Cyber Sambahan

Usap Diwa ni Alvaro del Mundo

January 2001

January 07

Bagong Taon

Pagkatapos ng bagong taon unang pasok sa eskwela, pinasulat kami ng aming guro kung ano ang aming gustong baguhin ngayong bagong taon, ang tawag daw dito ay new year's resolution. Unahan at paramihan, halos mapuno ang aming sinusulatang papel.

Bagong taon ay mag bagong buhay, sinubukan nya, sinubukan nila, sinubukan mo, sinubukan ko, sinubukan nating lahat ngunit hanggang umpisa lang at bihirang bihira ang nag-tatagumpay. Nandoon ang kagustuhang magbago pero matindi pa rin ang hatak ng maimpluwensyang mundo. Isa na namang bagong taon, taon na lang ba ang laging magbabago?

Basahin: Roma 6:4

 

January 14

May kapansanan ba?

Madalas tayong makakita ng mga taong kulang ang bahagi ng katawan ngunit sinisikap pa rin nilang mapunan ang kakulangang ito sa pamamagitan ng paggamit ng ibang bahagi ng kanilang katawan. Mayroong nagpipinta na gamit ang bibig o paa, pilay na gamit ang kamay sa paglalakad, pipi na ang gamit sa pag sasalita ay kamay.

Kung ikaw ay isang paa nais mo bang gawin ang gawain ng kamay? Kung ikaw ay isang kamay nais mo bang gawin ang gawain ng mata o ng dila? May ginagawa ka ba na hindi mo dapat gawin? Baka naman ayaw mong gawin ang dapat mong gawin kung kaya't iba ang gumagawa.

Basahin: 1 Cor. 12:17-18

 

January 21, 2001

Narating mo na ba?

Kung tayo ay nagbabalak na magbabakasyon o mag outing nagmumungkahi tayo sa ating mga kasamahan ng mga lugar na napuntahan na natin, at sinisigurado natin na ang ating iminungkahi ay isang magandang lugar upang ang lahat ay mag enjoy. Kapag hindi maganda ang lugar na iyong iminungkahi ay paniguradong sa iyo ang bagsak ng lahat ng sisi.

Narating mo na ba kung saan pwedeng magpuri sa Diyos? Narating mo na ba kung saan pwedeng makipag-usap sa Diyos? Narating mo na ba kung nasaan ang presensya ng Diyos? Narating mo na ba kung saan mo kami dinadala?

Basahin: Lucas 6:39

 

January 28, 2001

EDSA

EDSA revolution o People Power, ngayon naman ay People Power II, ito ang pamamaraang ginawa ng karamihan sa ating mga pilipino kasama pa ang iba nating kapatiran upang patalsikin ang mga namumuno sa ating pamahalaan. Ipanalangin natin na wala ng kasunod ang pag aaklas na ito at nawa'y maging maayos na ang ating bayan sa pamumuno ng bagong presidente.

Sino ba ang napapurihan sa naganap na People Power II? May bahagi ba dito ang rebulto na nakatayo sa may EDSA? Kung magkakaroon na naman ng problema ang ating bansa tungkol sa pamunuan saan sila tatakbo, sa tunay na Diyos ba o sa diyos na nasa EDSA?

Basahin: 1 Samuel 10:18-19