngayon at sa halip na sulatin ang Noli me Tangere, disi'y ibang kasalungat nito ang sinulat. Sa harap ng mga katiwalian at mga kalupitang iyon, bata pa ako'y nagising na ang diwa ko at isinumpang iuukol ko ang sarili upang ipaghiganti, balang araw, ang napakaraming sinawing iyon, at taglay ang ganitong isipa'y pinagpunyagian ko ang pag-aaral at ito'y mababasa sa lahat ng aking mga ginawa at sinulat: bibigyan ako ng Diyos, balang araw, ng pagkakataon upang maisagawa ko ang aking pangako. Oo nga! magpakalabis sila, magpabilanggo, magpatapon, magpabitay, mabuti nga; matupad ang tadhana! Ang araw na tayo'y pagbuhatan ng kamay, ang araw na pahirapan ang ating mga walang malay na kaanak dahil sa kasalanan natin, paalam na pamahalaan ng mga prayle, at marahil ay paalam na rin pamahalaang kastila! Ang mga kalupitan at malabis na pag-ibig sa sarili ni Luis XIV at ni Luis XV ay siyang naging dahil ng Paghihimagsik; ang mga kalupitan ng Inkisisyon ay siyang pumatay sa pagka-makapari. Ipinakikilala namin, sa pamamagitan ng mga aklat at iba pang kasulatan, na ang mga prayle'y hindi ang gaya ng ibig nilang ipalagay, ni hindi sila mga "ministro" ni Kristo, ni tagatangkilik ng bayan, ni suhay ng pamahalaan; ang mga ito'y sinulat namin at pinagtitibay at pinatutunayan naman ng mga prayle sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Ano pa ang ibig natin? hindi sila nagpapamalas ng kalupitan? hindi ba sinusulsulan nila ang pamahalaan laban sa bayan? hindi ba nagpapakilala ng pananakot? saan naroon ang kabanalan, ang pagtangkilik at ang lakas?"

"Ngayon, huwag kayong matakot, ni huwag mabalisa dahil sa ang ilan ay lumalagpak. Sa lahat ng labanan ay sadyang nagkakaroon ng mga nasasawi at talagang ang malalaking labanan ang siyang lalong madugo. Ano na ang bilangguan? Ano ang kamatayan? Sa isang pagkakasakit lamang ay natatali na tayo sa higaan, pinapatid ang ating buhay. Ang dapat mangyari'y ang sakit na ito at ang kamatayang ito ay huwag mawalan ng kabuluhan para sa nangabubuhay pa. Sasabihin ng ilan na ang mga pagkakabilanggong ito at ang mga kamatayang ito ay nakapangingilabot at nakatatakot sa iba! Kung ang bayan ay talagang matapang, pagkaraan ng pangingilabot, ay nagbabalik ng lalong maalab sa labanan at ipinaghihiganti ang nangalagas, gaya ng nangyayari sa sugat na pinapaso: tila ang sinunog na bahagi ay patay na, nguni't ng sumunod na araw ay nakikitang nahahalinhan ang langib ng isang sangkap na walang-sala at bago. Kung ang bayan ay walang tapang, isang bayang duwag, isang katawang walang-buhay, nahibuan, malapit na sa pagkaluray, ang apoy pa nga ang lalong inihahatol. Ang apoy ay nakagigising ng likas na buhay ng katawan, pinapagngangalit ang maliit na bahagi, pinaaangil ang daloy, atbp. At namamatay lamang kung sa kanya'y wala ng ano mang buhay na talaga. Ano at iuukol pa natin ang magagawa sa isang bayang walang kaluluwa ni damdamin? Ipalagay ninyong mailigtas natin sa panlulupig ng prayle, mabuti; bukas nama'y malalaglag sa ilalim ng panlulupig ng mga kawani (empleado)."

"Sa ganitong mga pagpiit at paninirang-puri ay tumitigas ang napakalambot na balat ng ating mga kababayan. Ang ilan ay mangalalaglag at mawawalan na ng pananalig, hindi kailangan; ang iba, marahil, ang mamamalagi. Ang kulang ngayon ay mga taong mula sa kanilang kinabibilangguan at kinatatapunan ay magpakita ng tapang at kabuuan ng loob upang mabigyan ng halimbawa ang bayan at mapasiglang gaya ng matatandang mga "martir" na Kristiyano, gaya ng mga "nihilista" (tumatakwil sa lahat). Kung hindi sa katigasan ng pamahalaang Ruso, ay hindi sana nagkaroon ng mga kaluluwang sing-tibay ng sa mga "nihilista." Dahil dito'y naniniwala akong tayo ang kakulangan doon. Kung si Burgos, ng mamatay ay nagpakita lamang ng tapang ni Gomez, ay naging iba sana ang mga Pilipino sa ngayon. Gayunman, walang sinumang nakakaalam kung paano ang ayos o anyong gagawin sa dakilang sandaling iyon, at marahil ay ako na rin, na totoong marami ang aking ipinangangaral at ipinamamayagpag, ay makapagpakita ng higit na takot at pagkukulang sa lakas ng loob kaysa kay Burgos ng mga sandaling iyon. Napakasarap ng buhay, at nakakarimarim ang mamatay sa bibitayan na bata at may mga isipan sa ulo..."

"Kung inaakala ninyong ang mga kaisipang ito'y matatanggap, ay paratingin ninyo sa ating mga kababayan upang sila'y magpamalas ng higit na tapang, higit na pagtitiis, kawalang-takot sa kamatayan at sa mga pahirap, upang tayo'y igalang ng ating mga kaaway. Kung sila'y ipapatapon, mabuti; at sa pulong pagdadalhan sa kanila'y dapat ihasik ang kanilang mga kaisipan sa iba, at sila'y magpalaganap. Kung sila'y mabitay, ay ipalagay nilang sila'y namatay sa sakit na frailitis o frailofobia (sakit na mula sa prayle o galit sa prayle): sila'y ipaghihiganti natin, at ang kanilang dugo'y siya nating gagawing tatak sa ating mga kaaway. Sa bilanggua'y hindi sila makakain ng mga prayle: may pabahay at baka bigyan pa sila ng makakain, at samantalang sila'y naroroon, ay makapag-ninilay-nilay, na gaya ni Regidor, ng mga kaparaanan upang makapaghiganti. Ang unang salitang sinabi ko sa aking mga kaanak ng ako'y dumating sa Pilipinas, ng masabi sa akin ang kanilang pangamba, ay huwag silang gumawa ng anumang lalong maliit na hakbang kung dahil sa akin, sakaling ako'y hulihin, ni hindi dapat silang makialam ni magkagasta ng anuman dahil sa akin. Bigyan ng mabuting turo ang aking mga pamangkin, at ipaghiganti nila ako."

"Gayon din ang sinasabi ko sa aking mga kababayan. Ang araw na makita ninyo ako sa mga kuko ng mga prayle, ay huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa mga pagtutol, ni sa mga pagdaing ni sa mga panggigipuspos: walang kabuluhang lahat iyan. Sikapin ninyong maglagay ng isa sa lugal ko upang ako'y ipaghiganti at pabayaran sa kanila ng mahal ang aking kasawian. Kung makita ko ang isang anak ko sa bunganga ng isang pating (kung ako'y may anak), ay hindi ko pagtatangkaang batakin o agawin, sapagka't sayang lamang, ang mahihita ko'y magkaluray-luray siya; papatayin ko ang pating, kung maaari, at kung hindi ay aabatan ko siya. Ngayon, ipalagay ninyong ang mga prayle ay mga pating o dalag lamang kaya. Kung iyong una, ay kailangang patayin, kung itong huli ay hindi dapat katakutan. Sa ganang akin, ang palagay ko'y mga dalag lamang sila, kaya hindi ako natatakot na mahulog sa kanilang kamay. Kinakailangang sila'y maging napakarami, napakarami, upang mautas nila ako, at gayunma'y ang ilan sa kanila'y magbabayad din."

"Bigyan nga ninyo ng kaaliwan at pasiglahin ang ating mga kababayan doon; dapat nilang malamang ang bilangguan ay hindi kamatayan, at maging kamatayan man, ay ano ang kamatayan? Hindi ba sila naniniwala sa Diyos? Ipinalalagay kong sa kabilang buhay ay walang gaanong mga prayleng dapat pakitunguhan na gaya sa Pilipinas, at kung mayroon man, marahil ay iba na ang tikas at ugali. Tangi sa rito, ngayo'y hindi na mapapatay ng gayun-gayon lamang ang "indiyo."

SA PAGKATIG NG DIYOS SA MGA TAONG NAKIKIPAGLABAN ALANG-ALANG SA BAYAN

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 10 Rue de Louvois, Paris; Hunyo 22, 1889)

"Maniwala kayo sa pangyayaring ito, maniwala kayong sa bawa't mabuting halimbawa ng isang Pilipino ay libu-libo ang naaakit, na ang pag-unlad ay iba-ibayo, na ang Diyos o ang Tadhana ay nasa piling natin sapagka't nasa atin ang katuwiran at ang katarungan at sapagka't nakikipaglaban tayo, hindi dahil sa kabutihan nating sarili, kundi alang-alang sa kabanal-banalang pag-ibig sa ating lupang kinamulatan at sa ating mga kababayan. Ang mga taong nauna sa atin ay nakipaglaban alang-alang sa kanilang sariling kapakanan, kaya naman hindi sila tinulungan ng Diyos. Si Novales ay dahil sa mga galon, si Cuesta ay dahil sa paghihiganti, si Burgos ay dahil sa pagkukura; samantalang tayo'y nakikipaglaban upang magkaroon ng lalong katarungan, alang-alang sa kalayaan, alang-alang sa mga banal na karapatan ng tao, wala tayong hinihingi para sa atin, ang lahat ay ipinagpapakasakit o ipinapara natin sa kabutihan ng lahat, ano pa ang ikatatakot natin? Hindi tayo mga maghihimagsik, ni hindi natin ibig ang dugo, ni wala tayong pagkapoot, at gagamit lamang tayo ng lakas kapag ang lahat ay naubos ng gamitin, kapag tayo'y pinilit na makipaghamok o mamatay, at sa gayo'y binibigyan ng Diyos ng karapatang magtanggol hanggang maaari ang bawa't isa, kung magkakagayo'y mapapasa-loob tayo ng mga tadhana ng batas at, katulad ng mga taga-hilagang Amerika, tayo'y makikipagtunggali alang-alang sa matuwid nating layunin at tayo'y magwawagi."

"Ano ang ikatatakot natin? Namamalas ninyong tayo'y pinapalakpakan na ng mga tagaibang-lupa at kanilang pinahahalagahan; ang usapin nati'y nakakatagpo na ng mga tagapagtanggol, na ang kabataang Pilipino'y dapat gumising at magpakilala sa tagaibang-lupa na tayo'y higit na mabuti kaysa sinasabi nila, na tayo'y may sariling paniniwala at katapangan. At saka, kapag sinimulan nilang tuligsain tayo ay kinakailangang huwag tayong matakot bagkus papag-ibayuhin ang kasiglahan at katiningang-loob, at sa tuwing tayo'y tutuligsain ay mamalas nilang nadaragdagan ang bilang natin, lumalabas ang tunay na pangalan, nadaragdagan ang mga mandirigma at mga nakikipaglaban. Ang halimbawa'y lalaganap at ang mga kaaway nati'y mangatatakot, at sa dahilang tayo'y nagkakaisa sa isang layunin, ay magtutulungan tayo."

SA PAGHAHANDA NI DR. RIZAL SA KANYANG KAMATAYAN

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Bruselas; Hunyo 11, 1890)

"Niyaong kabataan ko'y paniwala akong lubos na di ako sasapit sa tatlong pung taon, aywan kung bakit gayon ang isipan ko. Mayroon na ngayong halos dalawang buwan na halos gabi-gabi'y wala akong pangarap kundi ang mga patay kong kaibigan at kamag-anak. Minsan pa nga'y nanaginip ako na lumulusong di umano sa isang landas pa sa ilalim ng lupa, at doo'y wala akong dinatnan kundi ang karamihan ng taong nag-upo, puti ang gayak, puti ang mukha, walang imik, at libot ng ilaw na puti; nakita ko roon ang dalawa kong kapatid, isa'y patay ng malaon at isa'y buhay pa. Bagama't di ako paniwala sa mga bagay na ito, bagama't malakas na totoo ang katawan ko, wala akong sakit, wala akong takot, nguni't ako'y humahanda rin sa kamatayan, inihahanda ko ang aking maiiwan, at ako'y tumatalaga sa anuman: LAONG-LAAN ang tunay kong ngalan. Kaya ibig kong matapos na pilit ang ikalawang putol ng Noli, sa isang sakali, ibig ko sanang huwag matapos ang aking sinimulan kundi mayroong makapagpapatuloy. Kaya nga ang nasa ko'y ang mga bago'y makilala at sumilang. Huwag mong akalaing ako'y namamanglaw o nalulungkot kaya: tuwing makalawa ako'y naghihimnasia at nag-eeskrima, nagsasanay sa pagbaril, nguni't sino ang makakatalos ng darating na sakuna?"