Cyber Sambahan

Usap Diwa ni Alvaro del Mundo

March 2001

 

March 04, 2001

KAALAMAN

Ako ay nagtatrabaho sa isang eskwelahan at paminsan minsan ay may nakakasalamuha akong mga estudyanteng kumukuha ng masters o doctoral degree. Napapansin kong medyo mapagmataas ang mga ito, at ang iba naman ay maiikli ang pasensya, bagamat hindi naman lahat. Sila ang mga taong ayaw pumila tuwing enrollment at sila rin ang mga taong madalas na magreklamo. Marahil ay ito ang epekto ng may mataas na pinag-aralan.

Kung sino ang nakakaunawa syang dapat na magpakumbaba. Gaano na ba ang kaalaman mo patungkol sa Diyos? Saan mo ginagamit ito?

Basahin: Santiago 3:13

 

March 11, 2001

CLONING

Madalas nating naririnig sa panahong ito ang salitang cloning ito daw ang pagkopya ng isang hayop o tao upang makagawa ng katulad nito sa madaling salita ay parang kakambal. Hindi bat may mga nababalitaan na tayong mga siyentipikong nag sasaliksik patungkol dito? Sa ngayon ay masasabi nating ito'y isang pantasya lamang ngunit katulad ng isang pantasya maaari itong magkatotoo.

Nais ng tao na ang lahat ng maisip nya'y magkatotoo, nais ng tao na ang lahat ng sabihin nya'y magkatotoo. Nais ng tao na makuha ang katangian ng Diyos. Ikaw gusto mo bang maging Diyos?

Basahin: Genesis 11:6-8

 

March 18, 2001

PLANO

Insurance, pension plan, educational plan, memorial plan at kung ano ano pang plan. Marami tayong makukuhang benepisyo dito sa mga darating na panahon at ito'y isa naring uri ng paghahanda para sa ating mga mahal sa buhay. Ngunit maraming tao ngayon ang hindi na iniisip ang kinabukasan dahil sapat lang o marahil ay kulang pa kinikita nila sa isang araw,ang mahalaga sa kanila ay ang mabuhay ngayong araw na ito.

Kung sakaling mamatay ka iniisip mo ba kung saan ka ililibing, iniisip mo ba kung anong mangyayari sa iyong pamilya? May tiwala ka ba sa Diyos?

Basahin: Mateo 6:34, Exodus 16:20

 

March 25, 2001

CELLPHONE

Halos lahat yata ng nasa opisina ay naka cellphone na, mismong janitor namin habang nag wawalis ay hawak ang cellphone at hindi mo maistorbo sa kakapindot. Para sa akin ay malaki ang naitulong nito sa komunikasyon ng bawat isa.

Nag-ipon ako para makabili nito, nang makabili ako nagka-problema ako dahil wala pa akong ka text ng magkaroon na ako ng ka text nagka-problema ako kung saan ako kukuha ng pambili ng cellcard at ngayon naman ay na-eenganyo akong bumili ng mga accessories.

Kailangan mo ba talaga ng cellphone o kailangan ka ng cellphone mo?

Basahin: Roma 13:14