Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!

SA LUBOS NA PAGTANGGAP AT PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan; Setyembre 1, 1892)

"...maminsan-minsa'y nagdarasal din ako, nguni't ang totoo'y wala akong naiisip na hingin kapag nananalangin ako. Inaakala kong mayroon na ako ng lahat, at sa dahilang lahat ng nangyayari sa aki'y buhat sa Kanyang kalooban, kaya ako'y nasisiyahan na't nagtitiis. Ito ba'y pagkamahiligin sa kasawiang-palad ng taga-Silangan? Aywan ko, nguni't ang nasasabi kong lagi sa sarili ay ito: ako'y gagawa at gagawin ko ito at iyon, nguni't ang Diyos din ang laging masusunod. Dahil dito'y patuloy ako!"

SA DAPAT GAWIN NG MGA IBA'T IBANG RELIHIYON SA BUHAY NG TAO

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan; Nobyembre 11, 1892)

"...alinmang relihiyon ay hindi nararapat magbinhi sa mga tao ng pagiging magkakaaway kundi ng pagiging magkakapatid at mabuting magkakapatid... Nagpapalagayan silang parang dalawang tagapaglingkod ng iisang Diyos, at sa halip na sila'y magparaan ng panahon sa pagkakagalit, ay nagsisitupad ng kani-kanilang tungkulin, na anupa't ipinauubaya sa kanilang panginoon ang pagpapasya, pagkatapos, kung sino sa kanila ang lalong mabuting magpakahulugan sa Kanyang kalooban."

SA KUNG SINO ANG MAKAPANGYARIHANG LUMALANG SA LAHAT

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan; Enero 9, 1893)

"Higit sa pananampalataya, sa pagkukuru-kuro at sa pangangailangan ay buong katibayang-loob na naniniwala akong may isang Makapangyarihang lumalang sa lahat. Sino Siya? Anong tinig ng tao, anong mga pantig ng salita ang bumubuo ng pangalan ng Makapangyarihang iyan na ang mga gawa'y nakalilito sa dili-diling umiisip sa mga ito? Sino ang makapagbibigay sa Kanya ng angkop na pangalan, gayong ang isang hamak na nilikha sa lupang ito, na sasandali lamang ang kapangyarihan, ay may dalawa o tatlong pangalan, tatlo o apat na apelyido at maraming titulo't apelyido? Tinatawag natin siyang DIYOS nguni't ito'y nagpapaalala lamang sa DEUS ng mga Latino, o kaya'y sa ZEUS ng mga Griyego. Anu-ano ang Kanyang mga katangian? Iuukol ko sa Kanya ang lahat ng magaganda't banal na katangiang maaaring ibunga ng aking isip, sa isang antas na walang-hanggan, kung hindi ako pipigilin ng takot ng aking kamangmangan. May isang nagsabi na bawa't tao'y gumugunita sa isang diyos na kaparis at kamukha niya, at kung hindi ako namamali, si Anacreonte ay nagsabing kung ang isang toro'y makapag-iisip ng gaya ng isang diyos, ay iisip siya ng isang sungayan at uunga ng gayon na lamang kalakas. Gayunma'y pinangangahasan kong paniwalaang labis-labis ang Kanyang karunungan, kapangyarihan at kabutihan; ang aking isipan tungkol sa kawalang hanggan ay hindi ganap at malabo sa pagkakamalas sa mga kahanga-hangang gawa Niya, ang kaayusang naghahari, ang kagandahan at kalawakang nakalilito at ang kabutihang nagniningning sa lahat. Ang mga paghuhulu-hulo ng isang hamak na uod, na siyang kahuli-hulihan sa lupang ito, ay hindi makasisira kailanman, magpakabaliw-baliw man, sa di-matingkalang kadakilaan Niya. Isipin lamang ay nanliliit na ako, ako'y nalulula at di-miminsang tinangka ng aking isip na itingala ang mga mata sa Makapangyarihang iyan, nguni't sa tuwing gagawin ay litong napapatungo, nasisilaw at nadaraganan. Pinanghihilakbutan ako sa takot, at minamabuti kong huwag kumibo kaysa maging toro ni Anacreonte."

"Taglay ang malabo nguni't di-mapaglabanang damdaming ito sa harap ng di-sukat malirip, ng higit sa kakayahan ng tao, ng kawalang-hanggan, ay ipinauubaya ko ang pagsusuri sa lalong maniningning na kaisipan, walang kibong pinakikinggan ko ang mga sinasabi ng mga relihiyon, at sa kawalang-kayang humatol sa nasa kabila ng aking kakayahan, ay magkakasya na lamang ako sa pagsusuri sa mga nilikha Niya, na aking mga kapatid, at sa tinig ng aking budhi na sa Kanya lamang maaaring manggaling. Tinatangka kong basahin at hulaan ang Kanyang kalooban, sa pamamagitan ng nakapaligid sa akin at sa mahiwagang damdaming nararamdaman kong nasa kalooban ko, na sa ibabaw ng lahat ng bagay ay sinisikap kong maging malinis, upang makagawa ng naaayon sa Kanya. Marami sa mga relihiyon ang nagpapalagay na sa kanilang mga aklat at mga aral ay nalilimi at nasasaad ang kaloobang iyan, nguni't bukod sa maraming pagkakasalungatan, ng iba't ibang pagpapakahulugan sa mga salita, sa maraming bagay na malabo at hindi mapaninindigan, ang aking budhi, ang aking isip ay hindi makapayag kung paanong Siya, na sa Kanyang karunungan at pagka-Ama'y nagbigay sa Kanyang mga nilalang ng lahat ng kailangan sa buhay na ito ay maglilibing ng kinakailangan para sa buhay na walang-hanggan sa mga ulap ng isang wikang hindi kilala ng ibang bahagi ng daigdig, na pinadidilim ng mga talinhaga at pangyayaring nalalabag sa mga batas na Siya rin ang nagtakda. Siya, na nagpapasikat ng Kanyang araw para sa lahat at nagpapalibo't ng hangin sa lahat ng dako, upang buhayin ang dugo, Siya na naggawad ng katalinuhan at katwiran sa lahat upang mabuhay sa buhay na ito, Siya ba ang magtatago ng lalong kailangan sa buhay na walang-hanggan? Ano ang masasabi natin sa isang amang ang kanyang anak ay pinupuno ng kakanin at laruan, nguni't isa lamang sa kanila ang pinakakain, iisa ang pinapag-aaral at tinatangkilik? At kung ang mangyari, pagkatapos, ay tanggihan ng itinatanging ito ang pagkain, samantalang ang iba'y nangamamatay halos sa paghanap ng pagkaing iyan?"

SA PANANAMPALATAYA AT SA PAGPAPAHAYAG

(Pinagkunan: Si Dr. Rizal kay Pablo Pastells; Dapitan; Abril 4, 1893)

"Lubos tayong nagkakaisa sa pag-aming may isang Diyos; bakit ko ito pag-aalinlanganan sa ako'y naniniwalang may buhay ako? Ang naniniwala sa bunga ay naniniwala sa nagbunga. Ang pag-aalinlangan sa Diyos ay katulad ng pag-aalinlangan sa sariling budhi, at dahil dito'y para na ring nag-alinlangan sa lahat; kung gayo'y ano ang kahulugan ng buhay?"

"Ngayon, ang pananampalataya ko sa Diyos, kung matatawag na pananampalataya ang bunga ng isang pagkukuro, ay bulag, bulag sa kahulugang walang nauunawa. Ni hindi ako naniniwala sa mga katangiang iniuukol sa Kanya ng marami: nangingiti ako sa harap ng mga pakahulugan at mga sali-salimuot na pagkukuro ng mga teologo at mga pilosopo sa di- masaysay at di-matarok na tinugang (ser) iyan. Sa harap ng aking matibay na pananalig na ako'y nasa harap ng pinakadakilang Suliranin, na ibig ipaliwanag sa akin ng mga tinig na nakalilito, ay hindi maaaring di ako sumagot: Maaari nga, nguni't ang Diyos na nararamdaman ko ay lalu't lalong dakila, lalu't lalong mabuti: Plus Supra!"

"Hindi ko ipinalalagay na hindi mangyayari ang pagpapahayag ng Diyos, bagkus pa ngang ito'y pinaniniwalaan ko; datapwa't hindi ang paghahayag o maraming paghahayag na inaangkin ng bawa't relihiyon o ng lahat ng relihiyon. Sa isang walang pagkiling na pagsusuri, pagpaparis-paris at pagsisiyasat sa mga iyon ay dili ang hindi mapagkilala ng sinuman sa kanilang lahat ANG KUKO NG TAO at ang tatak ng panahon ng sulatin ang mga iyon. Hindi; ginagawa ng tao ang kanyang Diyos na kalarawan niya at kawangis at pagkatapos ay ipinaangkin sa Diyos ang sarili niyang ginagawa, katulad ng pagpili ng mga maharlikang Polako sa kanilang hari, upang pagkatapos, ay ipasunod dito ang kanilang kalooban. Ganyan din ang ginagawa nating lahat, gayundin ang Inyong Kamahalan ng sabihin ninyo sa aking: "Ang gumawa ng mga mata'y hindi ba makakakita? Ang yumari ng tainga'y hindi ba makakarinig?" Ipagpatawad sa akin ng Inyong Kamahalan, nguni't yamang napag-usapan na rin lamang natin ang toro ni Anacreonte, ay pakinggan natin ang kanyang pag-unga: Ang gumawa ng sungay ay hindi ba marunong manuwag? Hindi, ang ipinalalagay nating isang bagay na walang kasing buti ay maaaring isang kapintasan sa Diyos."

"Huwag, huwag tayong gumawa ng isang Diyos na kalarawan natin, tayong mga kaawa-awang mamamayan sa isang munting planetang nawala sa kalawakang walang-hanggan. Magpakaningning-ningning man at magpakagaling-galing ng ating isip ay ni hindi magiging isang munting kislap na magliliwanag at mamamatay sa isang sandali, at kung siya lamang mag- isa ay hindi makapagbibigay sa atin ng kahulugan ng sigang iyan, ng sunog na iyan, ng karagatang iyan ng liwanag."

"Naniniwala ako sa pagpapahayag, nguni't sa pagpapahayag ng kalikasang nakaliligid sa atin sa lahat ng dako, sa malakas na tinig na iyan, walang-hanggan, walang tigil, hindi mapasasama, maliwanag, naiiba, pangkalahatang katulad ng dakilang tinugang (ser) kanyang pinanggalingan, sa pagpapahayag na iyang sa ati'y nagsasalita at naglalagos buhat sa ating pagsilang sa maliwanag hanggang sa ating kamatayan. Aling mga aklat ang lalong makapaghahayag sa atin ng kabutihan ng Diyos, ng Kanyang pag-ibig, ng Kanyang pagtatalaga, ng Kanyang kawalang-hanggan, ng Kanyang kaluwalhatian, ng Kanyang karunungan? Coeli enarrant gloriam Domini, et opera manum ejus anunciat firmamentum (Ang mga langit ay nagsasaysay sa kaluwalhatian ng Panginoon at ang mga bituin ay nagpapakilala sa mga gawa ng Kanyang mga kamay). Ano pang bibliya at ano pang mga ebanghelyo ang ibig ng sangkatauhan? Ah! Hindi ba inaakala ng Inyong Kamahalan na napakasama ang ginawa ng mga tao sa paghanap sa kalooban ng Diyos sa mga pergamino at mga templo, sa halip na hanapin ang kaloobang iyan sa mga likha ng Kalikasan at sa silong ng kagalang-galang na bubong ng mga langit? Sa halip na pakahuluganan ang mga gawa ng Kalikasan upang ang buhay nati'y maiangkop na lalo sa di-malalabag na mga batas niya at gamitin ang kanyang lakas sa ganap na ikabubuti natin? Kailan nagsimulang maging magkakapatid sa gawa ang mga tao kundi ng kanilang matunghayan ang unang dahon ng akda ng Diyos? Katulad ng anak na bulagsak, na, sa kabulagan sa harap ng kaligayahang handog ng tahanan ng kanyang mga magulang ay humanap ng iba, ang sangkatauha'y parang isang kahabag-habag at puno ng sama ng loob na nagpagala-gala sa loob ng maraming daantaon."

"Hindi ko itinatangging may mga kautusang lubhang kailangan at kapaki-pakinabang na hindi natatausang maliwanag sa kalikasan, nguni't ang mga kautusang iya'y inilagay ng Diyos sa puso, sa budhi ng tao, na siyang pinakamagaling na templo nila, at dahil diya'y lalo kong sinasamba ang Diyos na iyang napakabuti, maalalahanin, na nagkaloob sa bawa't isa sa atin ng kinakailangan upang tayo'y makaligtas, na lagi ng inilalaan sa ating bukas ang aklat ng Kanyang pagpapahayag at walang puknat na pinagsasalita ang Kanyang kinatawan sa tinig ng ating budhi."

"Dahil dito'y ang mga relihiyong lalong mabubuti ay siyang lalong madaling maunawa, siyang lalong naaangkop sa Kalikasan, siyang lalong katugma ng mga pangangailangan at mga hangarin ng tao, at narito ang lalong pangunahing katangian ng aral ni Kristo."

"Hindi ako nangungunang-bait sa pagsasabing sa Diyos lamang maaaring magbuhat ang tinig ng aking budhi: ito'y isang pasyang bunga lamang ng aking hinuha. Hindi maaaring ako'y lalangin ng Diyos upang pasamain, sapagka't ano ang ginagawa ko sa Kanya, bago Niya ako lalangin, upang nasain Niya ang aking kapahamakan? Ni hindi dapat na ako'y lalangin Niya upang mauwi lamang sa wala, o sa kawalang anuman, sapagka't ano ang katuturan ng aking mga pagtitiis; ano ang kahulugan ng banay-banay na paghihirap sa walang lagot kong pagnanasa? Nararapat akong lalangin para sa isang mabuting layon, at dahil dito'y walang pinakamabuting makaaakay sa akin kundi ang aking budhi, ang budhi ko lamang, na siyang humahatol at nagbibigay kahulugan sa aking mga ginagawa. Magiging isang kasaliwatan kung pagkatapos na ako'y lalangin para sa isang layon ay hindi ako bibigyan ng sangkap na ikatatamo ko noon, katulad ng isang panday na gumawa ng isang kutsilyo nguni't hindi ito nilagyan ng talim."

"Lahat ng maniningning at magagaling na pangangatwiran ng Inyong Kamahalan na hindi ko sasagutin, sapagka't kung gagawin ko'y makakasulat ako ng isang makapal na aklat, ay hindi makapagpapaniwala sa akin na ang simbahang katoliko ay nag-aangkin ng di- pagkakaaring magkamali. Sa kanya ma'y naroroon ang kuko ng tao; siya nga'y isang kapisanang lalong ganap kaysa iba, nguni't gayunma'y gawang-tao ring may mga kapintasan, may mga kamalian at may mga pagbabago-bagong sarili ng mga gawa ng tao. Ang simbahang katoliko'y higit sa karunungan, ang pangangasiwa sa kanya'y lalong magaling kaysa ibang mga relihiyon bilang tuwirang tagapagmana ng mga karunungang pampulitika, ng mga relihiyon at sining sa Ehipto, Gresya at Roma: ang kanyang saliga'y nasa puso ng bayan, nasa dili-dili ng karamihan at nasa pagmamahal ng mga babae; datapwa't katulad din ng ibang relihiyon ay may mga bahaging malalabo at madidilim na binibihisan ng pangalan ng mga hiwaga, ng mga kamusmusang pinapagiging banal sa mga himala, pagkakapangkat-pangkat at pagbabagay- bagay na tinatawag na mga sekta o erehiya."

"Hindi ako makapaniwalang bago dumating si Hesukristo'y nasa malalim na impiyerno ang lahat ng mga bayan, gaya ng sinasabi ng Inyong Kagalang-galang. Hindi nga; sa katotohana'y nariyan si Socrates, na pinatay dahil sa pagsasabing may isa lamang Diyos, nariyan ang maka-Diyos na si Platon, nariyan ang mga mababait na sina Aristides, Focion Milciades; nariyan si Zarathustra, ang nagtatag ng relihiyon ng lakas at nariyan si Kung Sien, ang nagtayo ng relihiyon ng katwiran, ang tagapagbatas ng Tsina."

"Ni hindi rin ako makapaniwalang matapos dumating si Kristo, ang lahat ay naging liwanag, kapayapaan at mabuting kapalaran, na ang karamihan sa mga tao'y nanumbalik sa pagkamapanghawak sa matuwid; hindi nga, at upang masinungalingan ito'y nariyan ang mga larangan ng digmaan, ang mga sunog, ang mga siga, ang mga bilangguan, ang mga panggagahasa, ang mga pagpapahirap ng Ingkisisyon; nariyan ang pagkakaalitang tinataglay ng isa sa isa ng mga bansang Kristiyano, sanhi sa baha-bahagya lamang na di-pagkakaunawaan, nariyan ang pang-aaliping ipinagwawalang-bahala, kung di man sinasang-ayunan, sa loob ng labingwalong daantaon; nariyan ang pagbibili ng laman...; nariyan, sa wakas, ang malaking bahagi ng lipunang kaalit o kalaban ng kanilang sariling relihiyon. Sasabihin ninyo sa aking ang lahat ng ito'y nangyayari sanhi sa sila'y nagsitiwalag sa simbahan; nguni't ng ang simbahang ito ang nakapaghahari, ay hindi ba nagkaroon din ng mga samang iyan? Hindi ba nagkaroon niyan ng panahon ng Edad Media? Hindi ba nagkaroon ng ang buong Europa ay maging isang larangan ni Agramente? Hindi ba? Hindi ba, noong unang tatlong daantaon ng ang simbahan ay nasa mga libingan sa ilalim ng lupa ( catacumba), tumatangis na nakabilanggo at walang kapangyarihan? Noon, kung may kapayapaan, nguni't sadyang wala naman, ay hindi utang iyon sa simbahan, palibhasa'y hindi siya ang nakapangyayari. Ah! Hindi, minamahal kong P. Pastells; ikinalulugod kong mamalas ang mga taong tulad ng Inyong Kamahalan na puno ng pananalig at ng kabaitan, na nagsasanggalang ng isang pananampalataya at naghihimutok sa mga kasalukuyang kasawiang-palad ng sangkatauhan, sapagka't ang ganya'y nagpapakilala ng pag-ibig sa kanya, at may magagandang kaloobang nagmamalasakit at nagtatanod sa kanyang hinaharap, gaya ng inyong tinataglay; nguni't lalo na akong nalulugod kung minamalas ko ang sangkatauhan sa kanyang walang kamatayang paglakad, laging umuunlad kahit na nagkaroon ng mga panlulupaypay at pagkakarapa, kahit na nagkaroon ng mga pagkakamali, sapagka't ang gayo'y nagpapakilala sa akin ng kanyang maluwalhating wakas, nagpapakilala sa aking siya'y nilalang para sa lalong mabuting wakas kaysa tupukin ng apoy, iya'y pumupuspos sa akin ng pagtitiwala sa Diyos at hindi magtutulo't na mapariwara ang Kanyang nilikha, kahit na sa harap ng diyablo at ng lahat nating mga kaululan."

"Hinggil sa mga pagkakasalungatan sa mga aklat ng bibliya na pinagtibay ng kautusan ng simbahan, sa mga himala, ay ipinagtatapat kong ang bagay na ito'y napakadalas ng mapag- usapan at nakamumuhing ulitin. Ang lahat ay naipapaliwanag kung iniibig, at ang lahat ay natatanggap kung ibig tanggapin. Ang kalooban ay may isang napakalaking lakas sa dili-dili at ang dili-dili'y gayundin sa kalooban. Kaya't hindi ako tutukoy ni sa pagkakasalungatan ng mga sunod-sunod na pinagmulan ng ilang taong binabanggit sa kasulatan, ni sa himala sa Kanaa, na ginawa ni Kristo, bagaman sinasabing hindi pa dumarating ang kanyang takdang kapanahunan, ni tungkol sa mga tinapay at mga isda, ni sa panunukso at iba pa; ang lahat ng bagay na ito'y hindi nakapagpabawas sa tindig ng bumigkas ng Sermon sa Kabundukan at nagsabi ng bantog na: "Ama ko, patawarin mo sila"...ang aking tutukuyin ay lalong mahalaga. Sino ang namatay sa krus? Ang Diyos ba o ang tao? Kung ang Diyos, ay hindi ko maunawa kung paanong ang isang Diyos na nakakaalam ng Kanyang tungkulin ay maaaring mamatay, kung bakit ang isang Diyos ay nakapaghimutok sa halamanan ng: " Pater, si possibile transeat a me calix ista!" (Ama, kung maaari ay ilayo Mo sa akin ang kalis na ito) upang muling humiyaw sa krus ng "Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan?" Ang sigaw ng isang taong nananalig sa katarungan at kabutihan ng kanyang layunin; maliban sa Hodie mecum eris (Ngayon ay kakasamahin kita) na isinigaw ni Kristo sa kalbaryo, lahat-lahat ay nagpapakilala sa isang taong nasa paghihirap at naghihingalo, nguni't anong tao! At sa ganang akin, si Kristong-tao ay lalong dakila kaysa kay Kristong-Diyos. Kung tunay ngang Diyos ang nagsabi ng "Ama ko, patawarin Mo sila, sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa," disin sana'y pinatawad ang mga tumampalasan sa kanya, maliban na lamang kung sabihin nating ang Diyos ay nakakatulad na ilang taong nagsasabi ng isang bagay, nguni't pagkatapos ay iba ang ginagawa."

"Isa pa sa aking puna sa mga himala ni Kristo ay ang pagtalikod sa pananampalataya ng kanyang mga alagad at ang kanilang di-paniniwala sa pagkabuhay na muli. Kung sila'y naging mga saksi ng napakaraming kababalaghan at ng pagkabuhay na muli, ay di sana siya pinabayaang mag-isa at hindi sana sila nag-alinlangan sa pagkabuhay na muli ni Kristo. Ang nakapagsasauli ng buhay ng iba, ay maaaring makapagsauli ng buhay niyang sarili."

"Tungkol sa inyong paliwanag na ibinibigay hinggil sa mga himala, na, Siyang naglagda ng mga batas ay hindi sumasalungat sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpigil sa mga batas na iyan sa isang takdang panahon, upang matamo ang binabalak Niyang kamtin, ay naisip kong kung bagaman maaaring hindi nga sumalungat, gayunma'y lumalabas na Siya'y mababa kaysa roon sa maaaring makapagtamo ng gayunding layon ng walang pipigilin ni babaguhin kahit ano. Ang isang pangkaraniwang namamahala lamang ang kung minsa'y pumipigil sa bisa ng mga batas; ang isang mabuting tagapamahala ay mapayapang namamahala ng walang binabago ni sinisirang anuman."

"Tinatawag ng Inyong Kamahalan na ito'y hangal na pagmamalaki ng mga mapagmatuwid. May naiisip pa akong isang katanungan: alin ang lalong hangal na mapagmalaki: ang nasisiyahan sa pagsunod sa kanyang sariling kuro, o ang ibig magpasunod sa iba ng hindi ipinapayo ng kanyang sariling isip, kundi sapagka't ipinalalagay lamang niyang siyang katotohanan? Ang nababatay sa matuwid ay hindi ko ipinalalagay kailanmang isang kahangalan, at ang pagmamalaki ay lagi ng napagkikilala sa palagay ng nakahihigit o nakapangyayari."

SA HINDI PAGKA-GANAP NG MGA RELIHIYON NG TAO

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Nababatid naming mabuti na sa lupa'y walang sinumang nakaunawang lubos at tiyak na tiyak tungkol sa Diyos, at ito ang sanhi ng hindi pagkatumpak at pagkaganap ng lahat ng relihiyong binalak o inayos ng tao, datapwa't hindi dahil dito'y sasabihin nating nararapat tayong mawalan ng pag-asang makilala ang Diyos. Hindi hinihingi sa taong gumawa ng higit sa kakayahan ng lakas niya; hindi sinisisi ng Manlilikha ang makina kung ito'y hindi makakayari ng higit sa nararapat at sa makakaya."

SA MALING PAGPAPARANGAL NG MGA TAO SA MGA REBULTO

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Bilang kabuuan, hindi ang diwa kundi ang sagisag ang kanilang pinipintuho't pinararangalan; hindi ang Ina ng Diyos kundi ang isang estatwa o pintura niya, na noong isang panahon ay tagapag-pakilala lamang ng isang nilikhang ang kabanalan at pagkamairugin ay walang kahulilip, nguni't ngayon, ang larawan ay naging isa ng nilikhang tangi at may sariling pagkabuhay."

SA PAG-AAYUNO AT PAGKUKUMPISAL

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Ang walang tigil na pag-aayuno, ang mga pagkukumpisal, o ang pagsapi sa isa o sa maraming kapatiran ay siyang mga gawang nakaugaliang ipalagay na lalong karapat-dapat sa buhay. Ang paggawa ng mabuti sa kapwa, ang pagpapakasakit sa ikaliligaya ng kapwa, ang pagsasabi ng mabuti sa kapwa, ang pagsasabi ng katotohanan kahit ito'y makapinsala sa sarili, ang pagtingin sa kapwa na parang kapatid - ang mga ito'y mga gawang hindi inaalumana, sanhi marahil sa ang tunay na kabaitang-asal ay mahinhin at hindi marangya o kaya'y sanhi marahil sa ang mga yao'y hindi nakikilala ng mga tao."

SA PAGKAUNAWA SA KASALANAN

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Ganyan din ang nangyayari sa pagkaunawa sa kasalanan. Ang pagsasahog o pagkain ng lamang-kati sa mga araw ng pangilin, ang pagkukulang sa isang pag-aayuno o ibang gang- ganitong bagay, ay madalas na ipinalalagay na kasalanang higit na mabigat pa kaysa pagsisinungaling na nakapipinsala at nakasasama sa iba, kaysa pag-alimura o pagsiphayo sa kasawiang-palad o sa karalitaan. Maaari ninyong sugatan ng wala sa matuwid ang pag-ibig sa sarili ng isang kulang-palad; maaaring pagnakawan ninyo ang ulila o ang balong babae o kaya'y ilugso ang puri ng isang taong wala pang ibang kayamanan maliban dito; maaari ninyo siyang bansagan ng lahat ng ngalang nakadudusta't nakakahalay; maaaring pabayaran ninyo sa kanya ng mapapait na luha ang malungkot niyang kapalaran at ang inyong kalagayang kapana- panaghili; sa wakas, maaari ninyo siyang apihin at suntukin at patayin pa ang buhay niyang "moral;" ang lahat ng ito, at higit pa sa rito'y inyong magagawa, at walang sinumang magsasabing kayo'y masamang Kristiyano, habang kayo'y nakikinig ng misa, nagkukumpisal, nakikinabang at dumadalo sa lahat ng prusisyon, nagdarasal sa buong maghapon at nag-aayuno sa lahat ng araw na itinatakda ng talaarawan. Ang sanhi nito'y sapagka't lalong iginagalang ang mga utos ng iglesia kaysa mga utos ng Diyos; ang sanhi nito'y sapagka't ang mga pormula ay lalong pinananaig kaysa mga kaisipan, sapagka't ang karingalan at mga seremonya'y lalong kinagigiliwan ng karaniwang tao kaysa tunay na kahulugan at sa mga simulain."

"Ang pag-aakalang madali silang makakalagan ng kasalanan at mapawi ito, at sa paraang ito'y makasundo silang muli ng Lumikha, sa pamamagitan ng isang pagkukumpisal o kahit na sa pamamagitan ng pagsisising alipin, ay ipinagiging sanhi ng maraming paglabag sa mga utos ng Diyos, palibhasa'y natitiyak nilang sila'y mapapatawad sa kanilang kasalanan sa lalong madaling panahon kaysa ginugugol nila sa pagsuway sa kautusan."

SA MGA PANALANGIN

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Ang mga dasal na lalong karaniwan ay ang rosaryo at ang mga nobena o pagsisiyam; ang una'y dinarasal araw-araw halos at ang ikalawa'y kapag nagnanasang magkamit ng isang biyaya. Ang mga pagdarasal na ito, na nakaugaliang gawing napakahahaba ay idinaraos sa gabi, oras ng katahimikan at ng pagpapahingalay. Halos lagi ng napakahahaba dahil sa maraming karagdagan, mga pag-ulit at marami pang ibang bagay. Dahil dito, at dahil din sa iyo't iyon din ang sinasabi araw-araw, bukod pa sa ang karamihan ng mga panalangin ay nasa wikang kastila at kung minsa'y sa wikang Latin pa, mga wikang hindi nauunawaan ng karaniwang tao, ang marami sa mga nagdarasal ay nag-aantok at nagyuyukayok o kaya'y umiisip ng mga bagay na iba't totoong malayo sa dinarasal habang ibinubulong-bulong o inuulit-ulit, na parang mga loro, ang mga "Ama Namin" at mga "Aba Ginoong Maria." Gayun- man ay maraming nagdarasal sa wikang sarili; nguni't sa dahilang ang karamihan sa mga nobena at iba pang aklat, na totoong itinatagubilin upang makapagkamit ng ilang layon at pakay ay nasa wikang kastila, ito'y nakapipilit sa mga masambahin sa paggamit at pagbigkas ng mga panalanging hindi nila nauunawa sa halip ng malinis at magaang na panalanging itinuro ni Hesukristo, kaya't nagiging sanhi tuloy ng pagkarinig ng mga pangungusap at mga salitang napakasama ang pagkakabigkas, na ikatatawa pati ng mga larawang pinatutungkulan ng mga gawaing ito na makarelihiyon. May isang bagay na lubhang karapat-dapat pansinin sa mga gawang nabanggit; ito'y dili iba kundi ang pagkakaroon ng isang mahigpit at di-mababagong bilang ng mga Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Gloria Patri, at isang tiyak na pagsasama't pagsusunod-sunod ng mga yaon, isang aywan ba kung anong gawa-gawang sinusunod at tinatalima ng buong higpit, na para bagang tinatalikuran ng Diyos ang panalangin ng isang kulang-palad sa dahilang may isang Ama Naming labis o isang Gloria Patring kulang. Ganyan din ang nangyayari sa mga nobena na kailangang maging talagang siyam na araw bagama't ito'y hindi kailangang dasalin ng buong kataimtiman ng loob; lagi ng ang anyong panlabas muna bago ang panloob ang pinahahalagahan. Gaya ng ating nabanggit, ang pagsamba sa birhen at sa mga santo ay lalong laganap kaysa pagsamba sa Kadiyusan, dahil sa paniniwalang ang mga biyaya'y lalong matatamo sa tulong ng mga tagapamagitan. Ang mga pagsisiyam na ito'y ipinatutungkol sa lahat ng anyo ng birhen at ng mga santo, na kilalang natatangi para sa gayon o ganitong mga himala."

"Ang pananampalataya ng iba sa ilang panalangin ay napakalaki kaya ang mga ito'y ginagamit nila tuloy na parang mga gamot o anting-anting. Sa maraming pagkakataon, ang mga banal na bagay ay ginagamit na kagamitan para sa mga gawang hindi banal kung hindi man sa mga gawang isang kalapastanganan sa Diyos at sa mga karima-rimarim na bagay; gaya ng banal na ostiya, matatandang medalyang naglalakihan, bihira o gasgas, ang bulak na tigmak ng mga banal na langis, ang bibliya sa wikang Inggles, ang Aba Ginoong Maria sa wikang Pranses (kami'y naging mga saksing kaharap nito), at marami pang ibang bagay na dahil sa hindi makayang maunawaan at napakamahiwaga para sa karaniwang taong mangmang, ay inaakalang mga tunay na tagapag-sanggalang na ipinagiging di-tinatablan ng sinumang may dala."

SA MGA MISA AT MGA KANDILA

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Isa pang kaparaanang ginagamit nila upang makapagtamo ng mga tanging biyaya ng langit ay ang mga kandilang sinisindihan at ang mga misang humigit-kumulang ay maringal, alinsunod sa kabantugan ng larawan, sa yaman ng taong nagpapamisa, at sa halaga ng biyayang ninanasa. Ang biyayang hinihingi ay hindi lagi ng matuwid, mabuti o kaya'y hindi makasalanan; may mga pangyayari rin, lalo na sa mga taong babahagya ang pinag-aralan at kahina-hinala, na ang hinihingi sa pagsisindi ng kandila at sa pagpapamisa ay ang kapahamakan o kamatayan ng isang taong kinamumuhian o kinapopootan, ng isang anak na babaing nagtanan o umalis ng laban sa kalooban ng mga magulang, o ng kalaban sa mga usaping mahalaga at nauukol sa kayamanan."

"Ang mga kandila'y karaniwang may iba't ibang uri, sang-ayon sa halaga at laki; sa mga bagay na ito nababatay na lalo ang bisa at bagsik ng dasal. Ang mga kandilang sinisindihan sa simbahan kung nagmimisa ay karaniwang hindi humihigit sa sikapat ang halaga at ang mga ito'y nabibili sa sakristiya o sa pintuan ng simbahan. Dito'y maraming babaing ang hanapbuhay ay ang pagbibili ng mga kandila. Saan man bilhin ang kandila sa dalawang pook na iyon, ang simbahan ang sa wakas, ay nakikinabang."

"Gawang maawain at kapuri-puri ang pagsisindi ng isang kandila upang parangalan ang isang larawan; ito'y isang pagpapakilalang panlabas ng ningas ng pananampalataya at ito'y malayong masamain namin; datapwa't ang hindi namin matatanggap, ni ngayon ni kailan man, ay ang pag-uukol na ginagawa ng maraming pagbibigay ng higit na bisa sa isang kandila (na ipinagbibili hanggang apat na kuwalta lamang ang halaga) kaysa isang taimtim na panalanging bukal sa pusong mapagpakumbaba't nagsisisi. Ang Diyos ba'y walang nakikita kundi ang mga anyong panlabas lamang, at gaya ba siya ng tao, na napadadala sa hamak na karingalan sa lupa o sa hangal na panunuya?"

"Iyan din ang nangyayari sa mga misa. Ito ang paraang lalong mabisa na maaaring kasangkapanin ng tao sa lupa upang siya'y kahabagan ng Diyos. Iba-iba rin ang halaga ng misa, sang-ayon sa dingal at kagamitan at sa mga kandilang sinisindihan, kung mayroon o walang tugtog, kung marami o kakaunti ang mga sakristan, at iba pa. Buhat sa piso hanggang sandaan, buhat sa misang tinatawag na rezada (dinarasal lamang) hanggang sa misang tinatawag na de gracia na pinagpapakitaan ng lahat ng dingal, lahat ng pagsaliw, tugtugin, ilaw, gulong ng mga pailaw, paputok, dupikal ng kampana, at iba pa. Mayroong sari-saring uri, na nababagay sa kagustuhan, kapalaluan, kabanalan o kayamanan ng taong nagpapamisa. Para sa karaniwang mamamayan, ang isang misa rezada o dinarasal lamang, na may iisang sakristan, apat na kandila, mga kasuotang pangkaraniwan ng pari at walang mga awit ay walang gasinong bisa sa kaharian ng langit, na di gaya ng isang misang tinatawag na de gracia na buhat pa sa madaling-araw ay dinurupikal na ang mga batingaw, sinisindihan ang mga luses at paputok, ang paring nagmimisa ay nabibihisan ng lalong mahal na kasuotan, at ang kamanyang at mga ilaw ay inuubos ng walang patumangga at inaawit ang mga panalangin."

"Kaya kapag iniluluhog o hinihingi sa langit ang masaganang ulan, o kapag hinihingi sa isang bantog na santuwaryo ang paghuhulog ng isang balak; kapag ninanasang parangalan ang isang santo o ang pintakasi ng bayan, ang kinakasangkapan ay ang mga magugugol na misang ito, na para bagang natitiyak ang pag-asang ang mga yao'y magiging kalugod-lugod sa mga mata ng pinatutungkulan. Nakakatulong din sa bagay na ito ang kababaan ng loob ng mga nananalig, na nag-aakalang ang panalangin ng pari ay lalong kalugod-lugod sa Diyos kaysa kanilang sariling panalangin, bagay na kababanaagan ng nangyayari dito sa lupa, na, upang makatungo sa isang maykapangyarihang nakakataas ay pinamamagitan ang mga taong malalakas, ang mga naglilingkod sa palasyo, o ang mga tanging kinalulugdan ng maykapangyarihan."

SA MGA PANATA'T HANDOG

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Bahagya lamang ang aming sasabihin tungkol sa paksang ito na hindi nagbabago sapol ng panahon ng paganismo. Ang mga nagkasakit na gumaling; ang mga nanalo sa mga usapin; ang mga tutungo o nanggaling sa isang malayong paglalakbay; yaong mga nakapanganak ng maginhawa; sa biglang sabi, ang lahat ng mga nakapagtamo ng ninanasa ay nangaglalagak sa paanan ng larawan o sa dambana nito ng isang ala-ala, isang pampagunita ng pangyayari o ng biyayang tinamo."

"Ang katangiang pagkamapaghimala ng mga larawan ay maaaring mapagkilala agad sa isang tanging pagpasok sa simbahan. Ang dambanang namumukod sa lahat, dahil sa mga tau- tauhang pagkit o pilak, ay nauukol sa isang santong nakagawa ng lalong maraming kababalaghan o nakagawa ng lalong maraming pagkakapagpagaling sa mga maysakit. Sa maraming larawan ng birheng matatagpuan sa bawa't templo, ay may isang nakakaungos sa iba sa pagpapakilalang ito ng pananalig at pagmamahal, lagi ng iniilawan, nguni't sa ibang larawan ay walang sinumang nagdarasal ni nakakaalalang magsindi ng kahit isang kandilang nangangalirang. Ito ang dahilan kung bakit ang ilang santuwaryo ay nakapagkakamal ng kayamanang di-mapaniwalaan halos, samantalang ang iba'y wala kahit maibili ng langis na sinusunog at inilalaan sa pagpapahayag ng pagsambang lalong ganap at maliit. Kadalasan sa mga masambahing mayayaman ay may piping paligsahan ng pagpapalakihan ng mga kaloob; isa't isa sa kanila'y nagnanais na makatawag ng pansin ng madla sa pagpaparangalan ng kabanalan, kagandahang-loob o kapalaluan, na humigit-kumulang ay nakakatawa."

SA PAGLALAKBAY NA ISINASAGAWA NG MGA MASAMBAHIN

(Pinagkunan: Kalagayan Ng Pagkamakarelihiyon Sa Mga Bayan Sa Pilipinas)

"Sa mga unang araw ng Mayo, kapag nagsisimulang papagbagahin ng araw ang sikat niyang nakakapaso; kapag ang walang tilang pag-ulan ay nagtitigil sa kanyang pagbagsak at nagpapahupa sa kanyang tubig; kapag ang mga mamamayan sa mga lalawigang kanugnog ay nagsisiluwas sa Maynila upang mangalakal at ipamili ang kanilang natipong ani sa buong taon, ay binubuksan ang mayaman at iginagalang na simbahan sa Antipolo upang simulan ang marami at sunod-sunod na pagsisiyam, ang tatlumpu't anim na araw ng pista, ng mga misa de gracia, ng walang tantang pagyayao't dito, pagkakagulo, pagdarasal, pagliliwaliw, tatlumpu't anim na araw ng pananalangin, ng pananampalataya at pangingibang-bayan. Sa unang Martes na Mayo, ang larawan ng birhen, na nagagayakan ng buong kisig ng mahahalaga niyang kagamitan, mga brilyante, mga tungkod na yari sa pilak, kapa at balabal na binurdahan, ay itinatanghal sa pamimintuho o pagsamba ng mga nananalig ay nangagpapalagay, sa pamamagitan ng iba't ibang kulay ng mukha ng larawan, ng kalagayan ng kalooban ng birhen, alalaon baga'y kung siya'y pinasisigla ng pagsasaya o ginagalit ng anumang kamalian. Ang kulay ng mukha ng larawan, umano, ay kayumanggi kung nagagalit at puti naman kung nasisiyahan."

"Balot at puno ng alikabok ng daan, hapo dahil sa mahabang paglalakbay, pagkatapos na mailagak ang kanilang mga dala-dalahan sa kauna-unahang bahay na tinutuluyan ng walang bayad - at doon, ang lahat ng bahay ay bahay-tuluyan -- ang mga masambahin ay nagtutungo sa simbahan upang humarap sa banal na larawan, magpasalamat sa kanya at sumamo sa ikatatamo ng tiyak na pagtangkilik. Anong laking kataimtiman, anong pananampalataya, anong paggiliw at pamimintuho ang sinisimpan ng matapat na nananalig sa pagpasok niya sa dalanginan upang manikluhod at mangayupapa sa harap ng pakay ng kanyang mga kapagalan! Sa gayo'y nananalangin siya roong puspos ng pagmamahal at hindi umaalis ng hindi napagiginhawa ng kanyang pananampalataya at pananalig!"

"Sa loob ng simbaha'y walang naririnig liban sa nakakabagot na pagdarasal ng mga nobenaryo, ang tanging tunog ng mga lumalakad ng paluhod sa buong hinaba-haba ng simbahan, ang walang tugot na paglabas at pagpasok ng mga may panata, datapwa't ang lahat ay may kaakibat na kataimtiman at kabanalan. Ang lahat, bukod tangi ang mga sakristan at mga taong simbahan, ang lahat ay nag-aangkin ng malaking takot, isang malalim na paggalang, isang pananalig na marahil ay masagwa."

"Sa magkabilang panig ng dambana ay nag-aalab ang hindi mabilang na kandilang may tau-tauhang yari sa pagkit, at hindi pambihirang makakita sa tabi ng mga kandilang puti na itinitirik ng mga sakristan, ng mga kandilang pula't ubod ng lalaki ng mga Intsik na maaaring magdasal, lumuhod, at magkaloob ng lahat ng limos na kanilang manais; at upang gawin ang lahat ng ito'y hindi na kailangang magkristiyano ang mga Intsik o magkaroon ng mga kaisipang umiiral tungkol sa birhen."

"Isang nagsisiksikang pulutong ng mga taong nagsisikuhan at nagtutulakan, na nagkakagalitan o nagdarasal, ay rumaragasang bigla sa daang patungo sa likod ng dambana upang humalik sa damit ng imahen o kaya'y sa kamay nito, kung siya'y isang tinitingnan o iginagalang. Inihuhulog nila ang kanilang abuloy sa isang kahong malaki at parisukat na nakalagay sa paanan ng birhen, at gayon na lamang kalaki ng pamimintuho ng mga mapanata, na ang kahong ito na higit sa kalahating metro ang haba ay karaniwang napupuno bago makaraan ang maghapon."

"Sa labas ng simbahan ay naroroon ang mga bulag, mga dukha o pulubi na ipagdarasal kayo ng lahat ng misteryo ng rosaryo na inyong manais kung magkakaloob ng kaunting limos, gaya rin ng sa loob ng simbahan ay ipagmimisa kayo, sang-ayon sa inyong mapita, alinsunod sa limos na inyong ipinagkaloob sa simbahan at sa mga tagapag-ingat nito."

"Buhat sa ika-apat ng madaling-araw ay wala ng tigil ang tugtog ng batingaw tuwing may sinisimulang misa, sapagka't lubhang napakarami ng mga misa na halos hindi mabilang. Ang mga taong nakikinig ng misa ay napakarami at iba't iba, na buhat sa lahat ng uri ng lipunan at galing sa lahat ng lalawigan."

"Isa sa mga pagliliwaliw, o sa lalong maliwanag, isa sa mga dahilan ng paglalakbay ay ang batis o ang paliligo sa bukal ng birhen na pinaniniwalaang pinag-iwanan ng birhen ng mga bakas ng kanyang pagkakapagsadya roon. Ang mga bagay-bagay na binenditahan o pinapaging banal, bilang ala-alang iniuuwi ng mga masambahin, ay karaniwang ang langis ng birhen, ang kanyang mga pamatseng pula ang kulay at yari sa pagkit. Ang langis ay nasa maliliit na bumbong at ang mga pamatse naman ay nababalot ng papel. Ipinagbibili ang mga ito, o ipinamimigay sa sakristiya bilang kapalit ng mga limos ng mga sumasampalataya. Ang mga ito'y ipinalalagay na mabibisang gamot para sa ilang karamdaman. Hindi na kami magsasalita ng tungkol sa di-matulusang bilang ng mga kalmen ng birhen sa dahilang ang pangyayaring ito'y lubhang karaniwan sa lahat ng dalanginang bantog at kilala."

SA BIBLIYA AT MGA SANTO EBANGHELYO

(Pinagkunan: Ang Pangitain Ni Prayle Rodriguez)

"Hindi ko iniaalis na maniwala siya, gaya ng lahat ng bulag ang pananampalataya, na ang bibliya at ang mga santo ebanghelyo ay bumubuo ng iisang bagay lamang; datapwa't ako, na nag-aral naman ng bibliyang orihinal na nasusulat sa wikang Ebreo, ay nakababatid na ito'y hindi naglalaman ng mga ebanghelyo. Sapagka't ang bibliya ay gawa, kasaysayan, kayamanan at pag-aari ng bayang Hudyo, ang may kahuli-hulihang kapangyarihan sa bagay na ito ay ang mga Hudyo, na hindi kumikilala sa mga ebanghelyo. Sa dahilang ang salin niyon sa Latin ay hindi tumpak sa ilang bahagi, kaya hindi matuwid na sa bagay na ito'y ang mga katoliko ang magpasya kung ano ang kautusan, bagaman may kaugalian ang mga katoliko na umangkin sa hindi kanila, at magpakahulugan sa salin alinsunod sa kanilang kagustuhan at sa kanilang ikinalulugod, kahit na mabago ang diwa ng mga nasusulat. Isa pa, ang mga ebanghelyo, bukod tangi ang kay Mateo, ay sinulat sa wikang Griyego, at nahuli sa bibliya. Sa katunayan, sa kanilang pinakabuod, ay kanilang iginuguho ang mga kautusan ni Moises. Bilang katunayan nito ay ang alitan ng mga Hudyo at mga Kristiyano. Kaya nga, palibhasa'y nababatid ko ang bagay na ito, ay bakit ako magsasalitang tulad ng isang bulag ang pananampalataya o tulad ng isang walang muwang na prayle? Hindi ko hinihingi sa kanino mang prayle na magsalita ng parang isang may malayang pagkukuro; kaya naman hindi nararapat na ako'y piliting magsalita ng parang isang prayle. Bakit nagsusumakit ang mga prayle na pagkamalang parang iisa lamang ang dalawang bagay na nagkakaiba at manaka- naka'y nagkakasalungatan? Mapararaan ng ganyan ang gawin ng karaniwang Kristiyano, datapwa't hindi ko nararapat gawin ang ganyan, at hindi ko naman magagawa. Bukod dito, ang pagbanggit ng magkahiwalay sa dalawang aklat na iyan ay iniaatas ng katwiran, sapagka't ang mga iyan ay tunay na dalawang aklat, dalawang mambabatas, at dalawang pananampalatayang ibig pagbatayan ng relihiyong katoliko."

SA ABITO AT PRAYLE

(Pinagkunan: Ang Pangitain Ni Prayle Rodriguez)

"Ang abito at ang prayle ay hindi nararapat na ariing iisang bagay lamang sapagka't ang isang putol na kayo kahit na pagkarumi-rumi ay hindi maaaring maging pangahas, ni mapaghari-harian, ni walang muwang, ni maging kaaway ng pagkatuto ng bayan."

SA PANGUNGUSAP NG MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT UPANG SABIHIN SA MGA MAPAGPANGGAP NA TAGAPAGTURO NG MALING RELIHIYON

(Pinagkunan: Ang Pangitain Ni Prayle Rodriguez)

"Pumanaog ka sa daigdig, ang utos ng Makapangyarihang Tinig, at sabihin mo sa mga taong yaon na tinatagurian ang kanilang sariling mga anak mo, na Ako, na lumalang sa angaw-angaw na araw na nililigiran ng angaw-angaw na daigdig, at bawa't isa sa mga ito'y tinitirhan ng angaw-angaw na bagay-bagay na nilikha Ko dahil sa Aking walang-hanggang kabutihan, ay ayokong maging kasangkapan ng mga imbing simbuyo ng ilang hindi naman siyang pinakamagaling sa mga nilikha, isang dakot na alabok na tinatangay ng hangin, maliit na bahagi ng mga naninirahan sa isa sa mga lalong maliliit na daigdig Ko! Sabihin mo sa kanilang hindi Ko ibig, na sa ngalan Ko'y pagsamantalahan nila ang kaabaan at kamangmangan ng kanilang mga kapatid. Ayokong sa ngalan Ko'y tangkaing piitin ang pag- iisip at ang pagkukurong ginawa Kong malalaya. Ayokong sa Aking ngalan, ay gumawa ng anumang pagmamalabis o humugot kahit na isang buntong-hininga, malaglag kahit na isang patak na dugo. Hindi Ko rin nais na Ako'y ilarawan nilang malupit, mapaghiganti, tagasunod sa kanilang mga pita at tagaganap ng kanilang kalooban. Ako ang kabutihan, kaya huwag nila Akong gawing isang mapaghari-harian at isang mabangis na Ama. Huwag silang magpanggap na sila lamang ang tanging may hawak ng liwanag at ng buhay na walang katapusan. Paanong magkakaganito? Hindi baga Ako ang nagkaloob sa bawa't nilikha ng hangin, liwanag, buhay, pag-ibig at pagkain upang mabuhay at lumigaya? Kung gayon, itatanggi Ko ba sa iba ang lalong pinakakailangan, ang lalong pinakamahalaga, na dili iba kundi ang walang-hanggang kaligayahan, dahil lamang sa kapakinabangan ng iilang taong hindi naman silang pinakamabuti sa lahat? Iya'y isang kalapastanganan, kabalighuan at kabaliwan! Ipatalastas mo sa kanilang Ako ang lahat, at liban sa Akin ay wala ng iba pa, at walang maaaring mabuhay kung hindi Ko niloloob at pinahihintulutan. Wala Akong kaaway at hindi maaaring magkaroon; walang makakapantay sa Akin, at walang sinumang makakasalansang sa Aking kalooban! Ipamukha mo sa kanila, na ang kanilang mga kaaway ay hindi Ko kaaway, na kailanman ay hindi Ako nakiisa sa kanila at ang kanilang ginagawi ay walang kabuluhan, kundi kahangalan at kalapastanganan. Ipabatid mo sa kanila na pinatatawad Ko ang kamalian, datapwa't pinarurusahan Ko ang kasamaan; nililimot Ko ang isang pagkukulang sa Akin, nguni't pinag-uusig Ko ang pagduhagi sa isang kulang-palad, palibhasa Ako'y makapangyarihang walang-hanggan, at ang lahat ng kalapastanganan ng tanang naninirahan sa buong daigdig, kahit na pag-ibaibayuhin ng libo-libo ay hindi makakapinsala kahit na katiting sa Aking kaluwalhatian; datapwa't ang kaliit-liitang pagduhagi sa maralita at sa inaapi ay Aking parurusahan, sapagka't wala Akong nilalang na anuman, wala Akong binuhay na alinman upang maging sawimpalad at maging laruan ng kanilang mga kapatid. Ako ang Ama ng tanang bagay-bagay na nasa sangmaliwanag. Nababatid Ko ang hanggahan ng bawa't pinakamaliit na bagay. Bayaan nilang mahalin Ko ang Aking mga nilikha, na ang kaabaan at mga pangangailangan ay nalalaman Ko. Bawa't isa sa kanila'y nararapat tumupad sa kani-kanyang tungkulin at Ako, ang butihing Diyos, ay nakakaalam kung ano ang Aking gagawin!"

SA PANGUNGUSAP NG ISINUGO SA MGA MAPAGPANGGAP NA TAGAPAGTURO NG MALING RELIHIYON

(Pinagkunan: Ang Pangitain Ni Prayle Rodriguez)

"Ang mga kaabaan ng sawimpalad na Indiyo na inyong pinaghirap at pinakitunguhang para bagang sila'y mga hayop, ay nakarating hanggang sa luklukan ng Kataas-taasan. Nakarating doon ang napakaraming pag-iisip na pinapagdilim ninyo at niluray, ang maraming malilinis na babaing inyong ginahasa. Nakarating doon ang sigaw ng napakaraming ipinatapon, pinahirapan at pinatay dahil sa inyong pang-uudyok. Nakaabot na roon ang mga luha ng napakaraming ina, ang kasawiang-palad ng napakaraming ulila. Lahat ng mga yaon ay may kasamang alingasngas ng inyong mahalay na pagsasaya."

"Alamin ninyo na may iisang Diyos. (Marahil ay pinag-aalinlanganan ninyo ito at kung sinasambit man ninyo ang ngalan ng Diyos ay upang matamo lamang ang inyong pinipithaya). Ang Diyos na iyan ay maaaring humingi sa inyo balang araw ng pagtutuos sa lahat ninyong kasalanan. Alamin ninyong hindi Niya kinakailangan ang salapi ng dukha. Ang pagsamba sa Kanya'y hindi nagkakasya lamang sa pagsisindi ng mga kandila, sa pagsunog ng kamanyang, sa pagmimisa, sa pagsampalatayang pikit ang mata sa sinasabi ng iba sukdang ito'y nalalaban sa katwiran; hindi, sapagka't Siya'y may mga tanglaw na lalo pang maliwanag kaysa araw ninyo, may mga bulaklak na lalo pang mahahalimuyak kaysa lahat ng bulaklak sa balat ng lupa, at may tugtugin Siya sa magkakatugmang tunog ng mga bituin. Siya'y nakasisiya sa Kanyang sarili. Nilalang Niya ang pag-iisip, hindi upang ito'y busabusin, kundi upang sa tulong ng mga pakpak nito ay maging maligaya ang tao at makapailanlang sa Kanya. Hindi Siya nangangailangan ng sinuman; nilalang Niya ang tao, hindi para sa Kanyang sarili, kundi para sa tao rin. Hindi Niya kinailangan ang tao, ni hindi Niya kinakailangan: maligaya Siya buhat sa kawalang-hanggan."

"Mahigpit kayong nananangan sa isipang nauukol sa purgatoryo. Ito'y ibig ninyong ipagtanggol at para sa bagay na ito'y ginagamit ninyo ang lahat ng sandata, kahit na ang lalong imbi. Bakit sa halip na sayangin ang panahon sa paninindigan sa hindi ninyo nakita kailan man, ay hindi ninyo ipangaral ang pag-ibig sa kapwa, ang pagmamahalan? Bakit sa halip ng mga parusa sa purgatoryo ay hindi ninyo ipangaral ang aliw at pag-asa upang patamisin ng bahagya ang mga kasamaan sa buhay? Bakit? Sapagka't ang tunay na aral ni Kristo ay hindi makapagdudulot sa inyo ng salapi, at ang hinahangad ninyo'y ginto, ginto, maraming ginto, at upang magkamal nito ay kinakasangkapan ninyo ang purgatoryo upang makunan ninyo ng salapi ang mga kaluluwang matatakutin. Bakit hinahapis ninyo ang ulila at ang balong babae sa pamamagitan ng mga kakila-kilabot na kuwento tungkol sa kabilang- buhay, upang sila'y makunan lamang ninyo ng ilang kuwalta? Nalimot na ba ninyo ang sinabi ng apostol: Nolo vos ignorare, fratres, de dormientibus, ut non contristemini, sicut qui spem non habent (Ayokong hindi ninyo malaman, mga kapatid, ang nauukol sa mga nangakakatulog, upang huwag kayong mahapis na tulad ng mga walang pag-asa). Nalimot na rin ba ninyo itong aking sinabi na: Haec enim est Christianae fidei suma: vitam aeternam expectare post mortem (Alalaon baga'y "Heto ang kabuuan ng pananampalatayang Kristiyano: umasa sa buhay na walang-hanggan pagkatapos ng kamatayan"). Datapwa't kayo'y nagkukulang sa pag-ibig sa kapwa. Gumagawa kayo ng nalalaban kay Kristo, at dahil sa imbing pakinabang ay nanghihimasok kayo sa mga kahatulan ng Diyos. Ang buong lakas ng inyong pagmamatuwid ay nasasandig dito: na may mga kaluluwang hindi sapat na makasalanan upang mapasama magpasawalang-hanggan, ni hindi naman sapat na malinis upang makapasok sa langit. Sino ang nagpahintulot sa inyo na pangunahan ang mga kahatulan ng Diyos na tumitimbang at nagsasaalang-alang kahit na ng pinakamaliit na kaisipan, at nakababatid na hindi maaaring mahingan ng kaganapang maka- Diyos ang mga nilikhang yari sa putik, na napapailalim sa mga kaabaan dito, mga pangangailangan, at mga kaapihan? Sino ang nagsabi sa inyo na hahatol Siya gaya ng paghatol ninyo, kayong mga taong may makitid na kaalaman? Sino ang nagsabi sa inyong hindi natin napagbabayaran dito ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng mga pagdurusang ating dinaranas sa buhay na ito? Kung noong una'y maaari kong matanggap ang anino ng pagka-maaaring mangyari ng bagay na yaon, ngayon, sa dahilang lalo ko ng nasasaklawan ang kabutihan ng Diyos at ang kaabaan ng tao, ay mayroon akong buong-buong pananalig sa Kanya at natitiyak ko ng ang Kanyang pamamaraan at kahatulan ay magiging walang-hangga, na lalo pang matuwid at mabuti kaysa akin. Kaya nga, iwaksi na ninyo ang pagsusumakit sa pagkakamal ng kayamanan; mayroon na kayo ng sapat. Huwag kayong humatol sa mga kaluluwa ng iba upang agawin ang kahuli-hulihang subo ng kanin sa mga dukha. Ipaubaya ninyo sila sa mga kamay ng sa kanila'y lumikha at huwag ninyong pamag-itanin ang inyong mga sumbong upang maagaw lamang ang kaunting salaping iniwan ninyo sa kanila. Pakatandaan ninyo yaong winika ni Fulgencio: Et si mittetur in stagnum ignis et sulphuris qui nudum vestimento non tegit, quid passurus est qui vestimento crudelis expoliat? Et si rerum suarum avarus possessor requiem non habebit, quomodo alienarum rerum insatiabilis raptor? (At kung inihuhulog sa tangke ng apoy at asupre ang hindi nagpadamit sa hubad, ano kaya ang dadalitain ng isang malupit na sa kanya'y naghubad? At kung hindi matatahimik ang nagmamaramot sa mga ari-arian niya, paanong matatahimik ang magnanakaw sa ari-arian ng iba?) Bulay-bulayin ninyo na sa kaarawan ng paghuhukom ay maaari kayong ipagsumbong ni Satanas kay Kristo ng ganito: Tui autem christiani, pro quibus crucifixus et mortuus es, ut morti ipsi non timerent, sed essent de resurrectione securi, non solun lugent mortuos voce et habitu, sed etiam ad ecclesiam procedere confunduntur; aliquanti etiam ipsi clerici tui et pastores ministerium suum intermittunt, vacantes luctui, quasi insultantes tuae voluntati (Datapwa't ang iyong mga Kristiyano, na dahil sa kanila'y ipinako ka sa krus at namatay, upang sila man ay huwag matakot sa kamatayan bagkus buong tibay na manalig sa pagkabuhay na mag-uli, ay hindi lamang tinatangisan ang mga namatay sa pamamagitan ng tinig at pananamit, kundi nagkakasagasaan pa sa pagparoon sa simbahan. Marami rin naman sa iyong mga klerigo at tagapastol ang nagsisitigil sa pagganap ng kanilang katungkulan at inaatupag ang paghihinagpis, na para bagang nilalait ang iyong kalooban)."

"Kaya nga, ipangaral ninyo ang relihiyon ng mga pag-asa at ng mga pangako, sapagka't kayo'y lalong nangangailangan ng kapatawaran kaysa sinuman. Huwag kayong magsalita tungkol sa mga kahigpitan at huwag ninyong hatulan ang sinuman; baka kayo'y dinggin ng Diyos at hatulan ng alinsunod sa mga kautusang inyong pinagtahi-tahi. Ikintal ninyong lagi sa inyong ala-ala ang sinabi ni Kristo: Vae vobis Scribae et Pharisaei hypocritae qui clauditis regnum caelorum ante homines: vos non intratis, nec introeuntes sinitis intrare (Sa aba ninyo, mga eskribas at pariseos na mapagbalatkayo at nangagpipinid ng kaharian ng langit sa mga tao; hindi na kayo nakapapasok ay hindi pa ninyo pinababayaang makapasok ang iba). Bawasan ninyo ang kasakiman, at dagdagan ang inyong pag-ibig sa kapwa."

SA GINAGAWA NG MGA PARI SA BAYAN

(Pinagkunan: Ang Katotohanan Para Sa Lahat)

"Sa wakas, ay uulitin naming maraming kabuktutan sa Pilipinas; ang mga nangangalandakang kinatawan ng Diyos at tagapagpalaganap ng kaliwanagan (!) ay hindi nangagpunla ni nangagpupunla ng kabaitang Kristiyano; nagbigay sila, hindi ng pananampalataya kundi ng mga anito at mga pamahiin. Ang bayan, na ikinalulugod nilang bansagang musmos, ay nagkaroon ng masasamang guro, at natuto ng masasamang halimbawa; kung ano ang guro ay siya ring alagad."

SA PAGIGING NASA LAHAT NG DAKO NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Mga Pagkakaiba)

"Upang makapagsalita hinggil sa Pilipinas, ang prayle'y siyang kauna-unahang dapat talakayin sa dahilang ang prayle'y natatagpuan sa lahat ng dako, buhat sa tanggapan ng pamahalaan hanggang sa tampipi ng dukhang nakatago sa sulok ng kanyang dampa."

SA KUNYA-KUNYARIANG PAGMAMALASAKIT NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Ang Pilipinas sa Loob Ng Sangdaang Taon)

"Ang mga prayle noon, dahil sa nais na matatag ang kanilang kapangyarihan sa bayan, ay lumalapit dito at kasamang bumubuo ng isang kilusang laban sa mga katiwalang mapang-api. Mangyari pa, nakikita ng bayan na ang mga prayle ay may higit na pinag-aralan at karangalan, kaya sila ang pinaglalagakan ng pagtitiwala, ang kanilang payo ay sinusunod at pinakikinggan kahit na sa lalong mapapait na araw. Kung sila'y sumusulat ay ipinaglalaban ang mga karapatan ng mga Indiyo at pinaaabot ang sigaw ng kanilang mga pagdaralita hanggang sa lalong malayong baitang ng Trono. At hindi kakaunting mga prayle, mga uldog at mga militar ang nangagsigawa ng mapanganib na paglalayag, bilang mga kinatawan ng bayan, at ang ganito, kalakip ng mahihigpit na pagsisiyasat na ginawa noon sa harap ng mga mamamayan sa kapuluan, sa lahat ng mga nagsisipamahala, mula sa kapitan-heneral hanggang sa kahuli-hulihang nanunungkulan, ay nakaaaliw ng di-kakaunti at nakapagpapanatag ng kalooban ng mga nasaktan, na anupa't nakasisiya, kahit sa turing man lamang, sa lahat ng hindi nasisiyahan."

"Ang lahat ng ito ay nawala. Ang mga mapanudyong halakhak ay nananaos na parang isang lasong makamamatay sa puso ng Indiyong bumubuwis at nagtitiis. Ang mga halakhak na yaon ay lalo pang nakakagalit habang ikinukubli. Ang dating pagkakaalitan ng iba't ibang lalawigan ay pinaram ng iisang sugat na dili iba kundi ang pangkalahatang pag-ayop na ikinulapol sa buong lipi. Ang bayan ay wala ng tiwala sa mga taong noong una'y sila niyang tagapagtanggol, datapwa't ngayo'y siyang humuhughog at pumapatay sa kanya. ANG MGA BALATKAYO AY NANGAWALA NA. Nakita ng bayan na ang pag-ibig at pagkaawang iyon noong nakaraang panahon ay nakakawangis lamang ng pagmamahal ng isang sisiwa, na sapagka't hindi maaaring mabuhay sa ibang dako, ay walang ninanais kundi maging musmos sa habang panahon ang alaga, maging mahina habang panahon ang bata, upang magpatuloy siya sa pagsahod ng kanyang upa at makakain sa gugol ng inaalagaan; namalas na hindi lamang hindi niya pinakakaing mabuti upang lumusog ang bata, kundi ito'y nilalason pa, upang mabansot ang kanyang paglaki, at sa anumang bahagyang pagtutol ng bata ay napopoot sa kanya ang sisiwa! Ang dating pagkukunwang maibigin sa katarungan, ang banal na residencia o hayagang pagsisiyasat sa mga ginawa at inasal ng mga nanunungkulan ay inalis. Nagsimula na ang kabagabagan ng budhi: ang pagmamahal na ipinamalas sa isang gobernador-heneral na gaya ni La Torre, ay naging isang krimen sa pamahalaan ng kanyang kahalili at naging sapat na kadahilanan upang ang isang mamamayan ay mawalan ng kalayaan at ng sariling tahanan; at kung sinusunod ang ipinag-uutos ng isang pinuno, gaya ng kararaan pa lamang na pangyayari tungkol sa pagpapasok ng mga bangkay sa mga simbahan, iya'y sukat na upang ang masunuring nasasakupan ay hamakin at pag-usigin sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang maaaring gawin. Ang mga tungkulin, ang mga buwis at ang mga abuloy ay nararagdagan, at hindi dahil doon ay nararagdagan din ang mga karapatan, ang mga katangian at ang mga kaluwagan, o napamamalagi ang mangilan-ngilang naipagkaloob na. Isang pamamahala ng walang patlang na pagkasindak at pag-aagam-agam ang bumabalisa sa mga kalooban, isang pamahalaang higit pang masama kaysa isang panahon ng tunay na mga kaguluhan, sa dahilang ang mga pangambang nililikha ng guni-guni ay higit na mahayap kaysa mga totohanang kasamaan. Ang bayan ay naghihirap, malaki ang dinaranas na pananalat sa salapi, dinadaliri ng lahat ang mga salaring may kagagawan ng kasamaan, at gayunma'y walang sinumang makapangahas na sila'y pag-usigin!"

"Tunay ngang ang kodigo penal ay lumabas na parang isang patak na lunas sa madlang kapaitan, nguni't ano ang katuturan ng lahat ng kodigo sa daigdig, kung dahil lamang sa isang lihim na suplong, mga kadahilanang walang kabuluhan, mga taksil at walang lagdang sumbong ay pinangingibang-bayan, ipinatatapon ng walang anumang pagsisiyasat, ng walang anumang paglilitis ang sinumang marangal na mamamayan? Ano ang kabuluhan ng kodigo penal na iyan, ano ang kapararakan ng buhay kung walang kapanatagan sa loob ng tahanan, walang pananalig sa katarungan, ni tiwala sa katahimikan ng budhi? Ano ang katuturan ng lahat ng tulayang iyan ng mga pangalan, ng lahat ng buntong iyan ng mga tuntunin ng batas kung ang duwag na sakdal ng isang taksil ay lalo pang makapananaig sa matatakuting pandinig ng kataas-taasang makapangyarihan kaysa lahat ng sigaw ng katarungan?"

SA PAGTUPAD NG DIYOS SA KANYANG PANGAKO

(Pinagkunan: Isang Pag-asa)

"Ngayon, ang bayang Pilipino, bagaman hindi nawawalan ng pananalig sa mga tao, ay nagtitiwala't nananalig sa isang bagay na lalong mataas, sa isang nakakaalaalang lalo, sa isang lalong nakakaalam ng kahalagahan ng katarungan at ng halaga ng banal na pangako. Ang tao'y nilikhang malaya ng Diyos, at pinangakuan ng tagumpay ang nagtitiyaga, ang nakikipagbaka, ang gumagawa ng kabutihan. Ang Diyos ay nangako sa tao ng katubusan pagkatapos ng pagpapakasakit. Tupdin ng tao ang kanyang tungkulin, at ang Diyos ay tutupad naman ng tungkulin Niya!"

SA PAGTUTUWANG NG SUGAL AT NG MGA KAPARAANAN NG RELIHIYON

(Pinagkunan: Tungkol Sa Katamaran Ng Mga Pilipino)

"Kasama ng pagsusugal, na ikinapopoot ang mabagal at mahirap na paggawa dahil sa pangako ng isang madaling pagyaman at dahil sa pang-akit ng pananabik, kasama ng mga ripa o loterya, kasama ng pag-aaksaya ng kayamanan at ng kagandahang-loob sa pagtanggap sa panauhin ng mga Pilipino, ay kasama rin, upang paramihin ang mga kaakbay na ito ng mga kasawiang-palad, ang mga pagdiriwang dahil sa relihiyon, ang maraming pista, ang mahahabang misang inilalagi sa buong umaga ng mga babae, gaya rin ng mga pagsisiyam upang gugulin ang buong hapon, at ang gabi naman para sa mga prusisyon at mga pagrorosaryo. Sabihin ninyong ang kakulangan ng puhunan, ang kakapusan ng mga kaparaanan ay nakapagpapatigil sa lahat ng kilos, at makikita ninyo kung paanong ang Indiyo'y magiging sapilitang tamad, sa dahilang kung may matira man sa kanyang kaunting salapi sa mga paglilitis, mga utang sa buwis, at iba pa, yao'y kailangang ibigay niya sa kura dahil sa mga bula, mga kalmen, mga kandila, mga pagsisiyam at iba pa. At kung ito'y hindi pa nakakasiya sa inyo upang makabuo ng isang kaasalang tamad, kung ang singaw ng lupa at ang kalikasan, sa ganang sarili nila'y hindi pa nakakasapat upang sila'y tuligin at alisan ng buong kasiglahan ay ilagay ninyo, kung gayon, ang aral ng relihiyong nagtuturong patubigan at diligin ang mga bukid sa panahon ng pagkatuyot, hindi sa pamamagitan ng mga tudling kundi sa pamamagitan ng mga misa't panalangin; na alagaan ang kanyang mga hayop sa panahon ng salot sa pamamagitan ng agua bendita, mga panalanging pambugaw ng masamang espirito, at mga pagbasbas na nagkakahalaga ng limang piso bawa't hayop; na itaboy ang mga balang sa pamamagitan ng isang pagpuprusisyong sinasamahan ng larawan ni San Agustin, at iba pa. Walang pag-aalinlangang mabuti nga ang umasa sa Diyos; datapwa't lalong mabuting bawa't isa'y gumagawa ng makakaya at huwag abalahin ang Lumikha sa bawa't sandali, bagaman ang mga pang-aabalang ito'y pinakikinabangan ng mga kinatawan Niya. Namalas nating ang mga bayang lalong nananalig sa mga himala ay siyang lalong tamad, gaya ng mga anak na pinalalayaw ay siyang lalong walang tuto. Kung sila'y naniniwala sa mga himala upang patulugin ang kanilang katamaran o kung sila'y mga tamad sa dahilang nananalig sila sa mga himala, ay hindi namin masabi, datapwa't ang totoo'y hindi gaanong tamad ang mga Pilipino noong ang salitang milagro o himala ay hindi pa naipapasok sa kanilang wika."

SA ISANG DATING MAKARELIHIYON NA NAGISING ANG DIWA

(Pinagkunan: Ang Mga Paglalaban Sa Mga Araw Natin)

"Sa kabilang dako, si Don Leoncio ay siyang kabaligtaran ni Don Rodrigo. Siya'y tinuruan sapul sa kamusmusan, ng pananampalatayang katoliko ng amain niyang isang paring mapag-alaala; pinaraan niya ang pagbibinata sa isang klaustro, sa pagsimsim ng pananampalataya sa mga aklat na mahihiwaga't kaayon ng pananampalatayang katoliko. Walang anumang kuro-kurong maka-agham, walang mga mithiing makabago, walang mga agham ng kalikasan. Sa mga pag-aalinlangan ng kanyang diwa, ang isinagot niya'y ang mga patibay ng pananampalataya; sa paghihimagsik ng kanyang katwiran, ang isinasagot ay ang mga pahayag ng Diyos, at ang mga aral na ipinag-uutos na sampalatayanan; at sa malalakas na pagtutol ng kanyang budhi sa harap ng pagbabasa ng mga nasasaad sa bibliya, na kinikilalang mga salitang galing sa Diyos, ang itinutugon ng amain niya'y ang mga parusa ng langit ang ganap na pagbabawal. Datapwa't namatay ang amain, pumutok ang digmaang panloob ( guerra civil), at walang masandalan; siya'y pumasok na kawal sa ilalim ng watawat ng naghahangad na maging puno, at ipagtatanggol, sa pamamagitan ng sandata, ang mga kaisipan at mga pananalig na natutuhan niya sa mga klaustro. Pagkatapos ng digmaan, nangibang-bayan siyang kasama ni Don Carlos de Borbon sa Pransiya, at sa Britanya'y kinupkop siya ng isang angkang makahari."

"Sa pook na ito ay may nakilala siyang isang manggagamot na ang hinaharap ay ang astronomiya o ang pag-aaral ng mga tanglaw sa langit, at doon, sa pag-aaral ng mga langit, at sa harap ng dakilang aklat ng kalikasan, ay bumagsak na unti-unti, parang mga punong inubos ng anay, ang mga walang kabuluhang kaalamang iniaral ng mga aklat sa klaustro. Doo'y nagsimula siyang mangatwiran; ang pagkamalas sa mga walang bilang na daigdig na umiikot sa paligid ng araw at nananalima sa mga batas na natatakda, ay nagpayanig sa paslit niyang paniniwala sa pamamaraang aral ni Ptolomeo; sa gayon, ang Diyos niya'y unti-unting napagkilalang lalong dakila at kamangha-mangha, ang pangangatwiran ng tao'y inakala niyang siyang titis na ipinagkaloob sa tao ng kadiyusan upang maging tanglaw sa buhay, at ang pananampalataya naman ay ipinalagay niyang tabing na pumapatay sa mga sinag niyaon. Itinakwil niya ang kanyang nakaraan, at pinapagbago siya ng matiyagang pag-aaral. Datapwa't sipiin natin ang kanyang mga pangungusap:

"Sa pagkagunita noon ng mga himala at ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa sinapupunan ni Maria, ay sumusungaw ang ngiti sa aking mga labi. Sa dahilang ang lupa'y isa lamang sa napakaraming planetang lumiligid sa araw at tiyak na hindi naman siyang pinakamalaki ni pinakatangi; sa dahilang ang lupa'y isa lamang sa hindi mabilang na bilog na naglilibot sa kalawakang walang-hanggan, ay hindi maaaring ipalagay na tanging sa kanya lamang may nabubuhay na mga nilikhang may isip at wala ng mga ito sa ibang daigdig, na mayroong lalong malaki o maliit na pang-unawa at lalong marami o kaunting sulak ng damdamin kaysa atin. Inaakala ko pa ring katawa-tawang amining ang Diyos, palibhasa'y nabubuhay Siya't napakalaki ng naaabot, ay makapapayag na bumaba sa bahay-bata ng isang babae upang tayo'y tubusin, at guluhin, alang-alang sa atin, na napakaliit na bahagi ng kalikasan, ang walang pagbabagong mga batas ng sandaigdigan."

Gayunman, sa landas na itong patungo sa kalayaan ng pag-iisip, hindi mamakailang humarap sa kanya ang mga pag-aalinlangan at ang mga dating pananalig upang hadlangan ang kanyang paglakad. Sa katanungang sumurot sa kanyang diwa hinggil sa kung maaaring magkaroon ng kabutihang-asal na hiwalay sa kaisipan ng Diyos, ay mataginting na tumugon ang kanyang budhi:

"Upang pigilin ka sa kasamaan, sa ano kinakailangan mong malamang ikaw ay tinitingnan ng mata ng Diyos, gayong sa akin ay mayroon kang isang hukom na walang likat na nagsisiyasat, humahatol sa iyong mga hangaring lalong nakukubli, at lalo't higit sa iyong mga gawa; gayong ginagawa kong ikahiya mo ang sarili mong mga kaisipan, kahit na hindi mo sinasabi sa iba? Ang mga masasamang hindi mapigil ng aking tinig, ay hindi rin mapipigil kailanman ng tingin ni Jehovah ni ng kay Brahma."

At tumutugon ang kanyang nakaraan: "Ang kabutihang-asal ay nangangailangan ng isang parusang igagawad kung labagin, sino ang makapagpaparusa kung walang Diyos?" Ang pakli ng budhi ay: "Ako, na pumupuri sa iyo dahil sa kabutihang ginagawa mo, at umaaliw sa iyo, kapag dahil sa maling pagkakahatol sa iyo ay sinisiphayo't hinahamak ka; ako, na siya mong ipinagngingitngit at ipinagsisisi kapag masama ang iyong ginagawa, at nilalabo ko ang iyong mga layaw at kasayahan, kung dahil sa pag-aakalang ikaw ay nakagawa ng mabuti, ay pinuputungan ka't ibinubunyi. - At kung ikaw ay sumama? Hindi ako maaaring sumama ng hindi rin sasama ang iyong pangangatwiran; kapag sumama ang dalawang ito, ang isipan sa kabutihan ay kasamang mawawala ng isipan tungkol sa Diyos, sakaling ikaw ay mananatiling sumasampalataya sa Diyos." At idinugtong ni Don Leoncio: "Noo'y naaalala ko ang maraming taong hindi napipigilan ng Diyos, at ang maraming kasalanang ginagawa sa ngalan ng Diyos; at palibhasa'y nararamdaman kong ako'y natalo..."

"At kung bukas ay maramdaman kong ako'y hinihila upang humanap ng kamatayan, maging sa udyok ng karangalan, maging sa pagkapagod sa pagtitiis, maging sa udyok ng isang hangal na kabayanihan, kaya mo ba akong pigilin?" Walang atubiling tumugon ang budhi: "Oo, kapag hindi mo wawaling-halaga ang aking tinig at diringgin ang tinig ng budhi ng madla."

At nagtapos ang tinig sa loob sa pagsasabi ng may malaking katotohanan: "Hindi ko mapipigil na lagi ang kasamaan; nguni't hindi rin laging napigil ito ng pananampalataya sa Diyos ni ng alinmang relihiyon."

SA ILANG BUTAS SA RELIHIYON NG NASARENO

(Pinagkunan: Ang Mga Paglalaban Sa Mga Araw Natin)

"Hindi maitatanggi ang katarungan ng mahigpit na pagpunang ginawa ni Don Leoncio sa aral ni Kristo; tumutukoy ang mga ito sa tao sa dako ng damdamin, at hindi kailanman sa dako ng isipan; sa pagtatagubilin sa atin na dapat magtiwala sa kinabukasan ng di man lamang tinangkang pasiglahin kailanman ang ating lakas; sa pagtatagubilin ng pagsunod at pangangayupapa; sa pagkupkop sa mga salat sa diwa, ng wala isa mang kataga ng pag-ibig sa mga taong itinatalaga ang sarili sa paglinang ng kanilang isip upang maging kapaki- pakinabang sa kanilang mga kapatid, nariyan ang ilang butas sa relihiyon ng Nasareno. "Huwag kayong mabalisa sa kung ano ang inyong kakainin o isusuot bukas; hindi naghahasik, ni nagtatanim, ni nagbabangan ang mga ibon sa langit, gayunman sila'y kumakain; hindi gumagawa ni humahabi ang mga liryo sa parang, nguni't sila'y nagbibihis ng hindi naisuot ni Solomon sa kaningningan ng kanyang kaluwalhatian." Dahil dito marahil, sapagka't kaipala'y pinahihintulutan ang katamaran sa lahat ng mga bayang katoliko at lalo't higit sa Pilipinas, na sa kabagsikan ng panahon ay idinagdag pa ang karamihan ng mga pistang nagbabawal sa paggawa, ang pagsampalataya sa mga himala na nagiging dahilan upang ang lahat ay iasa ng tao sa langit, ng walang ibang pinupuhunan kundi kamangmangan at pagkamapaniwalain; dahil sa aral na ito, marahil, kaya inusig at isinakdal ang mga unang paham sa agham ng kalikasan, ang mga unang tuklas sa pisika ay inaring mga gawa ng diyablo, at dahil din diyan kung kaya ang iglesia katolika ay lagi ng nakikitang walang likat na nakikipaglaban sa pag- unlad."

SA KAYAMANAN NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Kaawa-awang Mga Prayle)

"Kapipigil pa lamang ng isang bangko ng kanyang mga pagbabayad, kalulugi't kababagsak pa lamang ng bangkong New Oriental."

"Malaking pagkalugi sa Indiya, sa pulo ng Mauricio sa timog ng Aprika, mga buhawi't mga sigwa ang tumapos sa kanyang kapangyarihan at sumakmal ng higit sa tatlumpung angaw na piso. Ang tatlumpung angaw na ito'y kumakatawan sa mga pag-asa, pagtitipid, kariwasaan at kinabukasan ng maraming tao at mga kaanak."

"Sa mga lalong napinsala ay maibibilang namin ang kagalang-galang na korporasyon ng mga paring dominiko na nawalan sa pagkakabagsak na ito, ng daan-daang libong piso. Hindi napag-aalaman ang tiyak na halaga sa dahilang napakaraming salapi ang sa kanila'y ipinadadalang galing dito at napakaraming paglalagak ang kanilang ginagawa na kinakailangan ang maraming tagabilang upang tayahin ang napakalaking kayamanang nasa kanilang kamay."

"Datapwa't huwag maghinagpis ang mga kaibigan at huwag ding magdiwang ang mga kaaway ng mga banal na mongheng may panata ng pagpapakarukha. Sa isa't isa'y sasabihin naming maaari silang pumanatag. Ang korporasyon ay mayroon pang maraming angaw- angaw na nakalagak sa mga bangko sa Hongkong, at kahit na bumagsak ang lahat ng ito, at magiba ang libu-libong bahay nilang paupahan, ay lagi ng maiiwan ang mga parokya at asyenda nila, maiiwan pa ang mga Pilipinong lagi ng nakahandang mangilin sa pagkain upang makapagkaloob lamang ng abuloy sa kanila. Ano ba ang apatnaraan o limandaang libo? Mag-abala lamang sila sa paglilibot sa mga bayan-bayan at humingi ng abuloy ay mababawi na nila ang nawala sa kanila. May isang taon ng dahil sa masamang pamamahala ng mga kardinal, ay nalugi ang papa ng labing-apat na angaw na salapi ni San Pedro; ang papa, upang matakpan ang kakulangan ay dumulog sa atin, at sinimot naman natin sa ating mga tampipi hanggang kahuli-hulihang sikapat, sapagka't alam nating ang papa'y maraming pinagkakagastahan: may limang taon na ngayong ipinakasal ang isang pamangkin niyang babae at ang ipinagkaloob na bigay-kaya ay isang palasyo bukod pa sa tatlong daang libong prangko. Gumawa nga kayo ng isang pagpupumilit, mga Pilipinong magaganda ang loob, at tulungan din naman ninyo ang mga dominiko!"

"Tangi sa rito, yaong daan-daang libong pisong nawala ay hindi raw naman kanila, sang-ayon sa sabi: paano nga bang magiging kanila iyon ay sa may panata sila ng pagpapakarukha? Nararapat nga silang paniwalaan, kapag sa hangad na mapagtakpan ang kanilang sarili, ay sinasabing yao'y pag-aari ng mga ulila't mga balong babae. Walang kasala-salang ang isang bahagi ng kayamanang iyon ay nauukol sa mga balong babae at mga ulila sa Kalamba, at sino ang nakakaalam kung yao'y sa mga ipinatapong asawa at pinangangasiwaan ng mga mababait na prayle bilang mga tagapag-ingat lamang upang isauli pagkatapos ng buong-buo pati ng mga tubo pagdating ng araw ng pagbibigay-ulat! Sino ang nakakaalam? May bubuti pa ba sa kanilang paghabilinan ng nasinop na kaunting ari-arian samantalang nag-aalab ang mga bahay, tumatakas ang mga balo at mga ulila, na hindi makakita ng matutuluyan sapagka't ipinagbawal na sila'y patuluyin, samantalang ang mga lalaki'y ibinibilanggo o inuusig? May hihigit pa ba sa mga dominiko sa pagkakaroon ng gayong katapangan, ng gayong kapangahasan, ng gayong pagmamakatao?"

"Nguni't ngayo'y inagaw ng diyablo ang salaping iyon ng mga ulila't balong babae, at nararapat ikatakot na baka agawin pa rin ang nalalabi, sa dahilang kapag nagsimula ang diyablo ay sapilitang tatapusin niya. Masaya kaya ang pinanggalingan ng salaping iyon?"

"Kapag gayon ang nangyari, itatagubilin namin sa mga dominiko na sabihin nila ang gaya ng sinabi ni Job: "Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina (espanya) at hubad din akong babalik doon; ang diyablo ang nagbigay, ang diyablo rin ang kumuha, pagpalain nawa ang pangalan ng Panginoon!"

SA MASAMANG PAKANA NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Ang Maynila Ng Buwan Ng Disyembre Ng 1872)

"Hindi rin naman nawawalan ng isang magiliwing maybahay na sa pagkakaibig na mamuhay ng malinis at tahimik ay isinusumbong ang asawa sa pagka-pilibustero; ito, kung mayaman, ay karaka-rakang hinuhuli, at ang babae'y iniiwang malaya at nag-iisa; kung maralita, ay hindi pinag-uukulan ng pansin, at ang pinakamalaking ginagawa ay ipatapon ng walang anumang paglilitis. Kung minsa'y isang ama, na may isang magandang anak na babae: ang kura ng bayan, kabataang may kainitan ang dugo, ay nakikita sa ama ang isang sagwil para sa kaligayahan ng anak na babaing pinagbabawalang lumagi sa mga sakramento, lalo na sa pinakamabisa sa lahat, ang pangungumpisal; at sa gayon ay ipinatatapon ng mabuting pastor ang tupang iyon, na di na maaaring makabalik pa."

SA PAGGAMOT SA KASAMAAN

(Pinagkunan: Erehe at Filibustero - Noli me Tangere)

"Iba ang pagkakilala ko sa Diyos - sa ganang akin ay hindi nagagamot ng isang kasamaan ang kapwa kasamaan, ni hindi mapapatawad ng dahil sa walang kabuluhang paglunguy-lungoy, ni sa pamamagitan ng kalilimos sa mga simbahan."

SA MGA KABALBALAN NG ISANG BULAG NA MANANAMPALATAYA

(Pinagkunan: Si Kapitang Tiyago - Noli me Tangere)

"Na siya'y kasundo ng Diyos ay hindi maikakaila, halos isang bagay na hindi mapag- aalinlanganan: walang kakatwi-katwirang hindi makakasundo ng mabait na Diyos kapag mabuti ang kalagayan sa lupa, kapag hindi nakikipag-alam sa Kanya kailan pa man, ni hindi siya pinautang kailanman ng salapi. Kailanman ay hindi Siya tinukoy sa kanyang mga pananalangin, kahit na sa lalong malaking kagipitan; si Kapitan Tiyago ay mayaman at ang kanyang salapi'y siya ng nananalangin patungkol sa kanya. Upang tumungkol ng pagmimisa at pananalangin ay lumikha ang Diyos ng mga makapangyariha't mapagmataas na pari; upang magnobena at magrosaryo sa kalakhan ng awa ng Diyos ay lumikha ng mga maralita sa ikabubuti ng mayayaman, mga maralitang sa halagang piso'y laang magdasal ng labing-anim na rosaryo at bumasa ng lahat ng banal na aklat, sampun ng bibliyang Ebreo kung daragdagan ng kaupahan. Kung minsa't sa isang malaking kagipitan ay nangangailangan siya ng saklolo ng kalangitan at walang maapuhap ni isang kandilang pula ng Intsik, ay tumatawag sa mga santo at santa na kanyang pinaniniwalaan, at pinangangakuan ng maraming bagay upang mapilit at mapanalig sa kabutihan ng kanyang mga hinahangad. Nguni't ang lalo niyang pinapangakuan at tinutupad naman ang pangako ay ang birhen sa Antipolo na Nuestra Señora de la Paz y de Buenviaje, pagka't ang ilang santong maliliit ay madalas niyang hindi tuparan ng pangako at hindi niya inuugalian ng mabuti: kung minsa'y matapos na masunod ang kanyang hangad ay hindi na sila naaalaala, kahit tunay namang hindi na sila muling ginagambala magkaroon man ng pangangailangan; alam ni Kapitan Tiyago na sa calendario ay maraming santong nakatunganga at marahil ay walang ginagawa roon sa langit. Saka ang isa pa ay inaakala niyang ang birhen sa Antipolo ay may lalong kapangyarihan at lakas kaysa ibang birhen, kahit na may dalang tungkol na pilak, Niño Jesus na bihis o hubad, kalmen, kuwintas o correa: marahil ay sanhi ng ganito ang kabantugan, na ang birheng iyon ay magagalitin, malingap sa kanyang pangalan, kagalit ng fotografia alinsunod sa sabi ng sakristan mayor sa Antipolo, at saka kung magalit, ay nangingitim na wari'y kamagong, nguni't ang ibang birhen ay may malalambot na puso at mga maawain: lubhang hayag na may mga taong ibig pa sa isang haring walang sinusunod kundi ang sariling kalooban kaysa umaalinsunod sa mga kautusan ng bayan; at kung hindi ay magsabi sina Luis XIV at Luis XVI, sina Felipe II at Amadeo I. Dahil sa bagay na ito rin marahil alinsunod ang pagkakita na lumalakad ng paluhod sa bantog na sambahan ng mga Intsik na hindi binyagan at sampung mga kastila. Ang hindi lamang malinawan ay kung bakit tumatakas ang mga kura na dala ang pananalapi ng kakila-kilabot na larawan, tumutungo sa Amerika at doon nangag-aasawa."

SA KAIBAHAN NG TAPAT NA PANANALIG SA ISANG BULAG NA PANANAMPALATAYA

(Pinagkunan: Ang Baliw O Ang Pilosopong Si Tasyo - Noli me Tangere)

"Ang isang malinis at tapat na pananalig ay naiiba sa bulag na pananampalataya, gaya ng pagkaiba ng lagablab sa aso (usok), gaya ng tugtugan sa kaingayan: mga bagay na pinagkakamalan ng mga tuliro at bingi. Sa ganang atin ay masasabing ang pagkakalagay ng purgatoryo ay mabuti, banal at nararapat, nakapagpapatuloy ng pagkakaisa ng mga yumao na at ng mga buhay, at pumipilit upang mamuhay ng lalong mabuti. Ang masama ay ang pagpapakalabis na ginagawa ng dahil sa kanya."

SA MALING PAGKAKILALA SA DIYOS

(Pinagkunan: Ang Mga Sakristan - Noli me Tangere)

"Ang tao'y isang bagay na maaaring sumipot o dili man at hindi kailangan, at hindi sana dapat na siya'y nilalang ng Diyos na iyon upang sa pagpapaligaya sa isa ay kailanganin ang papaghirapin ang mga daan-daan sa isang kasawiang walang katapusan, at ang lahat ng ito'y dahil lamang sa mga kasalanang minana o nagawa sa isang saglit. Hindi! Kung ang gayo'y totoo, ay sakalin na ninyo ang inyong anak na iyang natutulog, kung ang paniwalang iyan ay hindi isang pagtungayaw sa Diyos na iyan na dapat maging karurukan ng kabutihan, ang Molok ng mga Penisyo, kung gayon, na nangangailangan ng handog na taong pinapatay at dugong walang sala, at sa kanilang tiyan ay sinusunog ang mga batang inaagaw sa kandungan ng kani-kanilang ina, ang mabangis na Diyos na iyan, iyang kakila-kilabot na Diyos na iyan kung iaagapay sa Kanya (sa ating Diyos) ay mag-aanyong isang mahinang binibini, isang kaibigan, ang ina ng sangkatauhan!"

SA KAWALANG-KATUTURAN NG MGA PIYESTA

(Pinagkunan: Kinaumagahan - Noli me Tangere)

"Ang magsaya ay hindi katugon ng gumawa ng kabaliwan! - ang sagot ng matanda - Iyan din ang kaululang pagtatapon sa taun-taon! At dahil sa ano? Itapon ang salapi, gayong maraming kasalatan at pangangailangan! Ah, batid ko na! Iyan ang orgia (malaswang pagsasaya), ang bacanal (kapistahan ng mga hentil sa karangalan ni Baco, ang diyos ng alak), upang masugpo ang hinagpisan ng lahat."

SA MASAMANG DULOT NG PIYESTA

(Pinagkunan: Ang Mag-asawang de Espadaña - Noli me Tangere)

"Nakaraan na ang pista; muli na namang namalas ng mga taong-bayan doon, gaya rin ng ibang taon, na ang kaban nila ay lalong salat, na sila'y napagod, nagpatulo ng pawis at nagpuyat ng hindi nagsaya, di nagkaroon ng mga bagong kaibigan; sa isang sabi, mahal na lumabas sa kanila ang kaguluhan at mga sakit ng ulo. Datapwa't walang kailangan; sa taong darating ay gayon din ang gagawin, gayon din sa isang daang taong susunod, sapagka't ito ang kinaugalian."

SA PAHIWATIG NA IHINTO NA ANG MGA PIYESTA

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Disyembre, 1884)

"...inaakala kong nararapat nating sikaping mabagong unti-unti ang ating mga pinagkaugalian upang maging lalong kapaki-pakinabang. Ikaw, halimbawa, sapagka't ikaw ay pinakukundanganan ng mga taong-bayan diyan, ay siyang maaaring manguna sa pagpapahiwatig ng buong tapang na ihinto na ang mga pagpipista't iba pang bagay na hindi nagbubunga ng madaliang pakinabang, gaya ng mga misa de gracia at marami pang ibang bagay na may gayong uri. Ang salaping napapasok sa ilang kaban ay hindi na muling nagpapaikit-ikit at ang salaping hindi nagpapaikit-ikit ay nakapagbubunga ng karalitaan ng bayan. Tangi sa rito, namamalas nating tayo'y sinisipsip diyan sa lahat ng paraan at ito'y kailangan nating panghinawaan. Naiisip ko kung ang salaping nilulustay sa isang kapistahan ay ginagamit sa mga bagay na kinakailangan ng taong bayan ay mapapakinabangan sana iyon ng malaki."

SA DIUMANO'Y KAKAYAHAN NG MGA PARI

(Pinagkunan: Ang Kalo - Noli me Tangere)

"Nang kasalukuyan ng matandang panahong iyon, ang mga nilikhang ito, ay nakikipag- alam pa sa Lumalang sa kanila (o kung di man tunay ang gayon ay iyon ang kanilang pananalig) sapagka't sila'y may mga kinatawan ng Lumikha, mga taong tangi kaysa iba at kailanma'y kakabit ng kanilang pangalan ang mga makababalaghang titik na M.R.P.Fr. (Muy Reverendo Padre Fray), na ang kahulugan ay pinagtatalunan ng ating mga pantas. Alinsunod sa sabi ng isang di naman lubhang napakapantas nating guro ng mga wika, na walang nalalaman kundi may mga isandaang wika lamang sa mga di-wastong pananalita noong panahong lumipas, ang M.R.P. ay nagtataglay ng kahulugang Muy Rico Proprietario (lubhang mayamang may-ari), sapagka't ang mga tinurang kinatawan ay waring mga diyus-diyusan, mababait, mabuting mananalumpati, marurunong, at kahit na sila'y may malaking kapangyarihan ay pinananaligan ng tao na hindi sila nakakagawa ng munti mang pagkakamali, kahit kailan, bagay na nagpapatibay sa aking paniniwala sa paghahakang sila'y mga taong di- kagaya ng iba. At kung ito'y hindi pa sapat upang magpatibay sa aking sabi, ay mayroon pa akong isang katwiran, na hindi pinabubulaanan ng sinuman at lalo't lalo pang napagtitibay sa bawa't sandali, na ang mga tinurang tao'y nakapagpapababa sa lupa sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagbanggit nila ng ilang salita na hindi maaaring masabi ng Diyos kundi sa pamamagitan ng kanilang bibig, ang Diyos ay kanilang kinakain, iniinom nila ang dugo at di- bibihirang ipinakakain din naman nila sa mga taong karaniwan..."

SA DI-DAPAT NA PAKIKIALAM NG TAO SA GAWAIN NG DIYOS

(Pinagkunan: Malayang Pagkukuro - Noli me Tangere)

"Sinasabi ko nga sa inyong: maging ang Diyos ang tanging Hukom ng mga tao, Siya ang tanging makapagpapasya sa buhay; huwag tangkain kailanman ng tao ang Siya'y halinhan sa gawain!"

SA PANANAMPALATAYA

(Pinagkunan: Mga Usap-usapan - Noli me Tangere)

"...ang pananampalataya ay hindi dapat ipataw sa tao, na kagaya ng isang kaparusahan o isang pagtitikang sapilitang gaganapin..."

SA PAGLIMOT NG MGA TAO SA MGA TUNAY NA TAGAPAGBALITA NG KATOTOHANAN

(Pinagkunan: Ang Prusisyon - Noli me Tangere)

"Sawing kapalaran! - ang bulong ng pilosopong si Tasyo na sa daan nanonood ng prusisyon - walang halaga ang iyong pagiging unang tagabalita ng mabubuting Bagong Aral ni ang pagkakayuko sa harapan mo ni Jesus! Walang halaga ang malaki mong pananalig ni ang iyong mga pagtitipid, ni ang pagkamatay ng dahil sa katotohanan at iyong mga paniniwala: ang lahat ng iyan ay nililimot ng mga tao kapag walang taglay kundi ang mga sariling kabutihan! Mabuti pa ang bumigkas ng masasamang talumpati sa mga simbahan kaysa maging matatas na tinig na nangangaral sa kaparangan, ito ang itinuturo sa iyo ng Pilipinas. Kung pabo sana ang iyong kinain at hindi balang, gumamit ng kasuotang sutla at hindi balat ng hayop, kung sumapi ka sa isang korporasyon..."

SA KAHANGALAN NG DIUMANO'Y MILAGRO

(Pinagkunan: Ang Mag-asawang de Espadaña - Noli me Tangere)

"...pagpawisan ang isang kahoy na ginagawa sanang paa ng bangko ay hindi mumunting kababalaghan..."

SA PAIMBABAW NA PAKITANG-TAO NG MGA PARI

(Pinagkunan: Ang Tinig Ng Mga Pinag-uusig - Noli me Tangere)

"Nalimot na baga ng Pilipinas ang utang sa mga paring iyan? Nalimot na baga ang malaking pagkakautang ng loob sa humango sa kanila sa pagkakamali upang sila'y bigyan ng malinis na pananalig, sa mga nag-ampon sa kanila laban sa mga kalupitan ng mga maykapangyarihan? Ito ang kasamaan ng di-pagpapakilala ng kasaysayan ng bayan!"

Sa pagkabigla ni Elias, ay bahagya ng makapaniwala sa kanyang naririnig.

"Ginoo - ang tugong malumanay at matigas - pinanganlan ninyong walang utang na loob ang bayan, ipahintulot ninyo akong isa sa bayang nagtitiis ay ipagsanggalang ko ito. Ang mga bagay na ginagawa, upang kilalaning utang na loob, ay kailangang maging gawang walang nilalayong pakinabang. Iwan natin sa isang dako ang misyon, iyang kawang-gawang Kristiyano na lagi ng nababanggit; huwag nating tukuyin ang kasaysayan, huwag nating tanungin kung ano ang ginawa ng espanya sa mga Hudyo na nagbigay sa buong Europa ng isang aklat, isang pananampalataya at isang Diyos; kung ano ang ginawa sa mga Arabe na nagbigay sa kanya ng kabihasnan, hindi sumira sa kanyang pananampalataya at gumising sa kanyang damdaming makabayan, na natulog, halos napawi sa panahong ipinaghari ng mga Romano at mga Godo. Binigyan tayo ng pananampalataya, ang wika ninyo, at inalis tayo sa kamalian, tinatawag baga ninyong pananalig iyang mga paimbabaw na pakitang-tao, pananampalataya iyang pangangalakal ng mga correa at kalmen, katotohanan ang mga kababalaghang iyan at mga kuwentong naririnig natin sa araw-araw? Iyan baga ang mga itinuturo ni Hesukristo? Kung dahil lamang sa bagay na ito ay hindi kailangan ng isang Diyos ang papako sa krus ni tayo'y mapilit na magtaglay ng walang katapusang pagkilala ng utang na loob; ang mga maling paniniwala ay sadyang buhay ng malaong panahon, walang kulang kundi ang lalong mapawasto lamang at itaas ang halaga ng mga kalakal. Marahil ay sasabihin ninyo sa aking kahit may malaking kasiraan ang pananampalataya natin sa ngayon ay mabuti kaysa dating pananampalataya; nananalig ako at pumapayag sa gayon, nguni't napakamahal, sapagka't dahil sa kanya ay iniwan natin ang ating pagsasarili; dahil sa kanya ay ipinagkaloob natin sa mga pari ang ating pinakamabubuting bayan, ang ating mga lupaing taniman, at ipinagkaloob pa natin ang ating mga naiipon dahil sa pagbili niyang mga bagay na kailangan sa pagsamba. Ipinasok dito sa atin ang isang bagong pangangalakal, na binili natin sa mabuting halaga, samakatwid, patas na. Kung ang sasabihin ninyo'y ang pagtatanggol sa atin ng laban sa mga tinatawag na encomendero (ang taong pinagkalooban ng kaharian ng karapatang magmay-ari sa lupain at pagkatao ng mga Indiyo) ay masasabi ko sa inyong dahil nga sa kanila'y nahulog tayo sa mga kamay ng mga taong ito; nguni't hindi, kinikilala kong isang tunay na pananalig at isang tunay na pag-ibig sa Katauhan ang nag-aboy sa mga unang misyonero na dumating sa ating mga dalampasigan; kinikilala ko ang utang na loob na dapat nating taglayin sa mga may mararangal na pusong iyon; batid kong ang espanya noon ay maraming magigiting na relihiyoso, politiko, mamamayan at kawal. Datapwa't dahil baga sa ang mga una ay mababait ay papayagan na natin ang mga kasagwaan ng kanilang mga kapanunod na naging mahahalay? Dahil baga sa tayo'y ginawan ng isang kabutihan ay magkakasala na tayo sa paghadlang na tayo'y gawan ng isang kasamaan? Hindi hinihingi ng bayan ang pagpawi, walang hinihiling kundi mga pagbabago na katampatan sa mga bagong kalagayan at mga bagong pangangailangan."

SA GANAP NA KAWALAN NG KABULUHAN NG GAWAIN NG MGA PARI

(Pinagkunan: Ang Angkan Ni Elias - Noli me Tangere)

"Sa ano't naririyan ang mga paring nagbabansag ng kanilang pagkamahabagin at kaawaan? Mahalaga pa ba ang magbuhos ng tubig sa ulo ng isang bata, subuan ito ng asin, kaysa gisingin sa madilim na budhi ng isang salarin, iyang kislap na ipinagkaloob ng Maykapal sa bawa't tao upang tuklasin ang kanyang ikabubuti? Mabuti pa kaya ang samahan ang isang nagkasala sa bibitayan, kaysa siya'y patnubayan sa mahirap na landas ng masasamang hilig na tungo sa kabaitan? Hindi ba bumabayad din ng mga tiktik, mga berdugo at mga guwardiya sibil? Ang mga bagay na ito, bukod sa mahahalay, ay pinaggugugulan din ng salapi."

SA KALASWAAN NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Quidquid Latet, Adparebit, etc. - Noli me Tangere)

"...sa oras na iyon ay hindi niya ikinalulugod ang paglalagay ng kanyang mabutong kamay sa ibabaw ng isang ilong na Kristiyano upang mula roon ay padulasin ng lihim (ayon sa napuna ni Doña Consolacion) sa dibdib ng isang nakaaakit na binibini na yumuyukod sa pag-aantay ng bendisyon."

SA PAGIGING PALAGING NAROROON NG PARI SA BAWA'T SANDALI NG ATING BUHAY

(Pinagkunan: Tawanan-Iyakan - El Filibusterismo)

"Makinig kayo, mga kapatid; ibaling ang inyong paningin sa magandang kapanahunan ng inyong kabataan; tingnan ninyo't siyasatin ang kasalukuyan at itanong ninyo sa sarili ang kinabukasan. May ano kayo? Prayle, prayle, prayle! Isang prayle ang sa inyo'y nagbibinyag, nagkukumpil, dumadalaw ng lubhang masuyo sa paaralan; isang prayle ang dumidinig ng mga una ninyong lihim, siya ang una-unang nagpakain sa inyo ng isang Diyos, ang nagtuturo sa inyo ng landas ng kabuhayan; mga prayle ang una at huling guro ninyo, prayle ang nagbubukas ng puso ng inyong magiging asawa, na inilalaan sa inyong mga suyo; isang prayle ang nagkakasal sa inyo, na nag-uutos na kayo'y maglakbay sa iba't ibang pulo, na binibigyan kayo ng daan upang makapagbago ng singaw at libangan; siya ang naglilingkod sa inyo kung kayo'y naghihingalo at kahi't umakyat kayo sa bibitayan ay naroroon din ang prayle upang kayo'y samahan ng kanyang mga dasal at luha, at makapapanatag kayong hindi kayo iiwan hanggang hindi makitang kayo'y sadyang patay na at bitay. Datapwa't hindi hanggang diyan lamang ang kanyang kaawaan; kung patay na kayo ay pagpipilitang kayo'y mailibing ng buong dingal, makikipaglaban upang ang inyong bangkay ay dumaan sa simbahan, tanggapin ang kanilang mga panalangin, at magpapahinga lamang kapag naibigay na kayo sa mga kamay ng Lumikha, na malinis na malinis dito sa lupa, alang-alang sa mga parusang tinanggap, mga pahirap at mga pagpapakumbaba. Sa pagkakilala sa mga turo ni Kristo na hindi binubuksan sa mayayaman ang pinto ng langit, sila, mga bagong mananakop, mga tunay na kahalili ng Tagapagligtas, ay lumalang ng sari-saring paraan upang alisan kayo ng sala, kuapi (kuwarta) sa karaniwang tawag, di-dinadala sa malayo; lubhang malayo, doon sa tinitirhan ng mga kalait-lait na mga Intsik at mga Protestante, at iniiwang malinis, mabuti, malunas, ang hinihingahan natin dito, sa paraan na kahit ibigin man natin pagkatapos ay wala tayong matatagpuang halagang sikapat na magiging sanhi ng ating ipagkakasala!"

"Oo nga, sila'y kailangan ng ating kaligayahan; kung sa lahat ng dakong dalhin natin ang ating ilong ay matatagpuan natin ang manipis na kamay na gutom sa halik, na sa araw- araw ay lalo pang nagpapatalapya sa sungalngal na dagdag na taglay natin sa mukha, bakit hindi sila suyuin at patabain at bakit hihingin ang kagagawang hindi nararapat na sila'y palayasin? Nilayin sandali ang malaking kakulangang mangyayari sa ating kalipunan kung sila'y mawala! Dahil sa pagka-walang pagal na manggagawa ay pinabubuti at pinakakapal nila ang mga lipi; sa pagkakawatak-watak natin dahil sa mga inggitan at samaan ng loob ay pinagsasama tayo ng mga prayle sa iisang kapalaran, sa isang mahigpit na tungkos, napakahigpit, na hindi na tuloy maigalaw ng marami ang kanilang siko! Alisin ninyo ang prayle, mga ginoo, at makikita ninyong mayayanig ang kapamayanang Pilipino dahil sa kakulangan ng malakas na balikat at mabalahibong hita; ang pamumuhay Pilipino ay makaiinip kung wala ang nakapagpapasayang prayle na mapagbiro at malikot, kung wala ang mumunting aklat, at mga sermon na nakapagpapaihit ng tawa, kung wala ang mainam na pagkakaibayo ng malalaking hangarin sa mga bungong walang kabuluhan, kung wala ang tunay na pagtatanghal, sa araw-araw, ng mga kuwento ni Boccaccio at ni La Fontaine! Kung wala ang mga korea at kalmen, ano ang ibig ninyong gawin, sa haharapin, ng ating mga babae kundi impukin ang salaping iyan at sila'y maging maramot at makamkam? Kung wala ang mga misa, mga nobena at mga prusisyon, saan kayo makakatagpo ng mga pangginggihang kanilang mapaglilibangan? Wala silang tutungkulin kundi ang mga gawaing-bahay at ang pagbabasa nila ng mga kuwentong kababalaghan ay kailangan nating palitan ng mga aklat na wala pa rito! Alisin ninyo ang prayle, at mawawala ang kagitingan, tataglayin na ng bayan ang mga mabuting pamamayan; alisin ninyo ang prayle at mawawala ang Indiyo; ang prayle ay siyang Ama, ang Indiyo ang Verbo; iyon ang artista at ito ang istatwa, sapagka't lahat ng kabagayang taglay natin, ang ating iniisip at ginagawa ay utang natin sa prayle, sa kanyang katiyagaan, sa kanyang kasipagan, sa kanyang pagtatamang tatlong daang taon, upang mabago ang ayos na ibinigay sa atin ng kalikasan! At kung walang prayle at walang Indiyo ang Pilipinas, ano ang mangyayari sa kaawa-awang pamahalaan na mapapaharap sa mga Intsik?"

SA DI-PAGTUPAD NG MGA PARI SA KANILANG MGA IPINANGAKO

(Pinagkunan: Ang Prayle At Ang Pilipino - El Filibusterismo)

"Ang mga prayle, ang kalahatan, sa pagiging tagasiyasat ng pagtuturo sa bayan-bayan, sa mga lalawigan, at ang mga dominiko, sa ganang kanila, sa paglilikom sa kanilang mga kamay ng mga pag-aaral ng kabinataang Pilipino, ay tumanggap ng katungkulan, sa harap ng walong angaw-angaw na mamamayan, sa harap ng espanya at sa harap ng sangkatauhan na ating kinasasamahan, na pabutihin sa tuwi-tuwina ang batang binhi, sa ugali at pangangatawan, upang ilandas siya sa kanyang kaligayahan, lumikha ng isang bayang marangal, malusog, matalino, mabait, marilag at matapat. At ngayo'y ako naman ang magtatanong: tumupad baga ang mga prayle sa kanilang katungkulan?"

"Gumaganap kami..."

"Ah! Padre Fernandez," ang pakli ni Isagani, "kung itututop ninyo ang kamay sa inyong puso ay makasasagot kayong tumutupad, nguni't kung itututop ang kamay sa puso ng inyong kalipunan, sa ibabaw ng puso ng lahat ng mga kalipunang prayle, ay hindi ninyo masasabi ang gayon ng hindi masisinungalingan! Ah, Padre Fernandez, pag nahaharap ako sa isang taong aking minamahal at iginagalang, ay ibig ko pa na ako ang sisihin kaysa sumisi, ibig ko pa ang magsanggalang kaysa sumugat. Nguni't yamang pumasok na tayo sa pagpapaliwanagan ay magpatuloy na tayo hanggang sa wakas! Papaano ang ginagawang pagtupad sa kautangan ng mga nagsisiyasat ng pagtuturo sa mga bayan-bayan? Hinahadlangan! At ang mga tanging may hawak dito ng mga pagpapaaral, ang mga may ibig na mag-ayos ng pag-iisip ng kabataan, na walang ibang makapanghimasok ay papaano ang ginagawang pagtupad sa kanilang katungkulan? Inaawasan, hanggang mangyayaring awasan, ang mga pagkataho, pinapatay ang lahat ng sulak at sigabo, inaaba ang lahat ng karangalan na tanging nagpapakilos sa kaluluwa at itinatanim sa amin ang matatandang pagkukuro, ang mga lipas na karunungan, ang mga maling batasan ng katwiran na di kaagpang ng pamumuhay sa pagsulong! Ah, kung ang nilalayon ay ang pagpapakain sa mga bilanggo, ang pagbibigay ng kakanin sa mga nagkasala ay inilalagay ng pamahalaan sa subasta upang matagpuan ang makapagdudulot ng lalong mabuting pagkain, ang hindi papatay ng gutom sa kanila; pag ang tinutungo ay ang palusugin ang kabataan, ang bahaging lalong mabuti, ang sa huli'y magiging siyang bayan at siyang lahat, di lamang hindi inilalagay sa subasta ng pamahalaan; kundi pinalalagi ang kapangyarihan doon sa kalipunan na nagpaparangya ng pag-ayaw sa ikatututo, ng pag-ayaw sa anumang pagkakasulong. Ano ang wiwikain natin kung ang nagdadala ng pagkain sa mga bilangguan, matapos na makuha sa pailalim na paraan ang kasunduang pagpapakain, ay bayaang manlambot ang kanyang mga bilanggo sa kakulangan ng dugo, dahil sa ang ibinibigay na pagkain ay lahat noong lipas at laos, at pagkatapos ay magdahilang sabihin na hindi nababagay na magkaroon ng mabuting katawan ang mga bilanggo, sapagka't ang mabuting katawan ay nagdudulot ng masasayang kaisipan, sa dahilang ang katuwaan ay nagpapabuti sa tao, at ang tao'y hindi dapat bumuti, sapagka't naaayon sa hangad ng nagpapakain ang magkaroon ng maraming pagkakasala? Ano ang wiwikain natin kung ang pamahalaan at ang nagpapakain ay magkasundo na sa sikolo o labindalawang kuwalta na tinatanggap ng isa, sa bawa't isang may sala, ay tanggapin naman ng isa ang lima?"

Kinakagat-kagat ni Padre Fernandez ang kanyang mga labi.

"Napakatinding sumbong iyan," ang sabi, "at kayo'y lumalagpas sa hangganan ng ating kasunduan."

"Hindi, Padre; patuloy ako sa pagtukoy sa pag-aaral. Ang mga prayle, at hindi ko sinasabing kayong mga prayle, ng lahat ng orden, ay naging pawang tagapagdulot ng aming ikatatalino, at sinasabi nila at inihahayag ng walang kapangi-pangimi, na hindi nararapat na kami'y dumunong, sapagka't balang araw ay hahangarin namin ang maging malaya! Ito'y kagaya noong ayaw palusugin ang katawan ng bilanggo upang huwag bumuti at makaalis sa bilangguan. Ang kalayaan, sa tao'y kagaya ng ikatututo kung sa katalinuhan, at ang pag-ayaw ng prayle na kami'y tumalino ay siyang sanhi ng di namin kasiyahang-loob!"

"Ang karunungan ay ibinibigay lamang doon sa karapat-dapat magtamo," ang pakli ni Padre Fernandez, "kung ipagkakaloob sa mga taong walang matibay na puso at mabuting asal ay hahalay lamang."

"At bakit may mga taong walang matibay na puso at mabuting asal?"

Ikinibit ng dominiko ang kanyang mga balikat.

"Mga kasiraang nasususo na kasama ng gatas, na nalalanghap sa loob ng lipi...Ano ang malay ko?"

"Ah, hindi po, Padre Fernandez," ang biglang bulalas ng binata, "hindi ninyo ginawang tanawin ang kalalim-laliman dahil sa pangambang baka mamalas doon ang anino ng inyong mga kapatid. Kayo ang may kagagawan ng aming anyo. Ang bayang sinisiil ay pinipilit na magtaglay ng balatkayong ugali; ang pinagkakaitan ng katotohanan ay binibigyan ng kasinungalingan; ang naghahari-harian ay gumagawa ng alipin. Walang mabuting aral, ang wika ninyo, kahit na, kahit mangyayaring pabulaanan kayo ng mga talaan, sapagka't dito'y hindi nangyayari ang mga pagkakasalang kagaya ng sa maraming bayang nabubulag sa kanilang palalong taguring nangag-aayos ng ugali. Datapwa't kahit hindi ko hangad ang suriin sa ngayon na kung ano ang bumubuo ng hilig, at sa dahilang natutunggod sa kabutihang- ugali ang aral na tinanggap ay sang-ayon ako sa inyo na kami nga'y may kasiraan. Sino ang may sala sa pangyayaring iyan? O kayong may tatlong daa't limampung taong naghahawak ng aming ikatututo o kaming umaalinsunod sa lahat ng bagay? Kung makaraan ang tatlong daa't limampung taon ay walang nayari ang eskultor kundi isang walang ayos na larawan ay lubhang napakatunggak!"

"O masama ang putik na ginagamit."

"Lalo pang tunggak kung gayon, sapagka't alam na masama pala ay hindi iniiwan ang putik at nagpapatuloy sa pag-aaksaya ng panahon...at hindi lamang tunggak, kundi nagdadaya at nagnanakaw, sa dahilang batid na walang kapararakan ang kanyang gawa ay ipinagpatuloy upang tanggapin ang kaupahan...at hindi lamang tunggak at magnanakaw kundi taksil, sapagka't humahadlang na ang lahat ng ibang eskultor na sumubok ng kanilang kaya upang tingnan kung makakayari ng bagay na may halaga! Kalait-lait na pangingilag ng walang kasapatan!"

Ang tugon ay napakatindi at naramdaman ni Padre Fernandez na siya'y nasilo. Tiningnan si Isagani at namalas niyang malaki, hindi madadaig, namamaibabaw at noon lamang niya naranasan, sa buo niyang kabuhayan, ang pag-aakalang siya'y tinalo ng isang nag-aaral na Pilipino. Nagsisi siya dahil sa kanyang pagkakahamon sa pagtatalo, nguni't huli na. Sa kanyang kagipitan at sa pagkakalagay sa harap ng gayong dapat katakutang kalaban ay humanap ng mabuting kalasag at pinanghawakan ang pamahalaan.

"Ipinapataw ninyo sa amin ang lahat ng kasalanan, sapagka't wala kayong nakikita kundi kaming kalapit," ang sabing ang boses ay wala ng pagmamataas, "talagang gayon, hindi ko ipinagtataka, kinamumuhian ng bayan ang sundalo o ang alguwasil na humuhuli sa kanya at hindi ang hukom na nag-utos ng paghuli. Kayo at kami'y sumasayaw na lahat ng alinsunod sa lakad ng isang tugtugin: kung itinataas ninyo ang inyong mga paa ng sabay sa amin, ay huwag kami ang sisihin kundi ang tugtuging nagtatakda ng ating kilos. Inaakalaa baga ninyong kaming mga prayle ay walang budhi at ayaw kami sa kabutihan? Inaakala baga ninyong hindi namin kayo naaalaala, na hindi namin naaalaala ang aming kautangan at kami'y kumakain lamang upang mabuhay at nabubuhay upang maghari? Maanong magkagayon na nga! Nguni't gaya rin ninyong kami'y sumusunod sa lakad ng tugtugin; kami'y pigipit na pigipit: o palayasin ninyo kami o kami'y palayasin ng pamahalaan. Ang pamahalaan ay siyang nag- uutos, at sa nakapag-uutos ay walang katwiran kundi ang sumunod!"

"Sa bagay na iyan, kung gayon, ay makukuro," ang sabi ni Isagani na nakangiti ng malungkot, "na hangad ng pamahalaan ang aming ikasasama?"

"Oh, hindi, hindi iyan ang ibig kong sabihin! Ibig kong sabihin na may mga paniniwala, may mga palagay at mga kautusan na inilalagda ng mabuti ang layon, nguni't mga kasakit-sakit ang iniaanak. Ipaliliwanag kong lalong mabuti sa pagbanggit ng isang halimbawa. Upang pigilin ang isang munting kasamaan ay naglalagda ng maraming kautusan na nagiging sanhi ng lalo pang maraming kasamaan: corruptisima in republica plurimoe leges (maraming mga batas sa isang napakasirang republika), ang sabi ni Tacito. Upang iwasan ang isang pagdaraya ay naglalagda ng isang angaw-angaw at kalahati na kapasyahang nagbabawal at nakadudusta, na ang iniaanak kaagad ay ang gisingin ang bayan upang iwasan at linlangin ang mga tinurang pagbabawal: upang gawing makasalanan ang isang bayan ay walang mabuting paraan na di gaya ng pag-alinlanganan ang kanyang kabaitan. Lumagda ng isang kautusan, huwag na rito kundi sa espanya, at tingnan ninyo kundi pag-aaralan ang paraan ng paglinlang sa kanya, ang gayo'y sapagka't nalimot ng mga gumagawa ng kautusan ang pangyayari na samantalang ipinakakatago-tago ang isang bagay ay lalo namang pinag- nanasaang makita. Bakit ang masamang gawa at katalasan ay inaaring malaking katangian ng bayang kastila, gayong wala siyang makakapantay kung sa pagkamahal na tao, sa pagka- mapagmataas at sa pagka-maharlika? Sapagka't ang taga-lagda namin ng kautusan, sa loob ng lalong mabuting adhika, ay nangag-alinlangan sa kanyang pagkamahal, sinugatan ang kanyang kataasan at hinamon ang kanyang pagka-maharlika! Ibig ninyong gumawa sa espanya ng isang daanan sa gitna ng mga talampas? Kung gayo'y lagyan ninyo doon ng isang babalang magahasa, na ipinagbabawal ang magdaan, at iiwan ng bayan, na tumututol sa pagbabawal, ang daanan upang mangunyapit sa mga bato. Sa araw na ipagbawal sa espanya ang kabaitan ng isang manggagawa ng kautusan at ipaganap na sapilitan ang kasamaan, sa kinabukasan ay mabait na lahat ang tao!"

Huminto ang dominiko, at pagkatapos ay nagpatuloy:

"Nguni't masasabi ninyong lumalayo tayo sa salitaan; magbabalik ako...Ang masasabi ko upang kayo'y maniwala ay ito, na ang kasiraang tinataglay ninyo ay hindi nararapat na ibintang sa amin ni sa pamahalaan; iyan ay nasa di-wastong pagkakatatag ng aming kapisanan, qui multum probat, nihil probat (iyong nagpapatunay ng maraming bagay ay siyang lalong walang pinatitibayang anuman) na nasasawi sa kahigitan sa pag-iingat, kakulangan sa kailangan at lampas doon sa kalabisan."

"Kung kinikilala ninyo ang mga kasiraang iyan ng pagkakaayos ng inyong kapisanan, bakit kung gayon ay hindi unahin ang pag-aayos ng sariling kapisanan muna bago manghimasok sa pag-aayos ng iba?"

"Napapalayo tayo sa ating salitaan, binata; ang kaparaanang pagsang-ayon sa mga bagay na nangyari na ay dapat tanggapin..."

"Kahit na! Tinatanggap ko, sapagka't isa ng nangyari at patuloy ako sa pagtatanong: bakit, kung ang pagkakatatag ng inyong kapisanan ay may kasiraan, ay hindi ninyo palitan o kaya'y dinggin man lamang ang tinig ng mga napipinsalaan?"

"Nalalayo pa rin tayo: ang pinagsasalitaan natin ay kung ano ang nasa ng mga nag- aaral sa mga prayle..."

"Sapul sa sandaling ang mga prayle ay nagkakanlong sa likod ng pamahalaan ay ito na ang tutunguhin ng mga nag-aaral."

Ang pakli ay makatwiran; sa dakong iyon ay walang lulusutan.

"Hindi ako ang pamahalaan at hindi ko masasagutan ang kanyang mga kilos. Ano ang nasa ng mga nag-aaral na gawin namin, ng dahil sa kanila, sa loob ng hangganang aming kinalalagyan?"

"Huwag humadlang sa kalayaan ng pag-aaral, kundi tumulong pa nga."

Umiiling ang dominiko.

"Kahit hindi ko tutulan ang sarili kong pagkukuro, iyan ay paghiling sa aming kami'y magpatiwakal," ang sabi.

"Hindi po, kundi bagkos na iba, iyan ay paghinging kami'y paraanin upang huwag kayong masagasa at madurog."

"Hum," ang sabi ni Padre Fernandez na huminto at nag-isip, "Simulan ninyo sa paghingi ng bagay na hindi gayong kabigat, isang bagay na maaaring itulot ng bawa't isa sa amin na hindi ikasisira ng karangalan at mga karapatang taglay, sapagka't kung mangyayaring tayo'y magkalinaw at mamuhay ng payapa, ano't magkakagalit, ano't maghihinalaan?"

"Kung gayon ay tutungo tayo sa pagtukoy sa mga kaugnayan..."

"Oo, sapagka't kung tatangkiin natin ang kinatitirikan ay maiguguho natin ang bahay."

"Tutunguhin natin ang mga kaugnayan kung gayon, iwan natin ang kinalalagyan ng mga batayan ng katwiran at hindi rin sasabihin ang sarili kong pagkukuro," at dito'y idiniin ng binata ang salita, "maghuhumpay ang mga nag-aaral sa kanilang inaanyo at mapapawi ang ilang kapaitan, kung ang mga nagtuturo ay matututong pagpakitaan sila ng mabuti kaysa ipinakikita hanggang sa ngayon...Ito'y nasa inyong mga kamay."

"Ano?" ang tanong ng dominiko, "mayroon bagang anumang daing sa aking inuugali ang mga nag-aaral?"

"Padre, sa simula pa'y nagkasundo tayong hindi tutukuyin ni ako ni kayo. Nag-uusap tayo ng pangkalahatan; bukod sa walang napapala ang mga nag-aaral sa mga klase ay madalas pang iwan doon ang bahagi ng kanilang karangalan, kundi man ang lahat."

Kinagat ni Padre Fernandez ang kanyang labi.

"Walang pumipilit sa kanilang mag-aral; ang mga bukirin ay hindi natatamnan," ang matigas na sagot.

"Oo, may bagay na pumipilit sa kanilang mag-aral," ang tugon, na gayon din ang ayos ni Isagani, na pinakaharap-harap ang dominiko, "bukod sa katungkulan ng bawa't isa na hanapin ang kanyang ikawawasto ay may isang likas na nasa ang tao na patalasin ang kanyang pag-iisip, pagnanasang lalong masidhi dito sa dahilang lubhang pinipigil; at ang nagbibigay ng kanyang salapi at buhay sa pamahalaan ay may karapatang hingin dito na bigyan ng liwanag upang kitaing lalong mabuti ang kanyang salapi at maingatang lalo ang kanyang buhay. Opo, padre; may bagay na pumipilit sa kanila, at ang bagay na iyan ay ang pamahalaan din, kayo ring kumukutyang walang habag sa Indiyo na hindi nag-aral at ipinagkakait ang kanilang karapatan, sa pananangan sa sanhing sila'y mangmang. Hinuhubaran ninyo sila at pagkatapos ay kinukutya ang kanilang ikahihiya!"

Si Padre Fernandez ay hindi sumagot; nagpatuloy sa pagyayaot dito, nguni't hindi mapalagay na waring nagugulumihanan.

"Sinasabi ninyong ang mga bukirin ay hindi natatamnan," ang patuloy ni Isagani na iba na ang ayos, makaraan ang isang sandaling pananahimik, "huwag tayong pumasok ngayon sa pagsusuri ng kadahilanan, sapagka't mapapalayo tayo sa pinag-uusapan; nguni't kayo Padre Fernandez, kayong guro, kayo, taong may karunungan, ibig ninyo ang isang bayan ng mga manananim, ng mga magsasaka? Sa ganang inyo baga'y ang pagkamananaka na lamang ang kalagayang lalong wastong maabot ng tao sa kanyang pagsulong? O ibig ninyong mapainyo ang karunungan at mapasaiba ang paggawa?"

"Hindi, ibig kong ang karunungan ay taglayin noong dapat magtaglay, noong makapag- iingat sa kanya," ang sagot, "kapag nagpakita ang mga nag-aaral ng katibayan ng pag-ibig sa kanya; kapag nagkaroon na ng mga binatang may pananalig, mga binatang marunong magtanggol sa kanyang karangalan at maipagalang ito, ay magkakaroon ng karunungan, magkakaroon na ng mga gurong may paglingap! Kung may mga gurong namamaslang ay sa dahilang may mga tinuturuang umaalinsunod!"

"Kapag nagkaroon ng mga guro ay magkakaroon ng mga nag-aaral."

"Kayo ang magpauna sa pagbabagong-ayos, sapagka't kayo ang nangangailangan ng pagbabago, at kami'y susunod."

"Siya nga," ang sabi ni Isagani na malungkot ang ngiti, "magpauna kami sa dahilang nasa dako namin ang kasiraan! Taho ninyong lubos kung ano ang maaantay ng isang tinuturuang humarap sa isang guro: kayo na, na taglay ang buong pag-ibig sa katwiran, ang buong kagandahang-loob, ay nagkakahirap kayo sa pagpipigil ng tinuturan ko ang mapapait na katotohanan, kayong-kayo na Padre Fernandez! Ano ang kabutihang napala ng nagnasang maghasik sa amin ng ibang pagkukuro? At anu-anong kasamaan ang dumagsa sa inyo dahil sa ninasang umugali ng mabuti at tumupad sa inyong kautangan?"

"Ginoong Isagani," ang sabi ng dominiko na iniabot sa kanya ang kamay, "kahit sa wari'y walang lubos na napala sa pag-uusap nating ito, gayunma'y mayroon din tayong kaunting napulot; sasabihin ko sa aking mga kapatid ang inyong mga tinuran at inaasahan kong kahit kaunti ay may magagawa. Ang ipinanganganib ko lamang ay baka hindi mangagsipaniwalang may isang gaya ninyo."

"Iyan din ang pangamba ko," ang tugon ni Isagani na kinamayan ang dominiko, "nanganganib akong baka ang aking mga kaibigan ay hindi maniwalang may isang gaya ninyo, kamukha ng pakikipagharapan ninyo sa akin ngayon."

At dahil sa ipinalagay na tapos na ang salitaan ay nagpaalam ang binata.

SA DI-PAGKILING NG DIYOS SA ISANG DI-WASTONG PAMAMARAAN

(Pinagkunan: Wakas - El Filibusterismo)

"Patatawarin kayo ng Diyos, ginoong...Simoun," ang sabi, "batid Niyang tayo'y anak sa pagkakamali, nakita Niya ang inyong tiniis, at sa pagpapahintulot na matagpuan ninyo ang kaparusahan ng inyong mga sala sa pagtatamo ng kamatayan sa kamay din ng mga iniaboy ninyo ay nakikita natin ang Kanyang walang-hanggang awa! Siya ang sumirang isa-isa sa inyong mga paraan, ang lalong mabubuti ang pagkakabalak, ang una sa pagkamatay ni Maria Clara, makaraan yaon ay dahil sa isang pagkakalingat, at pagkatapos ay isang paraang lubhang mahiwaga...sundin natin ang Kanyang kalooban at pasalamatan natin Siya!"

"Sa ganang inyo," ang mahinang sagot ng maysakit, "ay kalooban Niya na, ang mga pulong ito'y..."

"Magpatuloy sa kalagayang kinasasadlakan," ang dugtong ng klerigo ng makitang ang kausap ay huminto.

"Hindi ko malaman, ginoo; hindi ko mataho ang inaakala noong hindi malirip! Batid kong hindi pinabayaan sa mga mahihigpit na sandali ang mga bayang nananangan sa Kanya, at Siya ang ginawang Hukom ng kanilang pagkasiil; alam ko na ang Kanyang bisig ay hindi nawala kailanman, kapag niyuyurakan na at ubos na ang lahat ng paraan ay humahawak na ng sandata ang sinisiil at nakikipaglaban ng dahil sa kanyang tahanan, dahil sa kanyang mga di- maitatakwil na karapatan, na gaya ng sabi ng makatang Aleman, ay kumikinang ng walang pagkaagnas, at matibay doon sa kaitaasan ng mga walang pagkapawing mga bituin! Hindi, ang Diyos na Siyang katwiran ay hindi mangyayaring magpabaya sa Kanyang layon, ang layong kalayaan na kung wala ay wala namang katwiran!"

"Kung gayon ay bakit ipinagkait sa akin ang Kanyang tulong?" ang tanong ng maysakit, na lipos-hinanakit.

"Sapagka't pinili ninyo ang isang paraan, na hindi Niya masasang-ayunan!" ang sagot ng pari na matigas ang boses, "ang karangalang pagliligtas sa isang bayan, ay hindi kakamtin ng isang nakatulong sa pagpapahirap sa kanya! Inakala ninyong ang dinungisan at sinira ng pagkakasala at kasamaan ay nangyayaring malinis at mailigtas ng isa ring pagkakasala at isa ring kasamaan! Kamalian! Ang pagtatanim ay walang ibubunga kundi kakila-kilabot ang makagagawa ng mga bagay na kahanga-hanga, ang kabaitan lamang ang nakapagliligtas! Hindi kung balang araw, ang ating bayan ay magiging malaya, ay hindi dahil sa masasamang hilig at pagkakasala, hindi sa paraang pasamain ang kanyang mga anak, dayain ang ilan, bigyan ng salapi ang iba, hindi; ang kaligtasan ay may kahulugang kabanalan; ang kabanalan ay pagtitiis at ang pagtitiis ay pag-ibig."

"Siya, tinatanggap ko ang inyong sabi," ang tugon ng maysakit, makaraan ang isang sandali, "ako'y namali; nguni't sa dahilang ako'y namali ay ipagkakait na baga ng Diyos na iyan ang kalayaan sa isang bayan at ililigtas ang maraming lalo pang salarin kaysa akin? Ano na lamang ang kamalian ko sa piling ng mga pagkakasala ng mga namamahala? Bakit pahahalagahan pa ng Diyos na iyan ang aking kabuktutan kaysa mga daing ng napakaraming walang sala? Bakit hindi ako sinugatan at pinapagtagumpay pagkatapos ang bayan? Bakit binayaang magtiis ang gayon karaming mga karapat-dapat at mga tapat na loob at nasisiyahang walang katiga-tigatig sa kanilang paghihirap?"

"Ang mga tapat na loob at ang mga karapat-dapat ay kailangang mangagtiis upang ang kanilang adhika'y makilala't lumaganap! Kailangang iwaksi o basagin ang sisidlan upang humalimuyak ang bango, kailangang pingkiin ang bato upang sumipot ang apoy! Mayroon ding pasya ng kalangitan sa mga pag-uusig ng mga maniniil ginoong Simoun!"

"Alam ko," ang bulong ng maysakit, "kaya nga't inudyukan ko ang mga kabangisan..."

"Tunay, mahal kong kaibigan, nguni't ang lalong maraming sumabog ay ang may taglay na kabulukan! Pinalusog ninyo ang kabulukan sa kapamayanan, ng hindi naghasik ng ano mang adhikain. Sa pagtitiim na iyan ng masasamang hilig ay walang sisipot kundi ang pananawa, at kung mayroon mang biglang sumipot ay hindi mangyayaring hindi kabuti lamang, sapagka't sa bigla-bigla ay walang sisipot sa layak kundi ang kabuti. Tunay nga't ang masasamang hilig ng isang pamahalaan ay makamamatay sa kanya, nguni't pumapatay din naman sa kapisanang pinangyayarihan ng gayon. Sa isang pamahalaan na may masamang hilig ay bagay ang isang bayang walang tuos; sa pangasiwaang walang budhi ay mga mamamayang maninibad at mapangayupapa sa loob ng bayan, nguni't mga tulisan at magnanakaw sa mga kabundukan! Kung ano ang panginoon, ay gayon din ang alipin. Kung ano ang pamahalaan, ay gayon din ang bayan."

Naghari ang sandaling pananahimik.

"Kung gayo'y ano ang nararapat gawin?" ang tanong ng tinig ng maysakit.

"Magtiis at gumawa!"

"Magtiis...gumawa?" ang malungkot na ulit ng maysakit, "ah! madaling sabihin iyan pag hindi nagtitiis...pag ang paggawa ay pinapagkakamit ng gantimpala... Kung hinihingan ng inyong Diyos ang tao ng gayon karaming paghihirap, ang taong babahagya ng makapanangan sa kasalukuyan at nag-aalinlangan sa mangyayari sa kinabukasan; kung nakakita lamang kayo ng gaya ng mga napagkita kong mga maralita, mga kahabag-habag na nangagbata ng katakut-takot na pahirap, dahil sa mga pagkakasalang hindi nila ginawa, mga pagpatay upang mapagtakpan ang sala ng iba o ang di-kasapatan sa panunungkulan, mga kaawa-awang ama na inagaw sa kanilang tahanan upang gumawa ng walang kapararakan sa mga lansangan, na nasisira sa tuwing umaga at waring naglilibang lamang, sa pagsusugba sa mga buo-buong magkakaanak sa karalitaan...Ah, magtiis...! Gumawa...siyang kalooban ng Diyos! Papanaligin ninyo sila na ang kanilang pagkamatay ay siya nilang kaligtasan, na ang kanilang paggawa ay siyang ikagiginhawa ng kanilang tahanan! Magtiis...gumawa...anong Diyos iyan?"

"Isang Diyos na lubhang matapat, ginoong Simoun," ang sagot ng pari, "isang Diyos na nagpaparusa sa kakulangan natin sa pananalig, sa ating masasamang hilig, sa munting pagpapahalaga natin sa karangalan, sa ating pagkamamamayan...Pinababayaan natin at kayo'y nagiging katulong ng masamang hilig, kung minsan pa'y ating pinupuri ang gayon; kaya't dapat, lubhang nararapat na batahin natin ang ibubunga ng gayon at batahin din naman ng ating mga anak. Siya ang Diyos ng kalayaan, ginoong Simoun, na siyang nag-uutos sa ating ibigin ito, at ginagawang maging mabigat sa atin ang pasanin; isang Diyos ng kaawaan, ng pagkakapantay-pantay, na sabay sa pagpaparusa sa atin ay pinabubuti tayo, at ang binibigyan lamang ng mabuting kalagayan ay iyong nararapat bigyan, dahil sa kanyang pagsusumakit; ang paaralan ng pagtitiis ay nakapagpapatibay, ang kaparangan ng tunggalian ay nakapagpapalakas sa mga kaluluwa. Hindi ko ibig sabihin na ang ating kalayaan ay tuklasin sa talas ng sandata; ang espada ay di na lubhang kagamitan sa mga bagong kabuhayan, datapwa't oo, kinakailangang iyon ay ating matamo sa pamamagitan ng pagpapataas ng uri ng katwiran at ng karangalan ng tao, na ibigin ang tapat, ang mabuti, ang dakila, hanggang sa mamatay ng dahil dito, at pag ang isang bayan ay nakasapit na sa gayong kalagayan, ang Diyos ay nagbibigay ng sandata, at lumalagpak ang mga diyus-diyusan, lumalagpak ang mga maniniil na wari'y mga kastilyong baraha at kumikinang ang kalayaan na kasabay ng unang liwayway! Ang ating kasamaan ay sa atin din buhat, huwag nating sisihin ang kahi't sino. Kung nakikita ng espanya na tayo'y hindi lubhang masunurin sa pagpapahirap, at handa sa pakikipagtunggali at pagtitiis ng dahil sa ating mga karapatan, ang espanya ay siya ng una- unang magbibigay sa atin ng kalayaan, sapagka't pag ang bunga ng paglilihi ay dumating na sa pagkahinog ay kahabag-habag ang inang magtangkang doo'y lumunod! Subali't samantalang ang bayang Pilipino ay wala pang sapat na katigasang-loob upang ipahayag, na taas ang noo at lantad ang dibdib, ang kanyang karapatan sa pamumuhay ng lipunan at patibayan ito sa pamamagitan ng mga paghihirap, ng kanyang sariling dugo; samantalang namamasdan natin ang ating mga kababayan, sa kanilang sariling pamumuhay ay magdamdam-hiya sa sariling kalooban, madinig ang sigaw ng kanyang budhi na nagbabalikwas at tumututol, at sa lantarang pamumuhay ay hindi umimik, makisama sa pumapaslang upang kutyain ang pinaslang; samantalang nakikita nating naninirahan sa labis na paglingap sa sarili at pinupuri sa tulong ng pilit na ngiti ang lalong mahahalay na kagagawan, at nagmamakaawang hiningi sa pamamagitan ng tingin, ang isang bahagi ng napala, ano't pagkakalooban sila ng kalayaan? Kasama ng espanya o hiwalay man sa espanya; sila'y hindi mag-iiba at marahil ay lalo pang sasama! Ano ang kailangan ng pagsasarili, kung ang mga alipin sa ngayon ay siyang magiging maniniil bukas? At gayon nga ang kauuwian nila, sapagka't umiibig sa paniniil ang sumasailalim nito! Ginoong Simoun, samantalang ang ating bayan ay hindi pa nahahanda, samantalang tumutungo sa labanan ng nadadaya o naiaaboy, na walang lubos na kaalaman sa gagawin, ay masisira ang lalong matalinong pagtatangka, at mabuti pa nga ang masira, sapagka't ano't ibibigay ang asawa sa lalake, kung hindi lubos na iniirog at hindi nalalaang magpakamatay ng dahil sa kanya?"

SA KAWALANG -SAYSAY NG MGA BENDISYON AT MGA INDULHENSIYA

(Pinagkunan: Liham Ni Dr. Rizal - Madrid; Enero 17, 1883)

"Ngayo'y kapistahan ni San Antonio Abad at ang mga buro, mola, kabayo at iba pang hayop na may dalawa o apat na paa ay naparoon sa kinaroroonan ng larawan ng santo upang dumalaw at sila'y basbasan. Ang mga iyo'y magarang napapalamutihan: aywan ko kung ano ang mahihita ng mga buro sa mga bendisyon at mga indulhensiya, kung totoo, gaya ng sinasabi nila, na ang mga ito'y walang kaluluwa at hindi maaaring magkasala o magtanggol sa Diyos. Sa anu't anuman, darating ang isang mapalad na araw na kahit ang mga bato'y magkakaroon ng isang pintakasing tatangkilik sa kanila. Magpakabihasa kayo riyan at humanap ng isang santo para sa mga kalabaw na magliligtas sa mga ito sa mga pagkukulang at mga buwis. Tularan natin ang mga maka-kabihasnang gawing ito. Naihabilin sa demonyo ng mga taga rito ang kanilang sarili, lalung-lalo na ang mga babae ay mabuti, dahil doon ay mga tao sila at mga hari ng sangnilikha; ang mga hayop ay patatangkilik sa Diyos, pagka't mga hayop sila."

SA KAIPOKRITOHAN NG MGA PARI

(Pinagkunan: Liham Ni Dr. Rizal - Rue de Rennes 124, Paris; Hulyo 20, 1883)

"...kung silang mga pari, mga banal na kinatawan ng Diyos na pumipilit sa ibang ipaalam sa kanila ang mga lihim at umiiwas sa alingasngas; na nagbibitiw ng magaganda't matataas na pangungusap; sila, na ipinalalagay na mga tapat gaya ng mga kalapati at mahinahong gaya ng mga ahas, sila na nagsasalita tungkol sa paggalang sa mga matatanda at pagpipitagan sa libingan, sila, na lagi ng nagsasalita tungkol sa pag-aayuno, sa pananalangin at sa misa, na pinamumutawi sa kanilang mga labi ang Diyos, samantalang nagnanakaw sa dukha kahit isang sikapat upang magpayaman, at nagbabalang magbunyag ng mga kasalanang nagawa noong kabinataan upang hamakin ang maningning na gunita ng isang matandang marunong, na ang mga kamalian kaipala'y tinangisan na niya at hindi naging lalong mapagkunwari kaysa mga nangangahas humatol sa kanya...Ah! ang mga taong walang maiabuloy sa karunungan at sa kabaitan liban sa isang mangmang na dogmatismo at isang magaspang na pagbabalatkayo! Inaakala kong nahuhulaan ko ang mga hamak na pagkapoot ng mga imbi. - Mabuti, malaking kabutihan ang napapala ng mga kurang iyon sa mga misa de gracia; hindi ko malaman kung tatakpan nila ang kanilang pandinig sa langit kung sila'y iakyat doong dala ng kasakiman at kamangmangan."

SA PANANAMPALATAYANG NAKABATAY SA MATUWID NA PAGKUKURO

(Pinagkunan: Liham Ni Dr. Rizal - Madrid; Enero, 1885)

"...ang pananampalatayang ito'y hindi nararapat mabago kahit na suriin at kahit magdaan ang mahabang panahon, at nararapat na maging suliranin ng pag-iisip sa halip na suliranin ng puso; huwag tayong magsumakit na mabuhay sa mga paraya at mga kabulaanan. Kung anuman ang sinasampalatayanan ko ngayon ay sinasampalatayanan ko dahil sa napagkuro-kuro ko, at ito'y sapagka't hindi matatanggap ng aking budhi kundi iyon lamang naaayon sa matuwid na pagkukuro. Maaaring itungo ko ang aking ulo sa isang mahiwagang bagay, tuwing ito'y nagbubuhat sa isang tunay na pangyayari, nguni't hindi kailanman sa isang bagay na baligho, ni sa isang maaaring mangyari lamang. Ang relihiyon, sa ganang akin, ay siyang pinakabanal na bagay, pinakawagas, pinakamahiwaga, kaya't walang anumang kamaliang inihalo ng tao, at inaakala kong ako'y magkukulang sa aking tungkulin, maging taong nag-iisip, kung tatalikdan ko ang aking pangangatwiran at tatanggapin ang kabalighuan. Naniniwala akong hindi ako parurusahan ng Diyos kung sa pagsisikap kong siya'y makilala ay kinakasangkapan ko ang aking katwiran at pang-unawa, na siyang mga pinakamahahalagang mga biyaya Niya; naniniwala akong upang Siya'y lalong maparangalan, ang tanging magagawa ko'y humandog sa Kanya at gamitin sa lalong mabuting paraan ang pinakamahalagang bagay na ipinagkaloob Niya sa akin, katulad din ng kapag ako'y humahandog sa mga magulang ko, ay isinusuot ko ang pinakamagandang damit na ibinigay nila sa akin. Sakaling dumating ang panahon na magkamit ako, kahit na katiting, niyong liwanag na maka-Diyos na tinatawag na agham, ay hindi ako mag-aatubiling gamitin iyon sa paglilingkod sa Diyos, at sakaling sa pangangatwiran ko'y makagawa ako ng isang pagkakamali, mahulog ako sa isang pagkabigo, ay hindi ako parurusahan ng Diyos..."

SA BUTIHING DIYOS

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Daang Jager 71, Berlin; Disyembre 3, 1886)

"Ikaligaya ang lahat ng ipinadadala sa atin ng butihing Diyos sa buhay na ito, ipagsaya natin ang liwanag, ang hangin, ang lahat ng biyayang ipinagkakaloob Niya sa atin. At sa akala ko'y nararapat ding masiyahan doon sa itaas ang butihing Diyos kapag namamalas Niyang ang Kanyang mga nilikha'y nasisiyahan at nalulugod sa mabubuting bagay na Kanyang ipinagkaloob sa kanila; walang iniwan sa aking ama, na natutuwa kapag namamalas niyang ang kanyang mga anak at apo ay masasaya, nagtatawanan at iniiwang malinis ang mga pinggan sa hapag na kainan sapagka't hindi ako makakapaniwalang ang Diyos ay katulad ng mga mapagmataas na taong masasakim na naghahandog ng masaganang piging, datapwa't ayaw pakanin ang mga panauhin ng pabo ni hamon kundi panay na asin at kanin, at lalong ikinasisiya kung sila'y hindi tumikim ng anuman. Ito, samakatwid, ang lagay ng aking pag-iisip, na siyang naaayon sa pilosopiya at sa iniaaral ng kalikasan; patawarin nawa ako ng Diyos kung gayon ang aking paniwala, sapagka't iyon ang pinakamabuting maiisip ko tungkol sa isang butihing ama. Dahil dito'y nahahabag ako sa mga mababait na mga benediktino at kartuho ng unang panahon kapag nababasa ko ang mga kasaysayan (kuwento ?) ng kanilang mga pagpapakasakit; sa katunayan, kung ako ang Diyos, ay hindi ko sana sila pinakain at pinainom bagkus pinadalhan ko pa sila ng galis, rayuma at iba pang nakamumuhing sakit, upang sa gayo'y magbata sila sa lahat ng sandali ng kanilang walang kasaysayan at malungkot na buhay. Gayunman, ay sinasabing sila'y nagkaroon ng maraming iba't ibang sakit datapwa't ang mga ito'y bunga ng karumihan ng kanilang tinitirhan at hindi ang Diyos ang nagpadala sa kanila, sapagka't ang Diyos ay hindi dumi, ni hindi Siya nagpapadala ng sakit kung paniniwalaan natin ang banal na aklat ng mainiping si Job. Sapagka't mapagwawari ninyong si Job ay hindi nagsimpan ng malaking pagtitiis. Totoo ngang tiniis ng taong iyon ang pagkamatay ng kanyang mga anak at ng kanyang mga hayop, datapwa't hindi niya mabata ni ang pagkakasakit ni ang pagkutya ng kanyang mga kaibigan, at pinakasumpa-sumpa niya ang araw ng pagkakapaglihi at pagkapagsilang sa kanya, at ang bagay na ito'y hindi ginagawa kailanman ng ...kahit na noong ako'y ginalis, ni noong mga sandaling ako'y hinihiluran ng pinagguguan, o ubas ng gugo na hindi ko ikinasiya kailanman, ni noong nakinig ako sa pangangaral ni Pari Cueto sa loob ng dalawang oras tungkol sa Santisima Trinidad, ang paksang ito'y siya ng lalong kainip-inip, na maaaring ipangaral sa buhay na ito. Hinahamak ni Pari Cueto ang mga kaibigan ni Job kapag siya'y nangangaral. Datapwa't kailanman ay hindi ko isinumpa ang pagkakapaglihi sa akin, ni hindi ko rin naman tinawag si Pari Cueto na "isang nakakamuhing tao," "walang isip," ni hindi ko siya pinagsabihang tumigil sa kanyang ginagawa, gayong ako'y bata pa noon at ako ang lalong walang pagtitiis at lalong masalita at matabil sa ipinanganak sa Kalamba, sapagka't kahit pinakamaliit na bagay ay sinasabi ko. Maliwanag, samakatwid, na si Job ay hindi isang taong sukdulan ng pagtitiis ni isang santo, gaya ng pinaniniwalaan; ang lahat ng nagsasabing "pagbabata ni Job," ay hindi nakabasa ng aklat ni Job, at sakaling nabasa nila ay hindi nila nauunawaan ang wikang ginamit sa pagkakasulat niyon, at maraming iba pa."

SA PAKINABANG NG MGA PRAYLE

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - Leipzig; Agosto 22, 1886)

"Hindi ko lilimutin ang inyong paalaala tungkol sa relihiyon. Inaamin kong nakagawa ang mga prayle ng maraming kabutihan, o sakaling hindi gayon ay ninais man lamang nilang gumawa ng mga iyon. Datapwa't ipahintulot ninyong sabihin kong malaking di-sapala ang tinamo nilang pakinabang sa kanilang mga paglilingkod, unang-una'y sapagka't tinatanggap nila ang mga kayamanang-lupa, at pagkatapos ay ang mga kayamanang-langit din; at sapagka't sa katotohana'y ipinagpalit nila ang mga kayamanan ng langit sa mga lupa ng aming mga nuno, bagaman ang buhay sa lupa...ay hindi siyang tunay na buhay-Kristiyano, at gayon ma'y nararapat kaming mabuhay na gaya ng ibang tao."

SA ARAW NG PAGSILANG NI KRISTO

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 37 Chalcot Crescent, Primrose Hill, N.W.; Dis. 25, 1888)

"Kung sa araw ngang ito o hindi sa araw na ito isinilang si Kristo, ay hindi ko nalalaman; datapwa't ang katumpakan ng araw ay walang pakialam sa kasaysayan ng mga nangyari sa gabing ito. Isinilang ang isang Dakilang Wani (genius) na nangaral ng katotohan at pag-ibig; nagdalita alang-alang sa kanyang tungkulin, datapwa't dahil sa mga hirap na kanyang tiniis, ang daigdig ay napabuti, kung di man naligtas. Dangan na nga lamang at nakasusulasok sa akin ang pagkakamalas na nagpapakalabis ang ilang tao sa pagsangkalan sa kanyang pangalan upang gumawa ng maraming kasalanan. Tiyakang masasabi kung siya'y nasa langit ay tututol siya!"

SA PAGSANGKALAN AT PAGMAMALABIS SA RELIHIYON

(Pinagkunan: Liham ni Dr. Rizal - 45 Daang Maubenge, Paris; Enero 20, 1890)

"Ninanais kong patamaan ang mga prayle, datapwa't sapagka't ang mga prayle'y nagkakanlong sa relihiyon, hindi lamang bilang isang kalasag, kundi parang isang sandata, isang panangga, kastilyo, moog, baluti, at iba pa, ay napilitan akong tuligsain ang kanilang relihiyong bulaan at mapamahiin, upang mabaka ang kaaway na nangungubli sa likod niyon! Kung ang mga Troyano ay naglagay ng isang malaking Pallas Athenae sa ibabaw ng kanilang moog, at buhat doo'y nakipagbaka laban sa mga Griyego sa pamamagitan ng kanilang mga pana at mga sandata, ay inaakala kong sinalakay din sana ng mga Griyego ang Pallas Athenae. Hindi nararapat kasangkapanin ang Diyos, bilang kalasag at tagatangkilik ng mga pagmamalabis, at lalong hindi nararapat gamitin ang relihiyon para sa gayong hangarin, kung ang mga prayle'y tunay na nag-aangkin ng lalong malaking paggalang sa kanilang relihiyon, ay hindi sana nila ginamit ng gayon kadalas ang banal na ngalan niyon, at hindi sana nila inilantad sa kalagayang napakamapanganib. Ang nangyayari sa Pilipinas ay kakila-kilabot; sinasangkalan at pinagmamalabisan ang relihiyon dahil sa ilang piso; ipinangangaral ang relihiyon upang payamanin ang kanilang mga ari-arian; relihiyon upang akitin ang dalagang walang malay; relihiyon upang maipapatay ang isang kaaway; relihiyon upang ligaligin ang kapayapaan ng mag-asawa at ng mag-aanak, kung hindi man ihapay ang puri ng babaing may asawa! Bakit hindi ko babakahin ang relihiyong ito ng aking buong lakas, gayong ang relihiyong ito'y siyang pangunahing dahilan ng lahat naming tinitiis at mga luha? Ang pananagutan ay lumalagpak doon sa mga nagmamalabis sa ngalan niya! Gayon din ang ginawa ni Kristo sa relihiyon ng kanyang bayan, na pinagmalabisan ng gayon na lamang ng mga Pariseo!"