Site hosted by Angelfire.com: Build your free website today!
 
Sa Ngalan ng Ina, ng Anak,
ng Diwata't Paraluman
Lilia Quindoza Santiago
 
After EDSA
 
 
Kabiyak lamang daw ako nang isilang,
Isang sugat na ang lunas ay nasa kamay
Ng katuwang. Dinagit ng isang ibon,
Ipinutok ng kawayan, ililatag
Sa sanlibutan ang ganda kong walang muwang,
Walang lakas noong unapaman.

Anino akong laging nakapuwang
Sa pagitan. Walang bakas.
Nakaangkas lamang ako sa yapak ni Malakas.
Ang katauhan ko'y hinahati-hati
Ng tahanan at larangan, ang tinig
Ay malimit nakakalutang sa kawalan.

Sang-ayon sa mga ama,
Ako raw ang nag-aruga sa kadakilaan.
Sa sinapupunan ko nagmula
Ang bayani ng Mactan, Pugadlawin at Mendiola.
Ako ang nagburda sa iwinagayway na bandila,
Kasama rin akong sumangga sa mga punglo ng digma.

Diwata ako ng bawat pakikibaka,
Paraluman ng himagsikan,
Lakambini ng Katipunan,
Musa ng insureksyon,
Mutya ng digmaang-bayan.
Sa kandungan ko nalulunasan ang mga sugatan
Ngunit ako'y walang kasaysayan.

Nagluluwal ako ngunit hindi nabubuhay.
Pinagbubuntis ko ang palay,
Pinalalabay ang mga halaman,
Pinatatayog ang niyog
Pinatitibay ang abaka
Pinatitimyas ang asukal.

Habang naghahayuma,
Umaamot ako ng awa sa buwan at alon
Upang biyayaan ang namamalakaya.
Inaamo ko rin ang ulan at hangin
Upang maigiya ng tikin
Ang nahuling isda patungong baybayin.

Sinusunong ko ang bilao ng tagsalat,
Nagbabasag ng banga sa pagsalok ng dalita.
Isinugukbit ko ang karit
Kapag nagbabanta ang pangangamkam,
Ipinapandong ko ang hapis
Kapag yumayao ang kasaganaan.

Palad ko ang naghahain
Gumiling lang ang parika…
Kamao ko ang kumukuyom
Sa sahod na di magkasya.
Nagrarasyon ako at nag-oorasyon
Magtagumpay lamang ang welga.

Lahat ng ito'y walang lagda sa gunita.

Ngayon, halimbawa'y di na ako
Ang masuyong perlas ng silangan.
O ang birheng matimtiman.
Sinisisid na ng kalakal ang pusod
Ng aking dagat. Dinadayukdok ng dayuhan
Ang buo kong kapuluan.

Dapat ba akong manatiling namamaybay sa patlang?

Ayaw ko nang maging kaulayaw ng unan o ng sandok,
Ayaw ko nang mamalaging kalaguyo sa atrasan.
Ang nais ko ngayo'y lunasan ang kinagisnang sugat,
Tanganan ang palad, kumalabit ng gatilyo
Gulantangin ang katahimikan ng mga siglo.

Nais kong baguhin ang mga alaala.
Nais kong baguhin ang mga alaala.

Magbabanyuhay ako bilang isang Babaylan
Upang awitan ang mga inang walang kibo;
Ang hihimigin ko'y kundiman ng mga sulo
Kuwintas na parangal sa mga minartir ng kabaro;
Sa gitna ng larangan, ako'y magsisilang ng uyayi
Na aawitin sa mga supling ng malayang mundo.

Kaya, sa ngalan ng ina at anak,
Sa ngalan ng mga diwata't paraluman,
Iadya ako sa paglibak ng minulan,
Basbasan ang aking pagsalakay sa karawagan,
Pagpalain nawa ako sa taimtim na paglaban
Ngayon, hanggang katubusan.

Sa ngalan ng ina, ng anak, ng diwata't paraluman.
     
To print or copy, highlight the selection and right-click using your mouse.
     
 
Back to Poetry - Index Philippine Literature Home Page
     
Everyone is free to copy and print from this site provided that the original works of the Filipino authors remain unharmed...