Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

SA PAGTANGGAP BILANG ISANG PILIPINO

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay P. Pastells; Dapitan; Nobyembre 11, 1892)

"Nguni't sa dahilang walang nakakapili ng kapamayanan ni ng lahing sinilangan, at sapagka't pagkapanganak na ng isang tao ay nararatnang yari na ang mga kalamangan o kasahulang kaalakbay ng dalawang bagay na iyan, kaya tinatanggap ko ang usapin ng aking bayan, sa pag-asang Siya, na nagpapaging Pilipino sa akin ay matututong magpatawad ng aking mga pagkakamaling magagawa, alang-alang sa mahirap naming kalagayan at sa maraming kakulangan ng pagtuturong tinanggap namin sapul ng ipanganak."

SA PAGYAKAP SA MGA PAGPAPAKASAKIT

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay P. Pastells; Dapitan; Nobyembre 11, 1892)

"Tunay ngang ang aking kalagaya'y hindi gaanong kalugod-lugod palibhasa'y nasanay akong mamuhay sa ibang simoy ng hangin at sa pagtatamasa ng kalayaang kinakailangan ng tao upang magkaroon ng pananagutan sa kanyang mga ginagawa; tunay ngang ako'y nawawalan ng maraming bagay at higit dito'y nagpigil pa ako; na isang malaking kaparusahan ang pagkakalayo sa aking mga kaanak, ang pagkawasak ng isang hinaharap na ipinakahanda- handa sa loob ng panahon ng aking pagbibinata at ang pagkakatiwalag ko sa kapwa; nguni't sino ang walang ipinaghihirap ng loob sa buhay na ito? Sa bahagyang pagdidili-dili at munting pagtitiis at pakikiayon ay makakaya ko ring pasanin ang aking mga maliliit na kalungkutan. Ano ang aking mga kasawiang-palad kung ihahambing sa tinataglay ng marami? Labis-labis kong nauunawang mayroong lalong mabubuting punong-kahoy na nakapagdudulot ng lalong mabuting lilim, datapwa't sa gitna ng karimlang naghahari sa aking bayan ay hindi ko hinahanap ang lilim, ang ibig ko'y liwanag."

SA ISANG BAYANG KAPOS AT MAY KASIRAAN ANG PINAG-ARALAN TUNGKOL SA RELIHIYON

(Pinagkunan: Kalagayan ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Ang isang bayang kapos at may kasiraan ang pinag-aralan, walang pagkakilala ni wastong kaalaman sa kanyang relihiyon, ay humahatol, gaya ng sukat asahan, sa mga bagay- bagay, sang-ayon sa kanyang napag-aralan at kakayahan; madalas na nadaraya ng paimbabaw o pakitang-tao kaysa taos na pananalig at sa udyok ng tunay na kahalagahan ng pinakabuod. Para sa ganyang bayan ay banal at mabuting Kristiyano yaong madalas na pasasimbahan, ang madalas makipag-prusisyon, ang nagsisindi ng lalong maraming kandila at nagreregalo ng mariringal na kasuotan sa mga larawan, at hindi niya isinasaalang-alang kung ang salaping ginugugol sa ganitong gawa (banal nga, nguni't di tantong kailangan) ay nakamit dahil sa gutom at mga luha ng maraming sawimpalad. At ano? Hindi ba nangyayaring yaong mga nakapagsamantala ng lalong maliliit na ari-arian, at nangagsiyaman sa pamamagitan ng panlilinlang at pandaraya, kapag sila'y nasa oras na ng kamatayan at hindi na kinakailangan ang kayamanang nakamal o kaya'y kung pinahihirapan na ng katakut-takot na pagsisisi at sa hangad na mapatahimik ang budhi at matamo ang langit, ay ipinagkakaloob sa iglesia ang bunga ng kanilang kasakiman at kawalang-dangal, at namamatay ng payapa, sa pag-aakalang natupad na nila, sa gayong paraan, ang lahat nilang tungkulin at nakagawa ng alinsunod sa kalooban ng Diyos? At mamarapatin kayang tanggapin ng Walang Hanggang Kalinisang yaon ang isang bagay na kinaririmarimang hipuin ng isang taong may dangal?"

SA PAG-IBIG SA TINUBUANG-LUPA

(Pinagkunan: Pag-ibig Sa Tinubuang-lupa)

"Sinasabing ang pag-ibig kailanman ay siyang pinaka-makapangyarihang tagapag- bunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan ay siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at lalong walang halong pag-iimbot. Kung hindi'y bumasa kayo ng mga ulat ng mga pangyayari taun- taon, ng mga alamat; pumasok kayo sa sinapupunan ng mga mag-anak; anong mga pagpapakasakit, pagbabata at mga luha ang ibinubuhos sa kabanal-banalang dambana ng inang-bayan! Buhat kay Bruto, na nagparusa sa kanyang mga anak na pinaratangan ng pagtataksil hanggang kay Guzman, ang mabuti, na pumayag na patayin ang kanyang mga anak, huwag lamang siyang magkulang sa tungkulin; anong mga dula, mga sakuna, mga pagpapakasakit ang hindi naisagawa alang-alang sa kagalingan ng hindi mapalubay na kadiyusang iyong walang maipapalit sa mga anak nila, maliban sa pasasalamat at mga pagpapala! At gayunman, sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang puso'y nagtatayo sila ng mga maluwalhating bantayog sa inang-bayan; sa pamamagitan ng mga gawa ng kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pawis ng kanilang mga noo ay dinilig at napamunga ang banal na punong-kahoy, at hindi sila naghintay ni nagkaroon ng anumang gantimpala!"

"Maganda at dakila ang inang-bayan, kapag ang anak niya, sa sigaw ng pakikipaglaban, ay gumayak sa pagtatanggol sa matandang lupa ng kanilang mga ninuno; mabangis at mapagmalaki, kapag, buhat sa mataas niyang luklukan ay nakikita ang dayuhang tumatakas sa sindak sa harap ng hukbong hindi magapi ng kanyang mga anak. Datapwa't kapag ang kanyang mga anak, na nagkakahati-hati sa magkakalabang pangkatin ay nagpapatayan; kapag ang poot at ang pagtatanim sa kalooban ay nagwawasak ng mga parang, mga bayan at mga lunsod, sa gayon, ay niluluray niya sa kahihiyan ang kanyang balabal, at matapos itapon ang setro, ay nagluluksa dahil sa mga anak niyang namatay."

"Maging anuman nga ang kalagayan natin, ay nararapat nating mahalin siya at walang ibang bagay na dapat naisin tayo kundi ang kagalingan niya. Sa gayo'y gagawa tayo, alinsunod sa tadhana ng sangkatauhang itinakda ng Diyos, na dili iba kundi ang pagkakasundo't kapayapaang pandaigdig ng mga nilikha niya."

"Kayong nawalan ng mithiin ng inyong kaluluwa; kayong sa pagkakasugat ng inyong puso'y nakita ninyong naglahong isa-isa ang inyong mga pangarap, at, katulad ng mga punong- kahoy sa tag-ulan, ay nasumpungan ninyo ang inyong sariling walang bulaklak at walang dahon, at gayong nananabik na magmahal ay wala kayong makitang karapat-dapat sa inyo, nariyan ang inang-bayan, mahalin ninyo siya."

"Kayong nawalan ng isang ama, ng isang ina, ng isang kapatid, ng isang asawa, ng isang anak, ng isang kasintahan, sa wakas, na siyang pinagbatayan ng inyong pangarap, at sa inyong sarili'y nakakatagpo kayo ng isang malalim at kasindak-sindak na kawalan, nariyan ang inang-bayan; mahalin ninyo siyang gaya ng nararapat."

"Mahalin ninyo siya, oo nga, nguni't hindi gaya ng pagmamahal sa kanya ng nakaraang panahon, sa paggawa ng mga malulupit na kabanalang itinakwil at sinumpa ng tunay na kabaitang-asal at ng inang kalikasan; hindi sa pagpaparangalan ng pananampalatayang bulag, ng pagwawasak at ng pagkamalupit, hindi nga. Lalong kaaya-ayang bukang-liwayway ng Kristiyanismo, sagisag ng mga araw na maligaya at matahimik. Kautangan nating manunton sa matigas nguni't payapa't mabungang landas ng agham na humahantong sa pag-unlad, at buhat doo'y sa pagkakaisang nilunggati't hiningi ni Hesukristo sa gabi ng kanyang pagpapakasakit."

SA NAKAPANLULUMONG KALAGAYAN NG ATING BAYAN

(Pinagkunan: Kasaysayang Parang Nobela)

"Nalalabi pa sa kanya ang mga prusisyon, ang mga misa de gracia, ang mga pagsisiyam, at ang mga sabungang aliw ng kaluluwa at ng katawan: mga libangang humahalina sa damdamin at humuhuthot ng salapi ng mga mag-a-mag-anak; mga hapunan, mga salu-salo at mga serenatang inihahandog ng halos ubos-kaya at pagmamakisig."

"Ang Maynila, ang dating Mutya ng Silangan, ng taong 1876, na siyang simula ng ating paglalahad hinggil sa kanyang lumipas na kaugalian at kasaysayan ay isang anino na lamang: isang babaing nakakagunita sa kamusmusan, hindi dahil sa kanyang katamisan ni sa kahinhinan, kundi sa mga kapintasang natamo niya noong mga unang taon ng kanyang gulang."

"Hindi na siya ang Mutya ng Silangan: ang Singgapor, ang Hongkong, ang Yokohama, na lalong mabubulaklak at mapapalad, ay nangagpakulimlim sa kanyang kahalagahan: Ang Maynila'y lumalakad ng napakabagal kung di man paurong, samantalang ang ibang mga baya'y mabilis na sumusulong sa mga industriya at pangangalakal."

"Gayunma'y nalalabi pa sa kanya, bilang kaaliwan ng lumipas niyang kayamanan, ang di-mabilang na mga kumbento ng mga relihiyosong babai't lalake sa loob at labas ng lunsod, naglalakihang simbahan ng masasaya't mauugong na kampana, na buong kaligayahang tinitirhan ng kanilang mga babaing nabubuhay sa gitna ng pagninilay-nilay, at pinaghahandugan ng buong puso't kataimtiman ng pagsamba't pagpupuri sa relihiyon katolika..."

SA ISANG PAMAHALAANG MASAMANG MAMAHALA

(Pinagkunan: Ang Mga Magsasakang Pilipino)

"Ang mga pagmamalabis na ito, na, bukod sa hindi matuturingan ay nagiging katawa- tawa, ay nakakasira sa bansa at nakakasirang-puri sa pamahalaan. Ang pamamaraang ito ng pag-iingat, ng mga takot na walang pinagbabatayan, ukol sa mga hinalang walang matuwid, ay hindi lamang nakapagngingitngit at nakakagalit, kundi naghahayag din naman ng kahinaan ng pamahalaan, nagsasaysay ng malaking takot, ng malaking kahinaan. Ang bagay na nabanggit kapag idinagdag sa kawalang-kayang sumupil sa panunulisan, ay ikapagsasabi ng isang masamang magkuro na ang pamahalaan ay matigas lamang sa mga tahimik at mararangal, samantalang nagpapalayaw o nagpapabaya sa mga mapanggulo at mga salarin. Ito ang karaniwang sumbat ng mga nagsasariling mga Indiyo sa mga Indiyong nag-Kristiyano."

SA KUNG SINO ANG DAPAT MANAGOT SA KALAGAYAN NG MGA BAGAY-BAGAY

(Pinagkunan: Ang Katotohanan Para Sa Lahat)

"Sang-ayon kami na sa Pilipinas ay maraming kasamaang-asal, maraming kagusutan, maraming kabuktutan at maraming hidwang pamamalakad. Datapwa't huwag nating iparatang sa bayan ang mga ito; huwag nating ipataw na lagi sa bayan ang ating mga kapanagutan at ang kapanagutan ng iba. Kung baga sa isang tahanan, kapag ang ama ng angkan ay nagtataglay ng walang-hanggahang kapangyarihan ay siyang nararapat managot sa kalagayan ng mga bagay- bagay. Ang mga kaabaan ng isang bayang walang kalayaan ay hindi nararapat ibuhat sa bayan, kundi sa mga nagsisipamahala sa kanya; sapagka't upang mapanagot ang sinuman ay kinakailangang siya'y maging panginoon ng kanyang mga kilos, at ang bayang Pilipino'y hindi panginoon, ni ng kanyang mga kilos, ni ng kanyang mga isipan."

SA MGA SAWIMPALAD NA NAMUMUNO SA MGA BAYAN-BAYAN

(Pinagkunan: Ang Katotohanan Para Sa Lahat)

"Liban na sa ilang kapuri-puring kataliwasan, na nangyayari rin naman, ay nababatid naming ang karamihan sa mga tinataguriang makapangyariha'y kung di man mga sawimpalad na nabubukot sa kanilang pasanin, ay mga imbing alipin, mga bulag na kinakasangkapan ng ilan, mga duwag na kampon ng iba, mga mabababang-loob at mapag-bigay sa tanang makahumalingan ng mga nakakataas sa kanila, mga bingi at malulupit sa kanilang mga nasasakupan at sa kahabag-habag na bayang ang kapalara'y ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay. Oo nga, kinikilala naming ang lalong hindi naaalala ng maraming namumuno ay ang kanilang bayan, ang kanilang budhi, ang sangkatauhan, at ang Diyos. Natanto naming ang buong pinagsusumakitan nila ay ang maglingkod upang makapag-utos, sumuhol upang makapagsamantala, magpakaaba upang umaba at mabigyang kasiyahan ang kanilang imbing hangarin."

"Ang paraang sinusunod ng namumuno ay maglingkod sa panginoon upang siya ay kalingain nito kapag siya'y ipinagsusumbong na nagsasamantala sa mga mahihirap o nagkukulang sa kanyang tungkulin; ang kinakailangan niya'y magkaroon ng isang mabuting inaama."

"Pinakabungang katutubo nito ay ang pagkapoot sa kalabang pangkatin, pagkapoot na siyang nilalayon ng ilang politikong walang ibang karunungan at walang ibang katusuhan maliban sa paghati-hatiin at pag-alit-alitin ang mga bayan, sa pamamagitan ng pagkampi sa gayon o ganitong pangkatin, at sa ganitong paraan ay napanlulupaypay ang isa't isa. Hindi nahihinagap ng mga taong ito na balang araw ay maaaring makapinsala rin sa kanila ang gayong sandata. Ang naghahasik ng hangin, anang salawikain, ay bagyo ang aanihin."

"Karamihan sa mga bayan ay may paglalabanan. Ang ilan, sanhi sa hindi nila nakikita ang kanilang mga kaaway na nagkukubli, at ng huwag malantad sa kanilang pukol, ay nangaglalagay ng mga salabid upang maiwasan ang paghamak sa kanila; ang iba naman, at ang mga ito'y siyang lalong marami, ay napapadala sa masasamang halimbawa at dahil sa wala silang lakas ng loob sa kabutihan, ay nagnanais na makisalo sa piging, at sinasabi nila sa kanilang sarili: "ang makina ng lipunan ay pinapagalaw ng dugo ng sawimpalad; makisama tayo sa laganap na pang-aapi; mang-api tayo upang huwag tayong apihin."

"Sa hamak na paglalabanang ito, ang lahat ng pamamaraan, maging mabuti o masama, ay ginagamit: mga suhol, mga handog, mga paninirang-puri, mga paratang, mga ulat at iba pa. May nakilala kaming mga angkang naghirap nguni't nangakabangon din pagkatapos, salamat sa dalawang taong panunungkulan; sa kabilang dako naman, may mga angkang masasalapi na nangaghirap sa pakikipag-usapin pagkatapos na masuhulan muna ang mga tagahatol."

SA KAHIGITAN NG LUPANG PARANG KAYSA SA LUPA NG SEMENTERYO NG PARI

(Pinagkunan: Isang Kalapastanganan)

"Walang sinumang may karapatang dumaing dahil sa ang isang bangkay ay ibinaon dito o doon kaya, sa lupang ari ng simbahan o sa iba kayang nasasakop ng asyenda ng mga paring dominiko; ang bangkay ay nabubulok kahit saang libingan, walang lupang lalong banal kaysa iba, ang lupa ng sementeryo ay hindi siyang kaisa-isang nilikha ng Diyos, gaya rin ng katotohanang ang lupa sa mga gulod at bundok ay hindi nilamutak ng diyablo. Ang araw ay lumiliwanag sa buong lupa, ang ulan ay dumidilig sa lupa ng walang itinatangi at pinipili sang-ayon sa iba't ibang panahon, ang simoy ng hangin ay nagpapakitang-giliw sa lupa ng walang itinatangi, ang Kalikasa'y hindi nagpapausbong ng lalong maraming bulaklak sa sementeryo kaysa ibang pook kahit man lamang dito sa Pilipinas. Sa kabilang dako, nararapat pa ngang magpasalamat ang angkan ng nasira sa paghihiganting ito ng mga pari, sapagka't bukod sa hindi nagbayad sa paglilibing, ay nailigtas pa nila ang bangkay ng noong nabubuhay pa'y naging isang taong lubhang matalino at matino, sa pagkakadaiti sa mga bangkay ng napakaraming mga hinangal, sa mga kalapastanganan ng tagapaglibing ng mga patay na kung magkaminsa'y humuhukay ng mga labing sariwang-sariwa pa, at sa mga panalanging binabayaran at dinarasal ng walang pananalig ni habag ng paring buong pagmamadaling gumagawa ng panalangin ng may pagkabagot at waring natatamad. Sa ibabaw ng gulod na pinagpapahingalayan o kinabubulukan ng bangkay ay umiihip ang simoy ng hangin na galing sa lawa at dumadalisay sa kapaligiran; doo'y maliwanag ang araw at hindi pinaglulusak ng ulan gaya ng nangyayari sa libingan ng bayan ng Kalamba. Doo'y naaaring dumalaw sa puntod ang kaanak at mga kaibigan, at nakakatiyak silang hindi makakakuha ng anumang lagnat, nakakatiyak na hindi makakalanghap ng anumang bagay na makakapinsala sa katawan. Para sa Diyos na lumalang ng lahat ng bagay at ng lahat ng nilikha, pati ng mga pari sa Pilipinas, para sa relihiyong Kristiyano na nangaral ng pag-ibig at hindi ng imbing paghihiganti, at tumitingin sa kaluluwa ng higit sa katawan o sa bagay na nadarama, ano ang ipagkakaiba ng isang libingan sa ibabaw ng isang gulod, sa isang libingan sa sementeryong naglulusak? Para sa tao, para sa pilosopo, para sa malayang palaisip, para sa diwang makabago, ano mayroon ang lupa ng isang sementeryong sinasamantala ng isang liping maka-relihiyon, na lalong ikinabubuti nito kaysa lupa ng isang gulod na nagiging pasyalan sa umaga at nagbibigay-lakas at nagpapatubo ng mga halamang mapapakinabangan at nagbibigay ng pagkain sa ibang nilikha? Wala..."

SA PAGSULONG NG LAHAT NG BAGAY

(Pinagkunan: Mga Pagkakaiba)

"Isa sa mga batas na hindi mababago at hindi mapapawalang-halaga na sa daigdig ay walang anumang bagay na nabibimbin, bagkus ang lahat ng bagay ay nagiging ganap na maayos at sumusulong, at ang mga bayang sakop ay napapailalim din sa batas na iyan."

SA SANHI NG PAGKAWALA NG NASYONALISMO NG MGA PILIPINO

(Pinagkunan: Ang Pilipinas Sa Loob Ng Sandaang Taon)

"Babahagya pa lamang na naisasailalim ang Pilipinas sa korona ng espanya, ay kinakailangan ng alalayan ng dugo at ng mga pagsusumakit ng mga anak nito ang mga digmaan at hangaring mapanuklas ng sambayanang kastila, at sa mga paghahamok na ito, sa pagkasindak at kagulumihanang iyan ng mga bayan, sa panahon ng pagpapalit ng pamahalaan, ng mga batas, ng mga kaugalian, gawi, relihiyon at pananalig, ang Pilipinas ay halos nawalan ng mga mamamayang naghirap at nahuli sa pagkakasulong, at dahil sa pagkabigla sa kanyang pag-iiba ng anyo, ay nawalan ng tiwala sa kanyang nakaraan, nawalan ng pananalig pati sa kanyang kasalukuyan at ni walang anumang nakaiigayang pag-asa sa darating na mga araw. Ang dating mga panginoon, na walang-wala namang hinangad kundi ang katakutan at sundin ng kanilang mga nasasakupan, na pinapamihasa nila sa pagka-alipin, ay nangalagas na parang mga dahon ng isang kahoy na natuyo, at ang bayan, na walang pag-ibig sa kanila at ni hindi nakakilala kung ano ang tinatawag na kalayaan, ay madaling nagpalit ng panginoon, sa pag- asa marahil na magtamo ng kaunting tubo sa mga bagong pangyayari."

"Sa gayo'y nagsimula na ang bagong panahon sa mga Pilipino. Unti-unting nawala ang dati nilang kaugaliang minana, ang mga ala-ala; nalimot ang kaparaanan ng dati nilang panulat, ang mga awit, mga tulain, mga batas, upang pag-arala't isaulo ang ibang mga aral na hindi naman nila nawawatasan, mga ibang tuntunin ng budhi, ibang pagpapahalaga sa kagandahan, na ibang-iba sa mga inihasik sa kanilang lipi ng singaw ng kanilang lupa at ng kanilang sariling pandamdam. Nang magkagayo'y nababa sila, naaba ang kanilang anyo sa malas ng kanilang sariling mga mata, ipinagmakahiya ang talagang kanila at sariling pambansa upang hangaan at papurihan ang lahat ng nagbubuhat sa dayuhan at hindi nawawatasan; nanlumo ang kanilang diwa at sa huli'y sumuko."

"Lumipas sa gayon ang mga taon at mga daantaon. Ang karangyaan ng relihiyon, ang mga pangaral na nangungusap sa mga mata, ang mga awit, ang mga ilaw, ang mga larawang nararamtan ng ginto, ang pagsamba sa pamamagitan ng isang wikang mahiwaga, ang mga kuwento, mga himala at ang mga pangangaral mula sa pulpito, ay nakabalani sa diwa ng bayan na sadyang mapamahiin na, nguni't hindi rin naman naiwasak ng lubusan, sa kabila ng lahat ng mga kaparaanang pinairal pagkatapos, at ipinagpatuloy ng walang taros na pagpipilit."

"Nang dumating sa ganitong kalagayan ang kaabaan ng budhi ng mga mamamayan, ang panlulupaypay, ang sama ng loob sa sarili, ay saka ibinigay ang panghuling dagok na makamamatay, upang mawalang kabuluhan ang gayon karaming naiidlip na mga kalooban at mga katalinuhan, upang ang mga tao'y gawing parang mga bisig na lamang, at mga hayop na panghila. Alalaon baga'y isang katauhang walang utak at walang puso. Sa gayo'y nasabi't ipinalagay na sinang-ayunan ang adhikain, nilait ang lahi ng mga Pilipino, tinangkang ikait sa kanila ang lahat ng kabutihang-asal, ang lahat ng katangiang sarili ng tao, at hanggang sa nagkaroon pa ng mga manunulat at mga pari, na sa pagnanais na maipagpatuloy ang dagok ay nagtangkang ikait sa mga anak ng lupaing ito, hindi lamang ang kakayahan sa kabutihang-asal, kundi pati na ng hilig sa kasamaan."

"Nang magkagayon, ang pinaniwalaan nilang magiging kamatayan, ay siyang naging kaligtasan. May mga naghihingalo ng nabubuhay uli, salamat sa ilang kagamutang malakas at mabisa."

SA UNTI-UNTING PAGKAMULAT NG MGA PILIPINO

(Pinagkunan: Ang Pilipinas Sa Loob Ng Sandaang Taon)

"Maraming tiisin ang umapaw sa pamamagitan ng mga paglait, at ang nagugulantang na diwa'y pinanaulian ng buhay. Ang pagkamaramdamin, na siyang katangiang pinakatampok ng Indiyo, ay nasugatan, at kung nagkaroon man siya ng pagpaparaya upang magtiis at mamatay sa paanan ng watawat ng taga ibang-lupa, ay hindi nagkaroon niyaon ng ang pagpapakasakit niya'y bayaran ng naging sanhi ng kanyang pagkamatay, ng mga paglait at pag-alipusta. Sa gayo'y sinuring unti-unti ang kanyang sarili, at nakilala ang kanyang kapahamakan. Iyong mga hindi nag-aantay ng ganitong wakas, katulad ng mga mapang-aping panginoon, ay nagpalagay na parang isang paglait ang lahat ng hinaing, ang lahat ng pagtutol, at sa mga ito'y kamatayan ang ginawang parusa, tinangkang lunurin sa dugo ang lahat ng sigaw ng paghihirap, na anupa't ang ginawa'y mga pagkukulang sa kabila ng mga pagkukulang."

"Hindi dahil dito'y naaring takutin ang diwa ng bayan, at kung bagaman ang gayo'y nakagising sa ilang puso, gayunman, buong bagsik at nakatutupok na kumalat ang lagablab niya, salamat sa mga pagpapakalabis at mga tiwaling pamamalakad ng ilang uri ng tao upang mapatay ang marangal at dakilang damdamin. Ito rin ang nangyayari kapag ang lagablab ng apoy ay dumidila sa isang damit, ang takot at ang pagkaligalig ay siyang lalong nagpapalala at ang bawa't pagaspas, bawa't hampas ay nagiging isang hihip na nagpapaningas na lalo't lalo."

SA PAGHADLANG SA PAGKAKASULONG NG ISANG BAYAN

(Pinagkunan: Ang Pilipinas Sa Loob Ng Sandaang Taon)

"Ngayon, upang hadlangan ang daan sa pagkakasulong ng isang bayan, ang politika ay may iba't ibang kaparaanan: ang pagpapaging makahayop ng mga tao sa pamamagitan ng isang tanging liping kakampi ng pamahalaan, liping maka-maharlikang katulad ng sa mga nasasakop ng Olanda, o liping makaparing gaya ng sa Pilipinas; ang ipagdaralita ng bayan; ang pagpatay na unti-unti sa mga mamamayan at ang pagpapalago ng mga alitan ng isa't isang lahi."

"Ang pagpapaging makahayop ng mga malayong Pilipino ay naipakilala ng hindi maaari. Sa kabila ng maitim na salot na mga prayle na siyang humahawak ng pagtuturo sa kabataang pinag-aaksaya nila ng walang kapararakan, ng maraming taon sa mga paaralan, at lumalabas ditong nanghihimagal, nahahapo at nawawalan ng pag-ibig sa mga aklat; sa kabila ng mga pagsusuring (censura) ang tinatangka ay ang pagpipinid ng lahat ng daang patungo sa pagkakasulong; sa kabila ng lahat ng mga pulpitong pangaralan ng mga pari, pangumpisalan, mga aklat, mga pagsisiyam na nagtuturo ng pagkapoot sa lahat ng kaalaman, hindi lamang tungkol sa agham, kundi pati na sa wikang kastila; sa kabila ng lahat ng kaparaanang iyang isinaayos, pinapagbuti at isinagawa ng buong tiyaga niyaong mga nagnanais na ang Kapuluan ay mamalagi sa isang "banal na kahangalan" ay lumilitaw rin ang mga manunulat, ang mga may malayang pagkukuro, ang mga sumusulat ng kasaysayan, mga pilosopo, kimiko, mga manggagamot, mga artista, mga manananggol at iba pa. Ang pagkakamulat ay lumalaganap, at ang pag-uusig na tinitiis ay siyang lalong nakapagpapaalab sa kanilang loob. Hindi; ang maka-Diyos na lagablab ng pag-iisip ay hindi mapaparam sa bayang Pilipino, at sa anumang paraa'y talagang magniningning at pakikilala. Hindi maaaring gawing parang hayoop ang mga mamamayan sa Pilipinas."

"Maaari kayang pigilin ng karalitaan ang kanyang pag-unlad?"

"Baka sakali, nguni't iya'y isang kaparaanang lubhang mapanganib. Ang karanasan ang nagpapakilala sa atin na sa lahat ng dako, at lalo na sa Pilipinas, ang mga taong nakakariwasa ay siyang kailanma'y kaibigan ng kapanatagan at ng kaayusan, sapagka't sila ang nabubuhay ng lalong mabuti kung ihahalintulad sa iba, at sila ang maaaring mangawalan sa mga kaligaligan sa bayan. Taglay ng kayamanan ang kabinian, ang diwa ng pagkamaingat; samantalang ang karalitaan ay nakapag-uudyok ng mga isipang tungo sa pakikipagsapalaran, ng mga hangaring mapalitan ang mga bagay-bagay na hindi gaanong nabubuhos ang loob sa buhay, at iba pa. Si Machiavelo na rin ay may palagay na mapanganib ang ganitong kaparaanan ng pagsiil sa isang bayan, sapagka't ang pagkawala, anya, ng mabuting kalagayan ay nakapagpaparami ng lalong masusugid na mga kaalit kaysa pagkawala ng sariling buhay. Tangi sa rito, kapag may kayamanan at kasaganaan ay kakaunti ang hindi nasisiyahan, umuunti ang mga daing, at ang pamahalaan naman, na lalong mayaman, ay nakakatagpo ng lalong maraming kaparaanan upang maging matatag. Sa kabilang dako, sa isang bayang maralita, ang nangyayari'y katulad din ng nangyayari sa isang bahay na walang harinang magagawang tinapay; at saka, ano ang magiging katuturan para sa espanya, ng isang bayang sakop na nanlulupaypay at maralita?"

SA MGA PAGBABAGONG MAY URING PAMPALUBAG-LOOB

(Pinagkunan: Ang Pilipinas Sa Loob Ng Sandaang Taon)

"Sinabi na namin at uulitin minsan pa at uulitin kailanman. Lahat ng pagbabagong may uring pampalubag-loob ay hindi lamang walang kabuluhan kundi nakakasama pa, kapag ang pamahalaan ay nahaharap sa mga kasamaang kailangang lunasan hanggang kaugat-ugatan. At kung hindi kami nananalig sa karangalan at pagkamakatwiran ng ilang tagapamahala ay matutukso kaming magsabi na ang lahat ng mga pagbabagong iyang pasapyaw-sapyaw ay parang mga emplasto o pomadang panapal lamang ng isang manggagamot, na sapagka't hindi nakakaalam kung paano magagamot ang kanser o kaya'y hindi makapangahas na tumistis niyaon ay nagkakasya sa paglibang sa mga tiisin ng maysakit o makibagay sa kawalang-loob ng mga matatakutin at mga mangmang."

SA POLITIKA

(Pinagkunan: Ang Pilipinas Sa Loob Ng Sandaang Taon)

"...sa mapait na larangan ng politika, ang mahigpit na pangangailangan at ang mga kapakanan ang siyang nakapangyayari."

SA PARUSANG TINATAWAG NA NGIPIN SA NGIPIN

(Pinagkunan: Manangan Tayo Sa Katarungan)

"Isasagot marahil sa amin na ang hinihingi nila'y ang parusang tinatawag na ngipin sa ngipin, alalaon baga'y kung ano ang kasalanan ay siyang parusa, sapagka't kung ito'y pinaiiral para sa lahat na nasa lupaing yaon, maging isang kalupitan at kahangalan ang bagay na ito, ay magkakaroon ng bahagyang aliw ang mga naaapi. Nguni't doon, ang parusa ng ngipin sa ngipin na pasigaw na hinihingi ay para sa mga maralita lamang, sapagka't ang mga maralita ay walang pahayagan o mga tagatangkilik; datapwa't kung ang nasabing parusa ay buo at bulag na ilalapat sa kahangalan, ang kalahati ng sangkatauhan ay mapapasok sa bilangguan at ang kalahating natitira ay sa bibitayan naman."

SA KUNG PAPAANO DAPAT PAKILUSIN ANG KATARUNGAN

(Pinagkunan: Manangan Tayo Sa Katarungan)

"Huwag ganyan; pakilusin ang katarungan datapwa't walang kaakibat na pagbubuyo sa kalupitan, walang kaakibat na mga batas ng hukbo, walang kaakibat na dahas, ni patawad. Tupdin niya ang kanyang tungkulin ng tahimik, mapagmatyag at tiwasay, katulad ng isang taong nakakakilala sa kanyang kapangyarihan at sa kanyang dakilang tungkulin. Huwag siyang magpakababang kapantay ng paghihiganti. Suriing walang kinikilingan ang mga pangyayari at kapag kailangang magparusa ay mag-ingat na mabuti at kumiling na lalo sa pagkahabag, palibhasa'y bukod sa ang tao'y marupok, ay mayroon ding mataas na pagpapakundangang iniaatas ng pakikitungo sa bayan, at huwag magpahalata ng anumang pagkapoot dahil sa lahi, sapagka't ang hahatol sa salarin ay kakulay rin ng pinatay. At higit sa ibang pook, nararapat isaalang-alang ng mga hukom na sa Pilipinas, ang singaw ng lupa ay nagpapasulak ng damdamin, na ang kakulangan ng dugo, dahilan sa init, ay nagiging sanhi ng kakulangan ng katiwasayan, na nauuwi sa pagkamagagalitin, na ang "hamok" o pagkabulag ng isip ay isang pangyayaring namamalas sa lahing malayo, sa udyok, kung minsan, ng gutom, ng init, at iba pa."

SA UGNAYAN NG PAMAHALAAN AT NG BAYAN

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Ang mga bayan at mga pamahalaan na nagkakaunawaan ay nagkakatulungan; ang isang pamahalaang hangal ay isang kahidwaan sa isang mabait na bayan, gaya rin ng hindi maaaring magkaroon ng isang bayang masama ang ugali sa ilalim ng mga tagapamahalang makakatarungan at mga batas na paham. Kung ano ang bayan ay gayundin ang pamahalaan..."

SA PAGPAPALALA SA KATAMARAN NG KASAMAAN NG PAGTUTURO AT NG KAWALAN NG DAMDAMING PAMBANSA

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Ang napakasikil na pagtuturo sa tahanan, ang mapaniil at baog na pagtuturo sa mangilan-ngilang paaralan, ang bulag na pagpapailalim ng bata sa nakakatanda sa kanya, ay nakakapangyari sa diwa upang ang tao'y hindi maghangad na makahigit sa mga nangauna sa kanya, kundi manapa'y upang masiyahan sa pagsunod sa kanila o lumakad sa likuran nila. Dito'y sapilitang magbubuhat ang pagkabimbin, at sa dahilang ang walang ginagawa kundi manipi lamang ay nawawalan ng ibang katangian ng talinong katutubo sa kanya, ang nagiging karaniwang bunga nito'y ang pagka-baog; dito nanggagaling ang pag-urong. Ang katamaran ay isang buntot na nagbubuhat sa kawalan ng pampasigla at ng kabuhayan."

"Ang katimpiang iyang pinanalaytay sa pananalig ng bawa't isa, o sa lalong maliwanag, ang inuraling kababaan o pagpapakababa, isang uri ng parating pangungulag sa araw-araw ng kaluluwa upang huwag makapailanlang hanggang sa mga dakong kinadoroonan ng liwanag ay nakamamatay sa sigla, nakapagpapatigil sa lahat ng damdamin sa pag-unlad, at sa munting pakikibaka ay sumusuko ng hindi lumalaban. Kung dahil sa isa sa mga bihirang pagkakataon, ang isang diwang baliw, alalaon baga'y masipag, ay nakakaungos, sa halip na makaganyak ang halimbawa niya ay lalo pang nakapagpapanatili sa iba sa hindi pagkilos. "Hayan ang gagawa para sa atin, kaya matulog na tayo!" ang wika ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Totoo ngang paminsan-minsan ay nagigising ang diwa ng pakikipag-pangagawan, nguni't nagigising lamang ng mainit ang ulo at mukhang naiinggit, at sa halip na maging isang katagang makakatulong ay nagiging isang salabid na nakakapagpahina ng loob."

"Palibhasa'y pinalaki sa mga halimbawa ng mga ermitanyo na ang buhay ay pinararaan sa katamaran, ay pinararaan ng mga Indiyo ang buhay nila sa pagbibigay sa simbahan ng kanilang ginto, sa paghihintay ng mga himala at iba pang bagay na kahanga- hanga. Ang kalooban niya'y pinatulog; sapol sa pagkabata'y natutong gumawa ng di nag- iisip, katulad ng isang makina, at walang kaalaman sa magiging hangga, salamat sa pagsasanay na ginawa sa kanila buhat sa lalong murang gulang, sa pagdarasal sa loob ng buo-buong oras sa isang wikang di-nauunawaan, sa pagsamba sa mga gawang hindi nauunawaan, sa pagtanggap ng mga paniniwalang di-ipinaliliwanag, sa pag-aatang sa sarili ng mga kabalighuan samantalang iniinis ang mga paghihimagsik ng katwiran."

"Malaking bagay ba na sa pamamagitan nitong paghutok na nakakasira ng pang- unawa at ng kalooban ng Indiyo, na noong una'y mapagmatuwid at maayos magkuro, gaya ng pinatutunayan ng pagsusuri sa kanyang nakaraan at sa kanyang wika, ay maging isang bagay na unsiyami ng nakasisirang pagkakasalu-salungatan ngayon. Iyang walang tantang paglaban ng katwiran at ng tungkulin, ng kanilang kabuhayan at ng mga bagong mithiin, ang digmaang panloob na sa buong buhay nila'y nakakagulo sa kapayapaan ng budhi, ay nararapat magpahina, sa wakas, sa buong lakas nila, at sa tulong ng kalupitan ng singaw ng lupa, ay siyang pagmulan ng walang-hanggang pag-uurong-sulong na iyon, ng pag-aalinlangan ng kanyang utak, at siyang pagbuhatan ng kanyang katamaran."

"Hindi ka maaaring matuto ng higit sa matandang si kuwan!" "Huwag mong nasaing higtan ang kura!" "Ikaw ay galing sa isang lahing mababa!" "Wala kang kasipagan." Ito ang siyang sinasabi sa bata; at sa dahilang napakadalas na ulit-ulitin, kaya sapilitang nauukit sa utak niya at buhat doo'y nagtatatak at nagkakaanyo sa lahat ng kanyang kilos. Ang bata, ang binata na naghahangad na maiba ay tinatawag na pangahas at palalo; inaalipusta siya ng kura sa pamamagitan ng malulupit na pagkutya, tinitingnan siya ng kanyang mga kamag-anak ng may pagkatakot; at siya'y minamalas ng iba na puno ng pagkahabag. Wala ng pagkakaunlad sa sarili! Kailangang pumasok sa hanay, sumunod sa agos ng karamihan!"

"At sa dahilang ang diwa'y nahubog sa gayong paraan, tinutunton ng Indiyo ang lalong nakakasirang kinagawian: ang kinagawiang hindi pinangangatwiranan, manapa'y iniuutos at ipinipilit. At nararapat tandaan na ang Indiyo, sa ganang kanyang kinagisnan, ay hindi mahilig sa kinamihasnan sa dahilang ang utak niya'y nahahandang tumanggap ng lahat ng katotohanan, gaya rin ng pangyayaring ang kanyang tahana'y bukas sa lahat ng taga-ibang bayan. Ang kabutihan at ang kagandahan ay humahalina sa kanya, gumaganyak at bumibihag sa kanya, bagaman, gaya ng Hapon, madalas na ipinapalit ang kabutihan sa kasamaan kapag ito'y ipinakikitang nagagayakan at nagniningning. Ang kulang sa kanya ay, una, ang kalayaan upang mabigyan ng pakpak ang kanyang diwang mapagsapalaran, at mabubuting halimbawa at maririkit na tanawin. Kinakailangang ang diwa niya, kapag nanliliit at naduruwag sa harap ng mga dakilang lakas ng kalikasan at sa nakasisindak na pagpapakilala ng malaking lakas na ito ay magtipon ng tapang, umadhika ng matataas na layunin, upang makalaban sa mga salabid sa gitna ng isang kalikasang kasalungat. Upang siya'y umunlad, kinakailangang sumulak sa mga ugat niya ang isang diwang mapaghimagsik, sabihin nating gayon, sapagka't ang pag-unlad ay sadyang humihingi ng pagbabago, nangangailangan ng pagkatalo ng nakaraan na parang Diyos na itinayo doon sa kasalukuyan: ang pananagumpay ng mga bagong isipan sa mga matatanda't tinatanggap na isipan. Hindi makakasapat ang kausapin ninyo siya sa pamamagitan ng kanyang wari-wari, ang siya'y handugan ng mga kagalingan, ni ang siya'y silawin ng liwanag, gaya niyaong mga hangal na apoy na nagliligaw kung gabi sa mga manlalakbay; hindi makakasapat ang lahat ng nakakahalinang mga pangako ng mga pag- asang kulay rosas, habang ang diwa niya'y hindi malaya, at ang kaisipan niya'y hindi dinarakila."

"Ang mga kadahilanang nagbubuhat sa kawalan ng damdaming pambansa ay lalo pang nakakasira at lalo pang mahalaga."

"Palibhasa'y nananalig, sa udyok ng kanyang kababaan, nalilito ang diwa dahil; sa pagkakaturo sa kanya, kung matatawag na pagkakaturo ang pagpapaging hayop niya na tinalakay na namin sa dakong unahan, sa pagbabagong iyon ng mga pinagkagawian at ng mga damdamin sa gitna ng iba't ibang bansa, ang Pilipino, na walang tinataglay kundi ang pagka- maramdamin sa pagkalahi at ang kaisipang makata, ay napapaakay sa kanyang guni-guni at sa pag-ibig sa sarili. Sukat ang purihin ng taga-ibang lupa ang kalakal na inaangat sa ibang bayan at pintasan ang likha o yari sa sariling lupa, upang siya'y magdumali ng pagbabago ng hindi dinidili-diling ang lahat ng bagay ay may kani-kanyang dakong mahina at ang paggamit na lalong matino ay katawa-tawa sa mga mata ng mga hindi gumagawa niyon. Siya'y sinilaw sa pamamagitan ng palarang ginto, ng mga rosaryong yari sa bubog na may iba't ibang kulay, ng mga bembeng maiingay, mga salaming nagniningning, at iba pang bagay na mura, at ibinigay niya, bilang kapalit, ang kanyang ginto, ang kanyang budhi at pati ng kalayaan niya; ipinagpalit ang kanyang relihiyon sa mga gawaing panlabas ng ibang pananampalataya; ang mga pananalig at mga kaugaliang isinilang ng singaw ng kanyang lupa at ng mga pangangailangan niya, ay ipinagpalit sa ibang kaugalian at ibang pananalig na sumibol sa ilalim ng ibang langit at ibang damdamin. Ang diwa niyang nahahanda sa lahat ng inaakala niyang mabuti, ay nagbagong-anyo, sang-ayon sa ninanais ng bansang naggiit sa kanya ng kanilang diyos at ng kanilang mga batas, at sa dahilang ang mga mangangalakal na pinakikitunguhan niya'y hindi nagdala ng mga kasangkapang kapaki-pakinabang na yari sa asero, ng mga asarol upang ipambungkal sa mga parang, kundi mga papel na tinatakan, mga krus, mga bula at mga dasalan; sa dahilang hindi ibinigay sa kanyang uliran o parisan ang sunog na balat at butuhang manggagawa, kundi ang maginoong may dugong mahal na dinadala sa isang malambot na luklukan, ang kinalabasa'y ang bayang manggagaya ay naging makapapel, manong, madasalin, nag-aangkin ng mga kaisipang mapagparangya, mapagmakisig ng hindi naman pinabuting lalo, dahil doon, ang mga kaparaanan sa kanyang ikabubuhay sa isang timbang na pagkakaayaw-ayaw."

"Ang kawalan ng damdaming pambansa ay nagtataglay ng iba pang kasamaan, na dili iba kundi ang kawalan ng pagtutol sa mga pamamalakad na makakasira sa bayan, at ang kawalan ng pagkukusa sa anumang bagay na maaaring ikabuti ng bayan. Ang tao sa Pilipinas ay isa lamang katauhang hiwalay, at hindi kakatnig ng isang bansa. Inalisan siya at binawian ng karapatan sa pakikisama at dahil dito'y naging mahina at batugan. Ang Pilipinas ay isang katawan na ang mga laman ay hindi nararapat magkaroon ng ugat na dadaluyan ng dugong magpapasariwa sa kanya, ni ng mga litid na pananalaytayan ng mga damdamin; ang mga lamang ito, gayunman, ay nararapat magbigay ng kanyang nagawa, kunin ito kung saan man niya makukuha; kung sila'y mamamatay ay mamatay sila. Ito, ang sa akala ng ilang tao'y siyang nababagay upang ang isang bayang sakop ay maging maunlad."

"Ang ibinubunga nito'y kung may ilagdang isang kautusang nakakasama ay walang sinumang tumututol, sa malas, ang lahat ay nagpapatuloy na mabuti, hanggang sa dakong huli'y mapagkilala ang kasamaan. Ito'y isa pang tabad at sa dahilang ang katawan ay walang mga litid at hindi rin pinakikinggan ang manggagamot, sa paniniwalang ang paggamot ay hindi makakasama, ay ipinagpapatuloy ito. Nangangailangan ng isang pagwawasto, datapwa't sa dahilang hindi siya nararapat magsalita, ay hindi siya kumikibo, at naiiwan siyang angkin sa sarili ang pangangailangan. Ninanasang kumain ng maysakit, ninanasang lumanghap ng malayang hangin; datapwa't sa dahilang ang ganyang mga nasa'y maaaring makasugat sa damdamin ng manggagamot na nag-aakalang nai-utos na niya ang lahat ng kinakailangan, siya'y nagtitiis at nanghihina, sa takot na mabulyawan, magtiis na tumanggap ng isang panapal at isang bagong tabad. At gayon nga ang walang katapusang nangyayari."

"Tangi sa rito, ang pag-ibig sa kapayapaan at ang pangingilabot ng marami sa pagtanggap ng iilang katungkulan sa pangasiwaan, na nauukol sa mga Pilipino, dahil sa mga sukal ng loob at mga kabalisahang idinudulot ng mga yaon ay naglalagay sa pamunuan ng mga bayan, ng mga lalong hangal at walang kakayahan, ng mga yumuyukod sa lahat ng bagay, ng mga maaaring magtiis ng lahat ng humaling at kahilingan ng kura at ng mga may- kapangyarihan. Kasama ng ganitong kahangalan sa mababang baitang ng kapangyarihan, at ng kamangmangan at kabalbalan sa dakong itaas, sa madalas na pagpapalit at walang- hanggang pag-aaral, kasama ng malaking takot at maraming salabid na pampangasiwaan, kasama ng isang bayang walang tinig, walang pagkukusa, kasama ng mga kawaning walang inaatupag kundi magkamal ng puhunan at makauwi sa kanilang bayan, kasama ng mga naninirahang buong pagtitiis na namumuhay sa sandaling sila'y makahinga-hinga, ay itatag ninyo ang kasaganaan, ang pagsasaka, ang industriya, magtatag kayo ng mga hanapbuhay, mga samahan, mga bagay na mahirap umunlad maging sa mga bayang malalaya't matibay ang pagkakatatag."

"Oo nga! Walang mapapala ang lahat ng pagsubok na hindi nagbubuhat sa malalim na pag-aaral ng kasamaang aming idinaraing. Ang ilan, upang malabanan ang katamaran, ay minarapat na dagdagan ang mga pangangailangan ng Indiyo, taasan ang mga buwis, at iba pa. Ano ang nangyari? Naragdagan ang mga salarin, nag-ulol ang karalitaan. Bakit? Sa dahilang ang Indiyo'y marami ng pangangailangang hinaharap sa simbahan, sa mga pagdiriwang nito, sa mga pamunuan ng balangay, mga paglalangis at mga suhol na kinakailangang gawin upang dumulas ang abang pamumuhay niya. Ang lubid ay labis-labis ng napipiting."

"Nakarinig kami ng maraming karaingan, at nababasa namin araw-araw sa mga pahayagan ang mga pagpipilit na ginagawa ng pamahalaan upang mahango ang bansa sa katamarang kinadoroonan. Kung hahatulan natin ang kanyang mga balak, mga pagkabigo at mga kagipitan, ay sumasagi sa isip namin ang alaala niyaong naghahalamang nagnanais na mapalaki ng mabulas at malago ang isang punong-kahoy na itinanim niya sa isang maliit na paso. Ginugugol ng naghahalaman ang mga araw niya sa pagpapataba at pagdidilig sa sandakot na lupa, madalas na pinupulak ang halaman, binabatak upang pahabain at madaliin ang paglaki, dinurugtungan niya iyon ng mga sanga ng sedro at ensina, hanggang sa isang araw ay namatay ang maliit na punong-kahoy, at naiwan ang taong naniniwalang siya'y kabilang sa isang uring mababa, at ibinubuhat sa lahat ng bagay ang pagkabigo ng ginawa niyang pagsubok, maliban sa kakulangan ng lupa at sa kanyang walang ngalang kabaliwan."

"Kapag walang pagtuturo at walang kalayaan, iyang lupa't iyang araw ng tao, ay walang pagbabagong magagawa, walang kaparaanang makapagbibigay ng bungang ninanasa. Ito'y hindi nangangahulugang hinihingi namin, unang-una, para sa Indiyo ang pagtuturo ng isang pantas at ang lahat ng mga kalayaang pinapangarap upang pagkatapos ay pahawakin siya ng isang asarol o ilagay siya sa isang talyer; ang gayong pagtatangka ay magiging isang kabalighuan at isang walang katuturang kabalbalan. Ang ninanasa nami'y huwag siyang hadlangan ng mga sagabal, huwag ng dagdagan pa ang maraming sagwil na idinudulot ng singaw ng lupa't ng kinaroroonan ng mga pulo, huwag siyang kulangan ng pagtuturo sa takot lamang na baka kung siya'y makaunawa na, ay humiwalay sa bansang nakakasakop o humingi kaya ng mga karapatang magiging karapat-dapat sa kanya. Sa dahilang malao't madali ay magiging mulat siya, naisin o hindi man naisin ng pamahalaan, ang pagkakamulat na iya'y maging parang isang handog sanang tinanggap at hindi isang naagaw sa pinanalunan. Ninasa naming ang politika'y paminsang maging matapat at makatwiran sana o kaya'y maghasik ng kabihasnan dahil sa kabihasnan at walang kinikimkim na kaisipan sa pagkilala ng utang na loob o ng kawalang turing, o kundi kaya'y matapang na mapagsamantala, mapaniil at masakim, ng walang pagbabalat-kayo't panlilinlang, sa pamamagitan ng isang pamamalakad na inisip na mabuti at pinag-aralan upang makapangyari at ng siya'y sundin, upang makapag- utos ng makapag-payaman at makapag-payaman upang guminhawa. Kung ang pipiliin ay ang una, makatitiyak ang pamahalaan na balang araw ay mag-aani siya ng bunga at matatausan niya ang isang bayang kanyang-kanya sa puso't mga kapakanan; walang makakatulad ang isang pagmamagandang-loob upang mabihag ang pakikipag-kaibigan o ang pakikipag-alit ng mga tao, kung pinamumuhunanan ng kabutihang-loob o kung ipinamumukha't ipinipilit kahit ayaw. Kung pipiliin naman ang kaparaanan ng pagsasamantala, na agpang at maayos, at lulunurin sa taginting ng ginto at sa kinang ng kariwasaan ang damdamin sa pagsasarili ng mga taong nasasakop, na sinusuklian ng kayamanan ang kawalan ng kalayaan, gaya ng ginagawa ng mga Inggles sa India, na bukod sa rito'y inihahabilin nila sa ilalim ng pamamahala ng mga pinunong tubo roon, kung gayo'y magbukas ng mga daan, mag-ayos ng mga lansangan, maglatag ng mga daang-bakal, pasiglahin ang kalayaan sa pangangalakal; na anupa't haraping lalo ng pamahalaan ang mga kapakanang pakikinabangan kaysa mga kapakanan ng apat na kumbento; magpadala ng mga kawaning matatalino na magpapasigla't magpapaunlad sa industriya; ng mga hukom na mapanghawak sa matuwid, na pawang mabuti ang bayad, na hindi nangungumit o nagpapasuhol, at nagwawaksi ng lahat ng pagsangkalan sa relihiyon. Ang politikang ito'y may kalamangan sa dahilang kung hindi magugupiling ng lubusan ang mga hilig sa kalayaan, sa araw man lamang na ang inang espanya ay mawalan ng mga bayang sakop ay maitatago naman niya ang gintong nalikom at hindi siya magdaramdam sa pag-aalaga't pagpapalaki sa mga anak na walang turing o walang utang na loob."

SA PAGIGING MANANG PANLAHAT NG SANGKATAUHAN NG LUPA

(Pinagkunan: Ang Mga Paglalaban Sa Mga Araw Natin)

"Ang lupa'y hindi maaaring di maging manang panlahat ng sangkatauhan, gaya rin ng hangin at ng tubig. Hangin, tubig at lupa ang bumubuo sa ating planeta at kinapapalooban ng tanang pagkukunan ng ikabubuhay at ng mga kakasangkapanin sa paggawa ng makakatulong sa pagbibigay kasiyahan sa ating mga pangangailangan. Kaululan ng mga kaululan ang lubusang pagkakaloob ng mga iyon, at sa ilalim ng katibayang hindi mababawi, sa mga samahan at mga tao."

"Ang buong talatang ito ay buong hapding aalingawngaw sa mga bayan-bayan sa Pilipinas. Doon, ang mga lupa sa mga bayan-bayan, ang mga lupaing nagpapakain sa libu- libong mga tagaroon, ay ibinigay sa maliliit na korporasyon ng mga tao, at ang mga taong ito'y ipinalalagay na wala ng kabuluhan at hindi na napapanahon. Ang mga prayle, na mga taong may panata ng pagpapakarukha, ay nagtatangkang kumamkam ng mga lupain sa mga bayang binungkal at dinilig ng pawis ng maralita upang sila'y makapamuhay sa kasaganaan at sa pagpapalalo, at sakaling may isang taong pangahas na humingi sa kanila ng mga katibayang pinanghahawakan nila sa pagmamay-ari, ay ipinagtatanggol ang kanilang sinamsam na pag-aari sa pamamagitan ng lakas, lakas na itinutulong sa kanila ng isang pamahalaang labis na mapagparaya."

SA HULING PATI NI DR. RIZAL TUNGKOL SA POLITIKA

(Pinagkunan: Huling Pati Ni Rizal Tungkol Sa Politika)

Sa Aking Minamahal Na Mga Magulang, Mga Kapatid At Mga Kaibigan:

"Ang pagmamahal na lagi ng sinimpan at iniukol ko sa inyo ay siyang nag-atas sa aking gawin ang hakbang na ito, na tanging ang hinaharap lamang na panahon ang makapagpapasya kung matuwid o hindi. Ang tagumpay ay siyang humahatol sa mga bagay- bagay, ayon sa kinakalabasan; nguni't maging sang-ayon o salungat man ang pasya ay lagi ng masasabing ang nag-utos sa akin ay ang aking tungkulin, at hindi kailangang ikamatay ko ang pagtupad sa kanya."

"Nababatid kong pinapagtiis ko kayo ng labis-labis, nguni't hindi ko pinagsisisihan ang aking ginawa, at kung ako lamang ay magsisimula uli ngayon ay gagawin ko rin ang gaya ng aking ginawa, sapagka't iyon ang aking tungkulin. Malugod akong yayao upang isuong sa panganib ang aking sarili; hindi bilang pagsisisi sa aking mga kamalian (na sa bagay na ito'y hindi ako naniniwalang nakagawa ng anuman), kundi upang bigyang wakas ang aking ginawa, at papagtibayin ng aking halimbawa ang lagi ng ipinangangaral ko."

"Ang tao'y nararapat mamatay alang-alang sa kanyang mga tungkulin at mga pananalig. Pinaninindigan ko ang lahat ng mga kaisipang ipinahayag ko hinggil sa kalagayan at sa hinaharap ng aking bayan, at dahil sa kanya'y natatalaga akong mamatay, at higit sa rito'y upang maikita ko kayo ng katarungan at katahimikan."

"Malugod kong isinasa-panganib ang aking buhay upang mailigtas ang napakaraming mga walang-sala, ang napakaraming mga pamangkin, ang napakaraming mga anak ng mga kaibigan at hindi kaibigan, na pawang naghihirap ng dahil sa akin. Sino ako? Isang tao lamang, halos walang kaanak at maraming kabiguan sa buhay. Nagkaroon ako ng maraming pagkabigo at madilim ang hinaharap na sa aki'y inihahandog, at lalo pang magiging madilim kung hindi tatanglawan ng liwanag ng bukang-liwayway ng aking Inang-bayan. Samantalang maraming taong puno ng pag-asa't mga pangarap ang magiging mapalad at magagalak, marahil, sa aking pagkamatay, palibhasa'y umaasa akong masisiyahan na ang aking mga kaaway, at hindi na nila uusigin pa ang napakaraming walang-kasalanan. Sa kabilang dako, ang poot nila'y makatwiran kung tungkol sa akin, nguni't hindi, kung tungkol sa aking mga magulang at kamag-anak."

"Kung magkakait sa akin ang kapalaran, ay alamin ng lahat na maligaya akong mamamatay, sa pag-aakalang dahil sa pagkamatay ko'y mabibigyan ko ng wakas ang lahat ng mga ipinaghihirap nila. Magsibalik sila sa ating lupang tinubuan at doo'y lumigaya nawa sila."

"Hanggang sa huling sandali ng aking buhay ay isasaisip ko kayo at sa inyo'y nanasain ko ang lahat ng uri ng kaligayahan."

-------o0o-------

Sa Mga Pilipino,

"Hindi mapag-aalinlanganang ang hakbang na aking ginawa o gagawin ay lubhang mapanganib, at hindi ko na kailangang sabihing yao'y inisip kong mabuti. Nababatid kong ito'y tinututulan ng lahat halos; datapwa't nababatid ko rin naman, na halos walang sinumang nakakaalam ng dinaramdam ng aking puso. Hindi ako maaaring mabuhay ng nalalaman kong maraming nagtitiis ng walang matuwid na mga pag-uusig dahil sa akin; hindi ako maaaring mabuhay kung nakikita kong nagdaralita ang aking mga magulang sa pinagtapunan sa kanila ng salat sa mga kaginhawahan sa kanilang tahanan, malayo sa kanilang Inang-bayan at sa kanilang mga kaibigan; hindi ako maaaring mabuhay kung namamalas kong pinag-uusig na parang mga salarin ang aking mga kapatid at ang marami nilang mga kaanak; minamagaling ko pang sagasain ang kamatayan, at malugod na iaalay ang aking buhay mailigtas lamang ang napakaraming walang-sala sa gayong buktot na pag-uusig. Natatanto kong sa ngayon, ang bahagi ng kapalaran sa hinaharap ng aking Inang-bayan ay naaatang sa akin; na kung ako'y patay na, ay maraming magtatagumpay, at dahil dito'y marami ang nagmimithi ng aking pagkapanganyaya. Nguni't ano ang gagawin? Higit sa lahat ay may mga tungkulin akong ini- aatas ng aking budhi; may mga kautangan akong dapat gampanan para sa mga angkang nangagtitiis, para sa aking mga matatandang magulang na ang mga buntunghininga'y naglalagos sa aking puso; nababatid kong ako lamang, kahit sa pamamagitan ng aking kamatayan, ang makapagpapaligaya sa kanila at makapagpapabalik sa kanilang Inang-bayan at sa katahimikan ng kanilang tahanan. Maliban sa aking mga magulang ay wala na akong iba pa; datapwa't ang aking Inang-bayan ay marami pang mga anak na maaaring humalili sa akin, at humahalili na nga ng may kalamangan sa akin."

"Bukod sa riyan ay ninanais ko rin namang ipamalas sa mga ayaw kumilala sa ating kagitingan na tayo'y marunong mamatay alang-alang sa ating tungkulin at sa ating pananalig. Ano ang kailangang mamatay, kung mamamatay naman ng dahil sa iniibig, dahil sa Inang- bayan, at dahil sa mga taong pinakamamahal?"

"Kung nababatid ko lamang na ako ang tanging kinasasandigan ng politika sa Pilipinas, at kung nananalig lamang ako na gagamitin ng mga kababayan ko ang aking mga paglilingkod, marahil ay mag-aatubili ako sa paggawa ng hakbang na ito; datapwa't mayroon pang ibang makakahalili sa akin, na humahalili sa akin ng may kalamangan; at higit pa sa rito'y may mga nag-aakalang ako'y kalabisan na marahil at ang mga paglilingkod ko'y hindi na kakailanganin, sapagka't ako'y ayaw na nilang pakilusin."

"Iniibig kong lagi ang aking abang Inang-bayan, at natitiyak kong siya'y iibigin ko hanggang sa huling sandali, sakaling ang mga tao'y magkait sa akin ng katarungan; at maligaya kong igagawad ang huling tibok ng buhay, at nasisiyahan sa pagdidili-diling lahat ng aking tiniis, ang aking kahapon, ang aking kasalukuyan at ang aking kinabukasan, ang aking buhay, ang aking pag-ibig, ang aking mga kaligayahan, ay pawang ipinara kong lahat alang- alang sa pag-ibig ko sa kanya. Anuman ang aking maging kapalaran ay mamamatay akong nagpapala sa kanya at nagmimithi ng bukang-liwayway ng kanyang katubusan."

"Ilathala ang mga sulat na ito pag ako'y patay na."

SA PARATANG KAY DR. RIZAL NA SIYA ANG SANHI NG PAGHIHIMAGSIK

(Pinagkunan: Pagtatanggol Sa Sarili Na Sinulat Ni Rizal Sa Kuta Ng Santiago)

"Sa Pilipinas ay walang ginagawang anumang bagay na hindi ako ang siyang pinararatangan. Nang ako'y nakasakay sa sasakyang-dagat na Castilla, ay may nagsabing ako raw ay nakita sa Kabite, may hawak na isang bomba ng dinamita, at ito'y pinaniwalaan ng marami. Ito'y sinabi sa akin ng Ginoong Komandante ng Castilla, nguni't ito'y hindi maaaring gamitin ng hindi muna isasangguni kay Ginoong Santalo, palibhasa ito'y sinabi niya sa dahilang ako'y siyang nagpahayag ng higit kaninuman, ako'y siyang lalong naging tapat sa pagsasabi ng iniisip at kailan ma'y hindi ako nagkunwari ni naglilo. Nang tuligsain ko ang pamahalaan dahil sa mga pagpapatapon sa aking kapatid at mga bayaw, ito'y ginawa ko ng hayagan, bagaman, marahil, ay may kasaklapan, datapwa't yao'y ginawa ko ng walang takip ang mukha. Pagkatapos, ng ipangako kong ang pulitika'y hindi ko na pag-aabalahan ay tinupad ko ang aking salita at tuluyang pinutol ko ang pakikipag-palagayang may uring politiko. Ako'y pinararatangan ng lahat sa dahilang ako'y siyang lalong naging buka ang bibig, datapwa't ang mga kaisipang nauukol sa paghiwalay ng Pilipinas sa espanya ay hindi ko kagagawan; mahanga pa'y bunga ako ng mga kaisipang iyon. Buhat noong 1884 ay ipinagbigay-alam ko na sa pamahalaan ang lakad ng mga pala-palagay, madalian kong hiningi ang ilang mga kaluwagan, gaya ng pagkakaroon ng mga kinatawan; isiniwalat ko ang mga pagmamalabis na ginagawa, ako'y siyang balbulang pasingawan. Pinaram ako noong 1892 sa pamamagitan ng pagkakapatapon, at nasarhan ang balbula. Ang nangyari sa aki'y gaya ng sa ilang karamdaman, katulad ng bulutong. Ako ang pinakalangib na kinakikilanlan ng karamdaman ng dugo; alisin ninyo ang langib, at gaya ng sinasabi ng karaniwang tao, ang bulutong ay lulubog at papatay sa maysakit. Ngayon, ang mangmang at ang mga manggagamot na hangal ay nag-aakalang ang langib ay siyang bulutong o siyang sakit; gayong sa katunayan, iya'y siyang kinakikilanlan lamang o kaya'y siyang labasan ng karamdaman. Ito'y siyang nangyari. Katulad ng kasabihang ang isang langay-langayan ay hindi nakakagawa ng tag-araw, gayon din naman, ang isang tao'y hindi nakakagawa ng isang paghihimagsik. Lahat ng pangangaral ni Pi y Margall, ni Zorilla at ni Zalmeron ay hindi nakakagawa ng isang paghihimagsik, gayong ang bayang kastila'y lalong paladigma, lalong mahirap supilin, lalong magagalitin. Ako'y hindi nakakahigit sa kaninuman sa mga dakilang republikanong ito, ni hindi ako nakakaabot sa kanilang bukong-bukong. Kung si Hesukristo, na, bagaman nangaral na angkin ang kataas-taasang kapangyarihang tinambalan pa ng kanyang mga kagila-gilalas na mga himala laban sa mga pari ng kanyang kapanahuhan, ay hindi nakagawa ng isang paghihimagsik kundi pagkaraan ng apatnapung taon buhat ng kanyang kamatayan, at ang gayo'y sa dahilang ang kanyang kamataya'y nakapagbigay ng maningning na putong sa kanyang mga aral."

SA MGA GINAWA NI DR. RIZAL PARA SA PAG-UNLAD NG BANSA

(Pinagkunan: Pagtatanggol Sa Sarili Na Sinulat Ni Rizal Sa Kuta Ng Santiago)

"Sa kabilang dako, ako'y tinutuligsa ng aking mga kasama at mga kababayan, gaya ng makikita sa mga ulat ng usapin, sa dahilang inaari nila akong kulang sa gawa at isang mapangarapin. Hinahangad ko muna ang pagkakaisa, ang pagtatatag ng mga pagawaan, ng mga industriya, ng mga bangko at iba pa. Dahil dito'y tumulong ako sa pagpapasigla at sa magugugol ng mga nag-aaral ng mga hanap-buhay at mga industriya sa Europa; nag-ukol din ako ng mahabang panahon sa pag-aaral ng seramika, pagkukulti ng balat ng hayop, paggawa ng semento at iba pa. Ang naging pangarap ko'y ang pagkakaunlad ng aking bansa. Nababatid kong sa pamamagitan ng mga sandata'y hindi maaaring makamit ang mga kalayaa't lalong hindi ang pagsasarili, sa dahilang ito'y hindi pahihintulutan ng mga ibang bansang mapanlupig, gaya ng Ingglatera, Alemanya at iba pa. Sasakmalin kami pagkatapos ng Hapon. Datapwa't kapag ang isang baya'y maunlad at mulat ay hindi na pahihintay ang mga kalayaan. Ninasa kong ang bayang Pilipino'y makaharap ng karapat-dapat, marangal, at mahal, yamang ang bayang dahil sa kanyang karuwagan at kasamaang-asal ay nagiging kasipha-siphayo ay natataya sa mga pagmamalabis at pagkaduhagi. Karaniwan ng ang tao'y umaapi sa hinahamak niya, at ito'y siyang nakaugalian kong sabihin sa mga nagsisidaing sa akin: "Kung tayo lamang ay lalong karapat-dapat ay hindi gagawin iyan sa atin." - At ito'y siyang isinasakit ngayon ng aking loob, sa pagkakamalas kung gaano kaimbi yaong, sa hangad na ako'y isakdal ay hindi nagbabantulot na magbulaan ng walang patumangga."

SA KUNG ANO ANG BATAYAN UPANG MAGING KARAPAT-DAPAT ANG ISANG BAYAN

(Pinagkunan: Pamahayag Sa Ilang Pilipino)

"Mga Kababayan: Nakapagbigay ako ng mga patotoo gaya ng nakapagbigay ng lalong marami, na ninanais ko ang mga kalayaan ng ating bayan at patuloy ang pagnanasa ko ng mga ito. Datapwa't inilalagay kong batayan ang pagkakatuto ng bayan, upang sa pamamagitan ng pag-aaral at ng paggawa ay magkaroon siya ng sariling katauhan at maging dapat siya sa mga iyon. Ipinayo ko sa aking mga sinulat ang pag-aaral, ang mga katangiang pambayan sapagka't kung wala ng mga ito ay wala namang katubusan. Isinulat ko rin (at ang aking mga pangungusap ay inuulit-ulit) na ang mga pagbabago, upang maging mabunga, ay dapat magmula sa itaas, sapagka't ang mga nagbubuhat sa ibaba ay walang katiyakan at mabuway."

SA MAGKASAMANG PAGYURAK NG PAMAHALAAN AT NG MGA PRAYLE SA PILIPINAS

(Pinagkunan: Sa Bansang espanya)

"Naghihingalo ang Pilipinas sa kanyang panghihina upang mabaon sa ganap na pagkaguho, sapagka't ang mga pamahalaan, sa halip na mapukaw ang damdamin sa mga pangangailangan niya upang ang mga ito'y lapatan ng lunas, ay napakakaladkad sa likod ng mga prayle, at sa pagtalikod sa lahat ng pagpapakundangan sa katauhan ay pinapagiging isang minang walang pagkaubos ang mga pulong ito ng kanilang panghuhuthot."

"Ang mga prayle'y isang palagiang hampas ng langit sa sangkapuluan. Sila'y walang tantang idinaraing ng bayang Pilipino sa harap ng pamahalaan ng madrid at ng Maynila; kailanma'y hindi dininig ang kanilang mga sumbong; manapa'y ang kanilang mga hibik, ang kanilang mga buntong-hininga'y iniinis ng mga kakila-kilabot na bala; hinahamak ang kanilang paghingi ng katarungan; ang kanilang mabubuting hangad sa pag-unlad ay pinatatapang ng malulupit na pag-uusig."

"Ang Bilibid, ang Marianas, ang Bagumbayan, ay siyang mga panakot, ang impiyernong pinagpaparusahan ng mga pamahalaan sa Pilipinong mangahas na humingi ng katarungan laban sa mga prayle na siyang makapangyarihang Diyos Pluton ng kapuluang Pilipinas!"

"Sa paggunita sa mga sangkap na ito ng pagpapahirap, walang tumatangkilik, walang katiwasayan sa sarili, walang malayang pahayagang magagamit, walang kaanu-anumang itinatadhana ng batas upang maibunyag ang masasamang gawa ng mga prayle at ng mga tagapamahala, ay kumakasangkapan sila ng mga kaparaanang sa wari'y di-karaniwan, upang alisan ang mga iyon ng pagbabalatkayo sa harap ng bayan, na siyang laging pinaghahabulan ng usapin ng bayan sapagka't siya lamang ang tanging hukumang walang-walang kinikilingan, na makapag-gagawad ng tunay na katarungan."

"Hindi na kailangang ulitin pa rito ang talaan ng mga kasamaang ginawa ng mga prayle at ng mga tagapamahala; iyon ay naisaysay na sa ibang pagkakataon, sa iba't ibang dahon, maninipis na aklat, at sa kasaysayan; ang tanging babanggitin na lamang dito ay ang mga kasamaang may isang taon pa lamang na ginawa at sa kasalukuya'y ginagawa pa."

"Si weyler, sa pagsaid sa mga kahuli-hulihang sandali ng kanyang pamamahala ay gumagawa ng malalaking panghuhuthot. Sa mga ito'y binabanggit ng tinig ng bayan ang kanyang kahiya-hiyang paghingi ng salapi sa samahan (na dayuhan pa naman) ng perokaril buhat sa Maynila hanggang Dagupan, upang tingnan kung ito'y magbibigay alang-alang sa pagpapasinaya niyon. Nang ipagbigay-alam ng kabalitaan ng The Hongkong Telegraph ang pagpapasinaya, ay hindi ipinaliwanag ang mga bagay-bagay na itong naging bukambibig, bagaman ibinunyag ang mga malalaking salabid, ang mga labis na pagdadahilang inihahadlang ng pamahalaan ni weyler upang papaghirapin at ipagpaliban-liban ang pagbubukas ng palingkurang-bayan, ng daang-bakal na ito."

"Ang pakikipaghamok sa Mindanao ay isang pakana upang tumagal ang kanyang panunungkulan sa pamahalaan, at iyo'y isa pang dahi-dahilan upang makapangulimbat ng anumang bagay sa guguling-bayan, sapagka't sa pook na iyon ay wala ni morong nanlalaban, ni pagdusta sa watawat na nararapat ipaghiganti; sa pandarayuhang militar na ito ni weyler ay maaaring ikapit ang kasabihang: sa isang morong patay, dakilang pagdaluhong."

"Samantala naman, ang markesa ng Tenerife, ang kadaki-dakilang ginang, gobernadora heneral ng kapuluan, mapanuyo sa mga prayle, mapanghuthot na walang kapantay, buhat sa Malinta o Malakanyang ay tumutuklas ng mga di-karaniwang kapangahasan upang mapiga ang mga bulsa ng mga Intsik at mga taal na tubo roon: naroong kasangkapanin ang kapangyarihan ng kanyang asawa, ng makasingil ng buwis sa mga paripa; naroong nagkakaloob ng pahintulot na binabayaran sa lahat ng pasugalan at sa iba't ibang pagkakataon ay sinasanay ang kanyang mga bataan sa paghingi ng pamaskong salapi sa mga Intsik, sa bawa't tindahan, sa bawa't bahay-kalakal, at sa panghihiram, na hindi na tinatangkang bayaran, sa mga gobernadorsilyo sa mga araw ng pagtanggap sa mga ito at paglutas ng mga suliraning pampamahalaan; ngayo'y inaangkin ang mga mahahalagang kurtina ng palasyo ng Malakanyang upang gawing kasuotan, mamaya'y nagtatatag ng mga ahensiya sa pagpapasok ng mga kawani, pagtatamo ng mga kaloob, mga biyaya, mga katibayan sa pamahalaan ng kanyang asawang hindi naman mahuhuli sa kanya sa panghuhuthot."

"Ang mga guwardiya sibil ay gumagawa ng mga dakilang pananampalasan sa udyok ng mga prayle upang maparami ang mga taong nalulukuban nila."

"Ang Bulakan, Pulo ng Negros, Laguna, Kapampangan, ay mga patotoong hindi mapapabulaanan ng kanilang mga pagmamalabis."

"Ang pamahalaan ng madrid, na ang kagawad-bansa ng mga Lupaing Sakop Sa Kabilang Ibayo Ng Dagat ay si fabie, sapagka't nabubulag sa pananalig sa ipinangangalandakang pamamayani ng mga prayle sa kapuluan, ay walang ginagawang anumang bagay, walang ipinagaganap na anuman hanggang hindi muna naisasangguni sa mga prokurador ng mga samahan ng mga prayle, at sa katunaya'y pinawalan ng bisa ang mga pagbabagong maka-kalayaan ni becerra, at pinapanumbalik ang mga bagay-bagay sa dating kalalagayan; at bilang putong ng mga kasaliwaang-palad na ito, bilang sukdulan ng kamangmangan tungkol sa katayuang pangkabuhayan at pampulitika ng bansa, ay nagtadhana, sa masamang oras, ng pagbabago ng buwis at pinatawan ng buwis ang pangangalakal sa malalapit na pulo, kautusan itong makakamatay sa Pilipinas, sapagka't pumatay sa kanyang pangangalakal, pumawi ng pakikipagkalakalan sa ibang bansa, na siyang ikinabubuhay niya at sa loob ng mahabang panahon ay siyang naging suhay, at ngayo'y siya pa ring suhay, ng kanyang pag-unlad sa pangangalakal."

"Ang katayuang nakalulupad sa mga lalawigang ito ay dahil sa kamalian ng dalawang pamahalaan, ng sa kapuluan at ng sa madrid, na kapwa sumusunod, sa ikapagtatamo ng sariling kapakanan, sa mga iniuudyok ng mga prayle."

"Hindi mapag-aalinlanganan; ang mga pamahalaan ay tumatangkilik sa mga prayle at ang mga prayle'y tumutulong sa mga pamahalaan at silang dalawa, sa isang pagsasabwatang karima-rimarim, ay kapwa sumisipsip ng labis-labis sa bansa."

"Ang mga obispo, sa halip na mamatnubay at mamahala sa isang paraang makakabuti sa mga kaluluwa ng kanilang mga tupa at kawan, ay walang hinaharap kundi magsabwatan laban sa mga kapakanan ng Sangkapuluan. Si hevia campomanes, buhat sa kanyang karurukang pagka-obispo sa Vigan, ay nag-iisip ng malalim upang makapagbangon ng isang kaguluhan, ng isang bagong paglalabanang katulad ng malaon ng nangyari sa Binundok, at ang hinahangad niya'y baka sa ganitong paraan ay gawin siyang arsobispo."

"Ang arsobispo, si bernardino nozaleda, sa pagsunod sa halimbawa ng kanyang hinalinhang si payo, na ang alaala ay nakakahapis, ay lagi ng kinakapulong ang kanyang mga kapatid, na dili iba kundi ang mga prayle."

"Wala siyang panahon upang magkumpil sa mga bata, datapwa't siya'y may labis na panahon upang gumawa ng mga pagdalaw."

"Ang Malinta, Imus, Navotas, ay siyang mga pook na kanyang dinarayo. Doon niya ginaganap ang pakikipulong, kasama ang mga prayleng rekoleto, pransiskano, agustino, at dominiko; iyon ang kanilang klub at doon nila binubuko ang mga paghihimagsik laban sa ikauunlad ng Pilipinas, laban sa mga anak ng Pilipinas. Ano kaya ang lalabas? Ano kaya ang tinig na manggagaling sa gayong mga napakalilihim na pagpupulong?"

"Mabubuksan kaya ang isang bagong panahon ng mga pag-uusig sa Pilipinas?"

"Tantuing mabuti: Ang Malinta ay siyang pook na kinawiwilihang paroonan ni weyler at ng kanyang maybahay, at dito lumitaw ang mga pagtatangka, ang mga simula ng mga paghihimagsik ng mga tulisang inupahan, na ang mga prayle ang siyang nag-udyok upang ligaligin ang katahimikan ng bayan, mga balak iyon na sa kabutihang-palad ay nabigo."

"Si Nozaleda ay may binabalak na kakila-kilabot; ang bagay na ito'y inihayag ng kanyang mga pagyayao't dito at ng kanyang pagkabalisa."

"Siya'y may pagka-Mazarini o Maquiavelo."

"Ang mga prayleng-kura ay nananampalasan ng mga babae, balo, may-asawa at mga dalaga sa mga bayan-bayan; nagmumura laban sa mga mason; nangangaral buhat sa pulpito laban sa mga mulat na anak ng bayan, at humihingi ng dugo sa pag-aglahi sa Inang-bayan sa pagsasabi nila ng: mga katoliko muna bago mga kastila."

"Sa pagtupad sa utos ng kanilang mga obispo, mga punong-pari at mga probinsiyal ay pinananatili nila sa walang tugot na pagkabagabag ang mga bayan-bayan."

"Sila ang itinuturo ng tinig ng bayan na may kagagawan ng mga sunog na madalas mangyari sa Maynila at sa mga bayan-bayan; at kinakasangkapan nila ang mga kamay na imbi't nagpapaupa upang maghasik ng sindak, takot at kapariwaraan sa mga mag-aanak at sa lipunan!"

"Hindi sila nag-aatubiling maging manununog matamo lamang ang kanilang mga imbing hangarin!"

"Nakakapagtakang totoo na ang isang taong nangumit ng orasan, ang kulang-palad na nagnakaw ng isang tinapay, ay madaling nadarakip; may matalas na mata ang guwardiya sibil para sa mga taong ito; nguni't sa kabilang dako, kailanma'y hindi nahuhuli ang imbing manununog; ang mitsa, ang katunayan ng kasalanan ay halos lagi ng natatagpuan sa dulaan ng kasalanan; datapwa't ang maysala ay hindi nahuhuli at ang sanhi nito'y dili iba kundi sapagka't makapangyarihang anino ang kumakanlong sa salarin."

"Sa wakas: gayon na lamang ang kanilang kapalaran sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan at kasalanan, na isang pahayagang Inggles, ng ito'y gumawa ng pagsusuri sa akdang ANG PILIPINAS na sinulat ni J. Foreman, ay nakapagsabi ng: "Ang sinasamantalang bayang sakop sa ilalim ng makamandag na lakas ng mga mapagkunwaring samahan ng mga prayle, ay dili iba kundi isang pastulan lamang ng mga masasamang hilig at ng panunuhol."

"Nakakahiya para sa mga pamahalaang kastila na ang mga taga ibang-lupa ang nakakapuna pa ng kagusutan, ng mga kasamaang nakakaligalig sa kanyang mga bayang sakop at sila ang naghihimutok sa gayong kalaking kapabayaan!"

"Umuurong ang Pilipinas sa paghanap ng kawalang anuman!"

"Yamang naubos na ang lahat ng kaparaanan, nagamit na ang lahat ng pamamalakad, ng pagsusuplong, pamamanhik, paghingi ng katarungan sa harap ng mga pamahalaan at mga hukuman ng karapatan laban sa mga pagmamalabis ng mga samahan ng mga prayle, at sa halip ng katarungan, ang natatamo'y bilangguan, pag-uusig at pagpapatapon; yamang ang pagpapalayas sa mga prayle ay hiningi na ni Simon de Anda at Salazar, na ang gunita ay di- mapaparam, at hanggang ngayon ay hinihingi ng aming matatapang na gobernadorsilyo ng Tundo, Binundok at Santa Cruz at ng mga bayang kalapit at ang kahilinga'y pinangangalawahan ng napakaraming taong gumawa ng mga hayagang patalastas, at ang kanilang makabayang pagsisikap ay pinarurusahan ng pagkakabilanggo at pagkakapatapon; ang kawalang kabuluhan ng mga prayle'y isinisigaw ng damdaming bayan, na ang mga daing ay hindi dinirinig at hindi inaalintana."

"Sa bansang ito, sa espanya, na sa loob ng mahabang panaho'y sinawi rin ng pamamayani ng mga samahan ding ito ng mga prayle, na ang makapangyarihang lakas ay naging dahilan ng malalaking kasiraan, naging dahilan ng pagkawala ng dalawang Amerika, nag-udyok at nagpaalab ng malaking pagkatakot sa dalawang digmaang panloob na dinanas ng bansa; sa espanya na nagdanas ng mga nakakapangilabot na pagkayanig ng makahayop na ingkisisyon na binalangkas ng mga prayleng ito, datapwa't sa wakas, sa lakas ng kaloobang lalake ay natuto ring magwaksi ng pamatok na mapang-api, tigmak sa dugo at bulag na pananampalataya: sa espanya, na sa ibabaw ng kanyang kagandahang-loob at ng mahabaging damdamin, ay nagpako ng tingin sa kabutihan ng kanyang mga anak at natuto, noong taong '35, na pagpupugutan ng ulo ang mga prayle sa mga lansangan ng barcelona at sunugin ang kanilang mga kumbento; sa espanya, na sa maluwalhating paghihimagsik ng '68 ay natutong magpalayas sa mga iyon sa kanyang mga lupain at sumamsam ng kanilang mga kayamanan; ay ISINASAMO at HINIHINGI ang gayon ding pagpapalayas sa mga samahang ito ng mga prayle sa lupang Pilipino, sa dahilang ang mga iyo'y nakakapinsala, sa dahilang ang mga iyo'y kaaway ng bansa."

"Kung hindi magkakagayon, kapag nawala ang kapanatagan ng loob, kapag nasaid ang napakahabang pagtitiis ng bayang Pilipino, ay tutularan nito ang maluwalhating kasaysayan ng inang-espanya, at sa sariling kalooban at sariling kapanagutan ay maggagawad siya ng katarungan."

"Upang malunasan ang kanyang nakakalunos na kalagayan, kapag hindi siya dininig ng espanya, sa araw na hindi inaasahan ay magbubukang-liwayway sa bayang Pilipino ang pag-iral ng batas ni Lynch, nakabitin ang mga ulo ng mga prayle sa mga durungawan ng kanilang kumbento at mga parokya, upang maging tudlaan ng paglibak, ng pagdusta ng mga tao."

"Sa kabuuan: Sa gitna ng pagpapabaya sa kanya at pagdadalamhati ay ibinabaling ng Pilipinas ang kanyang huli at hapis na tingin sa bansang espanya, upang dahil sa paniniwala niya sa masasamang gawa ng mga prayle at ng kanyang mga pamahalaan, ay walang habag na pabagsakin sa dalawang ito ang bigat ng kanyang makapangyarihang katarungan."

"Iadya nawa ng Diyos ang Inang-bayan, iligtas nawa ng Diyos ang Pilipinas!"

SA KASAGANAAN O KASALATAN NG MGA BAYAN

(Pinagkunan: Ang Hapunan - Noli me Tangere)

"...ang kasaganaan o kasalatan ng mga bayan ay umaalinsunod sa kanilang kalayaan o mga kaabalahan at sa gayo'y sa mga pagpapakasakit o pagkamakanyahin ng kanilang mga ninuno."

SA PANANAKOT

(Pinagkunan: Ang Tinig Ng Mga Pinag-uusig - Noli me Tangere)

"Ang pananakot ay may kabuluhan, kapag ang bayan ay alipin, kapag ang mga kabundukan ay walang mga yungib, kapag ang kapangyarihan ay maglalagay ng tanod sa bawa't punong-kahoy at kapag ang katawan ng alipin ay walang lulan kundi sikmura at bituka lamang; nguni't kapag ang taong wala ng pag-asa na magtatanggol sa kanyang buhay ay nakakaramdam, na ang kanyang bisig ay malakas, tumitibok ang puso at may taglay na kamuhian, ay mangyayari bagang masugpo ng pananakot ang lagablab na kanyang ginagatungan?"

SA KARAPAT-DAPAT PAGKALOOBAN NG LAKAS

(Pinagkunan: Ang Tinig Ng Mga Pinag-uusig - Noli me Tangere)

"...kung kikilingan natin ang lakas kaysa kabantugan at sa kabutihan, ay nararapat nating tingnang mabuti kung kanino natin ipinagkakaloob ang lakas na itong walang sagka, ang kapangyarihang ito. Ang ganyang kalaking kalakasan sa kamay ng mga taong mangmang na may taglay na masasamang hilig, walang pinag-aralan, walang karangalan, ay para ring isang sandatang nasa kamay ng isang baliw sa gitna ng maraming taong hindi makagalaw. Pumapayag ako't sumasang-ayon sa inyo na kailangan ng pamahalaan ang lakas na ito, nguni't nararapat na pumiling mabuti ng gagawing bisig, pumili ng mga lalong karapat-dapat; at yayamang ibig niyang bigyan ng kapangyarihan ang sarili kaysa siya'y bigyan ng bayan, ay ipakilala man lamang na marunong magbigay sa sarili ng gayon."

SA PAGHAHANGAD NG KABUTIHAN NG BAYAN

(Pinagkunan: Ang Angkan Ni Elias - Noli me Tangere)

"Ibig ko ang kanilang kabutihan, kaya't nagtatayo ako ng isang paaralan; hinahanap ko ang kabutihan niya sa pamamagitan ng pagdunong, sa unti-unting pagkakasulong; pag walang liwanag, ay walang landas."

SA PAGKAKAROON NG SARILING WIKA

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Salamat na lamang at mayroon kayong isang mulalang pamahalaan. Samantalang ipinipilit ng Rusya ang wikang Ruso sa Polonya upang ito'y kanyang maalipin, samantalang ipinagbabawal ng Alemanya ang wikang Pranses sa mga lalawigang kanyang nasakop, ang inyong pamahalaan naman ay nagpupunyagi na huwag alisin sa inyo ang sariling wika, datapwa't kayo, bayang kahanga-hanga, na hawak ng isang pamahalaang hindi malirip, kayo'y nagpupumilit na iwan ang inyong katangian sa pagkabansa! Ang isa't isa sa inyo ay nakakalimot, na, samantalang ang isang bayan ay may sariling wika, at taglay niya ang kanyang kalayaan, gaya rin naman ng pagtataglay ng tao ng pagsasarili, samantalang tinataglay ang kanyang sariling pagkukuro. Ang wika ay siyang pag-iisip ng bayan. Mabuti na lamang at ang inyong pagsasarili'y sadyang darating; inaandukha siya ng mga kalaswaan ng tao...!"

SA PAGTAYO SA SARILING PAA NG MGA PILIPINO

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Ako ay isang hukom na may nasang magparusa sa isang pamamahala, na ang gagawing kasangkapan ay ang sarili niyang kasamaan: bakahin siya sa paraang siya'y ayuin...Kailangan kong ako'y inyong tulungan, gamitin ninyo ang inyong kayang makaakit sa kabataan upang labanan ang baliw na nasang maki-kastila, pakiki-ugali, pagpapantay-pantay sa karapatan...Sa landasing iyan ay ang maging isang masamang huwad lamang ang matatamo, at nararapat na ang bayan ay lumingap ng lalong mataas. Isang kabangawan ang akitin ang pag-iisip ng mga namamahala; mayroon na silang takdang balak, may piring ang mga mata, at bukod sa ang gayon ay isang pag-aaksaya ng panahon, ay dinadaya pa ninyo ang bayan sa mga pag-asang hindi mangyayari at nakakatulong pa kayo upang yumuko sa harap ng nanduduhagi. Ang dapat ninyong gawin ay samantalahin ang kanyang mga pag-aalinlangan sa kapakinabangan ninyo. Ayaw kayong ihawig sa kastila? Mabuti! Sa gayon ay magpakatangi kayo sa pagbabadha ng sariling kaugalian, itayo ninyo ang tuntungan ng bayang Pilipino...Aayaw kayong bigyan ng pag-asa? Mabuti nga! Huwag kayong umasa sa kanya, asahan ninyo ang sarili at kumilos kayo. Aayaw kayong bigyan ng kinatawan sa cortes? Lalong mabuti! Kahit na kayo makapagpadala roon ng kinatawan na mahahalal ng ayon sa inyong hangad, ano ang magagawa ninyo roon kundi malunod sa gitna ng maraming tinig at sang-ayunan, sa pamamagitan ng inyong pagkakaharap doon, ang mga kapaslangan at kamaliang gawin? Samantalang lalong kakaunti ang mga karapatang ipinagkaloob sa inyo ay lalo namang malaki ang inyong karapatan sa pagpawi ng pasanin at gantihan sila ng masama sa kanilang kasamaan. Kung ayaw ituro sa inyo ang kanilang wika ay pag-aralan ninyo ang inyo, inyong pakalatin, bayaang mamalagi sa bayan ang sariling pag-iisip, at sa pagnanasang maging isang lalawigan ay ipalit ang hangad na maging bansa, sa paghahakang sumasalilong ay paghahakang malaya; ni sa hilig, ni sa salita ay huwag mangyaring maipalagay ng kastila na siya'y parang nasa bahay niya rito, ni ipalagay ng tagarito na sila'y kababayan kundi manlulupig magpakailan man, dayuhan, at sa malao't madali'y tatamuhin ninyo ang inyong kasarinlan."

SA HABILIN SA ATIN NG MGA BAYANI

(Pinagkunan: Ang "Nochebuena" - Noli me Tangere)

"Mamamatay ako ng di nakikitang ang kaliwanagan ay nagniningning sa aking bayan. Kayong sa kanya'y makakamalas ay batiin ninyo siya...huwag ninyong limutin ang mga lumagpak sa gitna ng kadiliman ng gabi."

SA PARAANG GINAMIT UPANG MAPADALI ANG PAGLILIWANAG

(Pinagkunan: Si Simoun - El Filibusterismo)

"Magtiis-tiis muna kayo, kayong mga nagpamana sa akin ng isang pangalan at isang tahanan, magtiis-tiis muna kayo. Lahat ay nawala sa akin, ang bayan, ang kinabukasan, sampu ng inyong mga libingan...nguni't magtiis-tiis muna kayo! At ikaw, budhing marangal, dakilang kaluluwa, pusong mapaglingap, na nabubuhay sa iisang hangad lamang at ipinara mo ang iyong buhay na hindi man nag-antay ng pasasalamat at paghanga ng kahi't sino, magtiis ka muna, magtiis-tiis ka! Ang mga kaparaanang ginagamit ko, ay hindi marahil ang ginamit mo, nguni't siyang lalong madali...Nalalapit na ang araw, at pagliliwanag, ako na rin ang magbabalita sa inyo. Magtiis-tiis kayo!"

SA DAPAT GAWIN NG ISANG PAMAHALAAN

(Pinagkunan: Si Ginoong Pasta - El Filibusterismo)

"Ang mga pamahalaan ay itinatag upang ikagaling ng mga bayan, at upang makatupad ng lubos sa layunin niya ay dapat umalinsunod sa kahilingan ng mga mamamayan na siyang lalong nakakabatid ng kanilang mga kailangan..."

"Ipagpatawad po ninyo," ang putol ni Isagani na namuhi sa mga pangangatwirang ginamit sa kanya ng abogado, "pag sa makatwirang paraan, ang isang bayan ay humihingi ng ano man sa isang pamahalaan, ay sapagka't inaakalang mabuti at nalalaang pagkalooban siya ng isang kabutihan, at ang kagagawang ito ay hindi dapat makamuhi sa kanya kundi bagkos pa ngang dapat makagalak; humihingi sa ina, sa ina-inahan ay hindi, magpakailan man. Ang pamahalaan, sa ganang lahat kong pag-aakala, ay hindi isang may laganap na paningin na nakikita't napaglalaanan ang lahat ng bagay, at kahi't na maging gayon ay hindi mangyayaring mamuhi, sapagka't naririyan ang pananampalataya na walang ginagawa kundi maghihingi sa Diyos na nakakakita at nakakakilala ng lahat ng bagay, at kayo man ay humihingi at humihiling ng maraming bagay sa mga hukuman ng pamahalaan ding iyan, at ni ang Diyos, ni ang pamahalaan hanggang sa ngayon ay hindi pa nagpapahalata ng kamuhian. Nasa budhi ng lahat, na ang pamahalaan, dahil sa siya'y itinatag ng mga tao, ay nangangailangan ng tulong ng iba, nangangailangang ipakita at iparamdam sa kanya ang katunayan ng mga bagay-bagay. Kayo na sa sarili ay hindi naniniwalang lubos sa katotohanan ng inyong mga ikinatwiran; kayo sa sarili'y alam ninyong marahas at di-natutuntong sa matuwid ang pamahalaan, na upang makapagparangal ng kalakasan, pagkamapagsarili, ay nagkakait ng lahat ng bagay, sa katakutan o sa kakulangan ng tiwala, at ang mga bayang dinadahas at inaalipin ay siya lamang may katungkulang huwag humingi ng kahi't ano magpakailan man. Ang isang bayang nasusuklam sa kanyang pamahalaan ay walang dapat hilingin dito kundi ang iwan ang pamamahala."

SA DI-PAGGAWA NG UKOL SA BAYAN

(Pinagkunan: Si Ginoong Pasta - El Filibusterismo)

"Pag nagkaroon na ako ng mga ganyang uban, ginoo," ang sagot na malungkot din ni Isagani, "at pag inilingon ko ang aking paningin sa nakaraan at nakita kong wala akong ginawa kundi ang ukol sa sarili, na hindi ginawa ang mangyayaring gawin at dapat kong gawing ukol sa bayang nagbigay sa akin ng lahat ng bagay, ukol sa mga mamamayang tumutulong sa aking kabuhayan, ang bawa't uban ay magiging isang tinik sa akin, at hindi ko sila ikakarangal bagkos ikakahiya."

SA MGA NASAWING ANAK NG BAYAN

(Pinagkunan: Isang Bangkay - El Filibusterismo)

"Humimbing kang mapayapa, sawing anak ng aking walang kapalarang bayan! Dalhin mo sa libingan ang kariktan ng iyong kabataan, na nilanta sa gitna ng paglusog! Kapag ang isang bayan ay hindi makapaghandog sa kanyang malilinis na dalaga ng isang payapang tahanan, sa pagkupkop ng banal na kalayaan; kapag ang tanging maipapamana ng lalake sa kanyang balo ay kahihiyan, pagluha sa ina at kaalipinan sa mga anak, mabuti nga ang kusain ninyo ang huwag ng magbunga, at lunurin na sa inyong tiyan ang binhi ng mga kalait-lait na iaanak. Ah, mabuti ka na, hindi ka na mangingilabot sa iyong libingan sa pagkadinig ng sigaw ng mga naghihingalo sa kadiliman, ng mga nakakabatid na sila'y may pakpak nguni't nangakagapos, ng mga naiinis dahil sa walang kalayaan! Tumungo ka, na kaakbay ng mga pangarap ng makata sa kalangitang walang-hanggan, anino ng babaing nabanaag sa isang sinag ng buwan, na ibinubulong ng maigkas na kawayanan...Mapalad ang mamatay ng mayroong umiiyak, na nag-iiwan sa puso ng sa kanya'y umiibig ng malinis na gunita, isang banal na alaala, na hindi nadungisan ng karumal-dumal na sigabo ng kalooban, na lalong lumalaki sa katagalan ng panahon! Sumulong ka, aalalahanin ka namin! Sa malinis na simoy ng ating bayan, sa ilalim ng kanyang langit na bughaw, sa ibabaw ng alon ng lawang nakukulong ng bulubunduking kulay sapiro at baybaying esmeralda; sa kanyang malilinaw na batisan na nalililiman ng mga punong-kawayan, hinihiyasan ng mga bulaklak at binibigyang-buhay ng mga tutubi't paro-paro sa kanilang walang tungo at malikot na pagliliparan, na waring nangagsisipaglaro sa hangin; sa katahimikan ng ating mga gubat, sa awit ng ating mga batisan, sa buhos na brilyante ng ating mga talon ng tubig, sa maningning na liwanag ng ating buwan, sa mga buntong-hininga ng hangin sa gabi, sa isang sabi, sa lahat ng bagay na makapagpapaalaala sa larawan ng ginigiliw, ay makikita ka naming gaya ng pinapangarap naming anyo mo na marilag, maganda, nakangiting gaya ng pag-asa, kasinlinis ng liwanag, datapwa't malungkot at mapighating tinatanaw ang aming karumal-dumal na kalagayan."

SA SINIRANG PANGAKO NG MGA KASTILA

(Pinagkunan: Ang Mataas Na Kawani - El Filibusterismo)

"Ayokong sa mga darating na panahon ay masabing siya'y ina-inahan ng mga bansa, manghihitit ng mga bayan, maniniil ng maliliit na pulo, sapagka't ang gayo'y kakila-kilabot na lait sa mga mararangal na adhika ng ating mga unang hari! Papaano ang ginagawa nating pagtupad sa kanilang mga banal na habilin? Pinangakuan nila ang mga pulong ito ng pag- aampon at matwid, at pinaglalaruan natin ang buhay at kalayaan ng kanyang mga mamamayan; pinangakuan nila ng kabihasnan, at pinagkakaitan natin dahil sa katakutang magnasa ng isang lalong marangal na kabuhayan; pinangakuan sila ng liwanag, at binubulag natin ang kanilang mga mata upang huwag makita ang ating mga kalaswaan; pinangakuang tuturuan sila ng mga kabaitan at pinaaayuan natin ang kanilang masasamang hilig, at, sa lugar ng kapayapaan at ng katwiran, ang naghahari ay ang pag-aalinlangan, ang kalakal ay namamatay at ang di-pananalig ay lumalaganap sa taong-bayan."

SA PAGKAKAIT NG LIWANAG SA ISANG BAYAN

(Pinagkunan: Ang Mataas Na Kawani - El Filibusterismo)

"Kapag ipinagkakait sa isang bayan ang liwanag, ang tahanan, ang kalayaan, ang katwiran, mga biyayang kung wala ay hindi maaaring mabuhay at dahil nga doo'y sila ang taglayin ng tao, ang bayang iyan ay may karapatang ariin, ang sa kanya'y nag-aalis ng mga gayon, na waring isang magnanakaw na humaharang sa atin sa daan; walang kabuluhan ang mga kataliwasan, wala kundi iisang pangyayari, isang pag-aari, isang pagtatangka, at ang sino mang taong may kapurihan na hindi kumampi sa hinalay ay nakikitulong, at dinudungisan ang sariling budhi."

SA ISANG PAMAHALAANG WALANG KASAPATAN

(Pinagkunan: Kasawian - El Filibusterismo)

"Sa kanyang di-kasapatan, ang pamahalaan ay nagpapakita ng kalakasan sa mga taong kanyang pinaghihinalaan, upang sa kapapahirap ay di-mahalata ng mga bayan ang kanyang kahinaan, ang takot na nagtatakda ng mga gayong kautusan."

SA MGA KABATAANG INAASAHAN NG BAYAN

(Pinagkunan: Wakas - El Filibusterismo)

"Nasaan ang kabataan na naglalaan ng kanilang mga magagandang sandali, mga pangarap at kasigabuhan sa ikabubuti ng kanilang bayan? Nasaan ang malingap na magbububo ng kanyang dugo upang hugasan ang ganiyan karaming kahihiyan, ang gayon karaming pagkakasala, ang gayon karaming bagay na kamuhi-muhi? Malinis at walang bahid-dungis ang kailangang maging buhay na alay upang ang handog ay maging karapat- dapat...Saan kayo nangaroroon mga kabinataan, na magtataglay ng lakas ng buhay na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng mga pagkukuro na nadungisan sa aming mga kaisipan at ng lagablab ng sigabo na namatay na sa aming mga puso? Inaantay namin kayo, O mga binata! Halikayo at kayo'y aming inaantay!"

SA PAGMANA NG YAMAN NG ISANG LAHI

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Dapitan; Hulyo 4, 1895)

"Naniniwala ako, samakatwid, na ang pang-unawa ay mana-mana: ang mga lahing dahil sa mga tanging kalagayan nila'y napilitang gumamit ng kanilang utak ay lalong nakapagpaunlad niyon, pagkatapos ay ipinamana ito sa kanilang mga anak, na nagpatuloy naman ng pagbungkal niyon at iba pa. Ang mga bansa sa Europa ay mayayaman, datapwa't ang mga bansang pangkasalukuyan ay hindi makapagsasabi, ng walang kapangahasan, na sila'y ipinanganak ng mayaman: nangailangan sila ng mga daan-daang taon ng pakikibaka, ng mga pantas na pag-aangkop-angkop, kalayaan, mga batas, mga palaisip at iba pa, na sa kanila'y nagpamana ng mga kayamanang ito. Ang mga lahing ngayo'y matatalino ay naging matalino pagkaraan ng isang mahabang pagmamana-manahan."

SA KALAYAAN

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 18 Rue de Rochechouar, Paris; Abril 2, 1889)

"Ang kalayaan ay isang babaing nagkakaloob lamang ng paglingap sa mga matatapang. Ang mga bayang alipin ay kailangang magtiis ng malaki upang siya'y magtamo, at ang mga nagpapakalabis naman sa kanya ay nawawalan nito. Ang kalayaan ay hindi nakukuha sa pagayon-gayon lamang at hindi ibinibigay ng walang bayad."